Sabado, Oktubre 12, 2013

Ang dokumentaryong "Dear Mandela" ng CineMaralita

 ANG DOKUMENTARYONG "DEAR MANDELA" NG CINEMARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Oktubre 10, 2013, Huwebes, umaga, nang makita ko sa facebook ang patalastas sa dokumentaryong "Dear Mandela" na "free admission" o libre ang palabas. Ipapalabas ito sa UP Threatre sa Diliman, dalawang sakay lamang sa tinutuluyan ko. Kinagabihan, ikapito ng gabi, naroon na ako upang panoorin ang palabas.

Dahil lamang sa pamagat na "Dear Mandela" kaya ako nagtungo roon, na sa tingin ko ay tungkol sa buhay ni Nelson Mandela, ang presidente ng Katimugang Africa. Ngunit nagkamali ako, hindi pala iyon tungkol kay Mandela kundi sa mga maralita sa Africa na naipanalo nila ang kanilang laban.

Nagkamali lang ako dahil sa pamagat, ngunit maganda na nakatungo ako roon dahil din sa isyu ng maralita. Isa sa pinanggalingan kong organisasyon ay samahang maralita - ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod o KPML. Napunta ako ng KPML hindi dahil nanggaling ako sa isang lugar na dinemolis, kundi dahil doon ako napunta mula sa grupong Sanlakas. Kinuha ako ng KPML, ni Ate Emy, upang maging manunulat ng KPML dahil nag-resign na ang dating manunulat nila sa kanilang pahayagan.

Kaya ang pag-aakala ko sa pamagat ay hindi naman nakadismaya sa akin, kundi mas nagdagdag pa ng panibagong kaalaman. Kumbaga, may kaugnayang sadya sa aking adbokasya at sa adbokasya ng KPML, lalo na sa karapatan sa paninirahan at pagbaka sa mga maling polisiyang basta na lamang itinataboy na parang daga ang mga maralita sa kanilang tinitirhan nang walang maayos na proseso at kawalan ng paggalang sa kanilang karapatan bilang tao.

Ang "Dear Mandela" ay dokumentaryo tungkol sa mga maralita sa Durban sa Katimugang Aprika at ang kanilang pakikibaka para sa isang maayos na paninirahan. Ang ginamit na halimbawa rito ng mga maralita, lalo na ang mga kabataan, ay ang mga halimbawa ni Nelson Mandela kung paano lumaban at ipanalo ang kanilang laban.

Nang ang pamahalaan ng Katimugang Aprika ay nangakong aalisin ang mga iskwater at itataboy sila sa malalayong lugar, malayo sa lungsod, tatlong magkakaibigan ang tumangging umalis. Ito'y sina Mazwi, Mnikelo, at ang babaeng si Zama, na siyang mas pinagtuunan ng pansin ng dokumentaryo. Mga bahay na giniba, mga pagbabanta, mga pagkilos sa korte, pinangunahan ng ilang kabataan ang pagtindig sa kanilang karapatan sa paninirahan bilang patunay ng lakas ng taumbayan kung magsasama-sama. Tinawag ang kilusan nila na Abahlali baseMjondolo (residents of the shack, o yaong mga naninirahan sa mga barungbarong sa kanilang lugar). Ngunit kaiba ang tirahan nila sa barungbarong ng Maynila, dahil nakatira sila sa malalaking gusaling maraming mga silid, at bawat silid ay tirahan ng bawat pamilya. 

Mula sa kanilang tahanang ito na nais silang mapaalis hanggang sa pinakamataas na korte, iginiit ng mga maralitang kabataang ito ang halimbawa ni Mandela at pinamunuan nila ang isang lumalaking kilusang nagtatanggol sa kanilang karapatan. 

Gayunman, ang pagtingin ng tatlong kabataang ito, hindi natupad ng partido ni Mandela, ang ANC (African National Congress) ang kanilang pangakong pagbabago. Dahil na rin ito sa pagkakasabatas ng "Slums Act" na nagligalisa sa ebiksyon at demolisyon, at nalabag ang karapatang nakaukit sa Saligang Batas ng kanilang bansa. Sa tulong ng mga abogadong pro bono o yaong hindi nagpabayad ng serbisyo, hinamon nila ang katumpakan ng "Slums Act" hanggang sa umabot sila sa pinakamataas na korte.

Ngunit napakaraming sakripisyo ang kanilang dinaanan. Nariyan ang demolisyon, tangkang pagpatay sa kanila, at pagsasamantala sa kanila ng pamahalaan, ngunit naging matatag sila sa mga pagsubok na iyon. 

Sa bandang huli ng palabas, nanalo sila sa korte at hindi napaalis. Ipinakita ng dokumentaryo ang malaking papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagbabago ng kanilang kalagayan.

Ang mga direktor ng "Dear Mandela" ay sina Dara Kell at Christopher Nizza. Ang dokumentaryong ito'y nanalo ng Grand Chameleon Award & Best Documentary sa Brooklyn Film Festival noong 2012. isa't kalahating oras o 90 minuto ang haba ng dokumentaryong ito.

Umuwi akong nasa isipan ang kanilang tagumpay, at nagdagdag sa akin ng inspirasyon na magpatuloy sa mga gampanin sa KPML at ipagtanggol ang karapatan ng mga maralita sa paninirahan sa pamamagitan ng makatarungang pamamaraan at malalim na paninindigan.

Walang komento: