Miyerkules, Enero 22, 2014

Sa ika-79 na kaarawan nI Lola Rosa Asedillo

SA IKA-79 NA KAARAWAN NI LOLA ROSA, ANG BUNSONG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bumalik kami sa Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna nitong Enero 21, 2014, araw ng Martes, upang bisitahing muli si Lola Rosa Asedillo-Medalla, ang bunsong anak na babae ng bayaning si Teodoro Asedillo.

Apat kaming umalis bandang ikasampu ng umaga mula sa pambansang tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Lungsod Quezon - ang tsuper na si Mars, si Ate Nelia Vibar na isang staff sa tanggapan ng PLM, si Ka Sonny Melencio na pambansang pangulo ng PLM, at ako.

Bago makapananghali ay naroon na kami sa tanggapan ng PLM-Cavite sa General Mariano Trias (GMA) sa Cavite upang daluhan ang isang pulong. Matapos ang ilang pag-uusap doon ay nagtungo na kami sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog-Katagalugan (BMP-ST) sa Calamba, Laguna, at kumain muna doon.

Bandang ikalawa ng hapon ay lumarga na kami patungo sa Kalayaan, Laguna. Dalawang sasakyan kami, ang isa'y kaming mula sa Maynila, at ang isa naman ay van ng mga taga-Cavite at Laguna sakay ang mga kasama mula sa PLM, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), at Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA). Nauna ang van, at sumunod kami. Dumating kami roon ng bandang ikatlo ng hapon. Una naming dinalaw ang puntod ni Teodoro Asedillo, at nagkuhanan muna ng litrato doon. Ikinwento naman ni Ka Jun, na tagaroon din at siyang gabay namin patungo sa bahay ni Lola Rosa, kung saan nag-shooting noon si Fernando Poe Jr. na siyang gumanap na Asedillo. At sa katabing bundok na iyon naroon ang Brgy. San Antonio. Umano'y may daanan namang maayos patungo sa bundok at may malaking pamayanan din doon, na ang populasyon ay mas malaki pa kaysa Brgy. Longos na pinuntahan namin.

Pagkatapos ng maikling kwentuhan ay sumakay kaming muli sa sasakyan at nagtungo na sa bahay ni Lola Rosa.

Nakangiti kaming sinalubong ni Lola Rosa sa harapan ng kanyang bahay, at doon na rin ipinarada ang dalawang sasakyan. Iniabot ko kay Lola Rosa ang dalawang tula - ang isa'y pinamagatang "Teodoro Asedillo, Dakilang Guro" at ang isa'y para sa kanyang kaarawan - at ang isang papel na naglalaman ng palatuntunan ng Concert at the Park sa Luneta, kung saan inawit doon ang "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" na batay sa aking tula.

Naglakad kami patungo sa bahay ng kanyang anak dahil naroon ang handaan. Ipinakilala namin sa kanya si Ka Sonny Melencio, ang pambansang pangulo ng Partido Lakas ng Masa. Ang handa ay biko, pansit palabok, litsong manok, sopas, at keyk. Hinipan ni Lola Rosa ang keyk. Habang nagkakainan ay nakipagkwentuhan naman si Ka Sonny kay Lola Rosa, habang ako naman ay matamang nakikinig.

Maraming kwento si Lola Rosa hinggil sa kanyang ama at sa kanilang buhay-buhay. Hanggang sa mabanggit ni Lola Rosa na sa pelikulang "Asedillo" ay marami ang kulang. Umano'y nakita na lang niya ang iskrip ay gawa na. Iniabot na lamang sa kanya ng direktor na si Celso Ad. Castillo. Buhay pa noon ang kanyang ina, at marahil ang kanyang ina ang isa sa nakapanayam.

Namigay din kami ng kopya ng tula sa mga kasamahan ni Lola Rosa, at isa ang nagkomento kung bakit nakasulat ay "sa ika-79 na kaarawan ni Lola Rosa" gayong sinasabi naman daw ng matanda na siya ay 77 taong gulang lamang. At sinabi ko naman kung bakit. Una, dinalaw pa at nakita ng bayaning Teodoro Asedillo o Ka Dodo ang kanyang anak na si Rosa matapos itong isilang. Ikalawa, namatay si Ka Dodo noong Disyembre 31, 1935, batay na rin sa nakasulat sa kanyang lapida. Kung 77 taong gulang si Lola Rosa, tiyak na hindi na siya nakita ng kanyang ama. 2014 - 77 = 1937. At hindi rin siya 78 anyos. 2014 - 78 = 1936, patay na si Ka Dodo nang isilang siya. Masisira ang kwento. Dahil nang isinilang si Lola Rosa ay dinalaw pa siya ng kanyang ama bago ito mapatay ng Konstabularya, sa pangunguna ni Tenyente Jesus Vargas. Ibig sabihin, taong 1935 isinilang si Lola Rosa. Kaya sabi ko sa mga naroon, hindi 77 o 78 anyos si Lola Rosa kundi 79 anyos na. 2014 - 1935 = 79 anyos. Umayon naman sila sa aking paliwanag.

Napagkwentuhan din doon na kung sakaling mabubuo muli ang kwento ay maidagdag kung anuman ang kulang. At marahil ito'y maisapelikula muli, at ang gaganap ay ang isang aktor na kasapi rin ng PLM. Kaya binilinan ako ni Ka Sonny na ituloy ang panayam kay Lola Rosa upang mabuo pa ang kwento.

Mayamaya ay tinawag ko ang ilang kasamahan upang bigkasin ang isang tulang alay sa kaarawan ng matanda. Hawak ang aming mga kopya, binigkas namin ng sabay-sabay ang tula para kay Lola Rosa, na tinatawag din sa lugar na iyon na "Mommy Rose":

SA IKA-79 NA KAARAWAN NI LOLA ROSA,
ANG BUNSONG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
15 pantig bawat taludtod

Maligayang kaarawan po itong aming bati
O, Lola Rosa, na anak ng bayani ng lahi
Habang sinisilayan ang matipid ninyong ngiti
Tulad ng ama'y mayroon kayong magandang mithi
Pagpapakatao't pakikipagkapwa ang binhi

Makasaysayan po ang una nating pagkikita
Di namin inaasahang kayo pa'y makilala
Kaya laking galak naming mga magkakasama
Na kayo'y nakadaupang-palad, sadyang kaysaya
Sa aming puso't diwa, kayo po'y nakatatak na

Lola Rosa, kayo po'y larawan ng katatagan
Inyong ama nama'y simbolo ng kabayanihan
Pagkat karapatan ng tao'y kanyang pinaglaban
Ipinagtanggol ang obrero't dukha sa lipunan
Tagos sa puso't diwa yaong kanyang sinimulan

Ang ama'y dakilang guro sa mga estudyante
Tangan ang simulaing para sa nakakarami
Sa manggagawa't magsasaka'y tunay na nagsilbi
Kaya dapat siyang tanghaling tunay na bayani
Habang anak na bunso'y dakilang ina't babae

At sa pagkakabusabos, masang api'y babangon
Lola Rosa, tunay kayong anak ng rebolusyon
Nawa'y lumakas pa po kayong nasa dapithapon
Nitong buhay pagkat tunay po kayong inspirasyon
Muli, Maligayang Kaarawan sa inyo ngayon!

- handog ng kasapian ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), Teachers Dignity Coalition (TDC), Sanlakas

Enero 21, 2014, Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna

Nagpaalam na kami kay Lola Rosa bandang ikaanim at kalahati ng gabi (6:30 n.g.). Masaya kaming umalis, na isa na naman itong makasaysayang pangyayari na hindi namin malilimutan.

Naghiwalay na ng ruta ang dalawang sasakyan paglabas ng Brgy. Longos. Ang isa ay kumanan patungo sa Calamba, habang kami naman ay kumaliwa pa-Maynila na, at ang dinaanan namin ay Pililla, Rizal, na walang trapik.

Dumating kami sa pambansang tanggapan ng PLM bandang ikawalo at kalahati ng gabi.






Mga litrato'y kuha ni Greg Bituin Jr.

Lunes, Enero 20, 2014

Ang awiting "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park

ANG AWITING "DAKILANG GURO: TEODORO ASEDILLO" SA CONCERT AT THE PARK
 ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makabagbag-damdamin ang pag-awit ng tulang "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park noong Enero 19, 2014.

Ang tulang iyon ay hiniling ng ka-facebook kong si Joel Costa Malabanan matapos kong i-upload sa facebook ang ilang litrato hinggil sa pagdalaw ko at ng aking mga kasamahan sa bahay ni Lola Rosa, ang bunsong anak ni bayaning si Teodoro Asedillo noong Enero 5, 2014. Isa si Ka Joel sa nakabasa ng aking artikulong "Teodoro Asedillo: Dakilang Guro, Lider-Manggagawa, Bayani" sa aking blog. Ang artikulong iyon, na sinulat ko noong 2006 ay nalathala na sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006 at sa magasing Ang Masa noong Marso 2012.

Nang hinilingan ako ng tula hinggil kay Asedillo upang lapatan niya ng musika, agad ko iyong pinaunlakan. Ilang araw din bago ko iyon nagawa. At nang sa palagay ko'y maayos na ang tula ay agad kong ipinadala sa kanya.

Narito ang aking tula:

TEODORO ASEDILLO, DAKILANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kabutihang asal ang pinatimo
nasa wikang taal ang tinuturo
magagandang diwa'y ipinapayo
sa mag-aaral ay mabuting guro

ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
wikang Ingles ang pilit nilalatag
gurong si Asedillo'y di pumayag
sa harap ng Kano'y naging matatag

bakit wikang dayo ang gagamitin?
at ang sariling wika'y aalisin?
banyaga na ba ang dapat tanghalin?
wikang sarili ba'y wikang alipin?

edukasyon noon pa'y pinaglaban
na ito'y dapat umangkop sa bayan
ngunit si Asedillo pa'y nawalan
ng trabaho kahit nasa katwiran

kawalang katarungan ang nangyari
ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
di sa eskwela kundi sa marami
inalay ang buhay sa masang api

o, Asedillo, dakila kang guro
halimbawa mo'y nasa aming puso
bayani kang tunay sa ating pulo
at liwanag ka sa maraming dako

May ilang dinagdag si Ka Joel upang lumapat sa tono. Gayunman, halos 95% naman, ayon sa kanya, ang nanatili. Narito ang buong liriko ng awit:

DAKILANG GURO : TEODORO ASEDILLO,
Titik ni ni Gregorio V. Bituin Jr. (11 pantig bawat taludtod)
Musika ni Joel Costa Malabanan

Intro: D – A –Bm – G – (2x)

Kabutihang asal ang pinunla mo
At wikang taal ang itinuturo
Makabayang diwa'y ipinapayo
Sa mag-aaral ay mabuting guro

Ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
Wikang Ingles ang pilit nilalatag
Gurong si Asedillo'y di pumayag
Sa harap ng dayo'y naging matatag

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin /
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Edukasyon noon pa'y pinaglaban
Na ito'y dapat umangkop sa bayan
Ngunit si Asedillo’y tinanggalan
Ng trabaho kahit nasa katwiran

Kawalang katarungan ang nangyari
Ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
Di sa eskwela kundi sa marami
Inalay ang buhay sa masang api

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

O, Asedillo, dakila kang guro
Halimbawa mo'y nasa aming puso
Bayani kang tunay sa ating pulo
At liwanag ka sa maraming dako

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Ang ating bayan ay ating gisingin
At ating isipan ay palayain!
Gurong Dakila ngayo’y kilalanin
Si Asedillo ay alalahanin!


Magsisimula na ang palatuntunan nang ako'y dumating. Pinatayo kaagad kami upang awitin ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Nasa bandang gitna lamang ako upang kita ko ang buo, habang ang ibang may pyesa ring aawitin ay nasa bandang unahan. Naka-LCD projector ang mga liriko ng awit upang masundan ng mga tao.

May namimigay ng papel hinggil sa programa ng gabing iyon, at dahil malayo ako sa namimigay ng papel ay ako na mismo ang lumapit sa kanya at humingi. Naisip ko na hindi maaaring wala ako ng palatuntunang iyon, dahil isa iyong ebidensyang maaari kong ipagmalaki na minsan man sa buhay ko ay inawit ang isa kong tula sa Concert at the Park.

Ito ang nakasulat sa palatuntunang ipinamigay sa mga dumalo roon:

Concert at the Park presents "MAESTRO"
Tampok sina Joel Costa Malabanan at Ferdinand Pisigan Jarin, mga gurong musikero
Ika-6:00 ng gabi, Linggo, 19 Enero 2014
Open Air Auditorium, Rizal Park, Maynila

Ang Maestro ay binubuo ng dalawang gurong musikerong sina Ferdinand Pisigan Jarin at Joel Costa Malabanan. Kapwa sila propesor ng Kagawaran ng Filipino sa Philippine Normal University. Nabuo ang Maestro noong ika-1 ng Pebrero, 2012 at nakapagtanghal na sa mga konsyerto sa iba't ibang pamantasan gaya ng UST, DLSU Taft at sa PNU. Huling nagtanghal ang MAESTRO sa Paco Park Presents noong Nobyembre 15, 2013.

Si Ferdinand Pisigan Jarin ay naging script-contributor ng pambatang-programang Batibot at tatlong ulit nang nagawaran ng Don Carlos Palanca Award for Literature para sa dulang may isang yugtong "Sardinas" noong 2001, sanaysay na "Anim na Sabado ng Beyblade" noong 2005 at sa sanaysay na "D 'Pol Pisigan Band" noong 2010. Si Joel Costa Malabanan naman ay nagwagi sa mga textula tulad ng DALITEXT AT DIONATEXT at Tulaan sa Facebook. Noong 2010 ay nagkamit siya ng karangalang banggit sa Talaang Ginto.

Ang musika ng MAESTRO ay sumasalamin sa kanilang mga karanasan bilang mga guro at sa kanilang mga pananaw hinggil sa mga isyung panlipunan. Nasa anyo ito ng folk, reggae at rock subalit higit na dapat pagtuunan ang mensahe ng kanilang mga awit. Para sa pagtatanghal, makakasama nila si Nico Evangelista sa lead guitar at si Aji Adiano sa persecussion.

PROGRAMA

Julian Felipe - PAMBANSANG AWIT

Joel Costa Malabanan - A KINSE
Ferdinand Pisigan Jarin - DIYARYO
Joel Costa Malabanan - PAG HINDI NA PUMAPATAK ANG ULAN
Ferdinand Pisigan Jarin - LANGIT
Joel Costa Malabanan - AWIT KAY MACARIO SAKAY
Ferdinand Pisigan Jarin - MALAMANG
G. Bituin Jr. / J. C. Malabanan - DAKILANG GURO: Teodoro Asedillo
Ferdinand Pisigan Jarin - TULOY, TULOY, TULOY
M. Coroza / J. C. Malabanan - SA GABI NG KASALA
Ferdinand Pisigan Jarin - SUKATAN
B. Basas / F. Pisigan Jarin - PAGLIKHA NG BAGONG DAIGDIG
Joel Costa Malabanan - SPEAK IN ENGLISH ZONE
Joel Costa Malabanan - NAPAGTRIPAN LANG
G. R. Cruz / F. Pisigan Jarin - KAPAG UMIBIG KA
Joel Costa Malabanan - SIYAM-SIYAM

Concert at the Park, isang proyektong pangkultura ng Department of Tourism, Sec. Ramon R. Jimenez, Jr.

at ng
National Parks Development Committee
Elizabeth H. Espino
Punong Tagapagpaganap

Rhea J. Dela Ostia, taga-ulat

Matapos ang palatuntunan ay kinamayan ko si Ka Joel Costa Malabanan. Naroon din ang kaibigang Benjo Basas, pangulo ng Teachers Dignity Coalition (TDC), na hiniraman ko ng isangdaang piso para makabili ng CD, dahil pamasahe lang ang meron ako ng mga panahong iyon. HIndi ako nakabili ng CD dahil wala pa pala roon ang awit kay Asedillo, at hindi pa raw niya nairerekord. Sa Enero 21, 2014 kasi ay ika-79 na kaarawan ni Lola Rosa, ang anak na babae ng bayaning Teodoro Asedillo, na plano naming puntahan ng aking mga kasama.

Gayunman, wala mang CD, isang malaking kagalakan na ang isa kong tula ay ginawang awitin at inawit mismo sa Concert at the Park sa Luneta noong Enero 19, 2014.

Maraming salamat. Mabuhay ka, Ka Joel Costa Malabanan, at nawa'y magpatuloy ka pa sa iyong magagandang layunin para sa sambayanan.



Martes, Enero 7, 2014

Pagdalaw kay Lola Rosa, ang natitirang anak ng bayaning Teodoro Asedillo

PAGDALAW KAY LOLA ROSA, ANG NATITIRANG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makasaysayan ang araw na iyon, Enero 5, 2014, araw ng Linggo, dahil nakadaupang-palad namin sa unang pagkakataon ang bunsong anak ng bayaning si Teodoro Asedillo - si Mommy Rose o Gng. Rosa P. Asedillo-Medalla.

Napapunta kami roon dahil sa paanyaya ni Ate Gigi, isa sa kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Laguna, at organisador ng Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA). Ayon sa kanya, nang malathala ang aking artikulong "Teodoro Asedillo: Magiting na Guro, Lider-Manggagawa, Bayani" sa magasing Ang Masa noong Marso 2012, ipinakita niya iyon sa kakilala niyang konsehal - sa Ate Emma Asedillo. Hiningi ito sa kanya, at ipinakita naman kay Mommy Rose.

Una kaming nagkausap ni Ate Gigi sa isang kumbensyon ng Partido Lakas ng Masa sa Bulwagang Tandang Sora, sa ikatlong palapag ng College of Social Work and Community Development (CSWCD) sa UP Diliman noong Disyembre 8, 2013, at ikinwento nga niya ang pagkikita nila ni Konsehala Emma Asedillo sa Laguna, at nais daw makilala kung sino ang may-akda ng artikulong "Teodoro Asedillo" na nalathala sa magasing Ang Masa. Ito naman ay pinag-usapan din nila ni Ka Jojo, organisador ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). Kaya nang tumungo ako sa tanggapan ng BMP-ST sa Calamba, Laguna upang maghatid ng 20 kilo ng hamon, nagkausap kami ni Ka Jojo hinggil sa pagtungo sa matandang Asedillo.

Itinakda ang petsa na Enero 5, 2014, kaya naghanda na ako ng anumang maaaring maibigay sa matanda. Kaya nagdisenyo ako ng isang plakard sa sukat na 11" x 17" kung saan nakasulat: "Teodoro Asedillo, Magiting na Guro, Bayani ng Uring Manggagawa at ng Mamamayang Pilipino”, at ang mga nakalagda ay ang mga grupong BMP-PLM-KPML-AMA-TDC-SANLAKAS, na siyang bilin ni Ka Jojo na aking ilagay. Ang TDC ay Teachers’ Dignity Coalition at ang KPML naman ay Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod.

Enero 4 pa lang ay nagbiyahe na ako papuntang Calamba, Laguna, ngunit dumating ako roon na walang tao sa opisina ng BMP-ST. Bandang ikatlo ng hapon ng makarating ako doon. Tinext ko si Ka Jojo. Pinapunta niya ako sa kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite at birthday raw niya. Ibinigay niya kung paano ang pagtungo sa kanila, at anong biyahe ang sasakyan. Takipsilim na ako nakarating sa kanila. Naroon ang iba pang mga kakilala kong lider at kasapi ng PLM, KPML, BMP, Zone One Tondo Organization (ZOTO), Sanlakas. Bandang ikasiyam na ng gabi nang umalis kami roon at tumungo na sa tanggapan ng BMP sa Calamba upang doon matulog.

Umaga ng Enero 5 ay isa-isa nang nagdatingan ang mga sasama. Matapos ang almusal ay sumakay na kami ng van. Nagtungo muna kami sa isang lider-manggagawa, si Nick, at isinama namin. Tinagpo rin namin si Ate Gigi sa isang lugar, dahil siya ang gabay patungo kina konsehala Emma Asedillo.

Ang mga magkakasamang nagtungo roon ay sina Ka Jojo na lider ng grupo, Ka Eli, Alex, Ate Nellie, Ate Gigi at isa niyang kamag-anak, Nick na lider ng isang unyon, Doods na siyang tsuper ng van, at ako. Bale siyam kami.

Bandang ikalabing-isa ng umaga nang makarating kami ng Brgy. Longos sa bayan ng Kalayaan sa Laguna, at doon ay hinarap kami ni Konsehala Emma, na siyam na taong naging kagawad ng bayan. Marami siyang ikinwento tungkol sa buhay ng mga Asedillo, pati na ang kanyang panunungkulan ng siyam na taon bilang kagawad, at ang pagsama niya sa rali ng mga magsasaka sa Maynila noong Enero 1987 na nagdulo sa masaker. Naitanong pa sa akin kung pwede ko raw bang isulat ang talambuhay ni Konsehal Emma, na positibo ko namang tinugon.

Ang tinanghalian namin ay pinais na isdang tawilis, na may halong talong. Nabusog kami sa sarap ng pananghaliang iyon.

Matapos ang pananghalian ay nagtungo kami, kasama si Ka Jun, na kapitbahay ni Konsehala Emma, sa puntod ni Teodoro Asedillo. Ang puntod ay may nakatayong batong animo'y kandila. Puti ang katawan at pula ang apoy. Sa lapida ay ang pangalan ni Teodoro Asedillo, ang pangalan ng kanyang asawang si Julia Asedillo, at ang pangalan ng kanilang apong si Myra Medalla-Garcia. Kinunan ko ng litrato ang puntod, at nagpakuha rin kami ng litrato doon.

Matapos iyon ay sumakay kami ng van at tinungo na ang bahay ni Mommy Rose. Mainit ang pagtanggap sa amin ni Mommy Rose. Kita na sa kanya ang katandaan ngunit malakas pa siya at masigla. Naglakad kami patungo sa bahay ng kanyang anak sa may di kalayuan.

Masaya siyang kausap at marami siyang ikinukwento tungkol sa kanilang pamilya, lalo na hinggil sa kanyang ama na hindi na niya nakilala maliban sa mga kwento ng kanyang ina. Pati na ang kanyang kapatid na si Pedro ay hindi na niya nalaman kung paano nawala. Ikinwento rin niyang nasa halagang labingdalawang libong piso (P12,000) ang ibinayad sa kanila dahil sa pagkakagawa ng pelikulang "Asedillo" na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr.

Simpleng meryenda lang ang inihain, ilang softdrinks at ilang biskwit. Matagal din ang kwentuhan namin nina Mommy Rose at ng mga kasama. Nagkuhanan kami ng litrato kasama ang kanyang mga anak, manugang at apo.

Bago umuwi ay ipinakita ni Mommy Rose ang isang bungkos ng mga sulatin dahil umano may isang liham doon ng sulat kamay ni Asedillo. Malabo na ang xerox na iyon, at kinunan ko iyon ng litrato. Pati na ang ilang dokumentong marahil ay malaki ang maitutulong sa mga bago kong pananaliksik. Nagpasalamat kami kina Konsehala Emma at Mommy Rose bago kami lumisan sa lugar na iyon, isang payak na lugar, isang liblik na pook, ngunit mayaman sa kasaysayan ng pakikibaka para sa karapatan ng maliliit.

Pakiramdam ko, hindi lang ako simpleng mananaliksik at potograpo ng araw na iyon, kundi mas tumindi pa ang aking pananalig sa pagkatao at rebolusyong inilunsad ng bayaning si Teodoro Asedillo.

Bandang ikalima ng hapon nang umalis kami roon, at nagtungo kami sa isang kasamahan ni Ate Gigi sa AMA upang manghingi ng gulay. Tumungo kami sa isang bukirin, nanguha ng mustasa, at nagkwentuhan. Bandang ikaanim at kalahati ng gabi nang kami'y umuwi na patungong tanggapan ng BMP sa Calamba.

Ang karanasang iyon ay makasaysayan, at hindi namin malilimutan.

Huwebes, Enero 2, 2014

Pagpupugay sa ika-50 anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" (1964-2014)

PAGPUPUGAY SA IKA-50 ANIBERSARYO NG "MGA AGOS SA DISYERTO" (1964-2014)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pagpupugay sa ikalimampung anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" ngayong 2014. Ang "Mga Agos sa Disyerto" ay isang aklat na kalipunan ng mga maikling kwento ng limang magkakaibigang manunulat sa wikang Filipino na nalathala noong 1964.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Ang limang manunulat sa unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto" ay sina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat, na makikita sa pabalat ng aklat. Sa ikalawang edisyon naman ng aklat, nawala na si Eduardo Bautista Reyes at pinalitan siya ni Dominador B. Mirasol, na makikita sa pabalat ng aklat. Kaya ang bumubuo ng ikatlong edisyon ay may inisyal na AMORS batay sa kanilang apelyido (Abueg, Mirasol, Ordoñez, Reyes at Sikat). AMORS na tila plural ng puso (amor + s), (ang amor ay wikang Kastila sa puso).

Ayon sa WikiPilinas.org (http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Agos_sa_Disyerto): "Ang Unang Edisyon ng antolohiya noong 1964 ay kinapapalooban lamang ng tigtatatlong maiikling katha o 15 katha nina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat. Ang Ikalawang Edisyon (1974) ng antolohiya ay kinapapalooban ng 20 katha. Sa Ikalawang Edisyon ng antolohiya ay mawawala ang mga akda at may akdang si Eduardo Bautista Reyes; siya ay mapapalitan ni Dominador B. Mirasol. Ang Ikatlo (1993) at Ikaapat (2010) na Edisyon ay kinapalooban ng 25 katha. Kakailanganin ng mas malalim na pagsusuri upang maipaliwanag ang pagbabagong naganap sa bawat edisyon."

Paano ba nalathala ang "Mga Agos sa Disyerto"? Ito ang isinulat ni Edgardo M. Reyes sa kanyang aklat na "Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), pahina 60-61, kung paano nalimbag ang "Mga Agos sa Disyerto":

"Sa punto ng hanapbuhay, hindi isang magandang tiyempo ang pagpapamilya. Ibinalik ng Liwayway ang dating reglamento na hindi makatutuloy sa editoryal ang contributors, hanggang guwardiya lang. Nagkaisa naman ang buong grupo na wala munang susulat sa Liwayway hanggang hindi muling binubuksan sa amin ang pintuan ng editoryal."

"Naayos ni Efren kay Atty. Teofilo Sauco, editor ng Bulaklak (tanging magasing kakompitensya noon ng Liwayway) na makapagsulat kami roon. Isang nobela na sunurang susulatin, bawat labas, ng limang awtor. Nagpulong kami nina Eddie Bautista Reyes, Efren at ang dalawang Roger para sa tema at balangkas ng nasabing nobela. Pinamagatan namin ng Limang Suwail. Na kalaunan ay sinabing tamang-tama raw na itawag sa aming lima dahil pulos kami suwail sa Liwayway."

"Ang mismong nobela ay hindi maipagmamalaki at siguro'y dapat pang ikahiya. Ngunit sa amin ay may magandang kahulugan iyon. Sinasagisag niyon ang aming pagkakaisa at paglaban sa isang institusyon."

"Tuwing araw ng singilan, dumarating kaming lima sa opisina ng Bulaklak sa R. Hidalgo, Quiapo. Ang pera ay nalalaspag lang sa kain at toma. Hanggang sa mapag-usapan namin na mabuti yatang iukol namin sa higit na mahalaga. Napagkasunduan noon din na hindi na kami maniningil. Iipunin namin ang pera. Pag natapos ang nobela, saka namin biglang kukubrahin ang kabuuan. Para sa isang proyekto."

"Ginamit namin ang perang iyon upang mailabas ang unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto".

Karamihan sa mga akda ay pawang nagawaran ng mga pagkilala bilang mahuhusay na akda. Ito'y ang mga:
(1) Mga Aso sa Lagarian, ni Dominador B. Mirasol (Unang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1964)
(2) Dugo ni Juan Lazaro, ni Rogelio Ordoñez (Unang Gantimpala, Gawad Kadipan 1962)
(3) Di Maabot ng Kawalang Malay, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1960)
(4) Emmanuel, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(5) Tata Selo, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(6) Impeng Negro, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1962; Unang Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(7) Mabangis na Lungsod, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1961)
(8) Sa Bagong Paraiso, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(9) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1959)

Ganito rin ang isinulat ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University sa kanyang sanaysay na "Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto: Hindi mga “karaniwang” kuwentong limbag sa magasing komersyal ang ipapagitna ng ipinalimbag nilang koleksyon ng kanilang mga kuwento kundi mga premyado—sinuri at kinilala ng mga hurado/kritiko ng mga patimpalak na kanilang nilahukan. Sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, nanalo ang “Mga Aso sa Lagarian”, Unang Gantimpala, “Impeng Negro” at “Tata Selo”, kapwa Pangalawang Gantimpala, “Mapanglaw ang Mukha ng Buwan”, “ Di-Maabot ng Kawalang-Malay”, “Mabangis na Lunsod”, “Sa Bagong Paraiso” at “Dugo sa Ulo ni Corbo”, lahat ay pawang nagwagi ng Pangatlong Gantimpala sa iba’t ibang taon ng patimpalak. Ginawaran din ng KADIPAN ng unang gantimpala ang “Dugo ni Juan Lazaro”. Itong mga premyadong akdang ito  ang pangunahing tanda ng kanilang pagtanggi sa imaheng ikinakabit sa panitikang Pilipino at sa pamantayang kailangang tupdin upang sila ay “mapabilang”.

Ang tiglilimang katha ng limang manunulat ay ang mga sumusunod, batay sa Ikaapat na Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto:

Efren R. Abueg:
(1) Sa Bagong Paraiso
(2) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan
(3) Mabangis na Lungsod
(4) Dugo sa Ulo ni Corbo
(5) Ang Lungsod ay Isang Dagat

Dominador B. Mirasol:
(1) "Eli, Eli, Lama Sabachthani"
(2) Mga Aso sa Lagarian
(3) Isang Ina sa Panahon ng Trahedya
(4) Ang Biktima
(5) Makina

Rogelio L. Ordoñez:
(1) Dugo ni Juan Lazaro
(2) Buhawi
(3) Sa Piling ng mga Bituin
(4) Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya
(5) Si Anto

Edgardo M. Reyes:
(1) Di Maabot ng Kawalang-malay
(2) Lugmok na ang Nayon
(3) Emmanuel
(4) Ang Gilingang-bato
(5) Daang-bakal

Rogelio R. Sikat:
(1) Tata Selo
(2) Impeng Negro
(3) Quentin
(4) Sa Lupa ng Sariling Bayan
(5) Ang Kura at ang Agwador

Ang una at ikalawang edisyon ng aklat ay may mga Intoduksyon ng mga may-akda, ang ikatlong edisyon ay may Introduksyon ni Bienvenido Lumbera, na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, at ang ikaapat na edisyon ay may Introduksyon naman nina Alexander Martin Remollino (SLN) at Noel Sales Barcelona. Sa ngayon, sa limang manunulat na nabanggit ay dalawa na lang ang nabubuhay - sina Abueg at Ordoñez.

Ang Mga Agos sa Disyerto ay isa nang moog sa panitikang pambansa. Hinawan nito ang landas tungo sa panitikang mulat at pagkukwento ng mga tunay na nangyayari sa buhay ng karaniwang tao. Tinalakay nila ang mga dusa't hirap, ang payak na buhay ng mga maralita, manggagawa, kabataan, mga karaniwang tao.

Ang Introduksyon sa Unang Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto ay isang manipesto, isang paglingon sa nakalipas at pananaw sa hinaharap. Halina't baliktanawin at ating namnamin ang nilalaman ng kanilang manipesto:

"Kaming kabataang manunulat ay naninindigang may matatawag na tayong Panitikang Pilipino sa sariling wika. Iyan ay sa kabila ng masasakit na paratang na ang paniwalang ito ay bahagi lamang ng mga hibang na isip ng mga manunulat na Pilipino. Nililingon naming kabataan ang mga gawa ng mga yumaong manunulat sa wikang pambansa na kung hindi man nag-iwan ng mga akdang nakikipagtagalan sa panahon ay nagbukas naman ng landas patungo sa Lupang Pangako ng sariling panitikan."

"May nagparatang din na kung mayroon mang Panitikang Pilipino, ito naman ay 'malawak na disyerto,' na ang makikita lamang ay bungo, gapok na mga sanga ng kahoy, nangangalirang na mga damo sa tabi ng isang nauuhaw ring oasis. Ito ang kalagayan ng panitikan sa Pilipino na karaniwang pinaniniwalaan. Hindi kami naniniwala sa kadisyertuhang ito. Ang disyerto'y namamayani lamang sa bahagi ng pamayanang tumututol umunlad at nasisiyahan na lamang na ang mga paa'y nakatungtong na lagi sa alikabok at buhanginan. Ang manunulat na Pilipino, sa kabila ng mga tukso at balakid, ay nagsusumakit at umuunlad."

"Gayunman, kung may bahagi sa Panitikang Pilipino na 'disyerto,' ito'y sinisikap na 'paagusan' sa bagong anyo, ng bagong paksa, ng bagong pagpapakahulugan sa buhay, ng bagong paniniwala na inilululan sa mga kasalukuyang akda. Iyan ang layunin ng aklat na ito."

"Napapansin namin na ang mga akdang pinag-aaralan ngayon sa mga paaralan, maging sa hayskul at sa pamantasan, ay pawang sinulat bago sumapit ang 1955. Pagkaraan ng taong iyon, ang kathang sinulat ng bagong sibol na manunulat ay hindi na napalimbag. Mula noon hanggang ngayong 1964 ay hindi napupulsuhan ng bayan ang bagong sikdo ng panitikang Pilipino."

"Ito ang ibig naming gawin. Ibig naming ipabasa sa bayan ang mga bagong akdang sa abot ng aming kaalaman at kasanayan ay tinipon namin at sa kabila ng mga sagabal sa pagpapalimbag ay naipagsumakit naming maiharap sa bayan."

"Inaasahan naming ang Mga Agos sa Disyerto ay lalaganap sa "sinasabing" kadisyertuhan ng Panitikang Pilipino, pati na rin sa isipan ng mga kaaway nito."


Mga pinaghalawan:
Mga Agos sa Disyerto, Ikaapat na Edisyon, C & E Publishing, Inc., 2010
Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), Edgardo M. Reyes, 1990
WikiPilipinas.org
Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto, Kritika-Kultura, sanaysay ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University