Linggo, Hulyo 24, 2011

Gawaing Paralegal at ang Minsang Pagkahuli Ko sa Rali

GAWAING PARALEGAL AT ANG MINSANG PAGKAHULI KO SA RALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
BMP-KPML-Sanlakas

[Ang sumusunod ang inihanda kong talumpati para sa Paralegal Training Seminar (PLTS) na inilunsad ng Paralegal Volunteers Organization (PVO) ng UP College of Law sa Diliman. Sa paanyaya ni Arnel Abeleda ng PVO at estudyante ng UP College of Law, nagsalita ako sa harap ng may 20 law students ng UP na pawang kasapi ng PVO. Ito'y ginanap sa Rm. 128 ng UP College of Law sa Diliman, Hulyo 24, 2011, bandang ika-10:30 ng umaga. Ang paksa ko’y hinggil sa QRT (quick reaction team) o yung gagawin ng mga paralegal kung sakaling may mahuli sa rali. Isinama ko na rin dito si Ka Romy Castillo ng Partido Lakas ng Masa (PLM) na nagkwento rin ng kanyang karanasan.]


Isang maalab na umaga po sa inyong lahat. Ako po si Greg ng grupong BMP-KPML-Sanlakas, isang manunulat, makata, small-time pabliser, at aktibista. Di na bago sa akin ang UP Paralegal Volunteers Organization dahil ito ang nagbigay ng paralegal training on housing rights sa KPML noong 2003.

Ang ibabahagi ko sa inyo ngayon ay batay sa aking tunay na karanasan nang ako'y mahuli sa isang rali. Sa aming pagkilos sa Senado noong Mayo 2000 hinggil sa isyu ng VFA (Visiting Forces Agreement), dalawang dyip ng Sanlakas ang nagtungo roon upang magprotesta. Ang sigaw namin, huwag nang payagan ng Senado ang VFA at dapat itong ibasura. Magkatapat kaming mga raliyista at ang mga pulis na may kalasag at batuta na nakaharang sa amin.

Habang nagsasalita ang aming mga lider, nasa harapan ako noon, ay nagkagulo, nagkapaluan. Dahil nasa unahan ako ng aming bulto, ako ang nakuha ng mga pulis sa rali. Hinila ako ng mga pulis at binugbog sa loob ng Senado. Paglabas ng Senado, dala-dala na ako ng mga pulis sa kanilang mobil, tumungo muna kami sa Medical Hospital malapit sa istasyon ng pulisya. Nang makapag-medikal na ako at ang ilang mga pulis, saka naman ako dinala sa police station; doon ay nakita ko na ang ilan sa aking mga kasamahan sa rali; di nila ako pinabayaan.

Ngunit dahil marahil di namin kabisado ang batas at wala kaming abogado nuong panahong iyon, at hilo pa ako sa bugbog sa katawan, dinala ako ng isang pulis sa opisina ng piskalya ngunit walang makitang piskal, saka niya ako pinapirma sa isang statement, kaharap ang isa ko pang kasama na staff naman ng aming party-list; hilo pa ako at pumirma naman ako, wala lang, basta pumirma lang ako kaharap ng staff ng aming partylist na sumama para umalalay sa akin; iyon pala, kalaunan, mali ang aking pagpirma. Kaya isang gabi akong natulog sa Pasay City Jail kasama ang maraming preso sa sardinas na kulungan, selda 3. Ang ikinaso sa akin, direct assault dahil may mga pulis na nasaktan sa rali nang magkagulo, gayong sila ang may pamalo at shield, habang kami naman ay walang pamalo at ang hawak namin ay pawang mga plakards at flags ng aming organisasyon.

Sa selda, kinausap ako ng mayor sa loob at tinanong kung ako daw ba yaong napanood nila sa TV kani-kanina lamang sa rali na nagkagulo, at hinuli ng mga pulis-Pasay. Sabi ko naman ay oo. Natulog ako na nasa ilalim ng katre ang aming mga paa, dahil sinsikip ng lata ng sardinas ang maliit na kulungan.

Kinaumagahan, dumating na ang aking mga kasamahan, bandang tanghali na dumating si kongresman. Dumating ang isa kong pinsan at binigyan ako ng P100. Mga alas-dos ng hapon, nakalaya na ako matapos kong magpyano, o mag-fingerprint. Nagkaroon sila ng usapan na kung di nila iuurong ang demanda sa akin, sila din ay idedemanda namin dahil bugbog sarado ako, na mapapatunayan sa medical check up sa akin bago ako dinala sa presinto. Ayon sa tatay ko, nagpunta rin siya ng hapon doon ngunit nakalaya na pala ako.

Wala kaming abugado o paralegal man lang sa aming mga rali kadalasan. Hanggang ngayon ay ganuon pa rin ang palakad. Ngunit may bilin naman, na kung sakaling may mangyari muling hulihan sa rali, ay tumawag na ng abugado.

Iyan ang ikalawa kong pagkabugbog sa rali, at una kong kulong. Sabi nga ng nanay ko noon, tigil-tigilan ko na ang pagsama-sama sa mga rali. Ngunit nang mabugbog na ako, ang nasabi na niya, okey lang sumama na ako sa rali basta huwag na akong popronta, huwag na akong laging nasa harapan ng rali. May mga nauna na akong nasamahang rali at minsan, lightning rally (LR). Marami pang beses na ako’y nabugbog, nahuli, hindi nahuli, nakatakas, gayong karapatan naman ang magpahayag sa pamamagitan ng rali. Mula sa eskwelahan bilang campus journalist, halos dalawang dekada na akong kumikilos bilang aktibista, at nag-fulltime ako mula 1997 hanggang sa kasalukuyan. Di ko na tinapos ang pag-aaral ko ng BS Mathematics para magrebolusyon.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin ako sa pagtangan sa prinsipyong nag-aadhika ng pagbabago ng isang lipunang nahahati sa uri at kawalan ng hustisya sa higit na nakararami. Magpapatuloy kami at di titigil buhay man ang ialay upang isulong ang adhikaing pagkakapantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang ugat ng kahirapan ay ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, at kung ito’y mapuputol, ang kahirapan ng higit na nakararami sa lipunan ay mawawakasan.

Dahil sa ganitong mga karanasan, napagtanto kong dapat may alam din ako sa batas at karapatang pantao, dahil bilang aktibista, dapat alam namin kung paano namin ipagtatanggol ang aming sarili, at ang mga maralita’t manggagawang inaapi’t pinagsasamantalahan. Matapos ang tatlong taon (2003) nang ako’y makalaya mula sa isang araw at isang gabing pagkakakulong sa Pasay City Jail, nakapag-treyning ako sa paralegal sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), hinggil sa karapatan sa pabahay at karapatang pantao. Nakakuha na rin ako ng paralegal training on labor relations (Rule V ng Labor Code) sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) nitong Hunyo 2011 at nakagawa na rin ng isang pleading.

Ano ang mga dapat gawin ng isang paralegal pag may inilunsad na QRF ang isang organisasyong aktibista sa harap ng isang opisina o ahensya ng gobyerno, o maging sa Mendiola, at may nahuling raliyista? Ang mga ibabahagi ko’y batay sa naging karanasan ko, at sa ilang payo sa akin.

Una, dapat samahan ng paralegal ang mga nahuling aktibista sa rali at ipaalam sa nahuling aktibista ang kanyang mga karapatan at sabihan itong maging kalmado pagkat hindi pa iyan ang katapusan ng mundo.

Ikalawa, kunin ang mga pangalan ng umaresto, ang kanilang mga opisyal na posisyon, at ang kinabibilangang opisina o yunit ng umaresto o mga umaresto sa mga raliyista.

Ikatlo, tanungin ang mga nang-aresto kung saan dadalhin ang raliyista, ito'y para sa proteksyon ng raliyista at ng umaresto, para matiyak na di sila lalabag sa karapatang pantao nang di sila makasuhan.

Ikaapat, kung ang mga umaresto ay sibilyan, kunan sila ng litrato at kunin ang plaka ng kanilang sasakyan, ipinag-aatas ng batas na ang mga opisyal na umaresto ay dapat nakauniporme, kumilos ng tama at rumespeto sa karapatang pantao at dignidad; dapat maiwasan ang pag-salvage o summary execution, o ang maging desaparesido ang mga raliyista.

Ikalima, huwag iwan ang mga nahuli hangga't walang dadalo sa kanila na mga kasamahan nila sa organisasyon, o kanilang mga kamag-anak.

Ikaanim, gawan ng statement ng buong pangyayari, at bigyan ng kopya ang kinauukulan, tulad ng CHR, abogado ng mga raliyista, ang mismong kapulisan, ang organisasyong kinabibilangan ng mga aktibista, at iba pang dapat mabigyan ng kopya.

Mga dagdag pa: Dapat maigiit ng mga paralegal ang karapatang pantao, batay sa Saligang Batas ng Pilipinas, Artikulo 3; ang International Covenant on Civil and Political Rights; ang International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights; at ang kaalaman hinggil sa ilang proseso ng batas, tulad ng filing ng ordinary civil action, summary procedure in civil and/or criminal cases, paano ginaganap ang trial, procedure for appeal sa regional trial court (RTC) at sa court of appeals, pagtiyak ng awtentisidad ng dokumento, tulad ng warrant, at marami pang iba. At makipag-ugnayan sa mga human rights organizations, tulad ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), Philippine Human Rights Information Center (PhilRights), HR Online, kung saan isa ako sa mga fellow HR bloggers, at marami pang iba.

Maraming salamat sa mga organisasyong ito ng karapatang pantao. At lalu na, salamat sa mga organisasyong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan), Sanlakas, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na siya kong kinapapalooban ngayon, at Partido Lakas ng Masa (PLM), na pawang mga organisasyong kinilusan ko at kinikilusan pa hanggang ngayon sa patuloy nilang suporta at gabay sa mga tulad kong aktibista, at mga kasama upang palayain ang bayan at ang uring manggagawa mula sa kuko ng mga mapagsamantala. Magpapatuloy kami sa pakikibaka hanggang sa maitayo ang isang lipunang makatao para sa lahat, isang lipunang sosyalismo. At ako naman ay magpapatuloy sa pagsusulat, pagkatha ng tula, at paglilimbag ng mga librong mapagmulat para sa uring manggagawa at sa masa ng sambayanan.

Sa ngayon po, hanggang dito lamang po muna. Marami pong salamat.

Walang komento: