Huwebes, Hunyo 21, 2012

Pagpapasinaya sa mga bagong stall ng MMVA-QC

PAGPAPASINAYA SA MGA BAGONG STALL NG MMVA-QC
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking kaganapan ang naganap sa grupong Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) noong Hunyo 20, 2012. Ginanap ang pasinaya sa harapan ng PNB Branch sa kanto ng Kalayaan Avenue at Elliptical Road sa Lungsod Quezon, malapit sa Quezon Memorial Circle.

Sa harapan ay may tarpouline kung saan nakasulat:
Quezon City Market Development and Administration Department
Vending Site Development and Poverty Alleviation Program
in cooperation with Sikap Buhay, Metro Manila Vendors Alliance-QC Chapter, CRBB and UPLIFT
Brgy. Old Capitol, Brgy. San Vicente, Brgy. Central, and Brgy. Commonwealth
HanapBuhay para sa Disiplinadong Manininda
Mayor Herbert Bautista
Vice Mayor Joy Belmonte
Danny Matias, City Market Administrator
and Barangay Council

Mga isandaang silya sa harapan, ang limampung brown na upuan ay mula sa opisina ng Sanlakas, habang ang mga puti naman ay dinala mula sa Quezon City Hall. Nakasuot ng berdeng t-shirt ang mga maliliit na manininda, na may tatak na "HanapBuhay para sa Disiplinadong Manininda", kung saan ang letrang HDBM ay kulay pula, habang ang iba pang letra ay kulay dilaw. Ang ilan sa kanila ay may sumbrerong dilaw na nakasulat ang MMVA-QC.

Ganap na ika-10:25 ng umaga nang magsimula ang palatuntunan. Sinabi ng tagapagpadaloy (emcee) ng programa na si Claire Regoso ng Hawkers Division ng QC Hall ang  palatuntunan. Ipinakilala rin niya ang mga opisyales ng pamahalaan na nagsidating.

Inumpisahan ang cutting of ribbon and blessing sa pamamagitan nina Councilor Ivy Lagman ng District IV ng Quezon City, at Fr. Mos ng Immaculate Heart of Mary Parish. Nagtayuan sa upuan ang mga vendors at nagtungo kung saan naroon ang ribbon cutting. Matapos magupit ni Coun. Lagman ang ribbon, nagkuhanan ng litrato, at nagbalikan na ang mga tao sa kani-kanyang upuan.

Muling pinasinayaan ng tagapagpadaloy ang programa at tinawag si Coun. Lagman upang magsalita. Ayon kay Coun. Ivy Lagman, magandang proyekto ang nangyaring ito dahil hindi na kailangang makipaghabulan pa ng mga manininda sa mga pulis, dahil legal na ang kanilang pagtitinda. Binati rin niya ang mga taga MDAD, Sikap Buhay, Sanlakas, MMVA, mga kapitan ng barangay. Sa pagtatapos, kanyang sinabi, "In behalf of Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte. congratulations po sa ating lahat."

Binigyan ng pagkilala ng tagapagpadaloy si Mam Sharon Magpayo, manager ng PNB, at ang tinawag naman niya ay si City Market Administrator Danny Matias upang magsalita. Ayon kay Admin. Matias, siya ang pinakamasaya sa araw na iyon. Binati niya ang mga opisyales ng pamahalaan na dumalo, at ang mga vendors ng MMVA. Ayon pa sa kanya, ang proyektong ito ay dumaan sa hirap ng proseso, merong batas na dapat sundin. Pinuna rin niyang kung saan may terminal, naroon ang vendors. Kung ang palengke ay nasa loob ng isang property, ang sidewalk ay walang administrasyon. Pinuri niya ang mga vendors nang kanyang sinabing "Kung di buo ang loob ninyo na ipagtanggol ang inyong kabuhayan, wala tayo dito. Kayong vendors ang nagpapatunay na pag may tiyaga, may nilaga. Laging may polisiya, (1) malinis, (2) may maayos na pagtitinda, (3) huwag kayong mag-away-away. Dapat nagtitinda kayo ng nakangiti. Dapat may responsibilidad, pagtutulungan, may respeto sa batas. Sana'y magtulungan tayo't mabuhay tayong lahat."

Nagpahayag din ang punong barangay ng Old Capitol na si Kapitan Mauricio C. Rodriguez. Ayon sa kanya, "Karangalan ng aming barangay na napagbigyan ang aming vendors ng hanapbuhay. Lubos na nagpapasalamat kay Mayor, Vice Mayor at dsa lahat ng konsehal. Ang pagkakataong ito'y huwag nating pabayaan."

Binati naman ni Kapitana Josephine I. Velasco ng Brgy. Central si Tita Flor. "Natutuwa kami na kami'y naging bahagi ng vendors association. Tiyakin natin ang ating kalinisan, segregation, uniporme. Nakatutuwa. Maraming salamat at mabuhay ang programang ito."

Ayon naman kay Amigo Puno, kagawad ng Brgy. San Vicente, "Nagpapasalamat ako sa mga city officers. kay Mayor, Vice Mayor, sa napakagandang proyektong ito." Idinagdag pa niyang sa pagkakaroon ng pwesto ng manininda, kailangan ang disiplina sa sarili.

Sinabi naman ni John Jumansan ng Sikap Buhay, "Di kami nagpapautang. Kami ay tumutulong lang mag-prepare." Nagbibigay din sila ng entrepreneurship training para sa mga vendors.

Matapos nito, inanunsyo ng tagapagpadaloy ang signing ng memo of undertaking at tinawag ang mga pangalan ng presidente ng ilang samahan ng vendors na kasapi ng MMVA-QC. Binasa ang nilalaman ng memo of undertaking, kung saan ang mga matitingkad na nilalaman nito'y ang temporary vending site, implementing the HanapBuhay para sa Disiplinadong Manininda, Sikap Buhay as co-implementor of the program, pay taxes to QC Hall. Ang mga saksi ay ang mga dumalo habang nagpipirmahan.

Tinawag ng tagapagpadaloy si Tita Flor Santos ng Sanlakas at adviser ng MMVA. Ayon kay Tita Flor, "Magandang tanghali po sa lahat. Palakpakan po natin lahat ng vendors na naririto. Salamat kay Mayor Herbert Bautista, palakpakan natin siya kahit wala siya. Palakpakan po natin si Vice Mayor Joy Belmonte, Konsehala Ivy Lagman, Sir Danny Matias, kasamang John ng Sikap Buhay, Task Force Commo Col. Pacaña, Chairman Tolentino ng MMDA kahit wala siya, kapitan Mauricio Gutierrez, Kapitana Josie Velasco, Kagawad Puno at Kapitan Jose Gaviola ng Brgy. Commonwealth kahit wala siya, sa lahat ng barangay na nagbigay ng resolusyon, sa TWG - Kim Espina ng Hawkers, sa lahat ng staff ng Sikap Buhay. Lahat po kami sa MMVA ay tuwang-tuwa. Kitang-kita po nating gusto nating disiplinado. Ayaw na natin ng tatakbo-takbo. Pangalagaan po natin ito dahil nakataya ang pangalan ng MMVA-QC at Sanlakas. Magandang tanghali po sa inyo. Congratulations po sa lahat.

Natapos ang palatuntunan sa ganap na ika-11:14 ng umaga. Sumunod noon ay nagkaroon ng kaunting salu-salo para sa mga dumalo.

Martes, Hunyo 12, 2012

Paunang Salita sa aklat na ISANG KABIG, ISANG TULA


Paunang Salita

PAGKABIG NG 101 TULA

Isang paglalaro ng salita mula sa kasabihang "isang kahig, isang tuka" ang pamagat ng aklat - Isang Kabig, Isang Tula. Bagamat ang kasabihan ay tumutukoy sa mga dukha o yaong bihirang makakain ng sapat kung hindi kakayod, ang Isang Kabig, Isang Tula ay katipunan ng isangdaan at isang (101) tula hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan at personal.

Bakit nga ba kabig, at bakit tula? Marahil ay dahil pangit pakinggan ang isang kahig, isang tula, na tila ba naghihirap ang makata sa pagkatha ng tula, at nagkukulang na siya sa haraya. Kaya hindi ginamit ang salitang kahig, dahil animo'y gutom na manok na naghahanap ng uod na matutuka. Mas maganda at tumutugma rin sa "isang kahig, isang tuka" ang "isang kabig, isang tula" dahil positibo ang salitang kabig sa pagtugaygay sa tula.  Tulad din ng pagiging positibo ng mga negatibong pananaw, kung paanong ang negatibong "kaya ngunit mahirap" ay gawin nating positibong "mahirap ngunit kaya".

Sa UP Diksyunaryong Filipino, Ikalawang Edisyon, 2010, pahina 536, may dalawang entrada ang salitang kabig:

ká-big png 1: paghila ng anuman papalapit sa sarili sa pamamagitan ng kamay; pnd 2: a. anumang napanalunan sa sugal, b. pagkolekta ng napanalunan sa sugal; 3. alagad

ka-bíg png: pinakamabilis na hakbang sa pagtakbo ng kabayo habang hindi pa nakatungtong ang mga paa nito sa lupa

Kung pagbabatayan ang depinisyon, kinakabig ng makata papalapit sa madla ang mga paksang maaring pagnilayan, pangit man o maganda, sa ayaw man o gusto, at bakasakaling may mapulot silang aral na balang araw ay makatutulong sa kanilang paglangoy sa agos ng buhay. Tulad din ito ng pagkabig ng manibela habang nagmamaneho sa panahong kailangan upang makaiwas sa panganib o sakuna, maingatan ang bawat sakay nito, at maging maayos ang pagpapatakbo ng sinasakyan.

Maganda rin ang salitang napanalunan sa kahulugan ng kabig, dahil sa bawat tula’y hindi  marahil mabibigo ang makata sa pagbigay sa masa ng tulang makakikiliti sa diwa at pagnilayan ang mga yaon. Animo'y sugal na di alam ng makata kung sino ang makababasa sa kanya, at ang magbasa ng kanyang katha'y panalo na niya sa puso't diwa. At higit sa lahat, ang mambabasa'y nagiging kaibigan, kasama, at kapwa alagad na kaisa sa marangal na adhikain, bagamat di personal na nagkakatagpo ang makata't ang mambabasa.

Sa ikalawang entrada naman ng depinisyon ng kabig, ang pinakamabilis na hakbang ng makata upang iparating sa masa ang mga paksang nais ibahagi ay sa pamamagitan ng tula

Mula dito'y tinipon ng makata ang 101 sa kanyang mga tula upang himukin ang mambabasa na alamin ang ilang isyung panlipunan, kasama na ang ilang personal na usapin, tulad ng pag-ibig, sa layuning magbahagi. Magbahagi sa madla bilang nagkakaisang kabig patungo sa pag-unlad, at hindi pagiging kabig tungo sa kabiguan.

Nawa'y kagalakan ng sinumang mambabasa ang mga gayak at pahiyas na isiningkaw ng makata sa bawat tulang inililis ng haraya upang kahit papaano'y makatulong sa pagtistis sa ilang suliraning pansarili, lalo na ang sakit ng lipunan at kapaligiran na naghahanap ng tugon, sa panahong mahirap humagilap ng agarang lunas ngunit patuloy na naghahanap.

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Hunyo 12, 2012

Sabado, Hunyo 2, 2012

Ang Magasing "Ang Masa" Bilang Alternatibong Babasahin


ANG MAGASING "ANG MASA" BILANG ALTERNATIBONG BABASAHIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakawalong isyu na ang magasing "Ang Masa" nang magsimula ito noong Setyembre 2011. Sa loob ng walong buwan, nakita ng madla ang sipag at tiyaga ng mga manunulat nito kaya bawat buwan ay may inilalabas silang magasin. Ala-Liwayway ang tipo nito, at nagnanais na maging ala-Time magazine sa hinaharap.

Ang magasing "Ang Masa" ang tumatayong ligal na babasahin ng kilusang sosyalista sa kasalukuyan. Sa madaling salita, ito'y isang sosyalistang babasahin. Bagamat ito'y nag-oopisina sa tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM), inilalathala ng magasing "Ang Masa" ang paninindigan sa iba't ibang isyu at mga balita mula sa iba't ibang organisasyong sosyalista tulad ng sosyalistang PLM, sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod (KPML). Inilathala rin natin sa magasin ang mga isyu't paninindigan ng mga kapatid nating organisasyon tulad ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), SUPER Federation, Metro East Labor Federation (MELF), Piglas-Kabataan (PK), at iba pa.

Gayunman, bagamat tumatayo itong magasin ng buong sosyalistang kilusan, hindi lamang limitado sa mga organisasyong ito ang nilalaman ng magasin dahil lagpas pa rito, isinisiwalat sa magasin ang mga pagsusuri sa mga nangyayari sa lipunan lalo na sa pamahalaang Noynoy Aquino, sa Kongreso, sa Korte Suprema, sa iba pang ahensya ng gobyerno. Nalalathala rito ang pagkamuhi sa sistemang kapitalismong siyang dahilan ng kahirapan sa lipunan at pagkawasak ng kalikasan. At higit sa lahat, ang pakikibaka para baguhin ang bulok na sistema, at ibando sa lahat ang pangangailangan ng isang sistemang sosyalismo.

Nariyan ang matatalisik na pagsusuri sa panlipunang isyu at usapin nina Sonny Melencio, Luke Espiritu, Jhuly Panday at Merck Maguddayao na madali namang maunawaan ng mga mambabasa, lalo na ng mga maralita, dahil sa kanilang pagtangan sa wikang madaling maunawaan ng kahit ng simpleng manggagawa at kahit ng dukhang di nakatapos ng elementarya. Ang mga inambag na sulatin nina John Cortez, Emma Garcia, Allan Dela Cruz at Ramon Miranda hinggil sa lipunan, kababaihan, maralita at kahirapan ay hindi matatawaran.

Nagpa-pioneer ang magasing "Ang Masa" sa paglalathala ng panitikang sosyalista, na kaiba sa panitikang burges na laganap ngayon at kaiba rin sa panitikang makabayan ng ibang grupo. Nariyan ang mga maiikling kwento at tula ng mga aktibistang kasapi ng kilusang sosyalista. Dito kinagiliwan ng mga mambabasa at kinakitaan ng galing ang mga manunulat na sina Jhuly Panday, Lorena "Ohyie" Purificacion, Anthony Barnedo, at marami pang iba. Anupa't kung pagbubutihin lamang nila ang pagsusulat ay maaari silang manalo ng Palanca balang araw. Katunayan, plano nang isalibro ang koleksyon ng mga maikling kwento ni Purificacion sa darating na hinaharap.

Nagsulat na rin ng kanyang unang akda ang magiting na mang-aawit ng Teatro Pabrika na si Tina Foronda, kung saan tinalakay niya ang nangyayari sa kanilang unyon at pabrika ng Gelmart.

Inilathala na rin sa magasin ang serye hinggil sa buhay ng mga kilalang manggagawa sa kasaysayan, tulad nina Filemon, “Ka Popoy” Lagman, Teodoro Asedillo, Hermenegildo Cruz, Alex Boncayao, Amado V. Hernandez at Dominador Gomez. Pati na ang kasaysayan tulad ng Paris Commune, na siyang unang gobyerno ng uring manggagawa, ay matatampukan sa mga pahina ng magasing “Ang Masa”. Nalathala rin dito ang mga naganap sa mga manggagawa mula sa iba't ibang pabrika, tulad ng Fortune, Arco Metal at Aboitiz, ay atin ding nalathala. Nariyan din ang pagsipat sa nangyaring pagpaslang sa mga rebolusyonaryong sina Andres Bonifacio at Macario Sakay. Ang inyong lingkod naman ang siyang nagle-layout ng buong magasin at nalathala na rin ang ilang artikulo, lalo na't tula.

Nakatakda namang magpasa ng kani-kanilang sulatin sina Vicente Barlos at Erwin Puhawan, na nakausap ng inyong lingkod kamakailan. Tatalakayin ni Barlos ang pangyayari sa kanilang lugar sa Lupang Arenda, kung saan maaari itong mawala sa kanila nang pinawalang-bisa ni dating pangulong Gloria Arroyo ang batas na nagtatakda na ang Lupang Arenda ay para sa maralita, ngunit patuloy nila itong ipinaglalaban. Tatalakayin naman ni Erwin Puhawan ang hinggil sa mga nangyayari sa mga manggagawa sa ibayong dagat, ang mga OFW na tinaguriang bayani sa kabila ng pagpapaalipin sa dayuhan. Hinilingan din nating magsulat sina Diego Vargas at John Cortez hinggil sa maaaring mangyari sa Lawa ng Laguna, kung saan sa palibot nito'y maaaring tanggalin ang maraming naninirahan. Alam nating para sa interes ng taumbayan, tayo naman ay kanilang pauunlakan. Ang MMVA na magdiriwang ng kanilang ika-10 anibersaryo sa Agosto 30, 2012 ay binibigyan din natin ng espasyo sa ating magasin.

Bagamat paminsan-minsan ay naglalathala tayo ng artikulong nakasulat sa Ingles, na karaniwan ay halaw mula sa babasahing banyaga, Wikang Filipino ang wikang ginagamit ng ating magasin, dahil naniniwala tayong sa wikang ito'y mas madali nating maipapatagos sa ating kapwa ang mga pagsusuri sa iba’t ibang isyu ng lipuna, at higit sa lahat, ang ating pakikibaka tungo sa adhikain nating lipunang sosyalismo.

Ang magasing "Ang Masa" bilang alternatibong magasin ng taumbayan ay hindi dapat mamatay na lamang dahil sa kakulangan ng pang-imprenta. Dahil dakila ang layuning itinakda ng mga nagtataguyod nito. Isang magasing maglalathala ng tindig ng uring manggagawa bilang pangunahing pwersa sa lipunan, isang magasing bagamat nakasulat sa wikang Filipino ay naninindigan sa prinsipyo ng internasyunalismo, isang magasing hindi makabayan kundi sosyalista, isang magasing alternatibo sa mga magasing inilalathala ng burgesya't kapitalista, isang magasing para sa masa at tungo sa masa, isang magasing sosyalista. Ang katapatan sa uring manggagawa at sa prinsipyong sosyalista, at hindi sa kaninumang tao, ang siyang gabay ng bawat manunulat nito kaya't patuloy silang nagsusulat sa ating magasin.

Gayunman, dahil sa kakulangan sa pananalapi'y nanganganib itong mamatay na lamang. Hindi natin dapat payagang mangyari ito. Ang dakilang misyon nito bilang alternatibong magasin, at pagtindig nito bilang magasin ng kilusang sosyalista, ay dapat magpatuloy.

Halina't tangkilikin natin ang ating alternatibong magasin. Tangkilikin natin ang ating magasing "Ang Masa".

Hunyo 1, 2012, sa Lungsod Quezon