Sabado, Marso 24, 2012

Hindi Sapat ang Galit

HINDI SAPAT ANG GALIT

Nalathala bilang Editoryal ng magasing Ang Masa, Marso 16-Abril 15, 2012

Galit ka dahil sa patuloy na kahirapang dinaranas. Galit kami dahil sa patuloy na pagtataas ng presyo ng langis at LPG. Galit tayo dahil karamihan sa atin ay patuloy na pinahihirapan ng mataas na presyo ng mga bilihin, tulad ng bigas, isda, karne, atbp. Galit sila dahil patuloy silang nagugutom sa kabila ng kasaganaan sa lipunan. Galit ang maraming tao sa hindi magandang bukas na danas. Nakakangiti pa paminsan-minsan para pansamantalang makalimutan ang mga pagdurusang idinulot ng salot na sistemang kapitalismo sa bawat isa. Tanging mga kapitalista't elitista sa lipunan na lang yata ang di nagagalit sa sistema, bagkus ay tuwang-tuwa dahil sa pagkakamal ng labis-labis na tubo.

Galit ka ngunit basta ka na lang ba manununtok? Galit kami ngunit mananahimik na lang ba kami sa isang sulok? Galit tayo ngunit basta na lang ba tayo susugod sa Malakanyang? Hindi sapat ang galit. Hindi sapat ang umismid ka na lang, o kaya'y magtatatalak na lang sa isang tabi, gayong hindi ka kumikilos. Marami nang mamamayan ang galit, ngunit di nila lubusang maipakita ang kanilang galit sa sistema. Napapakita lang nila ito sa paisa-isang kilos-protesta ng iilang mamamayang organisado, ngunit hindi tuluy-tuloy, hindi sustenado. Habang ang mayoryang di organisado'y dinadaan na lang sa pag-ismid at pagwawalang-bahala, dahil sa katwirang wala namang mangyayari anuman ang gawin nating pagkilos.

Pag-aralan natin ang lipunan. Organisahin natin ang ating galit sa isang malawak at direktang pagkilos na tutugon upang masolusyunan ang ating mga problema. Huwag tayong padalus-dalos at bibira ng bara-bara dahil galit tayo sa pamahalaan at sa sistemang patuloy na nagpapahirap sa atin. Kailangan organisado tayong kumikilos, sa iisang layunin, sa iisang direksyon, upang mapalitan ang bulok na sistemang patuloy na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao.

Dapat tayong mag-organisa. Dapat kumilos ang mamamayan. Dapat mapakilos ang mamamayan. Ngunit kikilos lang sila ng sama-sama kung maoorganisa sila, kung may matatanaw silang lideratong palaban, matalino, tapat sa uring manggagawa, at kapakanan ng buong bayan ang laging nasa puso't isip.

Hindi sapat ang galit. Mababago lang natin ang ating kalagayan kung tayo'y kikilos. Isa sa unang kongkretong hakbang ay ang pagsapi sa  mga sosyalistang organisasyong nakikibaka para sa pagbabago ng sistema, tulad ng sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), sosyalistang Partido Lakas ng Masa (PLM), atbp. At mula doon ay pagkaisahin natin ang ating mga lakas patungo sa iisang layunin. Dapat tayong kumilos, mag-organisa, tungo sa iisang direksyon, tungo sa ating pangarap, tungo sa tagumpay ng ating layunin. 

Bawat hakbang natin patungong sosyalismo!

Walang komento: