Martes, Hunyo 12, 2012

Paunang Salita sa aklat na ISANG KABIG, ISANG TULA


Paunang Salita

PAGKABIG NG 101 TULA

Isang paglalaro ng salita mula sa kasabihang "isang kahig, isang tuka" ang pamagat ng aklat - Isang Kabig, Isang Tula. Bagamat ang kasabihan ay tumutukoy sa mga dukha o yaong bihirang makakain ng sapat kung hindi kakayod, ang Isang Kabig, Isang Tula ay katipunan ng isangdaan at isang (101) tula hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan at personal.

Bakit nga ba kabig, at bakit tula? Marahil ay dahil pangit pakinggan ang isang kahig, isang tula, na tila ba naghihirap ang makata sa pagkatha ng tula, at nagkukulang na siya sa haraya. Kaya hindi ginamit ang salitang kahig, dahil animo'y gutom na manok na naghahanap ng uod na matutuka. Mas maganda at tumutugma rin sa "isang kahig, isang tuka" ang "isang kabig, isang tula" dahil positibo ang salitang kabig sa pagtugaygay sa tula.  Tulad din ng pagiging positibo ng mga negatibong pananaw, kung paanong ang negatibong "kaya ngunit mahirap" ay gawin nating positibong "mahirap ngunit kaya".

Sa UP Diksyunaryong Filipino, Ikalawang Edisyon, 2010, pahina 536, may dalawang entrada ang salitang kabig:

ká-big png 1: paghila ng anuman papalapit sa sarili sa pamamagitan ng kamay; pnd 2: a. anumang napanalunan sa sugal, b. pagkolekta ng napanalunan sa sugal; 3. alagad

ka-bíg png: pinakamabilis na hakbang sa pagtakbo ng kabayo habang hindi pa nakatungtong ang mga paa nito sa lupa

Kung pagbabatayan ang depinisyon, kinakabig ng makata papalapit sa madla ang mga paksang maaring pagnilayan, pangit man o maganda, sa ayaw man o gusto, at bakasakaling may mapulot silang aral na balang araw ay makatutulong sa kanilang paglangoy sa agos ng buhay. Tulad din ito ng pagkabig ng manibela habang nagmamaneho sa panahong kailangan upang makaiwas sa panganib o sakuna, maingatan ang bawat sakay nito, at maging maayos ang pagpapatakbo ng sinasakyan.

Maganda rin ang salitang napanalunan sa kahulugan ng kabig, dahil sa bawat tula’y hindi  marahil mabibigo ang makata sa pagbigay sa masa ng tulang makakikiliti sa diwa at pagnilayan ang mga yaon. Animo'y sugal na di alam ng makata kung sino ang makababasa sa kanya, at ang magbasa ng kanyang katha'y panalo na niya sa puso't diwa. At higit sa lahat, ang mambabasa'y nagiging kaibigan, kasama, at kapwa alagad na kaisa sa marangal na adhikain, bagamat di personal na nagkakatagpo ang makata't ang mambabasa.

Sa ikalawang entrada naman ng depinisyon ng kabig, ang pinakamabilis na hakbang ng makata upang iparating sa masa ang mga paksang nais ibahagi ay sa pamamagitan ng tula

Mula dito'y tinipon ng makata ang 101 sa kanyang mga tula upang himukin ang mambabasa na alamin ang ilang isyung panlipunan, kasama na ang ilang personal na usapin, tulad ng pag-ibig, sa layuning magbahagi. Magbahagi sa madla bilang nagkakaisang kabig patungo sa pag-unlad, at hindi pagiging kabig tungo sa kabiguan.

Nawa'y kagalakan ng sinumang mambabasa ang mga gayak at pahiyas na isiningkaw ng makata sa bawat tulang inililis ng haraya upang kahit papaano'y makatulong sa pagtistis sa ilang suliraning pansarili, lalo na ang sakit ng lipunan at kapaligiran na naghahanap ng tugon, sa panahong mahirap humagilap ng agarang lunas ngunit patuloy na naghahanap.

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Hunyo 12, 2012

Walang komento: