Gat Andres Bonifacio, Sosyalista
ni Greg Bituin Jr.
Alam n’yo ba na kinilalang sosyalista si Gat Andres Bonifacio kahit ng mga banyaga? Ayon mismo sa Amerikanong si James LeRoy, isa sa mga awtoridad noong panahon ng Rebolusyong Pilipino: “Andres Bonifacio, an employee of a foreign business house in Manila, was the leading spirit of the Katipunan; gathering his ideas of modern reform from reading Spanish treatises on the French revolution, he had imbibed also a notion that the methods of the mob in Paris where those best adapted to secure amelioration for the Filipinos. His ideas where those of a socialist, and of a socialist of the French revolution type, and he thought them applicable to an undeveloped tropical country, where the pressure of industrial competition is almost unknown, and where with the slightest reasonable exertion, starvation may be dismissed from thought.”(Si Andres Bonifacio, kawani ng isang banyagang bahay-kalakal sa Maynila, ang siyang diwang namumuno sa Katipunan, nakuha niya ang mga kaisipan para sa pagbabago mula sa pagbabasa ng mga salaysay sa wikang Kastila hinggil sa rebolusyong Pranses, at naisip niyang ang mga paraan ng mga Pranses ang siyang nararapat para matiyak ang pagbuti ng kalagayan ng mga Pilipino. Ang kanyang kaisipan ay katulad ng isang sosyalista, at ng sosyalistang tipo ng rebolusyong Pranses, at naisip niyang ito’y lapat sa isang di pa maunlad na bansang tropikal, kung saan ang tindi ng kumpetisyon sa kalakal ay halos di pa nalalaman, at sa pamamagitan ng marahan at makatwirang paggigiit, ang kagutuman ay di na maisip.)
Hinggil sa “methods of the mob in Paris”, maaaring ang tinutukoy dito ni LeRoy ay ang naganap na Paris Commune ng 1871, na kinilala rin ni Karl Marx bilang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labour could take place”.
Ngunit suriin muna natin: Sino ba si James LeRoy para sabihin nating tama nga siya sa pagsasabing sosyalista si Gat Andres Bonifacio? Dagdag na tanong pa: Sino ba si Bonifacio para ituring na isang sosyalista?
Si Gat Andres Bonifacio ay makabayan at rebolusyonaryo. Alam ng lahat iyan. Ngunit hindi bilang isang sosyalista. Kung siya'y itinuturing na sosyalista, bakit? May kapareho ba siyang mga makabayan at itinuring na ring sosyalista ng kanyang mga kababayan sa kalaunan? Meron. Sina Jose Marti ng Cuba at Simon Bolivar ng Venezuela.
Si James A. LeRoy (1878-1912) ay isang Amerikanong awtor, kolonyalista, at maimpluwensyang iskolar hinggil sa Pilipinas. Bilang lingkodbayan, siya ang kalihim ni Dean C. Worcester, na pinakamaimpluwensya at kontrobersyal na myembro ng unang dalawang Philippine Commission. Ginawang bataan at simpatisador ni Worcester si LeRoy sa pagpapatupad ng patakarang imperyalista ng Amerika. Si LeRoy din ang isa sa pangunahing tagapayo ni William Howard Taft na sa kalaunan ay magiging pangulo ng Amerika.
Kilala si LeRoy sa pagsawata sa mga makasaysayang ulat ng ibang awtor hinggil sa Pilipinas, dahil tingin niya, ang ibang awtor ay mas panig sa kalaban nilang Espanya kaysa sa Amerika. Una niyang pinuna ang unang limang tomo ng The Philippine Islands nina Blair at Robertson, at ipinahayag niya ang kanyang matinding puna sa prestihiyosong American Historical Review noong 1903. Matindi niyang pinuna ang mga akdang pangkasaysayan ng mga Pilipinong sina Wenceslao Retana, Pedro Paterno, Isabelo de los Reyes, Leon at Fernando Ma. Guerrero ng pahayagang El Renacimiento, at iba pang ilustradong Pilipino dahil umano'y nasa kabilang panig sila ng digmaang pangkulturang nagaganap sa pagitan ng Amerika, ang bagong kolonisador, at ng bansang Espanya. Isinulat nga ni LeRoy kay William Taft noong Pebrero 1906 na “ang totoong pwersa ng dyornalismo sa Maynila ay ang El Renacimiento, nariyan ang puso ng mga taong siyang buod ng pahayagan, na pawang may galit sa anumang akdang Amerikano o Anglo-Saxon, kaya nalalathala ng paganuon-ganuon na lamang," ayon sa mananaliksik na si Gloria Cano (2008).
Kung may ganito siyang reputasyon, katiwa-tiwala ba ang sinabi niyang sosyalista si Bonifacio, pati na sa inilatag niyang munting dahilan? O dapat siyang paniwalaan dahil anti-ilustrado siya?
Masaya na nasabi ni James LeRoy ng may paliwanag kung bakit sosyalista si Bonifacio. Gayunpaman, hindi siya ang dapat nating batayan kung bakit sosyalista si Bonifacio, kundi yaong may tangan ng adhikaing sosyalismo bilang landas ng paglaya - at ito ang uring manggagawa.
Si Gat Andres Bonifacio ay naging manggagawa sa kanyang panahon, kaya ibinibilang siya ng mga sumunod pang mga lider-manggagawa sa kasaysayan bilang isang manggagawa. Una siyang nagtrabaho sa Fleming & Company, na isang kumpanyang Briton, bilang katulong at sa kalaunan ay naging clerk, mensahero at ahente ng sari-saring produkto. Kalaunan ay lumipat siya sa Fressel & Co. na isa namang kumpanyang Aleman at naging bodegero. Bago ito ay naglako rin siya ng mga baston at abaniko nang mamatay ang kanyang mga magulang at matustusan ang pangangailangan nilang magkakapatid.
Hanggang sa kanyang itatag ang Kataastasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o Katipunan) noong Hulyo 7, 1892 sa Daang Azcarraga sa Maynila, kasama sina Ladislao Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz, at Deodato Arellano.
Makikita rin natin sa mga sulatin ni Gat Andres Bonifacio ang adhikaing mapagpalaya. Sa kanyang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid..." ay kanyang sinabi: "Ngayon, lalo’t lalo tayong nabibilibiran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."
Iyan ang bilin ni Bonifacio, dapat tayong kumilos. Anya pa: "Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayo'y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan."
Makauri at hindi lamang makabayan si Bonifacio. Nakita niya ang pagsasamantala sa kanyang mga kauri. Tulad din siya nina Jose Marti, pambansang bayani ng bansang Cuba, at Simon Bolivar, na kinikilalang bayani sa Latin Amerika, lalo na sa Bolivia at Venezuela.
Tatlo silang bayaning nakibaka laban sa mga mananakop. Sina Bonifacio, Marti at Bolivar ay kinilala ng kani-kanilang mga kababayan dahil sa kanilang determinasyon upang palayain ang bayan mula sa pananakop at pagsasamantala. Ngunit tanging sina Marti at Bolivar ang pormal na kinilala ng kani-kanilang mga kababayan bilang sosyalista, rebolusyonaryong ayaw ng pang-aapi at pagsasamantala, mga bayaning nais baguhin ang bulok na sistema, at palitan ito ng mas matino, makamasa, makauri, mapagpalaya.
Mahigpit na kinikilala ng sosyalistang lider na si Fidel Castro ng Cuba si Jose Marti bilang isang sosyalista, bagamat itinuring siya ng mga nauna kay Fidel bilang isang makabayang rebolusyonaryo. Inilarawan ni Castro ang dalawang kilalang tao sa kasaysayan na may napakalaking impluwensiya sa kanyang mga pulitikal na pananaw. Ito'y ang rebolusyonaryong anti-imperyalistang si José Martí (1853–1895) at ang sosyolohista, teoretista at rebolusyonaryo sosyalistang si Karl Marx (1818–1883). Sa paliwanag ni Castro, gustong-gusto niya ang kabutihang asal o sense of ethics ni Marti, dahil nang minsan umanong magsalita si Marti, hindi niya nalimutan ang napakagandang sinabi nito: "Lahat ng glorya sa buong mundo ay maipapasok sa isang butil ng mais" - na ayon pa kay Fidel: "napakaganda nito, sa harap ng kaluhuan at ambisyon saan ka man tumanaw, ay dapat tayong mga rebolusyonaryo'y magbantay. Kayganda ng kaasalang iyon. Ang kabutihan sa kapwa, bilang paraan ng pagkilos, ay napakahalaga, isang natatanging yaman."
Bukod sa pagiging rebolusyonaryo, kilala ring manunulat at makata si Marti. Nagsulat siya sa mga pahayagang Opinión National (ng Caracas, Venezuela), La Nación (ng Buenos Aires sa Argentina), New York Sun, El Partido Liberal, La República, El Economista Americano, at La Opinión Pública. Nagsulat din siya sa mga pahayagang lihim na El Diablo Cojuelo at La Patria Libre. May tatlo siyang aklat na kalipunan ng kanyang mga tula, at ito ang Ismaelillo (1882), ang Versos sencillos (1891), at Versos libres, na pawang sinulat noong dekada ng 1880, ngunit nailathala lamang noong 1913.
Noong 1892, itinatag ni Jose Marti ang Cuban Revolutionary Party (Partido Revolutionario Cubano). Nang taon ding iyon, Hunyo 3, ay naitatag naman ni Gat Jose Rizal ang La Liga Filipina, ngunit siya'y dinakip na ng mga Kastila. Apat na araw matapos maitatag ang La Liga Filipina ay naitatag naman nina Andres Bonifacio ang Katipunan. Si Jose Marti ay sinentensyahang mabilanggo ng anim na taon ng matinding paggawa (hard labour). Dahil sa tulong ng kanyang mga magulang, napaikli ang kanyang sentensya, ngunit pinatapon siya sa bansang España. Kasama si Marti ng mga rebolusyonaryong Cubanong sina Heneral Maximo Gomez at Heneral Antonio Maceo sa pakikipaglaban upang mapalaya ang Cuba sa kamay ng mga Kastila. Noong Mayo 19, 1895, napatay si Marti habang nakikipaglaban sa mga pwersang Kastila sa Dos Rios kung saan pinangunahan niya ang paglusob.
Si Simon Bolivar naman ay kinilala ni Pangulong Hugo Chavez ng Venezuela bilang isang natatanging lider na nagtangkang palayain ang limang bansa sa Latin Amerika. Mula sa kanyang bansang Venezuela hanggang sa Bolivia, ang bansang ipinangalan sa kanya, si Simon Bolivar ay tinitingalang personahe sa paglaban para sa kalayaan ng Latin Amerika mula sa Imperyo ng Espanya. Sa buong kasaysayan, kinilala siya ng mga pwersang progresibo at maging ng konserbatibo. Sa ngayon, idineklara ng pamahalaan at kilusang pinamunuan ni Hugo Chavez ang isang rebolusyong Bolivariano na tinitingala si Bolivar bilang isang magiting at kapuri-puring pinuno sa kasaysayan. Ipinagpatuloy nina Chavez ang laban at kaisipan ni Simon Bolivar noong ika-19 na siglo.
Ang rebolusyonaryong Bolivariano ang nangungunang kilusang pulitikal sa Venezuela na nagpapatuloy at tumutupad sa pangarap ni Bolivar na isang nagkakaisa at malayang Latin Amerika mula sa imperyalismo, kung saan pinalitan lamang ng Amerika ang Espanya bilang mga imperyalistang ganid. Isa na rito ang pagkakatatag ng ALBA (Bolivarian Alternative for the Americas) na siyang pantapat at alternatibo nila sa FTAA (Free Trade Area of the Americas) na pinangungunahan ng Estados Unidos). Nariyan din ang Plano Bolivar 2000, kung saan sinabi ni Chavez na ang mga militar ay hindi tagapagtanggol ng naghaharing uri kundi ng mahihirap na mamamayan. Nariyan ang Misson Barrio Adentro na nagbibigay ng libreng pagpapaospital, libreng gamot, at pagpapatupad ng tunay na konsepto ng universal health care, na ang kalusugan ay karapatan ng lahat ng mamamayan, kahit na ng mga pulubi. Nariyan ang Mission Habitat na pabahay sa libu-libong dukha sa Venezuela. Ang Mission Mercal na nagbibigay ng subsidyo sa pagkain at batayang pangangailangan ng mamamayan. At ang Mission Robinson na nagbibigay ng libreng edukasyon mula elementarya, sekundarya, kolehiyo, maging sa mga espesyal na kurso.
Para sa maraming historyador, simpleng mga makabayang lider lamang sina Bonifacio, Marti at Bolivar na naghahangad ng kalayaan ng kanilang bayan. Ngunit kung susuriin ang kanilang mga sulatin at mga ginawang pagkilos, nakipaglaban sila sa mga mananakop upang iwaksi ang pagsasamantala ng tao sa tao, at palitan ang bulok na sistema ng isang lipunang makatao.
Kung hangang-hanga si Fidel Castro ng Cuba sa kabutihang asal o sense of ethics ng kanilang bayaning si Jose Marti, mas kahahangaan natin ang kabutihang asal at pagpapakatao na ipinalaganap ng Katipunan nina Bonifacio sa pamamagitan ng Kartilya. At ang Kartilya ng Katipunan kung pakasusuriin ay higit pa sa simpleng panuntunan ng kasapi ng Katipunan. Ang Kartilya ng Katipunan ay para sa lahat pagkat ang nilalaman nito ay pandaigdigan. Walang hangga na anumang bansa, nasyunalidad, o anumang pagkakahati na nakasulat sa Kartilya. Kaya makikita natin mismo ang pagiging buo ng Kartilya na kahit na ikaw ay Amerikano, Bangladeshi, Mehikano, Arabo, Aprikano, o Pilipino, ito'y katanggap-tanggap sa lahat. Tumpak ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto, na matalik na kaibigan at kasangga ni Bonifacio, sa sinulat nitong mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim: "Iisa ang pagkatao ng lahat!"
Dalawang araw lamang sa bawat taon na tradisyunal na araw na makikitang nagsasama-sama ang uring manggagawa sa bansa at lumalabas sa kalsada. Ito'y ang Mayo Uno, na siyang pandaigdigang araw ng manggagawa, at ang Nobyembre 30, na siya namang kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Kung may iba mang araw na nagsasama-sama ang manggagawa, tulad ng SONA (State of the Nation Address) at welgang bayan para sa sahod, hindi matatawarang tanging ang Mayo Uno at Nobyembre 30 ang palagian nang pinaghahandaan ng manggagawa upang magsama-sama at magwagayway ng bandila.
Sa muling pagbasa, pananaliksik at pagtugaygay natin sa buhay, akda, at pakikibaka ni Gat Andres Bonifacio, makikita nating karapat-dapat siyang ituring na sosyalista ng mga manggagawang Pilipino. Kung naiangat nina Fidel Castro si Jose Marti, at Pangulong Hugo Chavez si Simon Bolivar, sa mataas na pedestal ng kasaysayan ng pakikibaka para sa sosyalismo, hindi ba't magagawa rin ng manggagawang Pilipino na iangat si Gat Andres Bonifacio, na itinuturing ng marami na unang pangulo ng bansa, bilang isang sosyalista. Hindi pa sa pakahulugan ni James LeRoy, kundi sa pakahulugan ng manggagawang Pilipino.
Ang artikulong ito'y panimula pa lamang. Hindi pa ito tapos dahil hindi pa tapos ang laban ni Bonifacio. Panahon na upang ipagpatuloy natin ang kanyang nasimulan. Sulong, manggagawa, at itaguyod ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!
Si Gat Andres Bonifacio ay manggagawa at bayani ng uring manggagawa. Pinangunahan niya ang pakikibaka laban sa pagsasamantala. Simbolo siya ng paglaban at pagpawi ng tanikala ng kahirapan at pang-aapi. Nararapat lamang siyang tawaging isang sosyalista.
Mabuhay ang sosyalistang si Gat Andres Bonifacio! Mabuhay ang uring manggagawa!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento