Sabado, Agosto 20, 2011

Si Umbrero at ang Hunger Strike ng mga Bilanggong Pulitikal

SI UMBRERO AT ANG HUNGER STRIKE NG MGA BILANGGONG PULITIKAL
ni Greg Bituin Jr.

Ang pagkamatay ng bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero ang mitsa upang mag-hunger strike ang mga bilanggong pulitikal sa iba't ibang kulungan sa bansa.

Umaga ng Hulyo 15, 2011, namatay si Umbrero, 63, sa ospital ng New Bilibid Prison (NBP) sa sakit na lung cancer. Nito lang Pebrero nasuri ng mga doktor na siya'y may lung cancer. Dahil dito'y agad nanawagan ang iba't ibang grupo na palayain na si Umbrero upang makapiling man lang ang pamilya sa kanyang mga huling sandali. Ngunit sawimpalad, namatay siyang di napagbibigyan ang munting kahilingang iyon. At ang matindi pa, sa kauna-unahang executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino, pinalaya niya si Umbrero noong Hulyo 19, apat na araw nang namatay ang nasabing bilanggo.

Sa galit ng mga bilanggong pulitikal, nagsagawa sila ng hunger strike noong Hulyo 21, ngunit pormal itong isinagawa noong Hulyo 25 upang iparating sa media, sa pangulo, at sa madla ang kanilang kalagayan. Marami na sa kanila ang matagal na sa kulungan at dapat nakalaya na, habang marami na rin ang maysakit.

Ayon sa Medical Action Group (MAG), 26 bilanggong pulitikal sa Maximum Security Area ang sumama sa hunger strike at fasting. Ang ilan sa mga nag-hunger strike ay ang matagal nang nakapiit na si Juanito "Nitoy" Itaas na 23 taon nang nakapiit, ang 64 anyos na si Cresencio Inocerta, at pitong Muslim naman ay nag-aayuno. Tubig lamang ang iniinom ng mga hunger strikers, walang pagkain; habang ang mga nag-aayuno ay may light meal at tubig. Noong Agosto 4, anim sa kanila ay agad nang dinala sa NBP Hospital dahil sa pagbaba ng mga blood sugar. Ilang araw pa, ang ilan sa kanila'y di na kinaya ang pagha-hunger strike.

Pansamantalang itinigil ng mga bilanggong pulitikal ang kanilang hunger strike noong Agosto 17 upang bigyang daan ang diyalogo sa Agosto 19 sa pangunguna ni DOJ Secretary Leila De Lima at mga kinatawan ng mga bilanggong pulitikal. Sa kanilang pulong noong Agosto 19, pinag-usapan ang pag-aasikaso ng prison reforms, at ang muling pagrere-activate ng Presidential Committee on Bail, Recognizance and Pardon (PCBREP).

Ayon sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), may 306 bilanggong pulitikal na nakapiit sa iba't ibang kulungan sa bansa. Sinabi pa ng TFDP na di dapat ibinilanggo si Umbrero dahil sa kanyang paniniwala.

Dahil sa pagkamatay ni Umbrero at hunger strike ng mga bilanggong pulitikal, nanawagan ang iba't ibang grupo na dapat magkaroon ng reporma sa lahat ng kulungan sa bansa. Nagsumite ang MAG sa Department of Justice (DOJ) ang kanilang proposed amendments sa Rules of Parole and Amended Guidelines for Recommending Executive Clemency of the 2006 Revised Manual of the Board of Pardons and Parole, Section 3, Extraordinary Circumstances. Ang ilan sa amyenda ay ang pagpapababa ng cut-off sa edad mula pitumpung taong gulang sa animnapu, isama na ring palayain ang mga bilanggong may matitinding sakit, at palayain na ang mga bilanggong lagpas na ang sentensya, na kahit isang araw na higit sa sentensya ay di na dapat manatili pa sa kulungan.

Ang pamahalaang ay walang konsepto ng kung sino ang mga bilanggong pulitikal at sino ang hindi. Upang mapiit ang kanilang mga ideya, kinakasuhan sila ng kung anu-anong krimen na wala namang kaugnayan sa kanilang pulitikal na paniniwala.

Inaresto si national artist at labor leader na si Amado V. Hernandez noong Enero 26, 1951 sa salang "Rebellion with Murder, Arson and Robbery" o rebellion complex with other crimes. Ngunit pagkalipas ng ilan taon, pinalaya ng Korte si Hernandez. Ayon sa Korte Suprema, ang salang rebelyon ay isang kaso lamang at hindi pwedeng maging "complex with other crimes". Kaya noong Mayo 30, 1964, inabswelto na ng Korte Suprema si Hernandez.

Marahil, dapat ganito rin ang mangyari sa ating mga bilanggong pulitikal, kasuhan sila ng rebelyon at hindi patungan ng mga kasong kriminal.

Ang mga bilanggong pulitikal ay dapat nang palayain dahil di sila nababagay sa piitan. Palayain lahat ng bilanggong pulitikal!


PAGLAYANG NASAYANG
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(Hulyo 15, 2011 namatay ang bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero, patay na siya nang siya'y biyayaan ng executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino noong Hulyo 19, 2011)

huli na ang lahat, Noynoy Aquino
huli na pagkat ang pinalaya mo
sa una mong presidential clemency
ay ilang araw nang naililibing

di ko alam, 'yan ba ang utak-wangwang
na laging huli't palpak ang dulugan
noon pa dinulog ang kasong iyan
ngunit di naman agad inaksyunan

level 4 na ang kanser ni Umbrero
tanging hiling niya, Noynoy Aquino
ay makasama ang kanyang pamilya
sa nalalabi pang araw sa mundo

ngunit bigo siya, binigo siya
ng pangulong ayaw ng utak-wangwang
ilan pa, Noynoy, ang bibiguin mo
ilan pa ang mabibigo sa iyo

namatay siyang bigong makasama
sa huling araw ang kanyang pamilya
presidential clemency mo'y wala na
sayang pagkat iyon ang iyong una

tularan mo ang ina mong butihin
bilanggong pulitikal, palayain
paulit-ulit itong aming hiling:
BILANGGONG PULITIKAL, PALAYAIN!

Walang komento: