ni Gregorio V. Bituin Jr.
Demolisyon at panukalang batas. Sa dalawang ito nahaharap ngayon ang mga maralita. Habang pinag-iisipan nila paano maipagtatanggol ang kanilang mga karapatan sa sapat na pabahay, nakasalang naman sa Kongreso ang ilang mga panukalang batas na tiyak na makakaapekto sa kanilang karapatan sa paninirahan.
Bantang Demolisyon
Hirap na nga sa buhay, kulang na nga sa pagkain, araw-gabi nang nagtitiis, maraming utang, kaunti ang sahod, di na mapag-aral ang mga anak, eto't idedemolis pa sila sa kanilang mga tahanan. Hindi sila papayag na basta na lang tanggalan ng tahanan, dignidad at kinabukasan. Makikita mo ang galit at pagtitimpi ng maralitang inaapi sa lipunang ito, mga maralitang ayaw ng gulo ngunit pag niyurakan ang karapatan ay lumalaban, pangil sa pangil. Kung ikaw ang maralitang iyon, di ka pa ba lalaban kung niyuyurakan na ang iyong karapatan, kinabukasan at dignidad? Basta ka na lang ba susuko at luluhod sa mga naghahari-hariang umaangkin ng lupang kinatitirikan ng inyong tahanan?
Patuloy na nakaamba ang demolisyon sa maralita sa ngalan ng kaunlaran. Pag-unlad na maaaring etsapwersa na naman ang maralitam dahil sila'y masakit sa mata ng mga "dakila". Sa ngalan ng kaunlaran, para silang hayop na dapat mawala. Nariyan ang bantang pagdemolis sa libo-libo pang maralitang pamilya sa North Triangle at Agham sa Lungsod Quezon; Brgy. Old Balara sa QC; ang roadwidening sa Tikling sa Taytay, Rizal; at sa Sitio Palanyag, Barangay San Dionisio, Parañaque.
Nagkagulo naman sa demolisyon sa lupaing inookupa ng mahigit isang libong residente ng Brgy. Old Balara sa Lungsod Quezon noong Agosto 26. Binarikadahan ng mga residente ang tatlong lane ng Commonwealth Avenue upang di makapasok ang mga demolition team. Iginiit ng mga residente na walang notice of demolition silang natatanggap. Umano'y pag-aari ng Susana Realty ang 11-ektaryang lupaing kinatitirikan ng mga bahay ng maralita.
Sa nakaambang demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa San Dionisio, pinagbantaan silang idedemolis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority dahl sinasabing sila raw ay nasa danger zone, ngunit sila'y nakipaglaban at nanindigan sa kanilang karapatan sa sapat na pabahay.
Sinasabi ng NHA na sold-out na umano sa Ayala ang buong kinatitirikan ng kabahayan ng mga taga-North Triangle, ngunit ang problema, hindi ipinapakita sa residente ang mismong mga papeles na talagang bayad na itong buo ng Ayala. Sabi ng mga residente, tao lang ang gumawa ng legalidad niyan, tao rin ang babago lalo na't nakikita nilang di ito makatarungan. Kaya nanatili ang mga residente ng North Triangle at onsite relocation ang kanilang pinaninindigan. Ang proyektong QCBD (Quezon City Business District) ang sumasagka sa kanilang karapatan. Gayunman, may nabanaag na pag-asa ang maralita sa napabalitang "No houses for the poor, no business permit" na lumabas sa Inquirer (11 July 2011), na sinabi umano ni QC Mayor Herbert Bautista na sa sinumang nagnanais magtayo ng negosyo sa QC ay dapat tiyaking kasama sa social cost ang maralita, at di basta-basta idedemolis ng walang katarungan. Kung ganyan ang patakaran sa QC, mas magandang sundan ito ng iba pang mayor o maging patakaran sa pabahay sa buong bansa.
Dapat magkaisang kumilos ang mga maralita bago pa muling magkaduguan dahil sa pagtatanggol sa buhay, dignidad at kinabukasang pilit at pilit na inaagaw sa kanila.
Mga Panukalang Batas: Pabor Ba o Hindi sa Maralita?
Ngunit nanganganib pa rin ang maralita. Dahil patuloy na gumagawa ng batas para sa maralita ang mga mayayamang kongresistang di nakaranas ng demolisyon, mga kongresistang nandidiring tumapak sa mga squatters area maliban kung mag-eeleksyon para buhusan ang mga dukha ng pangakong deka-dekada nang napapako. Ang mga kongresistang ito'y tulad ng mga ibong gumagawa ng batas para sa mga isda.
Nariyan ang pag-amyenda sa probisyon sa socialized housing sa UDHA (RA7279) na isa sa priority bill ni Pangulong Aquino, na imbis na 20% ng total cost ng proyekto ay para sa socialized housing ay maaring gawin na lang 10% o 5%, o maaaring tanggalin na itong tuluyan. Nariyan din ang panukalang pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development o DHUD.
