ANG NALALAPIT NA HALALANG PAMBARANGAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Ang akdang ito ay para sa pahayagang Ang Masa, Setyembre 2013)
Ang barangay ang batayang yunit pampulitika sa bansa. Sa mga munisipyo at bayan, ito ang nayon o baryo, at sa wikang Ingles, ito ang village. Sa mga lugar tulad ng Maynila, hinati ang mga barangay batay sa dami ng tao sa tukoy na metro-kuwadrado, at pinangalanan ang barangay batay sa numero. Halimbawa, Barangay 45 sa Tondo, Maynila (populasyon = 2,360) at Barangay 357 sa Santa Cruz, Maynila (populasyon = 859), at sa Caloocan naman ay Brgy. 176 (Bagong Silang) na siyang pinakamalaking barangay sa bansa [populasyon = 243,890). Sa mga lungsod, may maliliit at malalaking barangay. Halimbawa, ang Baguio City ay binubuo ng 129 barangay, ang Batangas City ay may 105 barangay, Cebu City ay 80 barangay, Bacolod City ay 61 barangay, at Zamboanga City ay 98 barangay. May kabuuang 1,705 barangay sa National Capital Region (NCR) at 42,027 barangay sa buong kapuluan.
(Ang akdang ito ay para sa pahayagang Ang Masa, Setyembre 2013)
Ang halalang pambarangay ay idaraos sa Oktubre 28 ng kasalukuyang taon. Ang hinahalal na pamunuan ng barangay ay walo - isang kapitan at pitong kagawad. Kaya sa NCR ay may 1,705 na kapitan ng barangay at 11,935 na kagawad. Sa buong bansa naman ay may 42,027 kapitan ng barangay at 294,189 kagawad. Ito'y malaking bilang ng mga namumuno at may kakayahang mamuno. Ngunit paano ba sila namumuno, at anong mga pagbabago ang kailangan upang tunay silang makapaglingkod sa taumbayan? Kabilang ba sa dinastiyang pulitikal ang mayorya sa kanila? Ayon sa Local Government Code, Seksyon 384, ang papel ng barangay sa pangunahin ay pagpaplano at pagpapatupad ng mga polisiya, plano, programa, proyekto at aktibidad ng pamahalaan sa mga pamayanan, at bilang pook-talakayan kung saan ang mga kolektibong palagay ng taumbayan ay mapapag-usapan, at ang mga gulo ay maaayos sa batayang antas. Kumbaga ay debolusyon ng tungkulin ng pambansang pamahalaan sa mas maliit na antas – sa barangay.
Ang Halalang Pambarangay 2013 ay isang magandang pagkakataon para sa Partido Lakas ng Masa (PLM) at sa iba pang progresibong grupo na patunayan ang kanilang pulitika bilang tunay na serbisyo sa bawat mamamayan. Isang bagong pulitikang maglilinis sa mga tradisyunal na basahan, este, trapo, dahil ang pamumuno ng mga trapo ay tadtad ng mga katiwalian at hindi tunay na nagseserbisyo sa mamamayan kundi sa kanila lamang mga bulsa at sariling ambisyong pulitikal. Hindi ba't punong-puno ng maruming pulitika ang mga basahan, este, trapo, kaya nais ng taumbayan na mawala na ang pork barrel ng mga mambubutas ng bangko, este, mambabatas sa kongreso, senado, at lalo na sa ehekutibo?
Nais natin ng bagong pulitikang malinis at hindi trapo. Pulitikang tunay na naglilingkod sa taumbayan. Kailangan ng bagong sistema ng pamamahala kung saan ang taumbayan mismo ay aktibong lumalahok sa pagpapasya sa kanilang komunidad, isang direktang demokrasya. Hindi tulad ng trapong pulitika sa kasalukuyan na ang demokrasya'y natatamasa lamang ng taumbayan tuwing may halalan, tuwing pipili sila ng wala naman talagang mapapagpilian dahil pawang trapo ang mga kandidato, pawang mga kandidato mula sa iisang pamilya at dinastiyang pulitikal, mga trapong kasabwat ng mga suspek sa bilyon-bilyong scam, mga kandidatong sakim sa tubo at kapangyarihan.
Simulan natin sa barangay ang pagbabago. Ihalal natin ang nararapat na pamunuan ng barangay, mula sa kapitan at pitong kagawad, at kung mayroon pang SK (sangguniang kabataan), ngunit hindi muna isinama sa halalan ngayon ang SK. Gayunpaman, dapat na hindi trapong pulitika ang tangan ng mga kandidato kundi pagseserbisyong hindi para sa tubo kundi serbisyong para sa masa. Isa ang Partido Lakas ng Masa (PLM) sa mga magpapatakbo ng mga kandidato sa iba't ibang barangay upang dalhin ang pulitika ng pagbabago sa antas-barangay at mawakasan na ang trapong pulitika. Dapat palayain na ang mga barangay sa kontrol ng mga trapo, at mapaunlad ang kakayahan ng mga namununo rito na ibigay sa taumbayan ang mga serbisyong tunay na kailangan ng masa gaya ng serbisyo sa kalusugan, edukasyon, maalwang pamumuhay, abotkayang presyo ng tubig at kuryente, at marami pa.
Maraming pagbabagong dapat gawin sa barangay upang hindi ito maging pandayan ng mga tiwaling pulitiko, tulad ng mga sumusunod:
Una, dapat na magkaroon ng mas malaki at desentralisadong pondo para sa barangay. Ang mga pork barrel ng mambabatas, imbes na sa mga Senador at Kongresista mapunta, ay dapat direktang mapunta sa serbisyo sa taumbayan sa pamamagitan ng yunit pampulitikang pinakamalapit sa masa - ang barangay. Ang kalahati ng IRA (internal revenue allotment) para sa LGU ay dapat ilaan din sa barangay.
Ikalawa, sa pamamagitan ng direktang demokrasya ay maging kasangkot ang bawat mamamayan sa pagpapasya sa kanilang barangay sa pamamagitan ng mga pangkalahatang pagpupulong ng mga residente ng barangay ilang beses sa bawat buwan. Magagawa ito kung bukod sa kapitan ng barangay at mga kagawad ay maitatayo ang isang malawak na asembliya ng mga residenteng kinatawan ng bawat pamilya na may karapatang umupo sa asembliya at may karapatang gumawa ng kapasyahan para sa ikabubuti ng buong barangay at komunidad na nasasakupan nito. Ang mga asembliyang ito ng taumbayan ay dapat buuin ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, vendor at iba pang sektor upang makita ang kapangyarihan ng taumbayan bilang siyang tunay na mapagpasya sa buong barangay.
Ikatlo, dapat na kalahok ang mamamayan sa pagdedesisyon sa iba’t ibang isyu’t usapin, lalo na sa usapin ng pagbabadyet. Saan dapat ilaan ang badyet ng barangay? Aling kalye ang prayoridad na ipasemento? Anu-anong mga gamot ang kailangan sa health center at magkano ang ilalaan para rito? Sa pamamagitan ng mga asembliya sa barangay, dapat makonsulta at bigyan ng kapangyarihang magpasya ang mga residente nito kung saan at paano gagastusin ang pondo ng barangay sa mga kinakailangang proyekto sa kanilang lugar. Dapat na maglaan din ng badyet sa serbisyong pampaospital ng mga maysakit na residente, maglaan ng pondo para sa pagpapaaral ng lahat ng kabataang residente sa barangay na iyon hanggang sila'y makatapos.
Ikaapat, dapat na may maayos na sistemang pagsubaybay (monitoring system) at buwanang ulat (hindi taunan) para matiyak kung saan napupunta ang badyet para sa barangay, kung naipapatupad ba ng barangay ang mga sumusunod: (1) sa isyu ng kalusugan, dapat na maayos ang mga health center at day-care center, may nakalaang mga gamot, oxygen, at ambulansya; (2) sa isyu ng kalinisan, may maayos na koleksyon ng basura, ibinubukod ang nabubulok sa hindi nabubulok mula pa lamang sa bawat bahay, at tinitiyak na hindi barado ang mga kanal upang kung umulan man ay hindi agad magbaha dahil sa mga baradong imburnal; (3) paglalagay ng wastong grupo ng mga tao na magtitiyak sa katarungang pambarangay; (4) pagkakaroon ng bulwagang pambarangay para sa mga pulong, at pagtatayo ng liwasan at palaruan; (5) pagkakaroon ng aklatan para sa mga mag-aaral, at pondo para sa edukasyon ng mga kabataang residente; (6) pagkakaroon ng maayos na pamilihan o palengke; (7) pagkakaroon ng mga kagamitan upang madaling makasaklolo sa oras ng pangani
b, tulad ng ambulansya, bumbero at rubberboats kung magbaha; (8) matiyak na abotkaya ng mga residente ang presyo ng tubig at kuryente; at marami pang iba.
Ikalima, dapat na ibatay sa mimimum wage ang sweldo ng kapitan at mga kagawad ng barangay, tulad ng panawagang dapat minimum wage din sa mga pulitiko, tulad ng Senador, Kongresista at mga Mayor, dahil ang gawain nila'y tulad din sa manggagawang regular na usual and necessary sa pagpapatakbo ng kanilang nasasakupan.
Ikaanim, dapat magkaroon ng kapangyarihang mag-recall o magpatalsik ng mga abusadong pinuno o kagawad ng barangay ang mga asembliya ng taumbayan, at magkaroon ng ispesyal na halalan para sa hahalili sa matatanggal sa pwesto.
Sa ngayon, may 116 barangay na ang sinusuportahan ng PLM. Napakaliit na bilang kumpara sa 42,027 barangay sa buong bansa. Kailangan pang mapalawak ang masusuportahan ng PLM upang ilako ang konsepto ng tunay at direktang serbisyo sa masa, na hindi na kailangang dumaan sa mga mayayamang trapo. Daan din ito upang unti-unti nang mabawasan ang dinastiyang pulitikal sa bansa dahil ang taumbayan na ang magpapasya sa tatahaking landas at pag-unlad ng kanilang barangay. Paraan din ito upang angkinin na ng mamamayan ang tunay na demokrasya at totoong pagbabago ng sistema ng lipunan na maaaring tumungo sa isang lipunang wala nang pagsasamantala ng tao sa tao.
Dalawa sa mga kandidato ng PLM para sa Halalang Pambarangay ng 2013:
PORTIA M. ARIESGADO
"PAGBABAGO NA CONSULTATIVE AT COLLECTIVE MULA SA MASA".
Si Portia M. Ariesgado, na kilala sa tawag na "Tita Porsh" ay halos apatnapung taon nang naging manggagawa ng Gelmart Industries sa Bicutan, Taguig. Isinilang siya sa Calbayog, Samar noong hunyo 10, 1947, at may apat siyang anak. Bilang kasapi ng unyong Lakas Manggagawa sa Gelmart, tatlong taon siyang shop steward, tatlong taong treasurer, at siyam na taong sekretaryo, hanggang sa ito'y magsara. Kasapi siya ng Konseho ng Partido Lakas ng Masa (PLM) at ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Kasalukuyan siyang chairperson ng PLM Taguig chapter at ng Association of Displaced Filipino Workers (ADFW). Mula 2010 hanggang sa kasalukuyan, siya ay Lupon Tagapamayapa sa Barangay Lower Bicutan sa Lungsod ng Taguig.
Nag-udyok kay Tita Porsh na tumakbong kagawad ng kanilang barangay na maging bahagi ng pagbabago. Ayon sa kanya, "Bilang abanteng pwersa ng ating lipunan na naghahangad ng pagbabago, naniniwala akong kailangang pamunuan ng mga manggagawa at maralita ang pagbabago mula sa pinakamababang posisyon sa barangay hanggang sa antas ng munisipyo at nasyunal kung gusto nating makamit ang tagumpay para ipalaganap ang disenteng pamumuhay, na may dignidad. Nais ko na sa kaunti kong nalalaman ay makapagambag sa aking kinalalagyang barangay ng mga pagbabago sa abot ng aking makakaya, maging tagapagbantay sa mga hindi kanais-nais na gawain ng mga taong halal sa barangay at maging tagasiwalat ng katiwalian kung mayroon man. Ganuon din bilang babaeng lider-manggagawa ay maiparating sa mga kababaihan ang kahalagahan ng kanilang karapatan at obligasyon. Ito ang dahilan kung bakit ako tatakbo sa barangay election."
JULIUS A. PANDAY
Si Kasamang Julius A. Panday, na kilala sa tawag na "Kuya Jhuly" ay isa sa mga tagapagtaguyod ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Siya ang sekretaryo ni Bishop Most Rev. Antonio R. Tobias, DD ng Diocese of Novaliches. Sa ngayon, nagbabalak siya ngayong tumakbo bilang Kagawad ng Barangay Gulod sa Novaliches sa Lungsod ng Quezon. Isa rin siya sa tatlong Ecclesiastical Notaries ng Diocesan Tribunal sa Cathedral of the Good Shepherd sa Fairview, Quezon City. Isa rin siyang magaling na photographer at manunulat.
Anim ang kanyang inihandang plataporma na ang mga unang titik ay mula sa kanyang apelyidong Panday. Narito ang sumusunod na plataporma niya para sa Barangay Gulod:
P - PEACE AND ORDER. Kapayapaan at Kaayusan. Pag-oorganisa ng mga Brigada Komunidad at paglaan ng pondo at teknikal na suporta sa mga ito upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad.
A - ACCOUNTABILITY. Pananagutan sa Taumbayan. Regular na pag-uulat ng mga ginastos at kung sino at saan napunta ang mga proyekto at programang isinagawa. Paglalathala ng nasabing ulat sa isang Monthly Newsletter.
N - NUTRITIONAL PROGRAM. Programang Pangnutrition. Pagsasagawa ng mga Feeding Programs sa tulong ng mga nanay ng mga batang benepisyaryo ng programa at ang paglalan ng pondo upang tuluy-tuloy ang pahsasakatuparan nito.
D - DIRECT DEMOCRACY. Direktang demokrasya. Pagbibigay ng pagkakataon sa mamamayan ng Barangay na maging bahagi ng paggogobyerno. Pagsasagawa ng regular na mga Barangay Assemblies at Talakayan sa Kapitbahayan.
A - ABOLISH PADRINO SYSTEM. Pagtanggal sa Palakasan System. Isang paglilingkod na para sa lahat at walang kinakatigan batay sa katayuan sa buhay, relihiyon, kasarian, edad, ideolohiya, o sinusuportahang pulitiko o partido.
Y - YOUTH EMPOWERMENT. Pagbibigay Kapangyarihan sa mga Kabataan. Pagbibigay ng mahalagang bahagi sa mga kabataan sa pagpaplano at pagpapatakbo ng mga programa at proyektong pangkabataan.
Ayon kay Kuya Jhuly, "Sa tulong at pagtitiwala ninyo, ang lahat ng ito ay ating maisasakatuparan."
Bilang sekretaryo ng Obispo, bilang manunulat, bilang photographer, bilang aktibista, ang kanyang katatagan, talino at sakripisyo sa paglilingkod sa sambayanan ay dadalhin niya sa bulwagan ng Barangay Gulod.
Anim ang kanyang inihandang plataporma na ang mga unang titik ay mula sa kanyang apelyidong Panday. Narito ang sumusunod na plataporma niya para sa Barangay Gulod:
P - PEACE AND ORDER. Kapayapaan at Kaayusan. Pag-oorganisa ng mga Brigada Komunidad at paglaan ng pondo at teknikal na suporta sa mga ito upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad.
A - ACCOUNTABILITY. Pananagutan sa Taumbayan. Regular na pag-uulat ng mga ginastos at kung sino at saan napunta ang mga proyekto at programang isinagawa. Paglalathala ng nasabing ulat sa isang Monthly Newsletter.
N - NUTRITIONAL PROGRAM. Programang Pangnutrition. Pagsasagawa ng mga Feeding Programs sa tulong ng mga nanay ng mga batang benepisyaryo ng programa at ang paglalan ng pondo upang tuluy-tuloy ang pahsasakatuparan nito.
D - DIRECT DEMOCRACY. Direktang demokrasya. Pagbibigay ng pagkakataon sa mamamayan ng Barangay na maging bahagi ng paggogobyerno. Pagsasagawa ng regular na mga Barangay Assemblies at Talakayan sa Kapitbahayan.
A - ABOLISH PADRINO SYSTEM. Pagtanggal sa Palakasan System. Isang paglilingkod na para sa lahat at walang kinakatigan batay sa katayuan sa buhay, relihiyon, kasarian, edad, ideolohiya, o sinusuportahang pulitiko o partido.
Y - YOUTH EMPOWERMENT. Pagbibigay Kapangyarihan sa mga Kabataan. Pagbibigay ng mahalagang bahagi sa mga kabataan sa pagpaplano at pagpapatakbo ng mga programa at proyektong pangkabataan.
Ayon kay Kuya Jhuly, "Sa tulong at pagtitiwala ninyo, ang lahat ng ito ay ating maisasakatuparan."
Bilang sekretaryo ng Obispo, bilang manunulat, bilang photographer, bilang aktibista, ang kanyang katatagan, talino at sakripisyo sa paglilingkod sa sambayanan ay dadalhin niya sa bulwagan ng Barangay Gulod.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento