Huwebes, Agosto 20, 2015

Liit at laki ng letra sa mga polyeto

LIIT AT LAKI NG LETRA SA MGA POLYETO
ni Greg Bituin Jr.

May ilang mga kasama ang nagsasabi na dapat malalaki ang titik o letra ng mga ipinamamahaging polyeto. Ang dahilan: upang basahin daw ng mga pagbibigyan, lalo na yaong mga matatanda na at lumalabo na ang mga mata.

Kasi umaangal daw yung mga nagbabasa. Maliliit daw ang letra at baka hindi mabasa. Ang liliit daw ng mga font. Kadalasang nasa 10 Times New Roman o Book Antigua, na kadalasang font sa mga pahayagan. Dapat daw nasa 14 o 16 Times New Roman ang laki ng font para daw mabasa.

Sa totoo lang, hindi iyon sa kaliitan ng letra, kundi sa hindi magandang pagkakasulat, kaya hindi interesadong magbasa ang dapat magbasa. Ang totoong dahilan, nakakasawa na ang estilong bulok ng mga nagsusulat ng polyeto. Bakit ka'nyo?

Yung mga matatandang naliliitan kuno sa mga letra ng polyeto, na nais palakihin ang letra, ay yaon ding mga matatanda na mahilig magbasa ng maliliit na letra sa mga tabloid na Tiktik, Hataw, Boso, Abante, Bulgar, at iba pang tabloid. Bakit lagi silang bumibili noon at binabasa ang mga iyon, gayong kayliliit ng mga letra?

Pumunta ka ng mga tambayan, tulad ng barbershop at terminal ng mga dyip at tricycle. May makikita kang dyaryo doon na maliliit ang letra, nasa 10 Times New Roman, o 10 Book Antigua. Bakit nagbabasa ng dyaryo ang mga inaakala nating matatanda na at malalabo na ang mata? Bakit marami ang bumibili ng Inquirer, Philippine Star at Manila Bulletin gayong kayliit ng mga letra nito? Kadalasang nasa 10 Times New Roman ang font.

Interesado kasi sila sa paksa ng mga nakasulat doon. Mga kwentong bold, na inaabangan talaga nila ang istorya. Mga kwentong isports ng inaabangan nilang idolo at koponan. Mga kwentong artista. Mga napapanahong balita.

Pinaglalaanan nila ng P10.00 araw-araw ang paborito nilang tabloid, at P20.00 ang paborito nilang broadsheet.

Hindi pa dahil sa liit o laki ng letra.

Kaya alibi na lang palagi na dapat malaki ang font ng letra sa ating mga polyeto.

Ang problema kasi, hindi na tayo naging creative o malikhain sa pagsusulat. Iisang estilo na lang kasi ang nakikita sa mga polyeto kaya nagsasawa ang mga bumabasa. Para bang kada SONA ay pare-pareho ang nakasulat. Para bang pag tuwing Mayo Uno ay pare-pareho ang isyung nakalathala. Pulos palaban, pulos galit, pulos ibagsak, pulos pare-parehong islogan. Wala nang makitang bago ang mga nagbabasa. Wala nang nakitang kaengga-engganyo na maaakit silang bumasa. Hindi tayo binabasa dahil tingin ng masa, pareho lang ng dati ang kanilang nababasa. Bukod pa sa dapat baguhin ang disenyo o presentasyon ng buong polyeto.

Hindi pa dahil mas kaakit-akit basahin ang kwentong seks, kundi paano ba ang presentasyon natin ng mga isyung napapanahon. Kadalasan, ang papangit ng mga balita sa mga arawang dyaryo dahil pulos krimen at katiwalian ang nilalaman, ngunit bakit mas ito ang binabasa? Dahil ba wala na silang mapagpilian? Kailangan nating pagkunutan ng mga noo. Ano ba ang mas may kaugnayan sa buhay nila kaya nila ito binabasa, o kaya sila nagbabasa noon ay upang maaliw upang pansamantalang makalayo sa kanilang pang-araw-araw na problema? Paano ba tayo mas magiging malikhain?

Hindi ba pwedeng magprotesta ang taumbayan para sabihin sa mga palimbagan ng mga dyaryo na lakihan ang letra upang mabasa ito ng mga malalabo ang mata?

Sa totoo lang, ang istandard o pamantayan sa mga dyaryo ang dapat pamantayan din sa liit o laki ng letra sa mga polyeto, magasin at pahayagan ng kilusan, at hindi ang paboritong alibay na baka hindi mabasa ng mga bibigyan natin ng ating mga babasahin.

Ang tanong: paano natin gagawing mas interesante sa mambabasa ang ating mga polyeto, dyaryo o anumang babasahin? Mas maging malikhain tayo.

At kung malikhain na tayo, mas maging malikhain pa tayo.

Martes, Agosto 11, 2015

Ang Bitukang Manok sa Pasig, Atimonan, Daet at sa Kasaysayan ng Katipunan

ANG BITUKANG MANOK SA PASIG, ATIMONAN, DAET AT SA KASAYSAYAN NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Oktubre 9, 2014, kami sa Climate Walk ay tumahak sa tinatawag na Bitukang Manok sa Atimonan, Quezon. Iyon ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko. Dahil ang alam kong Bitukang Manok ay nasa Lungsod ng Pasig, na kadalasang tinatalakay namin sa usaping kasaysayan, lalo na sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang Bitukang Manok sa kasaysayan ng pakikibaka ng Katipunan dahil pinagpulungan iyon ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio. Tatlong historyador ang nagbanggit nito. Ang dalawa ay kaibigan ko at kasama sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan).

Ang Climate Walk ay isang kampanya para sa Katarungang Pangklima o Climate Justice, at isang mahabang lakbayan, o lakaran mula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang sa Tacloban (Ground Zero) na aming isinagawa mula Oktubre 2, na Pandaigdigang Araw ng Hindi Paggamit ng Dahas (International Day on Non-Violence), hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko ay hindi isang ilog, kundi isang paliku-likong daan. Tinawag na Bitukang Manok dahil animo'y bituka ng manok na paliku-liko ang daraanan. Dito nga kami sa Climate walk tumahak, at habang naglalakad dito'y nagsulat ako ng tula sa aking maliit na kwaderno. Nakita ni kasamang Albert Lozada ng Greenpeace ang pagsulat ko ng tula, kaya ipinatipa niya iyon sa akin sa kanyang cellphone, na siya naman niyang ipinadala sa tanggapan ng Greenpeace upang i-upload sa kanilang website. Narito ang tula:

PAGTAHAK SA BITUKANG MANOK
11 pantig bawat taludtod

Tinahak namin ang Bitukang Manok
Na bahagi ng mahabang Climate Walk
Kaysasaya naming mga kalahok
Nag-aawitan, di nakakaantok

Napakahaba man nitong lakaran
Ay makararating din sa Tacloban
Lalo't kaysaya ng pagsasamahan
Ang pagod ay tila 'di namin ramdam

Sariwang hangin, walang mga usok
Dito'y gubat na gubat pa ang bundok
Kay sarap dito sa Bitukang Manok
Kahit 'di namin narating ang tuktok.

- Bitukang Manok, Atimonan, Quezon, Octubre 9, 2014

Ang tulang ito'y nalathala sa website ng GreenPeace na in-upload doon ni Jenny Tuazon. Maraming salamat sa inyo, Greenpeace! Mabuhay kayo!

Ang ikatlong Bitukang Manok ay nahanap ko sa internet. At ito'y nasa rehiyon ng Bikol, nasa Daet, Camarines Norte. Ito'y nasa kahabaan ng national highway malapit sa hangganan ng Camarines Sur at Camarines Norte, at nasasakupan ng Bicol National Park.

Ang unang Bitukang Manok na alam ko, bago naging bahagi ng kasaysayan ng Katipunan, ay isang kaharian sa panahon ni Dayang Kalangitan (na isinilang ng 1450 at namatay ng taon 1515). Siya ang tanging reynang namuno sa Kaharian ng Tondo, at nagtatag din ng maliit na kaharian sa makasaysayang Bitukang Manok, na nasasakop ng Pasig. Si Dayang Kalangitan ang panganay na anak ni Raha Gambang na itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang pinuno ng kaharian. Noong araw, nang hindi pa nasasakop ng mga Kastila ang bansa, nasasakop ng Tondo ang malaking bahagi ng lupain, kasama na ang Pasig.

Nang mamatay ang kanyang ama, si Dayang Kalangitan ang humalili. Napangasawa niya si Gat Lontok, na nang lumaon ay naging Raha Lontok, na hari ng Tondo. Sinasabing ang pamumuno ni Dayang Kalangitan ay katulad ng pamumuno ni Prinsesa Urduja ng Pangasinan.  Napangasawa ng anak niyang babaeng si Dayang Panginoon si Prinsipe Balagtas ng Namayan, at anak ni Emperatris Sasaban. Ang anak ni Dayang Kalangitan na si Salalila ang humalili sa kanya, at nang nagpasakop na si Salalila sa Islam, napalitan na ang kanyang pangalan ng Sulaiman, na sa kalaunan ay naging ang makasaysayang si Raha Sulaiman na siyang hari ng Tondo.

Ang nasabing Bitukang Manok sa Pasig ang naging pulungan ng mga Katipunero noong panahon ni Bonifacio. Ayon kay Ed Aurelio Reyes (1952-2015) ng Kamalaysayan, noong maagang bahagi ng Mayo 1896, panahon ng peregrinasyon sa Birhen ng Antipolo, isang armada ng labimpitong bangka ang gumaod mula sa Quiapo, sakay ang mga pinuno ng iba't ibang konsehong panlalawigan ng Katipunan. Pinangungunahan ito ni Gat Andres Bonifacio. Nakarating sila sa bahagi ng ilog na tinatawag na Bitukang Manok, at sinalubong sila ni Gen. Valentin Cruz, sa isang pagtitipon na tinawag na "Asamblea Magna". Sa Bitukang Manok idinaos ng mga Katipunero ang pulong kung saan napagpasyahan nilang simulan ang digmaan laban sa Espanya. Bagamat may pag-aatubili ang ilan hinggil sa pasyang ito, lalo na si Emilio Aguinaldo ng Cavite, ang Pagpapasya sa Bitukang Manok ang isang desisyong pinagkaisahan at pinagtibay ng mga Katipunero mula Batanes hanggang Cotabato.

Ayon naman ay Jose Eduardo Velasquez, ikalawang pangulo ng Kamalaysayan at batikang historyador ng Pasig na humalili kay Carlos Tech na nakapagsagawa ng panayam kay Heneral Valentin Cruz noong 1956, ang plano ng Katipunan sa matagumpay na Nagsabado sa Pasig ay pinagpulungan sa Bitukang Manok. Kasabay ng pagkatalo ng mga Katipunero sa Pinaglabanan sa San Juan, nagtagumpay naman ang mga Katipunero sa Pasig noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado. Pinangunahan ni Heneral Valentin Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop. Isandaang taon matapos ang tagumpay ng Nagsabado sa Pasig, nananatiling buhay sa diwa ng mga Pasigenyo ang kabayanihan ng mga Katipunero at ipinagdiwang nila ang sentenaryo nito noong Agosto 29, 1996.

Ayon naman kay Pablo S. Trillana, mula sa Philippine Historical Association, sa pulong ng Mayo 4, 1896 sa Bitukang Manok, kinausap ni Supremo Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela upang kausapin si Jose Rizal hinggil sa sisimulang rebolusyon. Naganap ang pulong nina Rizal at Valenzuela sa Dapitan sa Mindanao noong Hunyo 21-22, 1896, dalawang buwan bago ilunsad ng Katipunan ang himagsikan. Tinanggihan ni Rizal ang alok ni Bonifacio, dahil para kay Rizal, hindi pa hinog ang himagsikan.

Animo'y sawa ang kailugan ng Bitukang Manok na isang mayor na bahagi ng Ilog Pasig. Tinawag ito ng mga Espanyol noon na "Rio de Pasig" (o Ilog ng Pasig), ngunit patuloy pa rin itong tinawag ng mga mamamayan doon na Bitukang Manok. Ang Bitukang Manok ay dumurugtong sa Ilog ng Antipolo. Noong ika-17 hanggang ika-20 siglo, maraming lakbayan patungong Simbahan ng Antipolo ang tumatahak sa kahabaan ng Bitukang Manok. Kahit ang imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage ay labing-isang ulit na pabalik-balik na dumaan sa Bitukang Manok. Noong ika-18 siglo, tinayuan ito ng mga mestisong Tsino ng kongkretong tulay na estilong pagoda na tinawag na Pariancillo Bridge, na sa kalaunan ay naging Fray Felix Trillo Bridge bilang pagpupugay sa kilalang pastor ng Pasig.

Ang Bitukang Manok ngayon sa Pasig ay isa nang naghihingalong ilog, dahil imbis na protektahan ang ilog ay tinayuan ito ng mga komersyal na establisimyento. Ito'y nasa 3.6 kilometro mula sa kinatatayuan ng McDonalds hanggang sa kinatatayuan ng pabrikang Asahi Glass sa Pinagbuhatan sa Pasig.

Tulad ng iba pang mahahalagang pook sa bansa, makasaysayan ang Bitukang Manok sa Pasig at hindi ito dapat mawala o masira. Dapat itong pahalagahan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pang henerasyon.

Mga pinaghalawan:
The Featinean publication, July-October 1996, pages 28-29
https://en.wikipedia.org/wiki/Dayang_Kalangitan
http://filipinos4life.faithweb.com/Pasig.htm
http://filipinos4life.faithweb.com/Joe-ed-pasig.htm
http://www.mytravel-asia.com/pois/100343-Bitukang-Manok
http://wikimapia.org/5620018/Bitukang-Manok-Marker-Pariancillo-Creek
http://www.pasigcity.gov.ph/subpages/historical.aspx
http://opinion.inquirer.net/59679/bitukang-manok-fork-in-road-to-revolution

Sabado, Agosto 8, 2015

Paglampaso ng APEC sa buhay ng manggagawa

PAGLAMPASO NG APEC SA BUHAY NG MANGGAGAWA
ni Greg Bituin Jr.

"Protektahan ang uri, depensahan ang bayan. Walang saysay ang progreso kung walang hustisyang panlipunan." Iyan ang sinasaad ng polyeto ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa ginanap na SLAM APEC (Solidarity of Labor Against APEC) Conference sa nagsarang pabrika ng Rubberworld sa Novaliches noong Nobyembre 1996. Pagkatapos ng kumperensya, nagtungo ang mga manggagawa, na sakay ng higit isangdaang dyip sa isang Karabana ng Mamamayan mula Maynila patungong Subic sa Zambales, kung saan idinaraos noon ang APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) sa pagitan ng mga bansa sa Asia-Pasipiko.

Ilang araw bago iyon, Nobyembre 12, 1996, hinuli ng mga tropa ng gobyerno ang pangulo ng BMP na si Ka Popoy Lagman, dahil pababagsakin daw niya ang pamahalaang Ramos at baka di matuloy ang APEC. Habang nakakulong sa Kampo Aguinaldo ay lumiham si Ka Popoy sa mga kasama. May pamagat itong Message to the Solidarity of Labor Movement Against APEC (SLAM-APEC) na ipinamahagi sa kumperensya noong Nobyembre 22, 1996. Dito'y ipinaliwanag niya kung bakit dapat nating labanan ang maling patakaran ng APEC, dahil ito'y para lang sa kasaganahan ng mga negosyante't malalaking korporasyon, at lalong pahirap sa mga manggagawa, lalong pagpiga sa lakas-paggawa, at hindi talaga para sa kaunlaran ng lahat. Etsapuwera pa rin sina Juan Maralita at Pedro Obrero.

Ano nga ba ang APEC at ano ang intensyon nito? Ang APEC ang pangunahing pang-ekonomyang pagtitipon ng mga bansa sa Asya-Pasipiko, na ang layunin diumano ay ang pagtataguyod ng sustenableng pang-ekonomyang paglago at pag-unlad sa rehiyon. Nagkakaisa sila sa layuning bumuo ng isang dinamiko at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng malaya at lantarang kalakalan at pamumuhunan, pagtataguyod at pagpapabilis ng pang-ekonomyang integrasyon ng rehiyon, paghihikayat sa pang-ekonomya't pangteknikal na kooperasyon, pagpapahusay sa seguridad ng tao, at pagpapadali ng isang mainam at maunlad na pagnenegosyo. Sa ngayon, ang APEC ay may dalawampu't isang kasaping bansa, at ito'y ang mga sumusunod: Australia, Brunei Darussalam, Canada, Indonesia, Japan, Korea, Malaysia, New Zealand, Pilipinas, Singapore, Thailand at Estados Unidos (mga founding members, 1989); China, Hong Kong, China at Chinese Taipei (sumapi noong 1991); Mexico at Papua New Guinea (1993); Chile (1994), at Peru, Russia at Vietnam (1998). Nagsimulang magpulong ang APEC noong 1989 sa Canberra, Australia, at huling nagpulong nitong 2014 sa Beijing, China.

Kung susuriin, ang APEC ay kooperasyon ng mga korporasyon, kooperasyon ng mga kapitalista, ngunit walang nakasulat sa kanila tungkol sa pagpapaunlad ng buhay at pamumuhay ng karaniwang manggagawa. Ang layunin ng APEC ay globalisasyon.

Sipiin natin ang sinulat ni Ka Popoy, "Bago pa nabuo ang APEC ay nagsisimula na ang globalisasyon, mayruon nang mga makapangyarihang mga pwersang nagtutulak ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Sila ang tunay na pasimuno ng APEC. Sila ang may gawa ng vision, goals, adyenda at plans ng APEC. Sila ang tunay na may interes sa APEC. Sino sila? Sila ay ang tinatawag na mga TNCs o transnational corporations sa buong daigdig na umaabot sa bilang na 40,000 at kumukontrol sa 2/3 ng pandaigdigang ekonomiya, ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Kinakatawan ng “globalisasyong” ito ang bagong istratehiya ng TNCs — ang internasyunalisasyon ng kanilang proseso ng produksyon na tumatawid sa hangganan ng mga bansa at tinatampukan ng contractualization ng iba’t ibang bahagi ng kanilang produksyon na nakabudbod sa iba’t ibang bansa."

Kaya ang kanyang tanong: "Kung mga TNCs ang promotor ng globalisasyon at ang mga patakaran nito ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, kung ang may gawa ng vision, goals, agenda at plans ng APEC ay ang mga representante ng malalaking negosyante sa Asia Pacific — paanong mangyayaring ang kanilang intensyon ay “progreso at prosperidad” para sa mamamayan, paanong mangyayaring ang kanilang inspirasyon ay ang diwa ng “international cooperation”?"

Sa ating kasalukuyang kalagayan, bakit paunti na ang nagiging regular ang mga manggagawa, at nauuso na ang kontraktwalisasyon na pahirap sa buhay ng manggagawa, ito'y dahil sa globalisasyon. Pinag-uusapan na ng mga kapitalista kung paano magsasama-sama ang ekonomya ng mga bansa habang lalong pinipiga at pinapababa ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa. Kaya kabaliwan ang sinasabi ng APEC na internasyunal na kooperasyon kung sila-sila lang at hindi talaga kasama ang lahat, lalo na ang uring manggagawa. 2015 na, at ang pinaplano lang ng pagpupulong sa APEC ay hindi tayo kasama sa pag-unlad. Kunwari lang 'yung trickle down theory na pag umangat ang kapitalista ay aangat din ang buhay ng manggagawa. Nagpapatayan ang mga kapitalista dahil sa kumpetisyon, kaya ano ang sinasabi nilang kooperasyon?

Mahalagang pagnilayan natin ang sinabi ni Ka Popoy noong 1996 hinggil sa paninibasib ng globalisasyon na totoo pa rin ngayon. Aniya: "Mga kasama! Hindi ba’t ang mga kapitalistang ito, ang mga negosyanteng ito ang dahilan ng ating paghihikahos at pagkabusabos dahil sa kanilang kasakiman sa tubo, dahil kinakamkam at sinasarili nila ang yaman na mula sa ating pawis at pagod? At ngayon, sasabihin ng punyetang gubyernong ito, na ang mga kapitalistang ito — sila na nagpapahirap sa atin, sila na nang-aapi sa atin, sila na kung tratuhin tayo ay basura at alipin, sila na walang ginawa kundi magpasarap sa ating pinagpaguran, sila na nabubuhay sa kasaganahan habang ang ating pamilya ay naghihikahos, sila na walang pakialam kung magdildil tayo ng asin sa karampot nating suweldo, sila na walang pakialam kung tayo’y magugutom kapag pinatalsik nila sa trabaho, sila na kung durugin ang ating mga unyon ay parang dumudurog lamang ng mga ipis, sila na hindi man lang makonsensya na mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga aso kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa, sila na natutulog nang mahimbing kahit alam nilang nagugutom ang ating mga pamilya at di mapag-aral ang mga anak pero kapag lumiliit ang kanilang tubo at nalulugi ang kanilang kompanya ay binabangungot — ang mga tao bang ito, mga kasama, ang mga kapitalista bang ito, mga kasama, ang magliligtas sa atin sa impyerno ng karukhaan at magdadala sa atin sa paraiso ng kasaganahan!! Mga kasama, niloloko at ginagago tayo ng baliw at inutil nating gubyerno!"

Makalipas ang labingsiyam na taon, babalik muli upang magpulong sa bansa ang mga kinatawan ng iba't ibang bansa para sa APEC. Ang mga aral ng nakaraang labingsiyam na taon na walang nagbago sa buhay ng manggagawa, kundi kasaganahan lang sa kapitalista, ay mahalagang ating muling pagnilayan. Wawasakin ng polisiyang globalisasyon, na siyang prinsipyong tangan ng APEC, ang mga proteksyon sa paggawa na ipinaglaban, napagtagumpayan at pinagbuwisan ng buhay ng maraming manggagawa.

Ngunit dapat handa tayo. Paghandaan din natin ang darating na Nobyembre 2015 kung saan dito sa ating bansa idaraos ang APEC. Dapat handa ang uring manggagawa. Huwag tayong palinlang sa manlilinlang na gobyerno ng uring kapitalista. Tulad noong 1996, kalampagin natin ang APEC sa kanyang tuwid na daan patungong impyerno: SLAM EVIL, SLAM APEC! 

Pinagsanggunian:
http://www.apec.org/
http://globalisasyon.blogspot.com/

Miyerkules, Agosto 5, 2015

Agos ng Kasaysayan: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa

AGOS NG KASAYSAYAN: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Buwan ng Kasaysayan ang buong buwan ng Agosto. Sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 339, na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Pebrero 16, 2012, napalitan ang dating Linggo ng Kasaysayan na ginugunita tuwing Setyembre 15 hanggang 21, at ang buong Agosto'y ginawa nang Buwan ng Kasaysayan. Maganda ito pagkat sa pagpapahalaga natin sa ating kasaysayan ay lalo nating nakikilala ang ating sarili at ang pangangailangang suriin ang nakaraan upang paghalawan ng aral para sa kasalukuyan at sa hinaharap. Minsan, sinabi ng asawa ni Gat Andres Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Kaya mahalagang balikan natin ang ating kasaysayan, magbasa, magnilay, lalo na ang buwan ng Agosto, kung saan maraming naganap na mahahalagang pangyayari. Agos 'to ng kasaysayan na magandang paghalawan natin ng aral.

PAGSILANG NG BANSA NOONG AGOSTO 24, 1896

Ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Noong Agosto 19, 1896, nadiskubre ng pamahalaang Kastila ang Katipunan o Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan. Dahil dito'y napilitan si Bonifacio na ideklara ang himagsikan sa pamamagitan ng pagpupunit ng sedula ng halos isang libong katipunero bilang simula ng pag-aaklas laban sa mga Kastila. Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging ganap nang pamahalaan. Isinilang na ang isang bansa. Kaya bago pa ang pagdedeklara ng kalayaan sa Kawit ay may bansa na tayong kinikilala. Noong Agosto 29, 1896, sabay-sabay na nag-aklas ang iba't ibang sangay ng Katipunan laban sa hukbong Kastila. Pinangunahan ni Bonifacio ang madugong labanan sa San Juan Del Monte o mas kilala ngayong Pinaglabanan. Ito ang unang malawakang pagkatalo ng Katipunan sa labanan.

UNANG TAGUMPAY NG KATIPUNAN, AGOSTO 29, 1896

Kasabay ng labanan sa San Juan ang unang tagumpay ng mga Katipunero sa Pasig noong 1896. Sa naganap na Nagsabado sa Pasig ay nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang araw na naganap ang Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop.

PAGTAPOS NG DIGMAAN LABAN SA JAPAN

Ang pagbagsak ng dalawang bomba atomika sa Hiroshima (Agosto 6, 1945) at Nagazaki (Agosto 9, 1945) noong Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig) ay trahedya sa bansang Japan, na sumakop sa ating bansa noong 1941 hanggang sa matigil ang digmaan noong 1945. Dahil dito'y sumuko ang Japan, at maraming mga kababayan natin ang nagbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang bayan laban sa mga mananakop.

TRAHEDYA NG AGOSTO 21

Noong Agosto 21, 1971, namatay ang siyam katao at nasugatan ang 95 iba pa sa naganap na pagbomba sa Plaza Miranda. Ilan sa nasugatan dito ay ang mga senador noon na sina Jovito Salonga at Eva Kalaw. Isa ito sa itinuturong dahilan upang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang batas-militar. Noong Agosto 21, 1983, pinaslang naman sa tarmak ng Manila International Airport si dating Senador Ninoy Aquino. Ang pangyayaring ito ang isa sa nagtulak upang magsama-sama ang taumbayan at patalsikin si Marcos sa pwesto sa pamamagitan ng People's Power. Ang dalawang Agosto 21 na ito ang dahilan ng pagdedeklara ni Marcos ng batas militar at pagpapatalsik kay Marcos sa katungkulan.

ANG 3-D SA PAG-AARAL NG KASAYSAYAN

Mahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan ay hindi yaong pagsaulo lamang ng mga petsa, pangalan ng tao at lugar, na tulad ng nakagawian sa paaralan. Mahalaga sa pagsipat na ito ang 3-D na pagsusuri sa kasaysayan. Ito'y ang Detalye, Daloy, at Diwa. Ang detalye ang lubos at maliwanag na ulat, sanaysay o kaalaman hinggil sa mga tao, bagay at pangyayari sa kasaysayan. Ang daloy naman ang balangkas upang maipaliwanag nang maayos ang mga detalye dahil mahalaga ang pag-unawa at hindi dapat magmemorya lamang nang hindi nauunawaan. Ang ikatlo ay ang diwa o pangkalahatang pananaw, katwiran, katuturan o kaluluwa ng kasaysayan.

Upang ipaliwanag ito, balikan natin ang naganap noon kina Magellan at Datu Lapulapu. Ayon sa kasaysayan, napatay sa labanan si Magellan ng mga katutubo sa pangunguna ni Lapulapu noong Abril 27, 1521. Naging kolonya naman ng mga Kastilang mananakop ang bansa noong 1565 nang itinalaga ni Haring Philip II (nanungkulan bilang hari ng Espanya mula 1556 hanggang 1598) si Miguel Lopez de Legazpi bilang unang Gobernador-Heneral ng kapuluan. Anong esensya ng dalawang petsa? Ipinagpaliban ni Lapulapu sa loob ng 44 taon ang pananakop ng mga Kastila.

ANG KAHALAGAHAN NG KASAYSAYAN SA URING MANGGAGAWA

Kinikilala ng mga manggagawang Pilipino si Gat Andres Bonifacio bilang kanilang bayani. Pagkat bukod sa rebolusyonaryo, manunulat, makata, at artista sa teyatro si Bonifacio, tulad nila, ay manggagawa rin. Hindi lang nagtinda si Bonifacio ng pamaypay at baston upang suportahan ang kanyang mga kapatid, kundi nagtrabaho rin bilang mandatorio (o pinag-uutusan) para sa kumpanyang British na Fleming and Company, hanggang siya'y maging korehidor o tagapangasiwa ng tar, ratan at iba pang kalakal. Sa kalaunan ay napalipat siya sa kumpanyang Aleman na Fressell and Company, kung saan nagtrabaho siya bilang bodeguero o tagapangasiwa ng bodega. At bilang manggagawa, kinikilala rin siya ngayon ng marami bilang unang pangulo ng Pilipinas, dahil bilang Supremo ng Katipunan, natransporma na ang Katipunan bilang rebolusyonaryong pamahalaan at isinilang ang bansa nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng kalayaan mula sa mananakop.

Paghanguan natin ng aral ang kasaysayan, hindi lamang ng ating bansa, kundi ng ating mga kauring manggagawa sa daigdig. At mula doon ay sumulong tayo sa ating adhikaing itayo ang lipunan ng uring manggagawa. Nariyan ang mga ginintuang aral sa Komyun ng Paris noong 1871 at sa Haymarket Square sa Chicago noong 1886.

Bilang manggagawa, iniwan sa atin ni Gat Andres ang mahalagang aral na kanyang isinulat sa akdang "Ang Dapat Mabatid...": "Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."

Mga pinaghalawan:
The Featinean, opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng FEATI University, Hulyo-Oktubre 1996
Aklat na KAMALAYSAYAN: The Sense of History Imperative for Filipinos, Setyembre 2010, ni Ed Aurelio C. Reyes
http://www.gov.ph/2012/02/16/proclamation-no-339-s-2012/
http://gatandresbonifacio.blogspot.com/2010/05/ang-dapat-mabatid-ng-mga-tagalog.html
http://tupangpula.blogspot.com/2008/11/ang-supremo-at-pangulong-andres.html

* Ang akdang ito'y orihinal na sinulat ng may-akda bilang paksang nakatoka sa kanya para sa isang pahayagang pangmanggagawa na maglalathala ng isyung Agosto 2015.

Sabado, Agosto 1, 2015

GloBasura: Ang Globalisasyon ng Pagtatapon ng Basura

GLOBASURA: ANG GLOBALISASYON NG PAGTATAPON NG BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang Pilipinas ang bagong Payatas. Tapunan ng basura, di lamang sa isang rehiyon, kundi ng mapangyarihang bansang malayo sa kanyang kinapapaloobang rehiyon. Pilipinas ang tapunan ng basura ng bansang Canada, isang maunlad at malaking bansang katabi ng makapangyarihang Estados Unidos.

Unang inilagak sa bansa ang limampung container van na puno ng mga basura galing Canada, at ilang buwan pa ang nakaraan ay nadagdagan ito ng apatnapu't walo, galing pa rin ng Canada.

Hindi na ito usapin ng soberanya tulad ng ipinahahayag ng maraming pangkat pangkalikasan. Usapin ito ng Globasura o globalisasyon ng pagtatapong ng basura.

Kung ating matatandaan, nagsimula ang pakikipagniig ng bansa sa globalisasyon nang pumirma ang bansa sa World Trade Organization (WTO) noong 1995, sa pamamagitan ni dating Senador at naging pangulong Gloria Macapal Arroyo.

Pumutok naman ang usapin ng pagtatapon ng basura sa isyu ng JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) kung saan nagkaisang makibaka laban dito ang kilusang paggawa at mga pangkat pangkalikasan. Maraming usapin sa makapal na dokumentong JPEPA, tulad ng pangisdaan, trabaho para sa mga nars na Pinay, manggagawa, industriya, ngunit ang ipinagngitngit ng mga pangkat pangkalikasan ay ang pagtatapon sa Pilipinas ng mga basurang galing Japan kapalit ng trabahong ibibigay para sa mga nars na Pinay. Bakit ganoon?

Ilang ulit kaming nagrali sa tapat ng Senado, at nagkaroon pa ng talakayan sa loob ng Senado hinggil sa isyung JPEPA kasama ang ilang senador at ang mga nagpoprotestang pangkat pangkalikasan. Panahon iyon bago dumikit sa kamalayan ng publiko ang tanong na "nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?" na tila ba nagbabadya ng mangyayari sa Pilipinas kung aaprubahan ng Pilipinas ang JPEPA. Maliligo ang Pilipinas, o ang mga Pilipino sa dagat ng basura.

Iyan na ang simula ng pag-arangkada ng globalisasyon sa usaping basura. At mula sa JPEPA na nasubaybayan ng mga matitinik nating mga pangkat pangkalikasan, aba'y biglang nakalusot naman ang mga konte-container van na basura galing sa Canada. Wala tayong kamalay-malay na iyan na ang pagpapatupad ng GloBasura - globalisasyon ng mga basura - at ang unang biktima ng globalisasyong ito sa ating rehiyon ay ang Pilipinas.

Hindi sana problema ang globalisasyon kung dulot nito'y pagkakaisa ng uring manggagawa, pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at pagdadamayan ng bawat isa. Ngunot hindi. Ito'y globalisasyong pakana ng mga kapitalista. Globalisasyong ang hangad ay kontrolin ang mga pabrika sa buong mundo at alipinin ang mga manggagawa, tulad ng makina at sinaunang alipin. Etsapuwera ang manggagawa. Etsapwera ang masa, ang dukha, ang mga naghihirap, ang buong sambayanan. Ang turing sa kanila'y kagamitan lang sa produksyon. Hindi sila tao tulad ng mga haring kapitalista.

Kaya ano ang aasahan natin sa globalisasyong ito kundi ang maging etsapwera rin tulad ng iba.

Kaya nga ang turing ng mayayamang bansa tulad ng Japan at Canada sa Pilipinas ay malayong pook na maaari nilang pagtapunan ng kanilang basura. Basurahan ang Pilipinas ng ibang bansa. Nagaganap na ang globalisasyon ng pagtatapon ng basura.

Kaya usapin ba ito ng soberanya? Hindi. Ginagamit lang natin ang isyung soberanya bilang pagbabakasakali. Pagbabakasakaling mapahiya ang Canada sa paningin ng buong mundo at kunin nila ang basurang itinambak nila sa atin.

Dahil kung usapin ito ng soberanya o kalayaan ng Pilipinas na itapon lang ang sarili nating basura sa sariling bayan, ang tanong: bakit nagtatapon din ng basura ang Pilipinas sa lalawigan ng Tarlac kung ayaw ito ng mga tao roon. Pagtinging mikro. Kung sa Lungsod Quezon, bakit pagtatapunan ang Payatas kung ayaw ng mga tao roon. Soberanya? Pag sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas na pagtapunan ng basura ang Tarlac o ang Payatas, may magagawa ba ang mga taga-Tarlac o taga-Payatas? Power of eminent domain? Usaping makro. Pag sinabi ng pamahalaan ng Canada na pagtatapunan nila ang Pilipinas, may magagawa ba ang Pilipinas? Panahon na ng salot na globalisasyon. Anong dapat gawin kung estapwera ang Pilipinas o minamaliit ng ibang bansa kaya pinagtatapunan lang ng basura? Anong sabi ng mga taga-DENR, hindi naman toksik ang basura kaya ayos lang. Ganyan ba dapat ang asal ng mga lingkod bayang nag-iisip ng soberanya? Hindi na nila maiisip ang soberanya sa panahon ng globalisasyon.

Mas pinag-uusapan nga ngayon ay ang paglabag ng Canada sa Basel Convention, at hindi naman ginagamit ng Pilipinas, pati ng mga pangkat pangkalikasan ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Wala bang nakasulat sa RA 9003 na maaaring makasuhan ang mga bansang nagtatapon ng basura nila sa Pilipinas? Kung mayroon man, magkano lang ang multa, na marahil ay mani lang sa Canada.

Dahil sa globalisasyon ng mga kapitalita, hindi na rin sinusunod ang tinatawag na Basel Convention, o yaong pandaigdigang tratado o kasunduan ng bansa sa iba pang bansa, na hinggil sa pagpigil na mailipat o mapadala ang mga mapanganib na basura mula sa mga maunlad na bansa patungo sa hindi pa maunlad na bansa. Ang buong pamagat ng tratadong ito ay Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal na nalagdaan noong Marso 22, 1989 sa Basel, Switzerland. Noong 1995, nais ng iba pang mga bansa na amyendahan ito, kaya nagkaroon ng panawagang Basel Ban Amendment na hindi pa nakakapirma ang Pilipinas. May butas kasing nakita sa Basel Convention kung saan ang isang bansa'y pinadadala sa ibang bansa ang kanilang basura na kunwari ay ireresiklo. Nais ng Basel Ban Amendment na isama na sa batas ang pagbabawal ng mga basurang iniluluwas sa ibang bansa para iresiklo.

Paparating pa ang APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation). Pagpapalitan ng kalakalan. Pagsasarehiyon ng mga pabrika. Paano ang pagtatapon ng basura? Pagtatapunan ba muli tayo ng ibang bansa, o tayo na ang magtatapon ng basura sa ibang bansa? Sa parehong punto, parehong mali. Bakit tayo pagtatapunan ng basura ng taga-ibang bansa, at bakit natin itatapon ang basura natin sa ibang bansa. Tapat mo, linis mo? Tapat ko, linis ko? Ang basurang iyong itinapon ay babalik din sa iyo! Pinagtatapunan ba ng basura ng mga dayuhan ang ating bansa dahil ang utak ng mga namumuno sa atin ay basura? Pulos katiwalian, pulos kurakutan, pulos basura ang nasa isip, dahil pawang sariling interes lang ang naiisip.

Tama lamang na pigilan natin ang pagtatapon ng basura ng mga taga-ibang bansa sa Pilipinas. Tama lamang iyon. Ngunit higitan pa natin ang panawagang iyon, dahil hindi na iyon usapin ng soberanya. Usapin na iyon ng globalisasyon kung saan ang ekonomya ng mga bansa ay pinag-iisa na nang hindi nahaharangan ng mga patakarang pambansa. Hindi ba't ang tatlong anak ng globalisasyon ay iyan ang kahulugan? Walang balakid. Sa deregulasyon, merkado na ang magdidikta ng presyo ng pangunahing mga bilihin at hindi na ang pamahalaan ng Pilipinas. Sa pribatisasyon, isinasapribado na ang mga pampublikong ahensya ng pamahalaan, tulad ng tubig at kuryente, at dahil pribado na, wala nang magagawa pa ang pamahalaan, dahil pribadong sektor na ang magpapatakbo ng mga mahahalagang ahensyang ito. Liberalisasyon. Pinaluwag na at malaya na ang mga mamumuhunan sa kanilang pang-ekonomya't pampulitikang pamumuhay, at hindi na sila maaaring diktahan ng pamahalaan.

Soberanya? Ano pang silbi ng pamahalaan sa panahon ng globalisasyon kundi pangdekorasyon na lamang. Kung may pamahalaan pa talaga, dapat hindi zero tariff ang buwis na iniluluwas dito sa bansa ng mga kumpanyang dayuhan.

At ang matindi nito, nais ng mga dayuhang mamumuhunan, at ilang mga pulitiko, na tanggalin na ang 60%-40% na pag-aari ng mga dayuhan sa Pilipinas, tulad ng lupa at pabrika. At magagawa lang nila ito sa pamamagitan ng ChaCha o Charter Change. Papayag ba tayo? Mula sa charter change tungo sa globasura? Masalimuot pa ang usaping ito ng globalisasyon.

Ngunit iisa lang ang maliwanag, hindi soberanya ang sagot sa globasura, kundi pagkakaisa ng uring pinagsasamantalahan laban sa uring mapagsamantala, pagkakaisa ng dukha at manggagawa sa uring kapitalista, pagkakaisa ng karaniwang tao laban sa burgesya upang itayo ang isang lipunang tunay na makatao, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, at itinuturing ang bawat isa na kapatid, kapuso, kapamilya, at pagtatayo ng isang sistemang nakabatay sa pantay-pantay na hatian ng yaman sa lipunan, at hindi sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon.

Sa ganitong paraan, ang nangyayari ngayong GloBasura ay maging pantasya o kwentong kanto na lamang ng mga bangag.