Ayon sa talaan ng Committee Information on Housing and Urban Development, na may 55 myembrong kongresista, may mga nakasalang na 14 na House Bill (HB) at 11 House Resolution (HR) hinggil sa usaping pabahay. Ang ilan dito'y tungkol sa pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development (DHUD), programang green parks at insentibo sa mga subdibisyon, at iba pa. Sa ating mga maralita, napakahalagang suriin ang mga panukalang batas na ito.
Sa paglikha ng DHUD, nariyan ang HB 384 ni Rep. Gloria Arroyo (Pampanga, D2), ang HB 1157 ni Rep. Rodolfo Biazon (Muntinlupa City, Lone District), at ang HB 2216 ni Rep. Rodolfo Valencia (Oriental Mindoro (D1). Nariyan din ang HB 1231 (Omnibus Housing and Urban Development Act) ni Rep. Winston Castelo (QC, D2); ang HB 4565 (An Act creating a Local Housing Board in every city and first to third class municipality) ni Rep. Edwin Olivares (Parañaque, D1); ang HB 4578 (An act prescribing the mechanisms to facilitate the disposition of government-owned lands for socialized housing) ni Rep. Joseph Gilbert Violago (Nueva Ecija, D2); at ang HB 4656 (An Act instituting reforms in the government's drive against professional squatters and squatting syndicates) ni Rep. Amado Bagatsing (Manila, D5). Sa resolusyon naman ng Kongreso, nariyan ang HR 57 (A Resolution in Aid of Legislation to resolve the issue regarding alleged Smokey Mountain Project Scam), at marami pang iba.
Noong Pebrero, sa ulat ng Pangulo sa LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council), nangunguna sa talaan ng 23 priority bills ang paglikha sa DHUD. Sa ulat ng pangulo ngayong Agosto sa LEDAC, isa sa 13 priority bills ang panukalang Twenty Percent Balanced Housing Law o ang pag-amyenda sa Lina Law o sa Urban Development Housing Act of 1992 (amendments to the Urban Housing and Development Act of 1992 mandating socialized housing equivalent to at least 20% of the total condominium/subdivision area or project cost - BusinessWorld, Aug. 15, 2011).
Kaya nahaharap sa dalawang panukalang batas ang maralita. Ang nakasalang na paglikha ng DHUD, at ang panukalang pag-amyenda sa UDHA. Kung hindi kikilos ang maralita, baka makalusot ang mga panukalang batas na ito at maging ganap na batas na ginawa ng mga mayayamang kongresista nang walang partisipasyon ang mismong mga maralita.
Mga Mungkahing Gagawin ng Maralita
Kaya dapat ganap na subaybayan ng mga maralita ang pag-usad ng mga panukalang batas na ito at igiit nating maging bahagi tayo ng deliberasyon nito sa Kongreso. Halimbawa, sa panukalang DHUD, paano susubaybayan at makalalahok ang maralita hanggang sa maging consolidated bill ang HB 384, HB 1157 at HB 2216, hanggang sa maipasa ito sa third reading, maipasa sa senado hanggang sa mapirmahan ng pangulo upang maging ganap na batas. Ngunit bago iyon, pag-aralang mabuti ng maralita kung tunay nga bang makakatulong ang panukalang DHUD, kung saan pag-iisahin na rito ang iba't ibang housing agencies. Gayunpaman, di tayo dapat umasa na ang mga panukalang batas na ito ay maging pabor sa maralita, pagkat ang komposisyon ng mga mambabatas sa Kongreso ay pawang mayayaman, may negosyong real estate, mga developer, at marahil ay mas pumapabor sa pagsasapribado ng pabahay, imbes na ito'y pangmasa. Tulad na lang ng mapaniil na RA 9507, o Socialized and Low-Cost Housing Loan Condonation and Restructuring Program Act of 2008.
Dapat pakasuriin at araling maigi ang mga panukalang batas na ito, bigyan ng kritik na ipapasa natin sa mga kongresista, at kung kinakailangan ay aktibo tayong lumahok sa deliberasyon nito sa Kongreso. Sa kongkreto'y dapat magbuo ng team ang mga maralita na tututok sa mga panukalang batas na ito, mula sa pagsubaybay, pag-alam ng iskesyul ng deliberasyon at pagdalo rito, pag-lobby at pag-integrate ng urban poor agenda sa mga panukalang ito, pakikipagtalakayan sa mga kongresista, at mag-ulat sa kapwa maralita hinggil sa mga development ng mga panukalang ito sa Kongreso.
Hindi pwedeng patulog-tulog ang maralita sa mga panukalang batas na may kinalaman at tiyak na makakaapekto sa kanilang karapatan sa pabahay, buhay, dignidad at kinabukasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento