ANG MAGASING "ANG MASA" BILANG ALTERNATIBONG BABASAHIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nakawalong isyu na ang magasing "Ang Masa" nang magsimula ito noong Setyembre 2011. Sa loob ng walong buwan, nakita ng madla ang sipag at tiyaga ng mga manunulat nito kaya bawat buwan ay may inilalabas silang magasin. Ala-Liwayway ang tipo nito, at nagnanais na maging ala-Time magazine sa hinaharap.
Ang magasing "Ang Masa" ang tumatayong ligal na babasahin ng kilusang sosyalista sa kasalukuyan. Sa madaling salita, ito'y isang sosyalistang babasahin. Bagamat ito'y nag-oopisina sa tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM), inilalathala ng magasing "Ang Masa" ang paninindigan sa iba't ibang isyu at mga balita mula sa iba't ibang organisasyong sosyalista tulad ng sosyalistang PLM, sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod (KPML). Inilathala rin natin sa magasin ang mga isyu't paninindigan ng mga kapatid nating organisasyon tulad ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), SUPER Federation, Metro East Labor Federation (MELF), Piglas-Kabataan (PK), at iba pa.
Gayunman, bagamat tumatayo itong magasin ng buong sosyalistang kilusan, hindi lamang limitado sa mga organisasyong ito ang nilalaman ng magasin dahil lagpas pa rito, isinisiwalat sa magasin ang mga pagsusuri sa mga nangyayari sa lipunan lalo na sa pamahalaang Noynoy Aquino, sa Kongreso, sa Korte Suprema, sa iba pang ahensya ng gobyerno. Nalalathala rito ang pagkamuhi sa sistemang kapitalismong siyang dahilan ng kahirapan sa lipunan at pagkawasak ng kalikasan. At higit sa lahat, ang pakikibaka para baguhin ang bulok na sistema, at ibando sa lahat ang pangangailangan ng isang sistemang sosyalismo.
Nariyan ang matatalisik na pagsusuri sa panlipunang isyu at usapin nina Sonny Melencio, Luke Espiritu, Jhuly Panday at Merck Maguddayao na madali namang maunawaan ng mga mambabasa, lalo na ng mga maralita, dahil sa kanilang pagtangan sa wikang madaling maunawaan ng kahit ng simpleng manggagawa at kahit ng dukhang di nakatapos ng elementarya. Ang mga inambag na sulatin nina John Cortez, Emma Garcia, Allan Dela Cruz at Ramon Miranda hinggil sa lipunan, kababaihan, maralita at kahirapan ay hindi matatawaran.
Nagpa-pioneer ang magasing "Ang Masa" sa paglalathala ng panitikang sosyalista, na kaiba sa panitikang burges na laganap ngayon at kaiba rin sa panitikang makabayan ng ibang grupo. Nariyan ang mga maiikling kwento at tula ng mga aktibistang kasapi ng kilusang sosyalista. Dito kinagiliwan ng mga mambabasa at kinakitaan ng galing ang mga manunulat na sina Jhuly Panday, Lorena "Ohyie" Purificacion, Anthony Barnedo, at marami pang iba. Anupa't kung pagbubutihin lamang nila ang pagsusulat ay maaari silang manalo ng Palanca balang araw. Katunayan, plano nang isalibro ang koleksyon ng mga maikling kwento ni Purificacion sa darating na hinaharap.
Nagsulat na rin ng kanyang unang akda ang magiting na mang-aawit ng Teatro Pabrika na si Tina Foronda, kung saan tinalakay niya ang nangyayari sa kanilang unyon at pabrika ng Gelmart.
Inilathala na rin sa magasin ang serye hinggil sa buhay ng mga kilalang manggagawa sa kasaysayan, tulad nina Filemon, “Ka Popoy” Lagman, Teodoro Asedillo, Hermenegildo Cruz, Alex Boncayao, Amado V. Hernandez at Dominador Gomez. Pati na ang kasaysayan tulad ng Paris Commune, na siyang unang gobyerno ng uring manggagawa, ay matatampukan sa mga pahina ng magasing “Ang Masa”. Nalathala rin dito ang mga naganap sa mga manggagawa mula sa iba't ibang pabrika, tulad ng Fortune, Arco Metal at Aboitiz, ay atin ding nalathala. Nariyan din ang pagsipat sa nangyaring pagpaslang sa mga rebolusyonaryong sina Andres Bonifacio at Macario Sakay. Ang inyong lingkod naman ang siyang nagle-layout ng buong magasin at nalathala na rin ang ilang artikulo, lalo na't tula.
Nakatakda namang magpasa ng kani-kanilang sulatin sina Vicente Barlos at Erwin Puhawan, na nakausap ng inyong lingkod kamakailan. Tatalakayin ni Barlos ang pangyayari sa kanilang lugar sa Lupang Arenda, kung saan maaari itong mawala sa kanila nang pinawalang-bisa ni dating pangulong Gloria Arroyo ang batas na nagtatakda na ang Lupang Arenda ay para sa maralita, ngunit patuloy nila itong ipinaglalaban. Tatalakayin naman ni Erwin Puhawan ang hinggil sa mga nangyayari sa mga manggagawa sa ibayong dagat, ang mga OFW na tinaguriang bayani sa kabila ng pagpapaalipin sa dayuhan. Hinilingan din nating magsulat sina Diego Vargas at John Cortez hinggil sa maaaring mangyari sa Lawa ng Laguna, kung saan sa palibot nito'y maaaring tanggalin ang maraming naninirahan. Alam nating para sa interes ng taumbayan, tayo naman ay kanilang pauunlakan. Ang MMVA na magdiriwang ng kanilang ika-10 anibersaryo sa Agosto 30, 2012 ay binibigyan din natin ng espasyo sa ating magasin.
Bagamat paminsan-minsan ay naglalathala tayo ng artikulong nakasulat sa Ingles, na karaniwan ay halaw mula sa babasahing banyaga, Wikang Filipino ang wikang ginagamit ng ating magasin, dahil naniniwala tayong sa wikang ito'y mas madali nating maipapatagos sa ating kapwa ang mga pagsusuri sa iba’t ibang isyu ng lipuna, at higit sa lahat, ang ating pakikibaka tungo sa adhikain nating lipunang sosyalismo.
Ang magasing "Ang Masa" bilang alternatibong magasin ng taumbayan ay hindi dapat mamatay na lamang dahil sa kakulangan ng pang-imprenta. Dahil dakila ang layuning itinakda ng mga nagtataguyod nito. Isang magasing maglalathala ng tindig ng uring manggagawa bilang pangunahing pwersa sa lipunan, isang magasing bagamat nakasulat sa wikang Filipino ay naninindigan sa prinsipyo ng internasyunalismo, isang magasing hindi makabayan kundi sosyalista, isang magasing alternatibo sa mga magasing inilalathala ng burgesya't kapitalista, isang magasing para sa masa at tungo sa masa, isang magasing sosyalista. Ang katapatan sa uring manggagawa at sa prinsipyong sosyalista, at hindi sa kaninumang tao, ang siyang gabay ng bawat manunulat nito kaya't patuloy silang nagsusulat sa ating magasin.
Gayunman, dahil sa kakulangan sa pananalapi'y nanganganib itong mamatay na lamang. Hindi natin dapat payagang mangyari ito. Ang dakilang misyon nito bilang alternatibong magasin, at pagtindig nito bilang magasin ng kilusang sosyalista, ay dapat magpatuloy.
Halina't tangkilikin natin ang ating alternatibong magasin. Tangkilikin natin ang ating magasing "Ang Masa".
Hunyo 1, 2012, sa Lungsod Quezon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento