Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.
BONIFACIO 150
Ani Gat Andres Bonifacio, "Dapat naman ninyong
mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at
sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong
Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at
magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng
kadustaang walang makatulad." (mula sa ikaapat na talata ng kanyang
maikling akdang Mararahas na mga Anak ng Bayan)
Ang mga akda, sakripisyo, buhay, at karanasan ni
Gat Andres Bonifacio ay mga aral na dapat nating balikan bilang pagpupugay sa
kasaysayan at dangal ng bayan. At sa pagdatal ng ika-150 kaarawan ni Bonifacio
sa Nobyembre 30, 2013, ay ating gunitain at ipagdiwang ang pagkakaroon ng isang
Andres Bonifacio sa kasaysayan.
Mga kapatid, ang kasalukuyang panahon ay hindi
naiiba sa panahon nina Bonifacio. Bagamat maraming nagbago dahil sa teknolohiya
ay wala pa rin talagang nagbago, pagkat nagpapatuloy pa rin ang kahirapan,
kagutuman, at kaalipinan.
Kaya kinakailangan pa rin nating kumilos at huwag
manahimik na lang sa nakikita nating kaaba-abang kalagayan ng ating mga
kababayan at laganap na katiwalian at pagsasamantala sa ating lipunan.
Sinikap ng inyong lingkod na sulatin at tipunin ang
mga akdang ito bilang handog sa ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Ang
kanyang halimbawa ay ating balikan at pag-aralan, at gawin nating inspirasyon
ang kanyang kabayanihan tungo sa paglilingkod sa kapwa at sa pagpapalaya at
pagtatamo ng ginhawa ng mga naninirahan sa bansang itong tangi nating lupang
tinubuan.
Mabuhay ang
ika-150 kaarawan ng Supremo! Mabuhay si Gat Andres Bonifacio
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento