Lunes, Abril 28, 2008

Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami akong mga kakilala na nag-aanyaya sa akin sa mga lakaran, o kaya’y magbakasyon, o sa anumang aktibidad dahil holiday daw ang Mayo Uno. Totoo ngang idineklarang holiday ang Mayo Uno bawat taon pero hindi ibig sabihin nito na bakasyon na tayo. Holiday ang Mayo Uno dahil ginugunita natin ang isang araw bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat mahigit labinlimang taon ko nang ginugunita ang Mayo Uno kasama ang mga manggagawa, at hindi ako nagbabakasyon sa araw na ito dahil sa dami ng gawain dito. Nakapagpapahinga o nakapagbabakasyon lamang ako, pati ang aking mga kasama, sa ibang araw maliban sa Mayo Uno, kung paanong abala rin kami sa iba pang holiday tulad ng Araw ni Gat Andres Bonifacio (Nobyembre 30) at Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (Marso 8). Bilang pagkilala sa kababaihan sa malaking ambag nito sa lipunan, hindi lamang mga babae ang dapat gumunita nito kundi mga kalalakihan din, paggunita rin ito sa ating inang nagluwal sa atin. Ang holiday na nakapagbabakasyon lamang ako, at ng aking mga kasama, ay ang Hunyo 12, pagkat hindi kami naniniwalang ito’y tunay na kalayaan, kundi pekeng kalayaan ayon sa mga dokumento ng kasaysayan. Ayon sa Acta de Independencia na nilagdaan noong Hunyo 12, 1898, lumaya ang Pilipinas mula sa Kastila upang magpailalim sa “mighty and humane American nation”.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat halos isang buwan din naming pinaghahandaan ang birthday na ito ng mga manggagawa, na siyang gumagawa ng ekonomya ng bansa. Kung walang manggagawa, tatakbo ba ang mga pabrika, mabubusog ba ang mga mayayaman, tutubo ba ng limpak-limpak ang mga kapitalista, uunlad ba ang bansa? Mabubuhay ang lipunan kahit walang kapitalista ngunit hindi mabubuhay ang lipunan kung walang manggagawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat sa sagradong araw na ito para sa mga manggagawa ay inaalala natin ang mga sakripisyo ng mga martir na manggagawang namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois noong Mayo 4, 1886, (ang ikaapat na araw ng welga) para ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. Noong Oktubre 1884, isang kumbensyon ang ginanap ng Federation of Organized Trades and Labor Unions (FOTLU) sa Amerika at Canada at napagpasyahang sa Mayo 1, 1886 ay isabatas ang walong oras na paggawa bawat araw. Noong panahong iyon, labindalawa hanggang labing-anim na oras ang paggawa bawat araw. Noong Mayo 1, 1886, isang malawakang welga sa buong Amerika ang isinagawa ng mga manggagawa bilang pagsuporta sa kahilingang walong oas na paggawa bawat araw. May 10,000 manggagawa ang nagrali sa New York; 11,000 sa Detroit; 10,000 sa Wisconsin, at 40,000 manggagawa sa Chicago na siyang sentro ng kilusang ito. May hiwalay pang welga sa Chicago ang may 10,000 manggagawa sa kakahuyan, habang may 80,000 katao naman ang sumama sa welga sa Michigan Avenue. Ang tinatayang sumatotal ng lahat ng nagwelga ay nasa 300,000 hanggang kalahating milyon. Noong Mayo 3, nagkagulo sa Chicago nang inatake ng mga pulis ang mga manggagawang welgista malapit sa planta ng McCormich Harvesting Machine Co., kung saan apat ang namatay at marami ang nasugatan.

Dahil sa nangyaring ito, noong Mayo 1, 1889, hiniling ng American Federation of Labor sa unang kongreso ng Ikalawang Internasyunal na Kilusang Manggagawa sa Paris, France, na isagawa ang isang pandaigdigang welga sa Mayo 1, 1890 para sa walong oras na paggawa. Ito’y inayunan naman ng mga kinatawan ng mga kilusang paggawa mula sa iba’t ibang bansa. Ang ikalawa pang layunin nito ay upang gunitain ang alaala ng mga martir na manggagawang nakibaka para sa walong oras na paggawa na namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois. Maraming gumunita at kumilala sa Mayo 1, 1890 bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, kasama na ang iba pang bansa, kabilang ang dalawampu’t apat na lunsod sa Europa, bansang Cuba, Peru at Chile.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat kailangan nating ipagdiwang at kilalanin ang sakripisyo ng mga manggagawa sa buong daigdig, at tayo’y makiisa sa lahat ng manggagawa sa mundo para sa pagbabago ng lipunan, kapayapaan, at pagkakapantay-pantay ng lahat. Sa ating bansa, ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno ay noong 1903 nang isinagawa ng 100,000 manggagawa sa pamumuno ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) ang isang malawakang pagkilos sa lansangan patungong Malacañang kung saan isinisigaw ng mga manggagawang Pilipino na “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat marami pa tayong dapat gawin upang tiyaking ang lipunang itong kinatatayuan natin ngayon ay tiyakin nating mabago para sa kapakinabangan ng lahat, lalo na ng mga susunod na henerasyon, at hindi ng iilan lamang. Sa ngayon, ang mga manggagawa’y nagiging biktima ng salot na kontraktwalisasyon, o five-months, five-months contract, imbes na dapat ay maging regular na siyang manggagawa. Laganap ang kaswalisasyon at agency employment upang mapanatiling mababa ang sahod ng manggagawa, imbes na sundin ang living wage provision na nakasaad sa Konstitusyon, at alisan ng batayan ang mga manggagawa sa kanilang karapatang mag-unyon. Winawasak naman ang mga nakatayo nang unyon sa pamamagitan ng retrenchment, closures o pagpataw ng Assumption of Jurisdiction (AJ) at madeklarang ilegal ang mga welga ng manggagawa. Ang mga regular na manggagawa ay pinapalitan ng mga batang kontraktwal o agency employees na walang mga benepisyong tulad ng regular na manggagawa. At kapag nasa edad na ng 25-taon pataas, over-age na, pahirapan nang makapasok sa pabrika o trabaho. Tulad ng mga naunang gobyernong umiral sa bansa, mas nakatuon ang mga programa’t patakaran ng bansa sa pagsasakatuparan ng mga dikta ng WTO-IMF-World Bank upang pangalagaan ang interes ng uring kapitalista. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, nagkukumpetensya ang mga kapitalista sa pagpiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa sa pamamagitan ng murang pasahod o murang presyo ng lakas-paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat dapat nang mamulat ang mga manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Hindi malaman ng manggagawang Pilipino, pati na mga kababayang maralita, kung saan kukuha ng pandugtong ng ikabubuhay kinabukasan. Halos trenta porsyento (30%) ang itinaas ng presyo ng pangunahing produkto tulad ng bigas at langis sa mga nagdaang buwan, habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa. Ngunit mas kalunus-lunos ang kalagayan ng mga walang pinagkukunan ng regular na hanapbuhay. Hindi pa tapos ang laban ng manggagawa pagkat patuloy pa silang inaalipin ng kapital. Panahon nang magkaisa ang uring manggagawa at itayo ang kanilang sariling gobyerno. Workers control!!!

Ikaw, magbabakasyon ka pa ba tuwing Mayo Uno? Halina’t sa Mayo Uno ng bawat taon, ating kilalanin ang kadakilaan ng uring manggagawa sa buong daigdig. Halina’t sumama sa mga pagtitipon ng mga manggagawa sa Mayo Uno, makipagtalakayan sa kanila, at ipaglaban ang ating mga karapatan.

Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin!

Linggo, Abril 27, 2008

Ang islogang "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya"

ANG ISLOGANG “URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA”
(Mula sa pahayagang Komyun, pahina 16)

Karaniwan na nating naririnig ang islogang ito sa mga rali. Ngunit paano ba uminog ang islogang ito at bakit ba hukbong mapagpalaya ang uring manggagawa?

Hindi pa uso ang panawagang ito noong panahon ng mga Amerikano, ngunit matalas na rin ang kanilang panawagan noon. Katunayan, umaalingawngaw ang sigaw ng uring manggagawa mahigit isandaang taon na ang nakararaan, nang magrali sa harap ng palasyo ng Malacañang noong Mayo 1, 1903 ang 100,000 manggagawang kasapi ng Union Obrero Democratico de Filipinas: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Lumaganap marahil ang islogang “Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!” noong panahong maitatag ng mga manggagawa ang unang pahayagan nito, ang TAMBULI, noong Mayo 1, 1913, o kaya’y noong panahon ng lider-manggagawang si Crisanto Evangelista nang itatag ang isang mapagpalayang partido noong 1930, o kaya’y noong 1975, panahon ng batas-militar, nang magwelga ang mga manggagawa ng La Tondeña. Bagamat di pa natin masaliksik kung sino, saan, at kailan unang isinigaw ang islogang ito, ang mahalaga ngayon ay ang mensaheng taglay nito. Ang panawagang ito ay may matinding diwa at mensaheng tumatagos sa ating kaibuturan pagkat ipinakikilala na sa buong mundo na tanging ang uring manggagawa - ang ating uri - ang pangunahing magdadala ng paglaya ng sambayanan mula sa kahirapan at pagsasamantala.
Ang mensaheng ito ang naging diwa ng naganap na Paris Commune noong 1871 sa Pransya nang kubkubin ng mga manggagawa ang lunsod ng Paris, at ng maitatag ng mga Bolsheviks at ng rebolusyonaryong si Lenin ang Unyong Sobyet noong 1917.

Ang diwa nito ang dala natin sa mga rali at iba pang pagkilos, pagkat ipinapahayag natin sa ibang manggagawa, tulad ng mga tsuper, mason, mga OFWs, empleyado ng gobyerno’t bangko, mga guro, atbp., ang kanilang mapagpalayang papel sa lipunan.

Kaya huwag tayong manghinawa sa pagpapalaganap ng tunay na diwa ng URING MANGGAGAWA bilang HUKBONG MAPAGPALAYA!

Sabado, Abril 26, 2008

Ang Aswang ng CIA

ANG ASWANG NG C. I. A.
(Nalathala ito sa pahayagang Obrero, Nobyembre 2007 issue)


Hanggang sa panahong ito ng modernong sibilisasyon, marami pa rin ang naniniwala sa aswang, lalo na sa probinsya ng Iloilo at Capiz. Ayon sa ilang matatanda, isa umano itong nilalang na nagkakatawang hayop, tulad ng aso o kambing, at nangangain ng tao. Ang nilalang na ito’y madalas ding gamitin sa pelikulang kababalaghan. Ngunit totoo nga ba ito o kathang isip?

Bagamat ang mahal kong ina ay mula sa lalawigan ng Antique (katabing probinsya ng Iloilo, Aklan at Capiz, kung saan ang apat na lugar na ito ang bumubuo ng isla ng Panay sa Visayas), hindi ko siya kinaringgan ng anumang tungkol sa aswang. Marahil, dahil mas matagal siyang nanirahan sa Maynila pagkat umalis siya ng Antique nang siya’y katorse anyos pa lamang. Isa pa, ang aswang ay hindi palasak sa tulad kong laki sa lunsod, pagkat nalalaman lang namin ito sa mga palabas sa pelikula, tulad ng Shake, Rattle and Roll.

Nuong bata pa ako, ang itinuturing naming aswang ay iyong mga bakla sa aming lugar na lumalabas tuwing gabi at naghaharutan sa may kanto. Hindi lang daw sila aswang, sila rin daw ay manananggal. Manananggal ng lakas.

Ngunit bakit dapat isulat ang tungkol dito. Dahil, una, nabasa kong ginamit ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika ang aswang upang durugin ang rebelyon sa Kabisayaan noong kasikatan pa ng mga Huk. Ikalawa, upang ituring natin ang aswang bilang bahagi lamang ng mitolohiyang Pilipino, at di dapat seryosong paniwalaan. Isang karanasan ang ikinuwento ng isang kakilala na nadala sa isang relokasyon. Ang kanyang kapitbahay, na mula umano sa isang lugar sa Bisaya at may alagang mga manok, ay nakarinig ng sumisigaw ng “Ek, Ek” na umano’y tinig ng aswang. Dahil sa takot ng kanyang kapitbahay sa aswang, imbes na iligtas ang kanyang mga alagang manok, ay nagtalukbong na lang siya ng kumot. Mabuti na lamang, ginising siya ng isa pa nilang kapitbahay at sa awa sa kanya’y itinuro kung sino ang nagnakaw ng manok. Agad nila itong pinuntahan kasama ang ilang barangay tanod. Isang buhay na manok na lamang ang kanyang nakuha dahil ang iba’y nakita nilang kinakatay na. Dahil kakilala niya ang kapitbahay na kumuha, at sa takot na rin na mapagdiskitan ng mga kakosa nito, at baguhan siya sa lugar, pinatawad niya ito. Sa hiya, binigyan na lang siya ng inadobong manok.

Meron pang nagsabi na isa raw niyang kakilala ay aswang dahil mismong mga daliri ay kinakain. Ang sabi ko sa kanya, imbes na tulungan ang taong iyon, pinabayaan pa dahil lang sa inuuod na paniniwala sa aswang. Kung dinala agad nila sa mental hospital ang taong iyon, nakatulong pa sana siya.

Nito lamang Nobyembre 2004, ipinalabas sa Channel 7, sa Jessica Soho Report, ang tungkol sa aswang sa bayan ng Duenas sa Iloilo. Ayon sa ulat, nito lamang panahon ng Kano, sa pag-uumpisa ng ika-20 siglo nagsimula ang kwento ng aswang. Isa umanong Amerikano ang sinasabing unang kumain ng tao. Dahil dito, lumaganap na sa Kabisayaan ang tungkol sa aswang, magpahanggang-ngayon. (Hindi kaya mula sa lahi ng cannibal ang Kanong ito?)

Isa pang matanda ang kinapanayam ni Jessica Soho na umano’y kinatatakutan sa Duenas dahil ito raw ay aswang, at ang kanyang bag umano’y gamit ng aswang. Ngunit ipinakita sa telebisyon na pawang mga gamit sa katawan, tulad ng pulbos at pabango, ang laman ng bag ng matanda. Tinapos ni Ms. Soho ang kanyang ulat sa pamamagitan ng mga batang elementarya sa Duenas na nagsasabing “Hindi kami mga aswang!”

Ang aswang ay ginamit na taktika ng CIA upang madurog ang rebelyon sa Kabisayaan. Ayon sa librong The CIA and the Cult of Intelligence nina Victor Marchetti at John Marks, “A psywar squad entered the area, and planted rumours than an asuang lived on where the communists were based. Two days after giving the rumours time to circulate among Huk symphatizers, ths psywar squad laid an ambush for the rebels. When a Huk patrol passed, the ambushers snatched the last man, punctured his neck vampire-fashion with two holes, hung his body until the blood drained out, and put the corpse back on the trail. As supertitious as any other Filipinos, the insurgents fled from the region.” (Isang kawan sa psywar ang pumasok sa lugar, at nagpakalat ng tsismis na may naninirahang aswang kung saan nakabase ang mga komunista. Dalawang araw matapos mabigyan ng panahong kumalat ang tsismis sa mga nakikisimpatya sa Huk, ang kawan ng psywar ay nagsagawa ng pananambang sa mga rebelde. Nang ang isang patrulya ng Huk ay dumaan, dinukot ng mga mananambang ang huling tao, nilagyan ng dalawang butas ang leeg nito na tila gawa ng aswang, ibiniting patiwarik ang katawan hanggang maubusan ng dugo, at ibinalik ang bangkay sa kanilang pinagdukutan sa tao. Mapamahiin tulad din ng ibang Pilipino, nilisan ng mga rebelde ang lugar.” – salin ni GBJ)

Ang operasyong ito ay isinagawa sa pamumuno ng psywar expert na si Col. Edward Landsdale ng US Air Force at isa sa mga covert operations agent ng CIA. Isa rin siya sa mga CIA agent na tumulong sa rehimen ni Ngo Dinh Diem ng South Vietnam laban sa North Vietnam.

Ngunit bakit ba marami ang naniwala sa aswang? Maraming dahilan. Isa na rito ay ginamit itong panakot sa mga bata upang umuwi agad kapag gumabi na. Ayon sa psychology, matatakot ang isang tao sa isang bagay kahit wala roon dahil sa paniniwalang meron nga nito, kahit wala. Maraming nagsasabi na ang paniniwala sa aswang ay kagagawan umano ng mismong Simbahan upang takutin ang mga Pilipino sa demonyo. Sa gayon ay lalong lalapit ang loob ng mga tao sa Simbahan at lumaki ang abuloy.

Ang aswang sa mitolohiya ay hindi na dapat paniwalaan. Dahil wala naman itong basehan. Mas dapat nating katakutan ang tunay na aswang.

May mga aswang sa gobyerno na patuloy na nagpapahirap sa masang Pilipino sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, pamasahe, langis, atbp.

May mga aswang sa mga pabrika’t kumpanya. Sila ang mga kapitalista na patuloy sa pagsipsip sa lakas-paggawa ng manggagawa upang lalong lumaki ang kanilang tubo.

May mga aswang na negosyanteng nagbebenta ng shabu at prostitusyon.

May mga aswang na mangangamkam ng lupa at patuloy na nagsasagawa ng demolisyon, kaya’t ang mga maralita’y walang matirhan at nagugutom.

Ang mga mapagsamantalang aswang na ito ang dapat katakutan at siyang dapat mawala sa lipunan.

Huwebes, Abril 24, 2008

magandang mensahe ng comic strip

Maganda ang mensahe ng isang komik strip na nabasa ko kanina sa pahayagang Inquirer.

Ang komiks na "Divine Comedy" ni Steve Pabalinas, PDI, April 24, 2008, p.C2 ay may tatlong kahon kung saan sa bawat kahon ay naroon ang mensahe at drowing, at sa komiks strip kanina ay ito ang nakasulat:

Sa unang kahon: You won't see a rich man playing hueteng because hueteng is a "poor man's game."

Sa ikalawang kahon: You won't see a rich man with cholera because cholera is a "poor man's disease."

Sa ikatlong kahon naman ay ito: You won't see a rich man inside death row because death row is a "poor man's prison."

Enlightening ang mensahe at sumasalamin sa totoong nangyayari sa lipunan.

Totoong bihira ang mayayamang tumataya sa hueteng dahil maliitan lang naman ang tama dito, mas kasino pa ang pupuntahan ng mayaman kaysa tumaya sa hueteng.

Tiyak rin namang hindi iinom ng maruming tubig ang mayayaman, at ang mahihirap naman ay napipilitang uminom ng "malinis" na tubig, na pinanggagalingan ng kolera.

At may mayaman ba sa death row, hindi ba't pawang mahihirap ang naroon? Si Erap nga na guilty ang hatol at reclusion perpetua ang parusa ay pinatawad ng pangulo, at si Jalosjos na guilty rin sa rape ay ngayon ay nakalalaya na, sila'y pawang mayayaman, ang mga mahihirap na nasa death row ay kailan ba lalaya, ano pa ang mahihita natin sa klase ng hustisya sa bansa?

Kaya saludo ako sa komik strip ni Steve Pabalinas. Hindi ito simpleng joke, kundi isang pagmumulat, isang katotohanan sa lipunang itong dapat na mabago.

- greg

Martes, Abril 1, 2008

pambungad

Ito ang aking personal na blog. Wala lang. Gusto ko lang isulat dito ang aking mga saloobin na labas sa mga artikulo at mga tulang ginawa ko. Pero sabi nga sa tula ko sa itaas, ako’y isang tupang pula. Hindi tupang itim, hindi tupang puti. Kung nais mong makilala ang iyong di-gaanong paboritong aktibista at manunulat, heto’t basahin mo ang aking mga pinagsusulat. Anyway, sa mga isinulat ko rito, kahit personal kong blog ito, ang masasabi ko pa rin, “Walang personalan, trabaho lang!” He, he, he!”

May mga kapatid na blog din ito. Yung matangapoy na para sa aking mga tula, yung asinsasugat na doon ko naman tinipon ang aking ilang mga nalathala nang sanaysay, at ang masongpapel na hinggil naman sa isyung pampulitika na mula naman sa isang malaking kilusang aking kinabibilangan.

O, pano, hanggang dito na lang muna, kaibigan.