Huwebes, Agosto 19, 2010

Ang Lipunang Makatao sa BMP Hymn

ANG LIPUNANG MAKATAO SA BMP HYMN
ni Greg Bituin Jr.

Tama si Tina ng Teatro Pabrika nang sinabi niyang "Hayo" at hindi "Tayo" ang nakasulat sa unang taludtod ng ikalawang saknong (koda) ng BMP Hymn. Sinabi niya sa akin ito nuong isang gabi (Agosto 15 o kaya'y 16, 2010 ito) habang kumakanta sila ni Michelle ng BMP Hymn, Lipunang Makatao, at 2 pang awit, sa opisina ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Nag-print kasi ako sa computer ng kopya ng kanilang mga inaawit. Bale apat na awitin iyon sa isang bond paper.

Nang sinabi ni Tina na "Hayo" ay agad akong nagsaliksik ng kopya ng BMP Hymn para malaman ko kung mali siya o ako ang mali. Kaya binalikan ko ang kopya ng magasing Maypagasa ng Sanlakas na nalathala noong Setyembre 1998, at tama siya. Mali nga ako dahil ang ibinigay ko sa kanilang kopya ng kanta ay "Tayo" ang nakasulat, imbes na "Hayo". Maraming salamat sa puna, Tina.

Habang inaawit nila ang BMP Hymn, "lipunang makatao" ang nababanggit ni Michelle kaya pinupuna siya ni Tina na "daigdig na makatao" ang tama imbes na "lipunang makatao". Lumalabas sa pananaliksik ko na tama si Michelle sa pag-awit, dahil "lipunang makatao" ang nasa orihinal na kopya.

Natatandaan ko, ako nga pala ang nag-type ng kopyang ito na binigay sa akin ni Bobet Mendoza ng Teatro Pabrika noong 1998 para isama sa artikulong inakda ko na pinamagatang "Teatro Pabrika: Artista at Mang-aawit ng Pakikibaka" sa unang isyu ng magasing Maypagasa, kung saan isa ako sa nag-asikaso nito.

Gayunpaman, magandang nabaliktanawan ito, dahil may isang pagkakamali o inonsistency akong napansin sa koro ng BMP Hymn na iniabot ko kay Michelle, nakasulat sa ikatlong taludtod, "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao". Mas popular kasing inaawit ngayon ang "daigdig na makatao", habang ang nakalathala naman sa magasing Maypagasa ay "lipunang makatao". Alin ba ang tama sa dalawa?

Mapapansing ang pagkakasulat ng buong awit ay patula, lalo na't susuriin natin ang tugma at sukat nito. Nakakaunawa ng paraan ng pagtulang may tugma't sukat ang kumatha nito, kaya may palagay akong isa ring makata ang nag-akda ng awit.

Ngunit bago ito, dapat maunawaan ng mambabasa kung ano ba itong tinatawag nating pantig (syllable), taludtod (line), saknong (stanza), tugma (rhyme) at sukat (meter). Ang pantig ang bawat buka ng bibig sa pagsasalita. Ang taludtod ang bawat linya ng tula. Ang saknong ay binubuo ng ilang taludtod, na kung baga sa sanaysay, ito ang talata na binubuo ng ilang pangungusap. Ang tugma naman ay ang pagkakapareho ng tono sa dulo ng dalawa o higit pang taludtod. Ang sukat ang siyang bilang ng pantig bawat taludtod.

Binilang ko ang pantigan ng tatlong saknong ng BMP Hymn, labing-apat ang pantig sa una at ikalawang saknong, habang ang ikatlong saknong naman o ang koro ay labindalawang pantig lahat.

BMP Hymn
Nalathala sa magasing Maypagasa ng Sanlakas
Setyembre 1998, pahina 23


Ating mga karanasan, pinanday, hinubog (14)
Nitong pakikibakang sa atin ay huminog (14)
Kaya't tumindig, patuloy sa pagbabantayog (14)
Ng pag-asa at liwanag na nais ihandog. (14)

Koda:
Hayo na't iguhit sa dahon ng kasaysayan (14)
Sagisag ng uri't ganap nating kalayaan (14)
Nasa pagbubuklod natin ang kapangyarihan (14)
Na kamtin ang pagbabagong ating inaasam. (14)

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang lipunang makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

(Ulitin ang koda)
(Ulitin ang koro 3x)

Kaya kung ang inaawit ngayon sa koro ay "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao" na nasa orihinal, inconsistent na ito sa pantigan, dahil magiging labintatlo na ang pantig ng ikatlong taludtod ng koro. Kaya ganito ang mangyayari:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang daigdig na makatao (13)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Paano nga ba nangyaring nabago ang taludtod na ito? Ginusto ba ito ng mga umaawit nito, o pinalitan mismo ito ng Teatro Pabrika sa pag-aakalang ito ang mas tama? Tila ang nagbago nito'y di nauunawaan ang tugma't sukat sa pagtula na dapat na una niyang pinansin kung babaguhin niya ang tulawit (tulang paawit) na ito. Marahil kung malalaman ng orihinal na nagsulat ng kanta na binago ito ay agad itong magpoprotesta.

Mas angkop pa at hindi kapansin-pansin ang pagbabago kung halimbawa’y ganito ang ginawang pagbabago sa ikatlong taludtod ng Koro: Patungo sa daigdig na makatao, 12 pantig pa rin.

Kaya magiging ganito na ang Koro:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Patungo sa daigdig na makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Gayunman, mahalagang suriin natin ang mismong nilalaman ng koro, at ito ang pagtuunan natin ng pansin. "Daigdig na makatao" nga ba o "lipunang makatao"? Magandang suriin muna natin kung ano ang kahulugan ng "daigdig" at "lipunan".

Ayon sa unang kabanata ng librong "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman, "Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay “asosasyon ng tao”, ito’y isang “asosasyon” para sa kabuhayan ng mga myembro nito."

Ano naman ang "daigdig"? Ang daigdig naman ay isang planeta sa pisikal na kaanyuan nito, at hindi isang sistema ng kabuhayan. Ayon sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya, at sa WikiFilipino: "Ang planetang Daigdig[1] ay ang pangatlong planeta mula sa Araw. Ito ang pinakamalaking planetang terestriyal ng sistemang solar. Kumpirmado ng makabagong agham na ang Daigdig lamang ang katawang pamplaneta kung saan maaaring tumira ang mga buhay na organismo tulad ng mga hayop at halaman."

Agad naresolba ang munting problemang ito kung pagbabatayan ang ikaapat na taludtod ng koro na "Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo", kaya ang ikatlong taludtod ng koro ay tumutukoy sa "lipunang makatao" at hindi sa "daigdig na makatao". Pagkat ang sosyalismo ay sistema ng lipunang ipapalit natin sa lipunang kapitalismo. Tulad ng ating binabanggit sa ating mga pag-aaral ng lipunan sa daigdig na ito mula primitibo komunal, lipunang alipin, lipunang pyudal, ang kasalukuyang lipunang kapitalismo, at ang ipapalit natin ditong lipunang sosyalismo. Bagamat sinasabi nating pandaigdigan ang pagbabagong dapat maganap dahil pandaigdigan ang salot na kapitalismo, na dapat nating palitan ng pandaigdigang sosyalismo, ang mas tinutukoy nating babaguhin ay ang sistema ng lipunan, at di pa ang mismong daigdig. Dagdag pa rito, nabanggit na sa ikalawang taludtod ng koro ang salitang "mundo" na singkahulugan ng "daigdig".

Kaya para maayos at pare-pareho ang bilang ng pantig, may lohika, at magkakaugnay sa ibig ipahiwatig, mas angkop at wastong gamitin ang "lipunang makatao" kaysa "daigdig na makatao" sa koro ng awit. Mungkahing ito ang ating gamitin sa pag-awit ng BMP hymn. Ang kabuuan nito yaong nasa itaas.

Sa kabuuan, maganda ang mensahe ng sosyalistang awitin ng BMP dahil makatindig-balahibo at nakapagpapaapoy ng damdamin kung uunawaing mabuti ang mensahe ng awit, sadyang kumakapit sa kaibuturan ng ating diwa't pagkatao.

Huwebes, Hunyo 24, 2010

Mga Sosyalistang Manunulat sa Kilusang Fabiano

MGA SOSYALISTANG MANUNULAT SA KILUSANG FABIANO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang kilalang mga nobelista sa kasaysayan at panitikan na sina Oscar Wilde, George Bernard Shaw, H.G. Wells at Upton Sinclair ang pangunahing mga kasapi ng Kilusang Fabiano (Fabian Society), isang pangkat ng mga sosyalistang naniniwalang ang transisyon mula kapitalismo patungong sosyalismo ay maaaring maganap sa pamamagitan ng maliliit at utay-utay na reporma. Malaki ang naging papel ng mga ito sa larangan ng panitikan upang ilarawan at ipahayag nila ang kanilang nakikitang mga maling patalakaran at palakad sa lipunan at pamahalaan. Naging daan ito upang mamulat ang marami, di lang sa kanilang bansa, kundi maging sa buong mundo, sa sosyalistang kaisipang pinanghahawakan nila.

Si Oscar Wilde (1854-1900) ay isang makata at dramatista. Dahil na rin sa kanyang paraan ng pamumuhay at pagpapatawa, naging tagapagsalita siya ng Aesthetisismo, isang kilusan sa Inglatera na nagtataguyod ng diwang sining para sa sining. Nagtrabaho siya bilang tagasuri ng sining (1881), nagturo sa Estados Unidos at Canada (1882), at nanirahan sa Paris (1883). Sa pagitan ng taon 1883 at 1884 nagturo siya sa Britanya. Mula sa kalagitnaan ng 1880, naging regular na kontribyutor siya sa mga babasahong Pall Mall Gazette at Dramatic View. Marami siyang nilikhang dula at mga sanaysay, lalo na ang kilalang sanaysay na The Soul of Man Under Socialism noong 1891.

Si George Bernard Shaw (1856-1950) ay manunulat at mandudulang naging kasamahan ng mga radikal na sina Eleanor Marx, Edward Aveling, at William Morris. Naging kasapi siya ng Kilusang Fabiano noong 1884. Nagturo siya at naglathala ng maraming polyetong inilathala ng mga Fabiano, tulad ng The Fabian Manifesto (1884), The True Radical Programme (1887), Fabian Election Manifesto (1892), The Impossibilities of Anarchism (1893), at Socialism for Millionaires (1901). Nangatwiran si Shaw para sa pagkakapantay ng kita at parehas na hatian ng lupa at puhunan. Sa panahong ito'y naging matagumpay si Shaw bilang mandudula at kritiko sa sining, awit at tanghalan. Ilan sa kanyang inakda ay ang nobelang “An Unsocial Socialist” (1883), ang polyetong Socialism and Superior Brains (1910), Bernard Shaw and the Revolution (1922), aklat na The Intelligent Woman's Guide to Socialism, Capitalism, Sovietism and Fascism (1928). Nariyan din ang mga akdang Women in the Labor Market, Socialism and Liberty, Socialism and Children, Socialism and Marriage, at marami pang iba.

Si H. G. Wells (1866-1946) ay kilalang nobelista, mamamahayag, sosyolohista, historyan, at manunulat ng mga nobelang kathang-isip hinggil sa agham. Ginamit niya ang kanyang nobela para balaan ang mga tao sa panganib ng kapitalismo. Kaya nakilala siya sa kanyang mga nobelang The Time Machine (1895), isang parodya ng pagkakahati ng uri sa Inglatera at isang mapanuyang babala hinggil sa pagsulong ng sangkatauhan. Nariyan din ang mga klasikong The Island Of Dr. Moreau (1896), The Invisible Man (1897) at ang The War of the Worlds (1898). Naglathala din ng mga polyeto si Wells na umaatake sa pamamalakad sa lipunang Victorian, tulad ng Anticipations (1901), Mankind In The Making (1903) at ang A Modern Utopia (1905).

Si Upton Sinclair (1878-1968) ay isang manunulat na Amerikano na naglantad sa masamang kalagayan ng mga dukha sa mga industriyalisadong lungsod sa Amerika. Ang pinakasikat niyang akda ay ang The Jungle (1906) na pumukaw sa pamahalaan upang imbestigahan ang mga palengke't katayan ng hayop sa Chicago, na nagdulot ng malaking pagbabago sa mga batas hinggil sa pinagkukunan ng pagkain. Nakilala ang aklat niyang ito na naging daan sa implementsayon ng Pure Food and Drug Act ng 1906. Nakatanggap ng mahigit na 100 liham si Pangulong Roosevelt na humihiling ng reporma sa industriya ng karne at ipinatawag si Sinclair sa White House. Habang ang kinita naman ng aklat ay ginamit ni Sinclair para maitatag at masuportahan ang sosyalistang komyun na Helicon Home Colony sa New Jersey. Bata pa lang si Sinclair ay nagbabasa na siya ng mga sosyalistang klasiko at naging masugid na mambabasa ng lingguhang sosyalista-populistang pahayagang Appeal to Reason. Noong 1934 ay nagbitiw siya bilang kasapi ng Partido Sosyalista.

Ang Kilusang Fabiano, ang kilusang Briton na itinatag noong 1884, ay ipinangalan kay Quintus Fabius Maximus na isang Heneral na Romano. Halos ang kasapian nito ay galing sa mga intelektwal, tulad ng mga iskolar, manunulat, at mga pulitiko. Noong 1900, sumapi ang Kilusang Fabiano sa Partido ng Paggawa (Labour Party), at isa ang sosyalismong Fabiano na pinagmulan ng ideolohiya ng Partido ng Paggawa. Noong Unang Daigdigang Digmaan (1914-18), tinanganan ng mga Fabiano ang paninindigang sosyal-tsubinista, isang panatikong pagkamakabayan sa panahon ng digmaan, bilang pagsuporta sa kanilang bansa laban sa katunggaliang bansa.

Sabado, Hunyo 12, 2010

Si Marx at ang Kanyang Akdang Ika-18 Brumaire

SI MARX AT ANG KANYANG AKDANG IKA-18 BRUMAIRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Napoleon" sa mga pinakamahusay na akda ni Marx. Maaari itong ituring na pinakamagaling na akda sa pilosopiya at kasaysayan, na nakatuon lalo na sa kasaysayan ng kilusang proletaryado. Ito ang pinakabatayang saligan natin sa pag-unawa sa teorya ng kapitalistang estado na sinasabi ni Marx.

Ang tinutukoy ditong Ikalabingwalong Brumaire ay ang petsang Nobyembre 9, 1799 sa Kalendaryo ng Rebolusyonaryong Pranses, na siyang petsa kung saan itinanghal ng unang Emperador na si Napoleon Bonaparte ang kanyang sarili bilang diktador ng Pransya sa pamamagitan ng kudeta. Noong Disyembre 2, 1851, winasak ng mga alagad ni Pangulong Louis Bonaparte, na pamangkin ni Napoleon, ang Pangkalahatang Lehislatura at nagtatag ng diktadura. Nang sumunod na taon, itinanghal naman ni Louis Bonaparte ang kanyang sarili bilang si Emperador Napoleon III.

Sinulat ni Karl Marx ang akdang "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Napoleon" sa pagitan ng Disyembre 1851 at Marso 1852. Ito'y naging "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Bonaparte" sa mga edisyong Ingles, tulad ng edisyong Hamburg noong 1869. Nalathala ito noong 1852 sa magasing Die Revolution, isang buwanang magasin sa wikang Aleman na nilathala sa Nuweba York. Ang nasabing akda ay binubuo ng pitong kabanata at dalawang paunang salita, ang una'y mula kay Marx noong 1869 at at ikalawa'y mula kay Friedrich Engels noong 1885.

Ipinakilala si Marx sa kanyang akdang ito bilang isang panlipunan at pampulitikang historyan, kung saan tinalakay niya ang mga makasaysayang pangyayari, ito ngang naganap na kudeta ni Louis Bonaparte noong Disyembre 2, 1851 mula sa kanyang materyalistang pagtingin sa kasaysayan.

Sa akdang ito, tinuklas ni Marx kung paano ipinakita ang tunggalian ng iba't ibang panlipunang interes sa masalimuot na tunggaliang pulitikal. Pati na rin ang magkasalungat na ugnayan sa pagitan ng panlabas na anyo ng pakikibaka at ang tunay na panlipunang nilalaman nito.

Isa sa pinakabantog na sinulat dito ni Karl Marx ay hinggil sa pag-uulit ng kasaysayan. Ito’y "Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa. (The first is a tragedy, the second is a farce.)" Tinukoy sa una ang ginawa ni Napoleon I, ang unang emperador ng Pransya, habang ang ikalawa naman ay hinggil sa ginawa ni Napoleon III. Ayon kay Marx, "Sinabi ni Hegel noon na lahat ng malalaking patunay at mga personahe sa kasaysayan ay nagaganap ng dalawang ulit. Ngunit nakalimutan niyang idugtong: Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa."

Malaki ang idinulot na aral ng naganap na ito para sa mga proletaryado ng Paris, dahil ang karanasang ito mula 1848 hanggang 1851 ay nakatulong para sa ikatatagumpay ng rebolusyon ng manggagawa noong 1871.

Ang Akdang Anti-Dühring ni Engels

ANG AKDANG ANTI-DÜHRING NI ENGELS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa maraming sulatin ng rebolusyonaryong si Friedrich Engels ang Herrn Eugen Dührings Umwälzung der Wissenschaft (sa Ingles ay Herr Eugen Dühring's Revolution in Science), na mas kilala ngayon sa katawagang Anti-Dühring, na nalathala noong 1878.

Ano ba ang aklat na ito at bakit isinulat ito ni Engels? Ang sulating ito ang isa sa mga mayor na kontribusyon ni Engels sa pagsulong ng teorya ng Marxismo. Ang Anti-Dühring ay upak ni Engels sa sinulat ng Alemang si Eugen Dühring, na nagsulat ng sarili niyang bersyon ng sosyalismo, na binalak ipalit sa Marxismo. Ngunit dahil si Karl Marx noong panahong iyon ay abala at nakatutok sa pagsusulat ng Das Kapital, si Engels ang siyang pangunahing nagsulat laban sa akda ni Dühring bilang pagtatanggol sa Marxismo.

Sa liham ni Engels kay Marx, sinabi niyang ang Anti-Dühring ay isang pagtatangkang "likhain ang isang komprehensibong pagsusuri sa ating ideya hinggil sa mga problemang pilosopikal, natural na agham at pangkasaysayan.

Bahagi ng Anti-Dühring ay nalathalang hiwalay noong 1880 bilang akdang pinamagatang "Sosyalismo: Utopyano at Syentipiko".

Sino si Eugen Dühring?

Sino nga ba itong si Eugen Dühring? Ayon sa pananaliksik, si Eugen Karl Dühring ay isang pilosoper na Aleman at ekonomista, at isang sosyalista ngunit may matinding pagbatikos sa Marxismo.

Ipinanganak siya sa Berlin, Prussia noong Enero 12, 1833. Matapos ang abugasya'y nagtrabaho bilang abogado sa Berlin hanggang 1859. Noong 1864, siya'y naging guro sa Unibersidad ng Berlin, bagamat hindi regular na kasapi ng pakuldad. Ngunit dahil sa pakikipagtalo sa mga kaguruan, siya'y natanggalan ng lisensyang magturo noong 1874.

Ang ilan sa mga sinulat ni Dühring ay ang Kapital und Arbeit (1865); Der Wert des Lebens (1865); Naturliche Dialektik (1865); Kritische Geschichte der Philosophie (1869); Kritische Geschichte der allgemeinen Principien der Mechanik (1872), na isa sa mga pinakamatagumpay niyang akda; Kursus der National und Sozialokonomie (1873); Kursus der Philosophie (1875), na sa sumunod na edisyon ay pinamagatan niyang Wirklichkeitsphilosophie; Logik und Wissenschaftstheorie (1878); at Der Ersatz der Religion durch Vollkommeneres (1883). Inilathala rin niya ang Die Judenfrage als Frage der Racenschaedlichkeit (1881, Ang mga Partido at ang Usaping Hudyo), at iba pang antisemitikong mga sulatin.

Ayon sa mga pananaliksik, walang sulatin si Dühring na matatagpuan sa wikang Ingles. At siya'y natatandaan lamang dahil sa sinulat ni Engels na kritiko na pinamagatan ngang Anti-Dühring. Sinulat ito ni Engels bilang sagot sa mga ideya ni Dühring. Si Dühring din ang pinakakilalang kinatawan ng sosyalismo sa panahong iyon na inatake rin ni Nietzsche sa mga sulatin nito.

Maraming iskolar ang naniniwalang ang pagkaimbento ni Dühring sa salitang antisemitismo ang nakakumbinsi kay Theodore Herzl na tanging Zionismo lamang ang tugon sa mga problemang kanilang nararanasan. Lagi itong sinusulat ni Herzl: "Lalabanan ko ang antisemitismo sa lugar kung saan ito nagsimula - sa bansang Alemanya at Austria."

Sina Marx at Engels sa Anti-Dühring

Nakilala nina Marx at Engels si Propesor Dühring sa pagsusuri nito sa Das Kapital noong Disyembre 1867, kung saan nalathala ito sa Ergänzungsblätter. Dahil dito’y nagpalitan ng liham sina Marx at Engels hinggil kay Dühring mula Enero hanggang Marso 1868.

Noong Marso 1874, naglabas ng artikulo ang isang di nagpakilalang awtor (na sa aktwal ay sinulat ng isang Agosto Bebel, na tagasunod ni Dühring) sa dyaryong Volksstaat ng Social-Democratic Workers’ Party na positibong tinatalakay ang isa sa mga aklat ni Dühring.

Noong Pebrero 1 at Abril 21, 1875, kinumbinsi ni Karl Liebknecht si Engels na labanan si Dühring ng sabayan sa pahina ng dyaryong Volksstaat. Noong Pebrero 1876, nilathala ni Engels sa Volksstaat ang kanyang unang upak sa pamamagitan ng artikulong “Ang Vodka ng Pruso sa Parlyamentong Aleman (Prussian Vodka in the German Reichstag)”.

Noong Mayo 24, 1876, sa liham ni Engels kay Marx, sinabi niyang malaki ang dahilan upang simulan ang kampanya laban sa pagkalat ng pananaw ni Dühring. Kinabukasan, tumugon si Marx at sinabing dapat matalas na punahin mismo si Dühring. Kaya isinantabi muna ni Engels ang kanyang akdang sa kalaunan ay makikilalang "Dyalektika ng Kalikasan (Dialectics of Nature)". Pagkalipas ng apat na araw, binalangkas na niya kay Marx ang pangkalahatang istratehiyang kanyang gagawin laban kay Dühring. Dalawang taon ang kanyang ginugol sa pagsusulat ng nasabing aklat.

Ang Nilalaman

Nahahati sa tatlong bahagi ang anti-Dühring:

Unang bahagi: Pilosopiya - Sinulat ito sa pagitan ng Setyembre 1876 at Enero 1877. Nalathala ito bilang serye ng mga artikulo na pinamagatang Herrn Eugen Dühring's Umwälzung der Philosophie sa Vorwärts sa pagitan ng Enero at May 1877. Sa kalaunan, sa pagsisimula ng 1878, na may unang hiwalay na edisyon, ang unang dalawang kabanata ng bahaging ito ay ginawang independyenteng pagpapakilala sa kabuuang tatlong bahagi.

Ikalawang bahagi: Pampulitikang Ekonomya - Sinulat mula Hunyo hanggang Agosto 1877. (Ang huling kabanata nito'y sinulat niMarx.) Nalathala sa pamagat na Herrn Eugen Dühring's Umwälzung der politischen Oekonomie sa Wissenschaftliche Beilage at sa karagdagang pahina sa Vorwärts sa pagitan ng Hulyo at Disyembre 1877.

Ikatlong bahagi: Sosyalismo - Sinulat sa pagitan ng Agosto 1877 at Abril 1878. Nalathala bilang Herrn Eugen Dühring's Umwälzung des Sozialismus sa karagdagang pahina sa Vorwärts sa pagitan ng Mayo at Hulyo 1878.

Tumanggap ng maraming pagtutol mula sa mga alagad ni Dühring ang serye ng mga artikulo sa Vorwärts. Kaya sa Kongreso ng Sosyalistang Partido ng Manggagawa sa Alemanya noong Mayo 27, 1877, tinangka nilang ipagbawal ang paglalathala nito sa dyaryo ng Partido. Ito ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ng publikasyon.

Noong Hulyo 1877,ang Unang Bahagi ay nalathala bilang polyeto. Noong Hulyo 1878, ang Ikalawa at Ikatlong Bahagi naman ay pinagsama bilang ikalawang polyeto.

Noong Hulyo 1878, nalathala bilang isang aklat ang kabuuang sulatin, na dinagdagan ng paunang salita ni Engels. Noong 1878, isinabatas sa Alemanya ang isang Anti-Socialist Law at ipinagbawal ang Anti-Dühring kasama ng iba pang akda ni Engels. Noong 1886, lumabas ang ikalawang edisyon ng Anti-Dühring sa Zurich. Ang ikatlong edisyon, na may pagbabago at dagdag na pahina, ay nalathala naman sa Stuttgart noong 1894, matapos na mapawalangbisa ang Anti-Socialist Law (1890). Ito ang huling edisyon sa panahon ni Engels. Sa kauna-unahang pagkakataon, isinalin ito sa wikang Ingles noong 1907 sa Chicago.

Noong 1880, sa kahilingan ni Paul Lafargue, binuod ni Engels ang tatlong bahagi ng Anti-Dühring at nalikha ang isa sa pinakasikat na sulatin sa buong mundo - ang Sosyalismo: Utopyano at Syentipiko.

Bakit dapat pag-aralan natin ang Anti-Dühring?

Marapat na basahin at unawain ng mga bagong aktibista ngayon ang Anti-Dühring. Dangan nga lamang at wala pang nasusulat na bersyon nito sa wikang Filipino, kaya marapat lamang na ito’y isalin sa sariling wika upang mas higit na maunawaan ng mga aktibista ngayon at ng mga manggagawa ang mga aral ni Engels, at paano ba niya dinepensahan ang Marxismo sa sinumang nagnanais na wasakin ito.

Miyerkules, Mayo 26, 2010

Ang Islogang "Wakasan ang Batang Manggagawa"

ANG ISLOGANG "WAKASAN ANG BATANG MANGGAGAWA!"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ilang kumausap sa akin, marahil ay namimilosopo, nalilito o kaya ay nababaguhan, at itinanong, "Bakit 'Wakasan ang Batang Manggagawa' ang islogan ng mga kasama nating bata sa rali? Paano wawakasan? Papatayin ba ang mga bata?" Kailangan ng matyagang pagpapaliwanag.

Ang tugon ko, ang mga kasamang bata at kabataang nagrali ay mga manggagawa sa murang edad pa lamang nila. Batang manggagawa pag nasa edad 17 pababa, habang kabataang manggagawa pag edad 18 hanggang 24. Ang islogan nila ang siyang pagkakasalin nila sa panawagan sa ingles na "End Child Labor! (ingles-Kano)" o "End Child Labour! (ingles-British). Ngunit dahil mas ginagamit natin sa bansa ay ingles-Kano, dahil na rin sa matagal na pananakop ng mga Kano sa bansa, mas ginagamit sa bansa ang salitang "labor" habang sa internasyunal naman at sa mga bansang nasakop ng Britanya, tulad ng India, mas ginagamit nila ang salitang "labour".

Nais ng mga batang manggagawa na imbes na magtrabaho sila sa murang edad ay maging bahagi sila ng kanilang kabataan, na nag-aaral, naglalaro, nagtatamasa ng buhay ng naaayon sa kanilang edad. Tumango-tango lamang ang nagtanong sa akin. Mayo Uno ng taong 2009 iyon nang sumama ang mga batang manggagawa sa aming rali mula sa España patungong Mendiola.

Sa pagninilay ko sa islogan sa panahong naghahanap ako ng maisusulat, umukilkil sa aking diwa kung tama ba ang pagkakasalin ng islogang "End Child Labor!" Dahil pag iningles natin ang 'Wakasan ang Batang Manggagawa', hindi ito 'End Child Labor' kundi 'End Child Laborers' o 'End Child Workers!' Kaya may mali. Ngunit pag tinagalog naman natin ang 'End Child Labor' sa literal, ito'y magiging 'Wakasan ang Paggawa ng Bata', na masama namang pakinggan, dahil tiyak magpoprotesta ang marami dahil di na pwedeng mag-sex o magbuntis ang mga ina. Ang 'Labor' kasi pag tinagalog ay 'Paggawa', tulad ng isang grupo noon na ang pangalan sa Ingles ay 'Socialist Party of Labor' na ang orihinal ay 'Sosyalistang Partido ng Paggawa'.

Kaya ano ba talaga ang tamang pagkakasalin ng 'End Child Labor' na di magmumukhang lilipulin o papatayin ang mga batang manggagawa, tulad ng interpretasyon ng marami sa 'Wakasan ang Batang Manggagawa'?

Kung pag-iisipan nating mabuti, di lahat ng pagkakasalin ay literal, dahil magkakaiba ang wika. May sarili itong diskurso, balarila (grammar), syntax, at karakter, na kaiba sa ibang wika. May katangian ang bawat wika na kanyang-kanya lamang. Halimbawa, paano mo iinglesin ang "Pang-ilang presidente si Noynoy?" Marahil ang isasagot ng iba, "What is the rank of Noynoy since the first president?" na marahil ay di tamang pagkakasalin, dahil pag tinagalog naman ito ay "Ano ang ranggo ni Noynoy mula sa unang pangulo?" Mali. Kasi baka may sumagot diyan ng private o corporal.

Kaya sa pagkakasalin ng 'End Child Labor', hahanapin natin ang mas mainam at mas angkop na salin. Ang mungkahi ko, "Itigil ang Pagpapatrabaho sa Batang Manggagawa!" Malinaw, maliwanag at angkop, bagamat mahaba sa karaniwan. Ano sa palagay nyo?

Biyernes, Mayo 14, 2010

May hiwaga ba sa awiting "Bayang Mahiwaga"?

MAY HIWAGA BA SA AWITING "BAYANG MAHIWAGA"?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, nagtanong sa akin ang isang kasama. Okey daw ba ang awiting "Bayang Mahiwaga" na isang parodiya ng "Bayang Magiliw". Ang agad na isinagot ko ay hindi. Bakit? Dahil sa salitang "mahiwaga".

May problema kasi sa salitang "mahiwaga". Bakit ba ito ang ginamit gayong hindi ito isang terminong dapat panghawakan ng mga aktibista, lalo na't mga aktibistang Marxista, at mga manggagawa, dahil walang mahiwaga.

Kung pakasusuriin, o kaya'y aalamin natin ang pinanggalingan ng orihinal na awitin, may sapantaha akong ito'y nakatha noong panahon ng batas militar, at kaya sinasabing "mahiwaga" ang bayan, ay upang maawit ito ng itinatago ang tunay na layunin ng mga umaawit. Ito'y upang maiwasan ang sinumang nais humuli sa mga aktibistang nananawagan ang pagbabago. Itinago ang salitang pagbabago ng sistema sa salitang "bayang mahiwaga". Sino nga ba ang huhuli sa aawit ng bayang "mahiwaga"? "Mahiwaga" nga ang bayan, eh.

Narito ang orihinal na kopya ng awitin na pinamagatang "Lupang Sinira" na mula sa extension site sa multiply ng grupong Tambisan sa Sining kung saan tinutukoy sa unang taludtod pa lamang ang "bayang mahiwaga".


LUPANG SINIRA

Bayang mahiwaga sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lungsod
Itinatag makabayang pamahalaan
May tilamsik ng dugo ang awit
Sa paglayang inaasam

Koro:
Ang pula ng watawat mo'y
tagumpay na magniningning
Ang maso (/karit) at kamao nya'y
Hinding-hindi magdidilim

Laya ay langit, kaluwalhati at pagsinta
Buhay ay lupa sa piling mo
Aming ligayang makita ang baya'y di api
Ang mamatay ng dahil sa'yo

(Repeat 2)
Aming tungkuling ubusin ang mapang-api
Ang pumatay ng dahil sa'yo


Ngunit nagkaroon ng pagbabago sa awiting ito nang ito'y baguhin ng Teatro Pabrika para maging awitin ng uring manggagawa. At imbis na "Lupang Sinira" ang pamagat ay mas nakilala ito sa "Bayang Mahiwaga".


BAYANG MAHIWAGA

Bayang mahiwaga sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lunsod, itinatag
Sosyalistang pamahalaan
May tilamsik ng apoy at pawis
Sa paglayang inaasam

Ang pula ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning
Ang karit at maso niya'y
Hinding-hindi pasisiil

Laya ay langit, kalwalhatia't pagsinta
Buhay ay alay sa piling mo

Aming ligayang makitang
Obrero'y di api
Ang pumatay ng dahil sa 'yo


Mapapansing mas maikli ang bersyon ng Teatro Pabrika. Gayunman, dapat pa ring baguhin at paunlarin ang binagong bersyon na ito, lalo na ang salitang "mahiwaga". Sa unang saknong pa lang ng tula ay hindi na akma ang bayang "mahiwaga" sa lupang "sinira", gayong ang mga kasunod na mga salita nito ay angkop sa bawat isa.

Maaaring ang sinasabing "mahiwagang bayan" sa awiting ito ay isang bayang utopya tulad ng pinangarap noon nina Sir Thomas More, Saint Simon, Robert Owen, Charles Fourier, Etienne Cabet, Edward Bellamy, William Morris, at iba pa. Isang lipunang may pagkakapantay-pantay ang lahat ng tao sa kalayaan, sa kalagayan, at sa pagkatao.

Ngunit bakit "mahiwaga" ang salitang ginamit gayong para sa mga Marxista, walang mahiwaga, pagkat lahat sa mundo ay may paliwanag. Maaring sinasabi lang nilang mahiwaga ang isang bagay kung ito'y di pa nila nauunawaan, tulad ng paglitaw ng eroplano sa panahon ni Julius Caesar, o ng computer sa panahon ni Andres Bonifacio. Hindi mahiwaga ang mga bagay na iyon, o ang buhay sa bayang iyon, kundi hindi lang nila maipaliwanag ang mga bagay na may mga paliwanag naman, lalo na't sasaliksikin at pag-aaralan.

Kung pakasusuriin ang buong awitin, tanging ang salitang "mahiwaga" ang hindi katanggap-tanggap, bagamat may mga metaporang ginamit sa iba pang bahagi ng awitin, tulad ng "sa dibdib mo'y apoy" na tumutukoy sa galit na nasa iyong dibdib, at hindi ang literal na apoy na makakasunog sa iyong dibdib. Nariyan din ang pagkamakabayan ng pariralang "sa malayong silangan" na tumutukoy sa bansang Pilipinas.

Ang maaari nating gawin ay palitan ang salitang "mahiwaga" ng isa pang mas may katuturang salita. Kaya magbabago ang buong awitin. Ang mungkahi ko ay palitan ito ng salitang "kinawawa". Mas akma ito lalo na kung isasaalang-alang natin ang pagkakapareho ng bayang "kinawawa" sa lupang "sinira" na nasa unang saknong.


BAYANG KINAWAWA

Bayang kinawawa sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lunsod, itinatag
Sosyalistang pamahalaan
May tilamsik ng apoy at pawis
Sa paglayang inaasam

Ang pula ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning
Ang karit at maso niya'y
Hinding-hindi pasisiil

Laya ay langit, kalwalhatia't pagsinta
Buhay ay alay sa piling mo

Aming ligayang makitang
Obrero'y di api
Ang pumatay ng dahil sa 'yo


Ito'y mungkahi lamang at maaari pang pagdebatehan hanggang sa sang-ayunan ng mas nakararami ang nararapat na salita.

Huwebes, Mayo 6, 2010

Ang Rebolusyonaryong Pag-ibig ayon kina Che Guevara at Andres Bonifacio


ANG REBOLUSYONARYONG PAG-IBIG AYON KINA CHE GUEVARA AT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Rebolusyonaryong pag-ibig. Ito marahil ay isang tipo ng pag-ibig na akma sa mga nakikibaka para sa kalayaan ng bayan, ng uri, at ng kanilang mamamayan. Pag-ibig na hindi makasarili, kundi pag-ibig sa kapwa, sa uri't sa bayan nang walang hinihintay na kapalit. Ito ang nais ipahiwatig ng rebolusyonaryong si Ernesto "Che" Guevara sa kanyang sanaysay na "Sosyalismo at Tao sa Cuba" nang kanyang isinulat:

"Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, pahintulutan n’yong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng dakilang pag-ibig. Imposibleng isiping wala nito ang tunay na rebolusyonaryo. Marahil isa ito sa pinakamalaking dula ng isang pinuno na dapat niyang pagsamahin ang marubdob niyang damdamin sa kanyang kaisipan at gumawa ng mahihirap na desisyon ng walang atrasan. Ang ating mga nangungunang rebolusyonaryo’y dapat gawing huwaran itong pag-ibig sa taumbayan, sa napakabanal na layunin, at gawin itong buo at hindi nahahati. Hindi sila dapat bumaba, ng may kaunting pagmamahal, sa antas kung paano magmahal ang karaniwang tao."

Napakasarap namnamin ng sinabing ito ni Che Guevara. Napakalalim ngunit magaan sa pakiramdam. Tunay ngang imposibleng walang dakilang pag-ibig sa puso ng bawat rebolusyonaryo, pagkat ito ang gumagabay sa kanila kaya nakikibaka para baguhin ang sistema at kolektibong kumikilos upang maitayo ang isang lipunang may pagkakapantay-pantay, walang pagsasamantala, at ibinabahagi ang yaman ng lipunan sa lahat, isang lipunang pinaiiral ang pagpapakatao't pakikipagkapwa-tao. 

Napakadakila ng pag-ibig ng isang rebolusyonaryong inilaan ang panahon, lakas at talino para sa isang makataong prinsipyo't marangal na simulain at handang ialay ang buhay para sa kabutihan ng higit na nakararami.

Sa ating bansa, kinilala ang talas ng kaisipan ng rebolusyonaryong si Gat Andres Bonifacio nang kanyang sabihing: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaysa pag-ibig sa tinubuang lupa. "Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala." Sinulat ito ni Bonifacio sa kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", kung saan ginawang popular na awitin ang ilang piling saknong nito noong panahon ng batas-militar sa bansa. Narito ang unang tatlong saknong ng tula:

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin sa isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita't buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan, ito'y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat ng puso ng sino't alinman,
Imbi't taong gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang."

Napakatindi ng mensahe ng dalawang rebolusyonaryo. Hindi simpleng galit sa sistema ang dahilan ng kanilang pagkilos at paglaban, kundi pag-ibig! Pag-ibig! Inialay nila sa sambayanan ang kanilang buhay, lakas, at talino dahil sa sinasabi ni Bonifacio na "banal na pag-ibig", dahil banal din ang kanilang hangaring mapalaya ang bayan at ang mamamayan mula sa pagsasamantala ng sistema, hindi lamang ng dayuhan. 

Ang dalumat ni Bonifacio sa kanyang pag-ibig sa tinubuang lupa ay nagpapakitang hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang pinaniniwalaan, dahil Diyos iyon ng mga mapagsamantala. Ipinagdidiinan ni Bonifacio na dapat ibaling na ng sambayanan ang kanilang pagkahumaling sa Diyos ng mananakop tungo sa pag-ibig sa bayang tinubuan. Wala nang pag-ibig pang hihigit kaysa pag-ibig sa bayan, kahit na ang pag-ibig sa Diyos ng mga mapagsamantalang mananakop ay hindi makahihigit. Pagano ba si Bonifacio nang kanya itong isinulat?

Ngunit hindi pa rin masasabing pagano si Bonifacio dahil may paniwala pa rin siya sa Maykapal. Patunay dito ang ika-8 saknong sa tula niyang "Tapunan ng Lingap":

"Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob-hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva ng viva'y sila rin ang ubos."

Marahil, hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang tinutukoy dito, kundi yaong Maykapal na bago pa dumating ang mga Kastila ay pinaniniwalaang Bathalang matulungin at hindi Diyos ng mga mapagsamantala. 

Ngunit ano nga ba ang rebolusyonaryong pag-ibig? Mayroon nga ba ng tinatawag na ganito? O ito'y pag-ibig din na hindi kaiba sa karaniwang nadarama ng umiibig? Mula sa puso. Ipaglalaban hanggang kamatayan. Nagkakaiba-iba lang kung sino ang iniibig. Isa bang kasintahan? Pamilya? Bayan? O sangkatauhan?

Rebolusyonaryong pag-ibig ba pag gumamit ka ng dahas para makuha ang gusto mo? O kailangan ng pagpapakasakit, ng pagpaparaya? Na mismong buhay mo'y iyong ilalaan para sa iyong iniibig, para sa iyong inaadhika? O ang rebolusyonaryong pag-ibig ay yaong iyong nadarama para sa uring pinagsasamantalahan na dapat kumbinsihing kumilos at baguhin ang sistema?

Ang rebolusyonaryong pag-ibig ay higit pa sa pag-ibig ni Bonifacio kay Gregoria de Jesus, higit pa sa pag-ibig ni Che Guevara sa kanyang asawang si Aleida March, at sa kanilang anak. 

Makahulugan ang tinuran ng bayaning si Emilio Jacinto sa kanyang mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim, na kung walang pag-ibig ay mananatiling lugmok at api ang bayan. Kailangan ng pag-ibig at pagpapakasakit upang lumaya ang bayan sa pagsasamantala at mabago ang sistema. Ani Jacinto: 

"Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis. Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan."

"Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan."

Ating tingnan ang ilang saknong sa isa pang tula ng pag-ibig na marahil ay maaaring makapaglarawan kung ano nga ba ang tinatawag na rebolusyonaryong pag-ibig. Ito ang sampung saknong na tulang "Pag-ibig" ng kilalang makatang Jose Corazon de Jesus. Gayunman, ang buong tula ni Huseng Batute (alyas ni Jose Corazon de Jesus) ay tungkol sa pag-ibig sa pangkalahatan, at hindi tungkol sa rebolusyonaryong pag-ibig. Sinipi ko lamang ang tatlong saknong (ang ika-4, ika-6 at ika-7 saknong) dahil palagay ko'y angkop ang mga ito sa paglalarawan kung ano ang rebolusyonaryong pag-ibig, bagamat hindi ito ang pakahulugan doon:

"Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog.

Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso'y mahihina,
umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila."

Magandang dalumatin ang mga piniling tatlong saknong na ito sa tula ni Batute. Ang pag-ibig ay di duwag. Kikilos ka upang ipaglaban ang pag-ibig na naroroon sa kaibuturan ng iyong puso. At gagamitin mo naman ang iyong isip upang magtagumpay kang makamtan ito. Takot ka pa at hindi umiibig kung umuurong ka sa mga kakaharapin mong panganib.

Ang ganitong pag-ibig - pag-ibig na hindi duwag - ang nagdala kina Bonifacio at Che Guevara sa pagkilos at pakikibaka para sa kalayaan ng sambayanan. Kinaharap nila ang anumang sakuna't panganib, at hindi sila umurong sa mga labanan, maliban marahil kung ang pag-urong ay taktika upang magpalakas at makabalik sa labanan. Ang pag-ibig na ito rin ang nagdala sa kanila sa hukay nang sila'y parehong paslangin. Ang pag-ibig na ito ang nagdala sa kanila sa imortalidad.

Kaiba ito sa pag-ibig na sinasabi ni Balagtas sa saknong 80 ng kanyang koridong Florante at Laura, bagamat makakatas din ang rebolusyonaryong pag-ibig sa saknong na ito.

"O pagsintang labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin lahat masunod ka lamang."

Hahamakin lahat masunod lamang ang rebolusyonaryong pag-ibig sa bayang tinubuan. Lalabanan ang lahat ng mga mapagsamantalang walang pag-ibig sa mga maliliit. Babakahin ang sinumang nang-aapi't hindi umiibig sa kanyang mga kapatid, kasama, at kababayan. Lilipulin ang mga kaaway dahil sa pag-ibig sa kanyang kapwa. Malalim at matalim ang rebolusyonaryong pag-ibig, na kahit buhay man ang mawala'y ikasisiya ng sinumang nakadarama ng luwalhati ng pagsinta.

Bigyang pansin naman natin ang istruktura ng tula. Sa punto naman ng sukat at tugma, ang tula ni Bonifacio ay binubuo ng 12 pantig bawat taludtod sa 28-saknong, at may sesura sa ikaanim. Nagpapatunay lamang ito ng kaalaman ni Bonifacio sa tuntunin ng katutubong pagtula. Pansinin ang ikatlong taludtod ng unang saknong. "Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa", ang tinubuan ay naging tinub'an. Ito'y dahil sa mahigpit na tuntunin sa sukat at tugma sa pagtula noong panahong iyon. Ang tula naman ni Batute ay binubuo ng 16 na pantig bawat taludtod sa 10-saknong, na may sesura tuwing ikaapat na pantig. Kapwa tig-aapat na taludtod ang bawat saknong. 

Kahit ang ilan pang tula ni Bonifacio ay sumusunod sa padron ng Florante at Laura ni Balagtas, ang pagtulang alehandrino, na binubuo ng lalabindalawahing pantig bawat taludtod, at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Ang iba pang tula ni Bonifacio ay ang "Tapunan ng Lingap", "Ang Mga Cazadores", "Katapusang Hibik ng Filipinas", at ang kanyang salin ng "Ultimo Adios" ni Rizal sa sariling wika.

Magandang halimbawa ang pag-ibig na ipinakita ng ating dalawang bayani. Mga halimbawang dapat pagnilayan, pag-ibig na dapat damhin, dahil ang bawat pagkilos ng mga manghihimagsik ay hindi nakatuon lamang sa galit sa kaaway kundi higit pa ay sa pag-ibig sa kanyang mga kapatid, mga kauri, mga kapamilya at kapuso, pag-ibig sa mga maralitang hindi niya kakilala ngunit nauunawaan niyang dapat hindi hinahamak at pinagsasamantalahan, pag-ibig sa uring kanyang kinabibilangan upang ito'y hindi apihin at yurakan ng dangal at karapatan. Rebolusyonaryo dahil naghahangad ng pagbabago taglay ang adhikaing pagtatayo ng sistemang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Pag-ibig na walang pagkamakasarili kundi iniisip ang kapakanan na pangkalahatan.

Ang pag-ibig nilang ito'y maaaring maging gabay sa kasalukuyan. Hindi lamang pulos galit sa sistema ang dapat makita sa mga aktibista, o yaong mga nakikibaka sa lansangan. Tulad din ng pag-ibig ng mga aktibista ngayon, handa silang magpakasakit at iwan ang marangyang buhay, kung marangya man, o yaong dating buhay, upang yakapin ang prinsipyo at kilusang pinaniniwalaan nilang tunay na naglilingkod at nagmamahal sa sambayanan at sa uring matagal nang pinagsasamantalahan ng mapang-aping sistema. 

Tila magkatiyap ang kapalaran nina Andres Bonifacio at Che Guevara. Pareho silang manunulat at nag-iwan ng ilang mga sulatin. Pareho nilang nais ng pagbabago kaya sila'y nakibaka para sa kalayaan, kahit ibuwis nila ang kanilang buhay. Pareho silang humawak ng armas at naglunsad ng rebolusyon upang palayain ang bayan. Pareho silang nahuli at binihag. 

Pareho silang pinaslang habang sila'y bihag ng kanilang kaaway. Ang isa'y pinaslang ng mga dapat ay kapanalig sa pagpapalaya ng bayan, habang ang isa'y pinaslang ng mga kaaway sa lupain ng dayuhan. Si Bonifacio'y pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo sa pamumuno ni Major Lazaro Macapagal noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Si Che Guevara naman, na ipinanganak sa Argentina, ipinanalo ang rebolusyong Cubano kasama ni Fidel Castro noong 1959, ay pinaslang noong Oktubre 9, 1967 sa La Higuera, Bolivia. Binaril siya ng sundalong Boliviano na nagngangalang Mario Teran, kahit siya na'y bihag ng mga ito.

Halina't ating pagnilayan ang tatlong huling taludtod ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" ni Gat Andres Bonifacio:

"Kayong mga pusong kusang niyurakan
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango't Baya'y itangkakal,
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging palad
Kundi ang mabuhay sa dalita't hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa mga dugo'y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito'y kapalaran at tunay na langit."

Kailangan natin ng rebolusyonaryong pag-ibig sa panahong ito ng ligalig.

Mga pinagsanggunian:
1. Aklat na "Panitikan ng Rebolusyon(g 1896)", ni Virgilio S. Almario, University of the Philippines Press, 1993, mp. 141-144, at p. 171-173
2. Aklat na "Si Che: Talambuhay at Ilang Sulatin ni Ernesto 'Che' Guevara", ni Gregorio V. Bituin Jr., Aklatang Obrero Publishing Collective, Oktubre 2007, p. 26 
3. Aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula", ni Virgilio S. Almario, De La Salle University Press, 1984, mp. 28-29
4. Aklat na "Florante at Laura" ni Francisco Balagtas