PAGKILOS PARA SA BAYAN AT KINABUKASAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nagtanong ang aking panganay na anak na si Malaya na nasa Grade 7 na, “Itay, bakit ba lagi kayo ni Inay sa rali. Nagpupunta kayo roon kahit mainit. Para saan po ba iyan, Itay? Dapat ba talaga sumasama kayo sa rali? Pati ako?”
Napilitan akong sumagot. “Tama ka, anak. Minsan, naisasama ka namin sa rali, lalo na’t walang mapag-iwanan sa iyo pag umalis kami ng bahay. Ang pagrarali, anak, ay tungkulin namin tungo sa pagmumulat sa masa upang sila’y magsikilos din, lalo na’t ang mga nakaupo sa gobyerno ay pawang mga tiwali, at kinukurakot ang kaban ng bayan.”
Nagtanong uli si Malaya, “Bakit hindi mga pulis at sundalo ang gumawa niyan para mapigilan na ang mga nangungurakot sa gobyerno? Bakit kayong karaniwang mamamayan, na wala namang kapangyarihan ang gumagawa niyan? Hindi ba kayo natatakot, Itay?”
“Alam mo, anak, bata pa kami ng iyong ina, ay kumilos na kami dahil nais naming lumaya ang bayan laban sa ganyang maling kalakaran. Sa kalaunan, pinag-aralan namin ang lipunan, bakit ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may bilyonaryong nabibilang lang sa daliri. Tamad ba kami, anak, kaya tayo mahirap, gayong kay-aga naming pumasok sa pagawaan, at nagsisipag kami upang maabot ang kota ng manedsment. Ginagawa namin ang lahat para sa inyong mga magkakapatid, upang mapag-aral kayo at hindi tayo sumala sa pagkain. Gayunman, kung may mga isyung panlipunang nakakaapekto sa atin, lalo na’t pamahal ng pamahal ang presyo ng pangunahing bilihin, tulad ng bigas na halos bente pesos na ang 1/3 kilo. Nariyan pa ang salot na kontraktwalisasyon na imbes regular na manggagawa ka na sa inyong kumpanya, at taon na ang binibilang, kontrakrwal ka pa rin. Anong klaseng sistema iyan, anak, na lagi na lang nanlalamang sa kapwa ang mga naghahari-harian sa ating lipunan> Masisisi mo ba kami, anak, kung kumilos kami at sumama sa malawakang rali upang dinggin naman ng pamahalaan ang aming mga hinaing?”
Si Malaya muli, “Nauunawaan ko na po, Itay. Tulad nina Jacinto at Bonifacio noon, na lumaban upang lumaya ang bayan natin mula sa mga mananakop na dayuhang mapag-imbot. Subalit, Itay, wala nang mga Kastila, subalit kayrami pa ring mahihirap. Paglaki ko po ba, magiging katulad din ba ako ninyo, na lumalaban pa rin sa kalsada?”
“Alam mo, anak, ang nais namin ng iyong ina, ay mapagtapos muna namin ng pag-aaral kayong magkakapatid. Bagamat lagi man kaming dumadalo sa mga pagkilos ng masa, ang mahalaga’y mabigyan muna namin kayo ng sapat na edukasyon. Hindi namin pinangarap na maging tulad namin kayo. Tulad din ng hindi namin pinangarap maging aktibista kundi dumaan iyon sa proseso. Sa eskwelahan noon, pataas ng pataas ang tuition fee. Nagtatrabaho na lang ang aming magulang upang habulin ang taas ng presyo ng matrikula. Kaya nararapat kaming tumutol bilang mga estudyante upang di naman mahirapan ang aming mga magulang na iginagapang talaga kami upang mag-aral.”
“Salamat, Itay, sa pagsagot sa mga tanong ko. Mag-aaral po kaming mabuting magkakapatid. At saka pag nakatapos, papasok agad ako sa kumpanya upang magtrabaho at makatulong sa inyo.”
“Subalit, huwag mong kalilimutan, anak, kung saan ka nanggaling. Halimbawang may nakita kang mali sa inyong kumpanya, alam kong mapipilitan ka ring organisahin ang iyong kapwa manggagawa upang mas gumanda pa ang inyong kalagayan doon. Higit sa lahat, anak, ito lang ang bilin ko, pag-aralan mo rin ang lipunan. Huwag kang maging bulag, pipi at bingi sa mga nakikita mong katampalasanan sa iyong paligid. Kung kailangang kumilos, dapat kumilos. Subalit sa ngayon, anak, mag-aral muna kayo. Ang pagiging aktibo ay nasa proseso, hindi pinipilit. Ikaw ang makakaalam kung anong landas ang pipiliin mo. Sa amin ng iyong ina, pinili namin ang landas na makapagpapalaya sa sambayanan mula sa pagsasamantala ng iilan. Kaya, heto, narito kami pag may pagkilos. Hindi ka naman pakikinggan ng pamahalaan kung mag-isa ka lang, subalit kung sa sama-samang pagkilos, tayo’y may mararating. Hindi masama ang magrali. Ang masama ay yumayaman ang bulsa ng kapitalista dahil sa pagsasamantala sa manggagawa.”
“Muli, salamat, Itay, sa inyong mga payo. Magiging mabuti akong mag-aaral, at magiging mapanuri sa nagaganap sa ating bayan.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2024, pahina 18-19.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento