Miyerkules, Agosto 5, 2015

Agos ng Kasaysayan: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa

AGOS NG KASAYSAYAN: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Buwan ng Kasaysayan ang buong buwan ng Agosto. Sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 339, na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Pebrero 16, 2012, napalitan ang dating Linggo ng Kasaysayan na ginugunita tuwing Setyembre 15 hanggang 21, at ang buong Agosto'y ginawa nang Buwan ng Kasaysayan. Maganda ito pagkat sa pagpapahalaga natin sa ating kasaysayan ay lalo nating nakikilala ang ating sarili at ang pangangailangang suriin ang nakaraan upang paghalawan ng aral para sa kasalukuyan at sa hinaharap. Minsan, sinabi ng asawa ni Gat Andres Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Kaya mahalagang balikan natin ang ating kasaysayan, magbasa, magnilay, lalo na ang buwan ng Agosto, kung saan maraming naganap na mahahalagang pangyayari. Agos 'to ng kasaysayan na magandang paghalawan natin ng aral.

PAGSILANG NG BANSA NOONG AGOSTO 24, 1896

Ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Noong Agosto 19, 1896, nadiskubre ng pamahalaang Kastila ang Katipunan o Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan. Dahil dito'y napilitan si Bonifacio na ideklara ang himagsikan sa pamamagitan ng pagpupunit ng sedula ng halos isang libong katipunero bilang simula ng pag-aaklas laban sa mga Kastila. Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging ganap nang pamahalaan. Isinilang na ang isang bansa. Kaya bago pa ang pagdedeklara ng kalayaan sa Kawit ay may bansa na tayong kinikilala. Noong Agosto 29, 1896, sabay-sabay na nag-aklas ang iba't ibang sangay ng Katipunan laban sa hukbong Kastila. Pinangunahan ni Bonifacio ang madugong labanan sa San Juan Del Monte o mas kilala ngayong Pinaglabanan. Ito ang unang malawakang pagkatalo ng Katipunan sa labanan.

UNANG TAGUMPAY NG KATIPUNAN, AGOSTO 29, 1896

Kasabay ng labanan sa San Juan ang unang tagumpay ng mga Katipunero sa Pasig noong 1896. Sa naganap na Nagsabado sa Pasig ay nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang araw na naganap ang Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop.

PAGTAPOS NG DIGMAAN LABAN SA JAPAN

Ang pagbagsak ng dalawang bomba atomika sa Hiroshima (Agosto 6, 1945) at Nagazaki (Agosto 9, 1945) noong Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig) ay trahedya sa bansang Japan, na sumakop sa ating bansa noong 1941 hanggang sa matigil ang digmaan noong 1945. Dahil dito'y sumuko ang Japan, at maraming mga kababayan natin ang nagbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang bayan laban sa mga mananakop.

TRAHEDYA NG AGOSTO 21

Noong Agosto 21, 1971, namatay ang siyam katao at nasugatan ang 95 iba pa sa naganap na pagbomba sa Plaza Miranda. Ilan sa nasugatan dito ay ang mga senador noon na sina Jovito Salonga at Eva Kalaw. Isa ito sa itinuturong dahilan upang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang batas-militar. Noong Agosto 21, 1983, pinaslang naman sa tarmak ng Manila International Airport si dating Senador Ninoy Aquino. Ang pangyayaring ito ang isa sa nagtulak upang magsama-sama ang taumbayan at patalsikin si Marcos sa pwesto sa pamamagitan ng People's Power. Ang dalawang Agosto 21 na ito ang dahilan ng pagdedeklara ni Marcos ng batas militar at pagpapatalsik kay Marcos sa katungkulan.

ANG 3-D SA PAG-AARAL NG KASAYSAYAN

Mahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan ay hindi yaong pagsaulo lamang ng mga petsa, pangalan ng tao at lugar, na tulad ng nakagawian sa paaralan. Mahalaga sa pagsipat na ito ang 3-D na pagsusuri sa kasaysayan. Ito'y ang Detalye, Daloy, at Diwa. Ang detalye ang lubos at maliwanag na ulat, sanaysay o kaalaman hinggil sa mga tao, bagay at pangyayari sa kasaysayan. Ang daloy naman ang balangkas upang maipaliwanag nang maayos ang mga detalye dahil mahalaga ang pag-unawa at hindi dapat magmemorya lamang nang hindi nauunawaan. Ang ikatlo ay ang diwa o pangkalahatang pananaw, katwiran, katuturan o kaluluwa ng kasaysayan.

Upang ipaliwanag ito, balikan natin ang naganap noon kina Magellan at Datu Lapulapu. Ayon sa kasaysayan, napatay sa labanan si Magellan ng mga katutubo sa pangunguna ni Lapulapu noong Abril 27, 1521. Naging kolonya naman ng mga Kastilang mananakop ang bansa noong 1565 nang itinalaga ni Haring Philip II (nanungkulan bilang hari ng Espanya mula 1556 hanggang 1598) si Miguel Lopez de Legazpi bilang unang Gobernador-Heneral ng kapuluan. Anong esensya ng dalawang petsa? Ipinagpaliban ni Lapulapu sa loob ng 44 taon ang pananakop ng mga Kastila.

ANG KAHALAGAHAN NG KASAYSAYAN SA URING MANGGAGAWA

Kinikilala ng mga manggagawang Pilipino si Gat Andres Bonifacio bilang kanilang bayani. Pagkat bukod sa rebolusyonaryo, manunulat, makata, at artista sa teyatro si Bonifacio, tulad nila, ay manggagawa rin. Hindi lang nagtinda si Bonifacio ng pamaypay at baston upang suportahan ang kanyang mga kapatid, kundi nagtrabaho rin bilang mandatorio (o pinag-uutusan) para sa kumpanyang British na Fleming and Company, hanggang siya'y maging korehidor o tagapangasiwa ng tar, ratan at iba pang kalakal. Sa kalaunan ay napalipat siya sa kumpanyang Aleman na Fressell and Company, kung saan nagtrabaho siya bilang bodeguero o tagapangasiwa ng bodega. At bilang manggagawa, kinikilala rin siya ngayon ng marami bilang unang pangulo ng Pilipinas, dahil bilang Supremo ng Katipunan, natransporma na ang Katipunan bilang rebolusyonaryong pamahalaan at isinilang ang bansa nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng kalayaan mula sa mananakop.

Paghanguan natin ng aral ang kasaysayan, hindi lamang ng ating bansa, kundi ng ating mga kauring manggagawa sa daigdig. At mula doon ay sumulong tayo sa ating adhikaing itayo ang lipunan ng uring manggagawa. Nariyan ang mga ginintuang aral sa Komyun ng Paris noong 1871 at sa Haymarket Square sa Chicago noong 1886.

Bilang manggagawa, iniwan sa atin ni Gat Andres ang mahalagang aral na kanyang isinulat sa akdang "Ang Dapat Mabatid...": "Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."

Mga pinaghalawan:
The Featinean, opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng FEATI University, Hulyo-Oktubre 1996
Aklat na KAMALAYSAYAN: The Sense of History Imperative for Filipinos, Setyembre 2010, ni Ed Aurelio C. Reyes
http://www.gov.ph/2012/02/16/proclamation-no-339-s-2012/
http://gatandresbonifacio.blogspot.com/2010/05/ang-dapat-mabatid-ng-mga-tagalog.html
http://tupangpula.blogspot.com/2008/11/ang-supremo-at-pangulong-andres.html

* Ang akdang ito'y orihinal na sinulat ng may-akda bilang paksang nakatoka sa kanya para sa isang pahayagang pangmanggagawa na maglalathala ng isyung Agosto 2015.

Walang komento: