ISALIN NG KWF SA SARILING WIKA ANG MGA BATAS UPANG MADALING MAUNAWAAN NG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nasa korte ang ilang lider-maralita at doon ay ipinagtatanggol nila ang kanilang paninirahan sa lupang ilang dekada na nilang tahanan.
Nagkaroon kasi ng maling interpretasyon sa pagkakasalin ng blighted land, na ayon sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992, sa Section 3, Definition of Terms, na ang nakasulat: “(c) “Blighted lands” refers to the areas where the structures are dilapidated, obsolete and unsanitary, tending to depreciate the value of the land and prevent normal development and use of the area.”
Naisalin naman ang iyon sa ganito: “c) Tinutukoy na “blighted lands” yaong mga lugar na kung saan ang mga nagpapababa sa halaga ng lupa at humahadlang sa normal na paggamit at pagpapaunlad ng nasabing lugar.” Makikita ang nasabing pagkakasalin sa kawing na https://pagbangon.blogspot.com/2009/11/udha-tagalog-version.html.
“Nang maisabatas ang UDHA, o iyang Lina Law, ay agad naming ipinasalin kay Pareng Inggo, na isang makata, ang batas na iyan,” sabi ni Igme, “upang mas madaling maunawaan ng mga kasapi ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Dulong Tulay, na naisalin naman niya. Pinaunlad namin ang lugar na iyan nang itinapon kami sa relokasyong iyan, na wala pang kabahayan. Kami ang naghawan ng damo, nagpatong ng mga bato at matayuan ng bahay, hanggang maging maunlad na ngayon.”
Subalit tugon ng hukom, “Hindi naman opisyal na tagasalin ng batas iyang si Inggo, kundi pagtingin lang niya iyan. Kaya ang ginagamit sa inyo ay itong batas na nakasulat sa Ingles. Diyan ang aming batayan paano talaga ma-interpret ang batas. Dahil tila mali ang pagkasalin niya sa nasabing seksyon ng batas. Sa Merriam Webster, ang bighted ay ": in a badly damaged or deteriorated condition." Ibig sabihin, lupaing malubhang nasira o lumalalang kondisyon. Ang inokupa ninyo ay hindi blighted land."
Umuwing luhaan ang mga maralita. Pakiramdam nila’y tuluyan na silang mapapaalis sa lugar na kaytagal na panahon nilang pinaunlad.
Hanggang sinabi ni Mang Igme, na siyang namumuno sa samahan, “Dapat pala, may opisyal na tagasalin ang mga batas ng bansa. Tayo kasi ang bansang ang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles habang nagsasalita tayo sa sariling wika sa araw-araw, kaya hindi nakasanayang magsalita ng Ingles. Naisahan tayo sa kamaliang di natin kasalanan. Nais lang naman nating maunawaan ang batas na tatamaan tayo.”
Nagmungkahi si Isay, “Dapat mag-lobby tayo ng batas na may ahensya ng pamahalaan na italagang tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, at mungkahi ko ay kumausap tayo ng mga kongresista o senador na lilikha ng batas na itatalaga, halimbawa, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ahensya sa wika ng ating bansa, na siyang italagang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas sa bansa, sa Tagalog man, Bisaya, o iba pang wika sa Pilipinas. Kung tatamaan ay katutubo, tulad ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA, aba’y dapat isalin iyan sa wikang katutubo, upang hindi naman madehado tayong mamamayan. Di tulad sa nangyari sa atin. Dahil sa maling salin, ayon sa korte, eto, mukhang mawawalan tayo ng tahanan.”
Sumagot si Ingrid, “Paano po natin sisimulan iyan, aling Isay. May karanasan na po ba kayo sa, ano ‘yun, magpasa ng batas para sa mga senador o kongresista.”
“Pagla-lobby. Magla-lobby tayo ng batas sa mga kongresman at senador, na gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa ang KWF o Komisyon sa Wikang Filipino. Ang una nating gawin ay lumiham sa kanila at ipaliwanag ang naging karanasan natin sa korte, at imungkahi nating upang di maulit sa iba ang ating karanasan, ay isabatas nila na gawing opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil sila naman ang ahensyang pangwika ng pamahalaan.”
“Maganda po ang suhestyon n’yo. Sana’y maumpisahan na agad. Tutulong po kami sa pagdadala ng mga liham sa Kongreso at Senado, habang magbabantay ang iba nating kapitbahayan upang ipagtanggol ang ating mga tahanan kung sakaling may banta na ng demolisyon.”
Si Mang Igme, “Salamat sa malasakit, mga kasama. Simulan na nating gumawa ng liham upang maging batas iyan. Kung di tayo kikilos, kailan pa? Simulan natin upang may maitulong tayo sa kapwa maralita.”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2023, pahina 18-19.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento