Miyerkules, Disyembre 25, 2019

Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio


ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay.

Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon?

Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala:

"Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang Monika at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak si Andres Bonifacio na hindi naman malaman kung buhay pa o patay na."

"Ang ikalawang kinasama at pinakasalan ni Andres Bonifacio ay nagngangalang Dorotea Tayson. Ito ay hindi rin nababanggit sa mga kasaysayan niyang nagsilabas na. Nang mamatay ito ay napakasal uli kay Gregoria de Jesus na siyang nakasama niya sa pamumundok at nakahati sa kahirapan."

"Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca. Nang makilala ni Andres Bonifacio si Genoveva ay tumutuntong lamang ito (ang babae) sa gulang na 22 taon. Maging ang ina at ang anak ay kapuwa buhay pa, ayon kay Dr. Bantug. Si Francisca ay naninirahan ngayon sa Irosin, Sorsogon at makalawang magkaasawa, ang una'y namatay at ngayo'y muling napakasal kay Roman Balmes."

Libog ang dating pangalan ng bayan ng Santo Domingo ngayon sa Albay, na kaiba sa bayan ng Libon, sa Albay din.

Walang nabanggit sa nasabing aklat na may anak si Andres Bonifacio kay Gregoria de Jesus. Subalit sa ulat ng GMA Network, ayon umano sa historyador na si Xiao Chua, "Bukod sa kasal sa simbahan sa Binondo, nagpakasal din sina Andres at Gregoria sa ritwal ng Katipunan kung saan kinilala ang kaniyang maybahay bilang "Lakambini" ng Katipunan. Nagkaroon ng anak na lalaki sina Andres at Gregoria pero namatay din sa sakit nang bata pa."

Sa madaling sabi, lima ang naging anak ni Gat Andres Bonifacio: tatlo kay Monika, walang nabanggit na anak kay Dorotea Tayson, isa kay Genoveva Bololoy, at isa kay Gregoria de Jesus.

Mga Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935


Sabado, Disyembre 21, 2019

Paano mo tatanggaping umiral pa rin ang nakitang mali?

PAANO MO TATANGGAPING UMIRAL PA RIN ANG NAKITANG MALI?
Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr.

Paano mo masasabing isinilang ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Disyembre 18, 1986, habang sa kasaysayan niya'y sinasabing isa siya sa nangampanya at kumilos upang maitayo ang Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP) na naisabatas noong Disyembre 8, 1986, sampung araw bago itatag ang KPML?

Isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, isinabatas ang PCUP sampung araw bago isilang ang KPML. Isa ang KPML sa nangampanyang magkaroon ng PCUP? Kuha mo? Mali ang pagkakasulat ng kasaysayan, di ba?

Ang batayan ay ang petsa ng pagsasabatas ng PCUP, na nilagdaan noong Disyembre 8, 1986. Klaro iyon. Batas iyon. Isinilang ang KPML sampung araw matapos maisabatas iyon. At naisabatas na ang PCUP nang sinasabi ng KPML na isa siya sa nangampanyang maisabatas iyon, gayong may PCUP na nang siya'y isilang. Kuha mo ba? Hindi ba't may mali ang kasaysayan. Paano ka uusad kung may mali sa kasaysayan? Paano mo tatakpan ang iyong mata at ipagwalang bahala na lang ang nakita mong mali sa kasaysayan?

Maaari namang hindi na natin banggitin sa Oryentasyon ng KPML na isa tayo sa dahilan kung bakit naitatag ang PCUP. Subalit paano mabubura ang kasaysayan kung tinukoy ang KPML na nakipag-usap noon kay Pangulong Cory Aquino noong Abril 1986, at noong Disyembre 8, 1986, ay naisabatas ang panawagan nilang magkaroon ng PCUP. Nilagdaan ni Pangulong Cory Aquino ang Executive Order No. 82, sampung araw bago maitatag ang KPML.

Balikan natin ang kasaysayan. Nakasulat sa Oryentasyo ng KPML ay ganito:

"C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod."

Muli, ang batayan natin ay ang pagkakatayo ng PCUP noong Disyembre 8, 1986. Basahin nating muli: "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP)..."

Ito naman ang nakasulat sa kasaysayan ng PCUP na binabanggit ang KPML:

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”. Nakakuha ako ng dalawang pahinang dokumento ng Executive Order 82, na nag-aatas ng pagtatayo ng PCUP, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino, na may petsang Disyembre 8, 1986.

Abril 10, 1986 pa lang ay may KPML na, ayon sa dokumento ng PCUP. Kaya paanong naging Disyembre 18, 1986 saka lang nabuo ang KPML? 

Kaya sa Oryentasyon ng KPML na nagsasabing "sa kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML sa naghain ng People's Proposal sa Malacañang. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP)..." Noong 1987 ba naitayo ang PCUP batay sa Oryentasyon ng KPML? O ang mismong EO No. 82 na nagtayo ng PCUP na may petsang Disyembre 8, 1986 ang dapat nating pagbatayan?

Kung nakita natin ang mali sa kasaysayan, papayag ba tayong magpatuloy pa ang kamalian? Paano natin matatanggap na magpatuloy ang mali? Paano tayo magbubulag-bulagan sa nakita nating mali? Iyan ang mga katanungang dapat nating masagot. Paano ba natin itatama ang kasaysayan, upang ang gabay natin sa ating pagkilos ay ang wastong kasaysayan ng ating organisasyon?

Muli, ang pinaka-katibayan natin ay ang mismong batas na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino na nilikha ang PCUP noong Disyembre 8, 1986 bago pa ang sinasabing pagkasilang ng KPML sampung araw matapos magkaroon ng PCUP?

Wala sanang problema kung di kasama ang KPML sa nangampanyang magkaroon ng PCUP. Subalit may KPML na bago pa isilang ang PCUP. Kaya paanong sampung araw matapos magkaroon ng PCUP ay saka lang itinatag ang KPML? Mali ang petsa ng kapanganakan ng KPML, kaya paano ka magpapatuloy? Paano mo masisikmurang nakita mo na ang mali ay magbubulag-bulagan na lang tayo, imbes na itama ang kasaysayan.

Pag pinagmasdan mo at sinuri ang mga datos, hindi Disyembre 18, 1986 itinatag ang KPML. Huwag tayong maging bulag. Dapat itama ang kasaysayan upang maging maayos ang gabay ng ating organisasyong KPML.

* Nalathala ang lathalaing ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2019, pahina 12-14, at inilakip ang Executive Order No. 82, series of 1986, sa pahina 15-16.

Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ang tula ni Procopio Bonifacio

ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897.

May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan."

Subalit may tula rin palang naiwan si Procopio na tungkol din sa pagmamahal sa bayan. Isa lamang ang tulang iyon na nasaliksik, at marahil ay may iba pa subalit di pa natatagpuan. Nito lamang Disyembre 9, 2019, nang mabili ko ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, sa Popular Bookstore sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon. At sa pagbabasa niyon sa bahay ay nakita ko ang pagbanggit ni Santos sa tula ni Procopio. Sa pahina 18 ng nasabing aklat ay ganito ang nakasulat:

"Isang tula ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas sa gubat, at ngayo'y sisipiin ko ng walang labis at walang kulang:"

   "Oh Inang Espanya, humihinging tawad
kaming Pilipino na iyong inanak,
panahon ay dumating na magkatiwatiwalag
sa di mo pagtupad, masamang paglingap.

   Paalam na akong Espanyang pinopoon,
kaming Pilipino humihiwalay na ngayon
ang bandera namin dulo ng talibong
ipakikilala sa lahat ng nasyon.

   Lakad, aba tayo, titigisa ang hirap
tunguhin ang bundok, kaluwangan ng gubat
gamitin ang gulok at sampu ng sibat
ipagtanggol ngayon Inang Pilipinas.

   Paalam na ako, bayang tinubuan
bayang masagana sa init ng araw
oh maligayang araw na nakasisilaw
kaloob ng Diyos at Poong Maykapal."

"Ang mga huling talata ng tulang ito na ngayon lamang mahahayag ay nahahawig sa mga huling talata ng huling paalam ni Dr. Jose Rizal. Ang tulang ito ay buong-buong nasasaulo ni Ginang Espiridiona na siyang nagkaloob sa akin ng salin. Itinutugma nila ito sa isang namomodang tugtugin nang panahong iyon, kaya't ang pagkakatula'y hindi husto ang mga pantig o silaba."