Sabado, Agosto 8, 2015

Paglampaso ng APEC sa buhay ng manggagawa

PAGLAMPASO NG APEC SA BUHAY NG MANGGAGAWA
ni Greg Bituin Jr.

"Protektahan ang uri, depensahan ang bayan. Walang saysay ang progreso kung walang hustisyang panlipunan." Iyan ang sinasaad ng polyeto ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa ginanap na SLAM APEC (Solidarity of Labor Against APEC) Conference sa nagsarang pabrika ng Rubberworld sa Novaliches noong Nobyembre 1996. Pagkatapos ng kumperensya, nagtungo ang mga manggagawa, na sakay ng higit isangdaang dyip sa isang Karabana ng Mamamayan mula Maynila patungong Subic sa Zambales, kung saan idinaraos noon ang APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) sa pagitan ng mga bansa sa Asia-Pasipiko.

Ilang araw bago iyon, Nobyembre 12, 1996, hinuli ng mga tropa ng gobyerno ang pangulo ng BMP na si Ka Popoy Lagman, dahil pababagsakin daw niya ang pamahalaang Ramos at baka di matuloy ang APEC. Habang nakakulong sa Kampo Aguinaldo ay lumiham si Ka Popoy sa mga kasama. May pamagat itong Message to the Solidarity of Labor Movement Against APEC (SLAM-APEC) na ipinamahagi sa kumperensya noong Nobyembre 22, 1996. Dito'y ipinaliwanag niya kung bakit dapat nating labanan ang maling patakaran ng APEC, dahil ito'y para lang sa kasaganahan ng mga negosyante't malalaking korporasyon, at lalong pahirap sa mga manggagawa, lalong pagpiga sa lakas-paggawa, at hindi talaga para sa kaunlaran ng lahat. Etsapuwera pa rin sina Juan Maralita at Pedro Obrero.

Ano nga ba ang APEC at ano ang intensyon nito? Ang APEC ang pangunahing pang-ekonomyang pagtitipon ng mga bansa sa Asya-Pasipiko, na ang layunin diumano ay ang pagtataguyod ng sustenableng pang-ekonomyang paglago at pag-unlad sa rehiyon. Nagkakaisa sila sa layuning bumuo ng isang dinamiko at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng malaya at lantarang kalakalan at pamumuhunan, pagtataguyod at pagpapabilis ng pang-ekonomyang integrasyon ng rehiyon, paghihikayat sa pang-ekonomya't pangteknikal na kooperasyon, pagpapahusay sa seguridad ng tao, at pagpapadali ng isang mainam at maunlad na pagnenegosyo. Sa ngayon, ang APEC ay may dalawampu't isang kasaping bansa, at ito'y ang mga sumusunod: Australia, Brunei Darussalam, Canada, Indonesia, Japan, Korea, Malaysia, New Zealand, Pilipinas, Singapore, Thailand at Estados Unidos (mga founding members, 1989); China, Hong Kong, China at Chinese Taipei (sumapi noong 1991); Mexico at Papua New Guinea (1993); Chile (1994), at Peru, Russia at Vietnam (1998). Nagsimulang magpulong ang APEC noong 1989 sa Canberra, Australia, at huling nagpulong nitong 2014 sa Beijing, China.

Kung susuriin, ang APEC ay kooperasyon ng mga korporasyon, kooperasyon ng mga kapitalista, ngunit walang nakasulat sa kanila tungkol sa pagpapaunlad ng buhay at pamumuhay ng karaniwang manggagawa. Ang layunin ng APEC ay globalisasyon.

Sipiin natin ang sinulat ni Ka Popoy, "Bago pa nabuo ang APEC ay nagsisimula na ang globalisasyon, mayruon nang mga makapangyarihang mga pwersang nagtutulak ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Sila ang tunay na pasimuno ng APEC. Sila ang may gawa ng vision, goals, adyenda at plans ng APEC. Sila ang tunay na may interes sa APEC. Sino sila? Sila ay ang tinatawag na mga TNCs o transnational corporations sa buong daigdig na umaabot sa bilang na 40,000 at kumukontrol sa 2/3 ng pandaigdigang ekonomiya, ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Kinakatawan ng “globalisasyong” ito ang bagong istratehiya ng TNCs — ang internasyunalisasyon ng kanilang proseso ng produksyon na tumatawid sa hangganan ng mga bansa at tinatampukan ng contractualization ng iba’t ibang bahagi ng kanilang produksyon na nakabudbod sa iba’t ibang bansa."

Kaya ang kanyang tanong: "Kung mga TNCs ang promotor ng globalisasyon at ang mga patakaran nito ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, kung ang may gawa ng vision, goals, agenda at plans ng APEC ay ang mga representante ng malalaking negosyante sa Asia Pacific — paanong mangyayaring ang kanilang intensyon ay “progreso at prosperidad” para sa mamamayan, paanong mangyayaring ang kanilang inspirasyon ay ang diwa ng “international cooperation”?"

Sa ating kasalukuyang kalagayan, bakit paunti na ang nagiging regular ang mga manggagawa, at nauuso na ang kontraktwalisasyon na pahirap sa buhay ng manggagawa, ito'y dahil sa globalisasyon. Pinag-uusapan na ng mga kapitalista kung paano magsasama-sama ang ekonomya ng mga bansa habang lalong pinipiga at pinapababa ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa. Kaya kabaliwan ang sinasabi ng APEC na internasyunal na kooperasyon kung sila-sila lang at hindi talaga kasama ang lahat, lalo na ang uring manggagawa. 2015 na, at ang pinaplano lang ng pagpupulong sa APEC ay hindi tayo kasama sa pag-unlad. Kunwari lang 'yung trickle down theory na pag umangat ang kapitalista ay aangat din ang buhay ng manggagawa. Nagpapatayan ang mga kapitalista dahil sa kumpetisyon, kaya ano ang sinasabi nilang kooperasyon?

Mahalagang pagnilayan natin ang sinabi ni Ka Popoy noong 1996 hinggil sa paninibasib ng globalisasyon na totoo pa rin ngayon. Aniya: "Mga kasama! Hindi ba’t ang mga kapitalistang ito, ang mga negosyanteng ito ang dahilan ng ating paghihikahos at pagkabusabos dahil sa kanilang kasakiman sa tubo, dahil kinakamkam at sinasarili nila ang yaman na mula sa ating pawis at pagod? At ngayon, sasabihin ng punyetang gubyernong ito, na ang mga kapitalistang ito — sila na nagpapahirap sa atin, sila na nang-aapi sa atin, sila na kung tratuhin tayo ay basura at alipin, sila na walang ginawa kundi magpasarap sa ating pinagpaguran, sila na nabubuhay sa kasaganahan habang ang ating pamilya ay naghihikahos, sila na walang pakialam kung magdildil tayo ng asin sa karampot nating suweldo, sila na walang pakialam kung tayo’y magugutom kapag pinatalsik nila sa trabaho, sila na kung durugin ang ating mga unyon ay parang dumudurog lamang ng mga ipis, sila na hindi man lang makonsensya na mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga aso kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa, sila na natutulog nang mahimbing kahit alam nilang nagugutom ang ating mga pamilya at di mapag-aral ang mga anak pero kapag lumiliit ang kanilang tubo at nalulugi ang kanilang kompanya ay binabangungot — ang mga tao bang ito, mga kasama, ang mga kapitalista bang ito, mga kasama, ang magliligtas sa atin sa impyerno ng karukhaan at magdadala sa atin sa paraiso ng kasaganahan!! Mga kasama, niloloko at ginagago tayo ng baliw at inutil nating gubyerno!"

Makalipas ang labingsiyam na taon, babalik muli upang magpulong sa bansa ang mga kinatawan ng iba't ibang bansa para sa APEC. Ang mga aral ng nakaraang labingsiyam na taon na walang nagbago sa buhay ng manggagawa, kundi kasaganahan lang sa kapitalista, ay mahalagang ating muling pagnilayan. Wawasakin ng polisiyang globalisasyon, na siyang prinsipyong tangan ng APEC, ang mga proteksyon sa paggawa na ipinaglaban, napagtagumpayan at pinagbuwisan ng buhay ng maraming manggagawa.

Ngunit dapat handa tayo. Paghandaan din natin ang darating na Nobyembre 2015 kung saan dito sa ating bansa idaraos ang APEC. Dapat handa ang uring manggagawa. Huwag tayong palinlang sa manlilinlang na gobyerno ng uring kapitalista. Tulad noong 1996, kalampagin natin ang APEC sa kanyang tuwid na daan patungong impyerno: SLAM EVIL, SLAM APEC! 

Pinagsanggunian:
http://www.apec.org/
http://globalisasyon.blogspot.com/

Walang komento: