Huwebes, Disyembre 1, 2016

Pasasalamat sa HR Online

PASASALAMAT SA HR ONLINE

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ipinaaabot ko ang taospusong pasasalamat sa HR Online sa dalawang karangalang aking natanggap sa 6th HR Pinduteros Choice Award na ginanap sa isang restawran sa Lungsod ng Quezon.

Ang una'y nagwagi ang inyong lingkod dahil sa tulang Ilitaw na aking isinulat hinggil sa mga desaparesidos, na nananawagan sa tulang ilitaw na ng mga may kagagawan ang mga nangawalang mahal sa buhay. Nakatanggap ako ng plake, t-shirt, at isang bote ng red wine bilang gantimpala. Nilikha ko ang tulang iyon noong panahong nagsagawa ng pagkilos ang FIND (Families of Victims of Involuntary Disapperance) at AFAD (Asian Federation Against Involuntary Disappearance) sa Sunken Garden sa UP Diliman noong Mayo 22, 2016, sa pagsisimula ng International Week of the Disappeared.

Ang ikalawa naman ay ang pagiging second place sa Write Up for Right-Up Challenge, kung saan nakatanggap ang inyong lingkod ng plake at cash prize.

Ang mga natanggap kong parangal ay lalong nagpatibay ng aking paninindigan upang patuloy na kumilos para sa karapatang pantao. 

Mabuhay ang HR Online! Mabuhay ang mga nakikibaka para sa karapatang pantao!

Biyernes, Setyembre 30, 2016

Itigil ang pagpaslang sa mga manggagawa!

ITIGIL ANG PAGPASLANG SA MGA MANGGAGAWA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kahindik-hindik ang mga naganap nitong mga nakaraang araw at buwan. Tila baga sumasabay sa pagpaslang sa mga adik ang pagpaslang sa mga manggagawa. Lagim ang isinalubong ng bagong rehimen at pati manggagawa ay nadamay sa lagim na ito.

Nitong nakaraang Setyembre 23 ay nakita sa facebook ang isang litrato ng manggagawang duguan at nakahiga sa tapat mismo ng tanggapan ng National Labor and Relations Commission (NLRC) sa Banaue St., sa Lungsod Quezon. Ayon sa pahayag ng iDefend (In Defense of Human Rights and Dignity Movement), ang pinaslang ay si Edilberto Miralles, dating pangulo ng unyon ng R&E Taxi.

Ito'y naganap ilang araw matapos namang mapabalita ang pagkapaslang kay Orlando Abangan, na isang lider-obrero mula sa Partido ng Manggagawa, mula sa Talisay, Cebu. Siya'y binaril ng isang di pa nakikilalang salarin noong Setyembre 17.

Pinaslang din noong Setyembre 7 ang manggagawang bukid na si Ariel Diaz ng umano'y tatlong katao sa bayan ng Delfin Albano, lalawigan ng Isabela. Si Diaz ang tagapangulo ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela at namumuno sa tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa lalawigan.

Apat na magsasaka ang binaril ng mga di pa nakikilalang salarin sa maagang bahagi ng Setyembre. Sila'y pinaslang sa isang bukid na nasa loob ng Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija. Ang mga biktima'y sina Emerenciana Mercado-de la Cruz, Violeta Mercado-de Leon, Eligio Barbado at Gaudencio Bagalay, na pawang mga kasapi ng Alyansa ng mga Magbubukid na Nagkakaisa, na nagsasaka sa pinag-aagawang 3,100 ektaryang lupa sa loob ng Fort Magsaysay. May ilan pang nasugatan.

Noong Setyembre 20 naman ay pinaslang ang lider-magsasakang si Arnel Figueroa, 44, sa Yulo King Ranch sa Coron, Palawan. Si Figueroa ang tagapangulo ng Pesante-Palawan at ang kanilang mag kasapi ay petisyuner ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program).

Sa unang araw pa lang ng Hulyo ng administrasyong Digong ay pinaslang ng di pa nakikilalang salarin ang anti-coal activist na si Gloria Capitan, isang lider sa komunidad at kasapi ng Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya-Bataan. Pinaslang siya sa Lucanin, Mariveles, Bataan. Kilala siyang nakikibaka upang ipasara ang open coal storage at stockpile sa kanilang komunidad dahil nakadudulot ito ng mga matitinding sakit sa mga naninirahan malapit doon.

Nakababahala na ang ganitong mga pangyayari. Dapat na hindi lang manahimik sa isang tabi ang mga manggagawa, lalo na't ang kanilang hanay na ang dinadaluhong ng mga rimarim. Hindi dapat ang laban sa kontraktwalisasyon lang ang kanilang asikasuhin kundi ang lumalalang kalagayan mismo ng ating mga komunidad sa ngalan ng madugong pakikipaglaban ng pamahalaan sa inilunsad nitong giyera sa droga.

Ang pagkamatay ng mga manggagawang ito ay isang alarmang hindi na dapat maulit. Dapat lumabas sa kalsada ang mga manggagawa't ang mismong sambayanan sa ngalan ng proseso o due process of law at paggalang sa karapatang pantao, buhay at dignidad.

Ang mga nangyaring pagpaslang na ito'y dapat masusing imbestigahan ng mga ahensya sa karapatang pantao, at maging ng kapulisan, at dapat magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng mga manggagawa at magsasakang ito.

Katarungan sa mga manggagawa at magsasakang pinaslang! Stop Labor Killings!

Sanggunian: Press statement ng iDefend, Sentro at Partido ng Manggagawa (PM)

Miyerkules, Agosto 31, 2016

10 km Lakad Laban sa Pagpapalibing sa Diktador sa LNMB, Isinagawa

10KM LAKAD LABAN SA PAGLILIBING SA DIKTADOR SA LNMB, ISINAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agosto 31, 2016 nang maglakad ang inyong lingkod mula sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue sa Lungsod Quezon, hanggang sa Korte Suprema sa Maynila, mula ika-6 hanggang ika-9 ng umaga. Dapat na Agosto 24, 2016 ang lakad na ito, pagkat ang orihinal na oral argument sa Korte Suprema ay sa araw na ito, ngunit inurong ng pitong araw pa. Ang paglalakad na ito ay isang anyo ng protesta laban sa pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Ang patalastas dito'y inanunsyo ng inyong lingkod sa facebook. Gayunman, ako lamang mag-isa ang naglakad, marahil ay dahil hindi pa sanay ang mga tao na isang kampanya rin ang paglalakad. O kabilang ang mahabang paglalakad sa pagkilos tulad ng rali. Kasama ng isang litratong nilagyan ko ng anunsyo, aking isinulat sa facebook, 

"Ni-reset ng Supreme Court ang Oral Argument hinggil sa Marcos burial mula August 24 sa Agosto 31. Kaya ni-reset din ang lakad na ito.

Sa muli, bilang pakikiisa sa sambayanang hindi pumapayag sa pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ako po ay maglalakad mula sa Bantayog ng mga Bayani hanggang sa Korte Suprema, na pangyayarihan naman ng oral argument na naka-iskedyul sa araw na iyon. Sa mga nais sumama, mangyaring magdala po kayo ng inyong plakard, pampalit na tshirt, tubig at twalya. Magdala na rin po ng payong o kapote dahil baka maulan sa araw na iyon. Maraming salamat po.

Greg Bituin Jr.
participant, 142km Lakad Laban sa Laiban Dam, Nobyembre 2009
participant, 1,000 km Climate walk from Luneta to Tacloban, Oct2-Nov8, 2014
participant, French Leg ng Climate Walk from Rome to Paris, Nov-Dec 2015
participant, 135km Martsa ng Magsasaka, mula Sariaya, Quezon to Manila, April 2016
participant, 10km Walk for "Justice for Ating Guro" from DepEd NCR to Comelec, May 2016"

Kinagabihan bago ang araw na iyon ay dumalo ang inyong lingkod sa pagtitipon sa Our Lady of Loreto Parish sa Sampaloc, Maynila para sa isang misa, pagtutulos ng kandila, at maikling programa hinggil sa panawagang huwag mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Nagsimula ang misa ng ikaanim ng gabi sa isang tuklong (kapilya) sa gilid ng Simbahan ng Loreto, at sa pasilyo niyon naganap ang pagtutulos ng kandila at pagsasabi ng karamihan kung sinong martir, pinahirapan at nangawala noong panahon ng batas-militar ang kanilang inaalala. Nagkaroon din ng ilang power point presentation hinggil sa mga naganap noong martial law, at pagkukwento rin ng ilang dumalo hinggil sa mga nangyari noon.

Agosto 31, 2016, nagsimulang maglakad ang inyong lingkod ng ganap na ika-6:15 ng umaga sa Bantayog ng mga Bayani, at nakarating sa Korte Suprema ng bandang ika-8:45 ng umaga. Ang ruta kong dinaanan ay ang kahabaan ng Quezon Avenue sa Lungsod Quezon, sa Welcome Rotonda, sa España Blvd., at lumiko ako sa Lacson Ave. papuntang Bustillos, Mendiola, Legarda, Ayala Bridge, Taft Ave., hanggang makarating ng Korte Suprema sa Padre Faura St., sa Maynila.

Nang makarating ako roon ay naroon na ang dalawang panig - ang grupong anti-Marcos at ang grupong maka-Marcos. May mga nagtatalumpati na at may mga sigawan. Hanggang sa pumagitna na rin ang mga pulis upang hindi magkagulo. Bandang ika-11 ng umaga ay natapos na ang programa ng panig ng mga anti-Marcos burial, at kasunod nito ay ipinarinig na sa malakas na speaker mula sa Korte Suprema ang oral argument sa loob. Kaya kasama ng ilang mga kaibigan mula sa human rights, tulad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearances) at CAMB-LNMB (Coalition Against the Marcos Burial in Libingan ng mga Bayani), kami'y nakinig ng mga talumpati. Bandang ikalawa ng hapon nang ako'y magpasyang umalis dahil may ilan pang gawaing dapat tapusin.

Maaaring may magtanong, "Bakit kailangan mong maglakad?" Na sasagutin ko naman ng ilang mga dahilan.

Kailangan kong lakarin iyon, hindi dahil walang pamasahe, kundi ipakitang ang paglalakad ay isa ring anyo ng pagkilos na makabuluhan, at isa ring anyo ng pakikibaka na hindi lamang rali o paghahawak ng armas.

Tulad ng mga nasamahan kong lakaran noon, nais kong ipakita sa taumbayan ang kahalagahan ng mga isyung dapat nilang huwag ipagsawalang bahala. Tulad ng isyu ng paglilibing sa dating Pangulong Marcos. Kapag inilibing siya sa Libingan ng mga Bayani, natural na maituturing siyang bayani, kahit siya ay pinatalsik ng taumbayan dahil sa kanyang kalupitan noong panahon ng diktadura. Ayaw nating basta na lamang mababoy ang kasaysayan, o mabago ito dahil pinayagan ang pagpapalibing sa kanya sa Libingan ng mga Bayani.

Kahit na sabihin pa ng iba na wax na lamang at hindi na ang katawan ni Marcos ang ililibing sa Libingan ng mga Bayani, makakasira pa rin ito sa imahen ng Pilipinas bilang siyang nanguna sa people power na naging inspirasyon ng iba pang bansa upang ilunsad din ang kanilang sariling bersyon ng people power.

Dapat ngang sundin na lamang ang hiling noon ni Marcos na ilibing siya sa tabi ng kanyang ina sa Ilokos, at hindi pa magagalit ang mamamayan. Ito marahil ang mas maayos na libing na marapat lamang kay Marcos na pinatalsik ng taumbayan.

Hindi ako maka-Ninoy o makadilawan, kaya ang isyung ito para sa akin ay hindi tungkol kay Marcos o kay Ninoy, o sa maka-Marcos o maka-Ninoy. Ako'y nasa panig ng hustisya sa mga nangawala noong martial law na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Ako'y nasa panig ng mga ulilang hindi pa nakikita ang bangkay ng kanilang mga kaanak. Ako'y aktibistang dalawang dekadang higit nang kumikilos para sa uring manggagawa at masa ng sambayanan, na karamihan ng aming mga lider ay pinahirapan noong panahon ng diktadurang Marcos.

Patuloy akong maglalakad bilang isang uri ng pagkilos upang manawagan para sa katarungan sa mga biktima ng martial law na hindi na dapat maulit sa kasaysayan.

Narito ang kinatha kong tula hinggil sa isyung ito na may walong pantig bawat taludtod:

sa bayan ng magigiting
diktador ay ililibing
papupurihang bayani
masa'y nanggagalaiti
di bayani ang diktador
sabi nilang nagmamaktol
bakit muling ililibing
ang dati nang nakalibing
sa lalawigang Ilokos
ng tatlong dekada halos
ngunit masa'y tumatanggi
kung Libingan ng Bayani
si Makoy ay ililibing
di payag, iiling-iling
mga bayaning nabaon
baka mag-alisan doon
"ayaw naming makasama
ang kumawawa sa masa
daming nawala, tinortyur
sa panahon ng diktador
di siya isang bayani
huwag sa aming itabi!"

Sabado, Hulyo 30, 2016

Ang tulang "Imperyalismo" ni Jose Corazon de Jesus


ANG TULANG "IMPERYALISMO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pananakop ng isang malaking bansa sa isa pang bansa ang imperyalismo, di pa sa pisikal na kaanyuan nito kundi kahit na sa pang-ekonomyang patakaran. At sa panahon ng makatang Jose Corazon de Jesus, na panahon ng mga Kano sa atin, ay kumatha siya ng tulang pinamagatan niyang "Imperyalismo", na nalathala noong Enero 6, 1923 sa pahayagang Taliba. Muli itong nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 163-164 ng aklat.

Halina't namnamin at pagnilayan natin ang tulang "Imperyalismo":

IMPERYALISMO
Jose Corazon de Jesus

"Washington D.C. (Nob. 30) - Maraming pahayagan dine ang nagsasabi na hindi dapat palayain ang mga Pilipino sapagkat hindi pa edukado at tinitiyak nila na hindi magkakaroon ng independensiya hangga't di marunong ng Ingles ang lahat ng Pilipino."

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng wikang katuubo't mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya'y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukahin tayong parang gagong bata.
Ito'y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami'y mayr'on niyan,
noong araw baga'y may sistemang ganyan?
Iya'y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito'y dumatal!

Noong araw kami, sa isang araro'y
ilagay ang k'walta at may tatrabaho;
ngunit ngayon, gawin ang sistemang ito
at tagay ang k'walta pati araro mo.
Kung tunay man kaming mga Pilipino,
natuto't bumuti sa Amerikano,
ang Amerikano ay nagdala rito
ng sama rin naman ng mga bandido.

Pipilitin ngayong matuto ng Ingles
ang Bayang ang nasa'y Paglayang matamis;
pipilitin ngayong dila'y mapilipit
nitong mga taong dila'y matutuwid;
pipilitin ngayong kami ay mapiit
hangga't di matuto na umingles-ingles;
saka pagkatapos, pipintasang labis,
inyong sasabihing kami'y batang paslit!

Tarantado na nga itong daigdigan!
Tarantado na nga itong ating bayan!
Kung ano-ano na iyang kahilingan,
sunod ke te sunod na animo'y ugaw!
Kung ayaw ibigay iyang Kasarinlan,
tapatang sabihin, na ayaw ibigay.
Pagkat dito'y inyong kinakailangan
maging dambuhala ng pangangalakal!

Ni walang katwirang dito ay magtaning
ang sinumang bansang dumayo sa amin,
walang bayang api ni bayang alipin
at hindi katwiran na kami'y sakupin!
Kung bagamat ito'y natitiis namin,
sapagkat ang Oras ay di dumarating!
Nagtitiis kami't umaasa pa rin
na ang Amerika'y hindi bansang sakim!

Ayon sa Merriam Webster Dictionary, ang kahulugan ng imperyalismo o imperialism ay: (a) a policy or practice by which a country increases its power by gaining control over other areas of the world; (b) the effect that a powerful country or group of countries has in changing or influencing the way people live in other, poorer countries.

Ayon naman sa Cambridge Dictionary, ang kahulugan ng imperyalismo o imperialism ay: the attempt of one country to control another country, esp. by political and economic methods.

Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo English, ang imperialism ay: (noun) an imperial system of government. Ang imperialist ay: a person who favors imperialism. At ang imperial naman ay: of or having to do with an empire or its ruler: Ukol sa imperyo o emperador.

Ayon naman sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang imperyalismo ay: patakaran sa pagsakop ng isang bansa o imperyo sa ibang bansa o teritoryo; pag-impluwensiya o pagkontrol ng isang bansa sa mahina at mahirap na bansa sa pamamagitan ng kalakalan, diplomasya, o katulad.

Sa Encyclopedia Britannica naman ay ganito ang pakahulugan ng imperialism: Imperialism, state policy, practice, or advocacy of extending power and dominion, especially by direct territorial acquisition or by gaining political and economic control of other areas. Because it always involves the use of power, whether military force or some subtler form, imperialism has often been considered morally reprehensible, and the term is frequently employed in international propaganda to denounce and discredit an opponent’s foreign policy. (Ang imperyalismo, patakarang pang-estado, kalakaran, o adbokasiya ng pagpapalawak ng kapangyarihan at pinamamahalaan, lalo na direktang pagsakop ng teritory o sa pagkontrol sa pulitika at ekonomiya ng iba pang lugar. Pagkat lagi rin itong gumagamit ng lakas, ito man ay pwersang militar o ilang tusong pamamaraan, itinuturing ang imperyalismo na maganda nga ngunit pagsisisihan mo, at kadalasang ginagamit din ang termino sa mga pandaigdigang propaganda upang tuligsain at wasakin ang patakarang panlabas ng kaaway. - sariling salin ng may-akda).

Kung babaybayin natin ang kasaysayan, ang imperyalismo noong mga panahong sinauna ay malinaw, dahil sa papalit-palit ng imperyo. 

Ayon sa rebolusyonaryong si Vladimir Lenin, ang imperyalismo ang pinakamataas na antas ng kapitalismo. Binanggit niyang may limang yugto ang imperyalismo, at ito'y ang mga sumusunod: (1) nalikha ang konsentrasyon ng produksyon at puhunan sa mataas na yugtong nakalikha ng mga monopolyong may malaking papel sa buhay-pang-ekonomya; (2) ang pagsasama ng pamumuhunan ng bangko sa pang-industriyang pamumuhunan, at ang paglikha ng oligarkiyang pinansyal sa batayan ng nabanggit na "pinansyang kapital"; (3) ang pagluluwas ng puhunan na kaiba sa pagluluwas ng mga kalakal na may natatanging kahalagahan; (4) ang pagbuo ng mga internasyonal na monopolyo kapitalistang asosasyon na pinaghahatian ang yaman ng mundo para sa kanila, at (5) ang ganap na pagkakahati ng buong daigdig sa pagitan ng mga pinakamakapangyarihang kapitalistang bansa. Ang imperyalismo ay kapitalismong nasa yugto ng pag-unlad at kung saan nabubuo ang pangingibabaw ng monopolyo at pampinansyang puhunan; at napakahalaga ng pagluluwas ng puhunan; kung saan nagsimula na ang pagkakahati ng mundo sa mga pandaigdigang nagpopondo, at ganap nang nakumpleto ang pagkamkam ng mga kapitalistang bansa ng iba't ibang teritoryo sa daigdig. [mula sa [Lenin, Imperialism the Highest Stage of Capitalism, LCW Volume 22, p. 266-7.]

Kumbaga, hindi na ito simpleng bili-benta o buy and sell, kundi nakamit na ng kapitalismo ang bulto-bultong tubo sa pandaigdigan at ang sistemang ito na ang nagpapasya sa kung saan na patutungo ang mundo, sa pamamagitan na rin ng mga dambuhalang korporasyon. Ang labis na tubo't puhunan ng mga korporasyong ito, na nagmula sa pagsasamantala o pambabarat sa lakas-paggawa ng manggagawa, ay iniluluwas sa di pa gaanong maunlad na bansa kung saan kakaunti ang puhunan, mababa ang halaga ng lupa, lakas-paggawa at hilaw na materyales.

Sa ganitong pananaw ni Lenin, hindi lamang ito simpleng isyu ng dayuhang pananakop, at tanging sagot ay pagkamakabayan, dahil wala namang magagawa ang pagkamakabayan sa isyu ng puhunan at paggawa, sa isyu ng kapitalista't manggagawa. Tulad din maraming mga makabayang kapitalista ang nambabarat sa manggagawa. Sa loob ng pabrika halimbawa, na mas ang umiiral ay ang sistema ng sahod at tubo, at kahit lahat kayo ay makabayan, mananatiling barat ang makabayang kapitalista sa sahod, at maaaring mag-aklas ang makabayang Pilipino dahil sa baba ng sahod. Dahil kalikasan talaga iyon ng sistemang kapitalismo.

Sa tula ni Huseng Batute, nagsimula ang imperyalismo sa pagpapagamit ng wika ng mga kapitalistang mananakop, at pagbabalewala sa sariling wika ng mismong pamahalaang Pilipino. Ipinoprotesta niya ang wikang Ingles na ipinipilit sa atin upang unti-unting yakapin natin ang kulturang dayuhan, na magdudulo sa pagkawala naman ng sariling identidad o sariling katauhan. Gayunman, sa dulo ng tula ay umaasa pa rin naman siyang hindi sagad-sagaring kapitalistang ganid ang bansang Amerika.

Panahon iyon ng Amerikano sa bansa, na nang ginawa ang tula ay mahigit isang dekada pa bago maganap ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Namatay si Huseng Batute noong 1932, sa panahong siya ang kinikilalang Hari ng Balagtasan.

Mahalaga ang pagkakasulat ni Huseng Batute upang masilip natin kung ano ba ang imperyalismo sa kanilang panahon. Mas makabayan, at mas laban sa pananakop ng dayuhan. Kaiba ito sa pananaw ni Lenin na ang imperyalismo ang pinakamataas na yugto ng kapitalismo, pagkat nasa panahong mas umiiral pa ang piyudalismo sa bansa kaysa kapitalismo, dahil mayorya ng bansa ay agrikultural at hindi pa gaano noon ang industriya sa bansa.

Kaya bagamat nagkaroon na ng nobelang Banaag at Sikat na inilabas ng serye sa pahayagang Muling Pagsilang noong 1905 (at naisaaklat noong 1906) na sinulat ni Lope K. Santos na tumatalakay sa buhay at pakikibaka ng uring manggagawa sa Pilipinas, mayorya ng panahong iyon ay nabubuhay sa pagsasaka. Noong 1930, dalawang taon bago mamatay si Batute ay naitatag naman ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na nananawagan din ng pakikibaka laban sa imperyalismo. Kumbaga, tumagos man sa kamalayan ng mga Pilipino ang sosyalismo, o lipunan ng uring manggagawa, hindi ito agad maipagtatagumpay kung mayorya ay magsasaka.

Gayunpaman, mahalaga ang pagtalakay ni Batute sa tula pagkat isiniwalat niya ang kalapastanganan ng imperyalismo sa ating bansa noong kanyang panahon.

Miyerkules, Hulyo 6, 2016

ANG DAMO AT ANG BATO: Isang makabagong pabula sa panahon ni Digong

ANG DAMO AT ANG BATO: Isang makabagong pabula sa panahon ni Digong
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masayang nag-uusap ang damo at ang bato sa isang liwasan. Nang maya-maya'y dumating ang isang maya.

Anang maya, "Mga kaibigan, nais ko sana kayong kapanayamin. Bago iyon, kinapanayam ko ang ilang nilalang kung saan ba sila masaya. Ngunit karamihan ay nagsabing hindi sila masaya. Tinanong ko ang uod kung masaya ba siya. Ang sabi niya'y hindi pagkat wala pa siyang pakpak na maganda tulad ng paruparo. Tinanong ko ang paruparo kung masaya ba siya. Ang sabi niya'y hindi pagkat di pa niya nasimsim ang pinakamarikit na rosas sa hardin. Tinanong ko ang rosas kung masaya ba siya. Ang sabi niya'y hindi pagkat di pa dumarating ang binatang pipitas sa kanya upang ibigay sa pinipintuhong dalaga. Tanong ko lang, mga kaibigang damo at bato, kayo ba ay masaya?"

Tumugon ang damo, "Masaya ako sa kung ano ako ngayon. Di alintana ang init ng araw o patak ng ulan. Kaysarap damhin ang ihip ng hangin. Masaya ako dahil ako'y ako."

Anang bato, "Ako'y moog na nakatutulong upang makapamuhay ng maayos. Pundasyon ng bahay at gusali, ginagamit ding graba, tungko, at marami pa. Masaya ako sa silbi ko sa mundo."

Dagdag ng damo, "Gayunpaman, bago ka dumating ay aming pinag-uusapan ng bato na hindi kami masaya sa nangyayari ngayon sa maraming nilalang sa mundo. Ginagamit ng mga tao ang aming pangalan para sa kanilang mga bisyo. Tinatawag nilang damo ang hinihitit nilang mariwana na karaniwang nagiging dahilan ng pagkasira ng kanilang kinabukasan."

Dagdag naman ng bato, "Gayundin naman, bato ang tinatawag ng mga tao sa kanilang bisyong shabu na nagiging dahilan din ng pagkasira ng kinabukasan ng maraming mamamayan."

Muli ay nagsalita ang damo, "Masaya ako bilang ako, ngunit sana'y huwag sirain ng tao ang mabuti naming pangalan."

"Gayon din ako," anang bato.

Sumagot ang maya, "Marahil nalalapit na ang pagkalinis ng inyong pangalan. Dahil tinutugis na ng kapulisan ang mga gumagamit ng damo at bato. Kung hindi mamatay ay makukulong ang mga taong gumagamit ng maling katawagan sa inyo."

Sabay na tugon ng damo at bato, "Sana nga’y tuluyan nang luminis ang aming pangalan. Hihintayin namin ang pagdating ng araw na iyon."

Linggo, Hunyo 26, 2016

Dalawang tulang handog sa BRAT 2016

DALAWANG TULANG HANDOG SA BRAT (BASTA RUN AGAINST TORTURE) 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang araw bago gunitain ang International Day in Support of Victims of Torture tuwing Hunyo 26 ng bawat taon, muling inilunsad ng iba't ibang pangkat ang BRAT (Basta Run Against Torture) nitong Hunyo 25, 2016, araw ng Sabado. Nagsimula ang aktibidad sa CHR (Commission on Human Rights) patungong Quezon Memorial Circle, kung saan idinaos ang isang maikling programa.

Ilan sa mga dumalo sa BRAT 2016 ay ang Amnesty International, UATC (United Against Torture Coalition), PhilRights, PAHRA (Philippine Alliance of Human Rights Advocates, BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino, kung saan ako ang kinatawan), TFDP (Task Force Detainees of the Philippines, Ex-Political Detainees Initiative (ExD), BALAY Rehabilitation Center, FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance), at mga kinatawan mula sa PNP (Philippine National Police), Army at Navy.

Sa CHR, nagkita kami ni kasamang Edwin, na pangulo ng pangkat na Ex-Political Detainee Initiative (ExD), kung saan isa rin akong kasapi. Nag-text pala siya sa akin, na di ko nabasa bago kami magkita, na hinilingan pala ang ExD na sila'y umawit, ngunit tumanggi si Edwin dahil hindi naman sila umaawit. Ang maaari raw ay tula. Kaya hinilingan silang bumigkas ng dalawang tula.

Buti't nadala ko ang kopya ng aklat kong "Patula ng UDHR" sa aking backpack at may dalawa roong tula hinggil sa tortyur. Nang malaman ng isang babaeng nag-isponsor na tutula ako, binigyan niya ako ng puting t-shirt na walang manggas na nakasulat ang malaking X na kulay kayumanggi, at nakapatong doon ang apat na taludtod na nakasulat ang "BRAT, Basta Run Against Torture", at sa ibaba nito ang "Not One More Victim: End Torture Now!", UN International Day in Support of Victims of Torture. Sa likod ng t-shirt ay logo ng United Against Torture Coalition - Philippines. Noong nakaraang taon ay nakadalo rin ako at nabigyan din ng gayong t-shirt, iba lang ang disenyo. Sinuot ko ang t-shirt doon sa CHR.

Nagkaroon muna ng programa bago simulan ang pagtakbo. Nagsalita roon bilang pagsuporta si CHR Commissioner Chito Gascon, at tumugtog naman sina Erwin Puhawan at Boodit, na siya ring tumayong emcee. Maya-maya lang ay marahan nang naglakad-takbo ang mga kalahok hanggang sa ikutin ang buong Quezon Memorial Circle at pumasok sa loob. Pagdating sa entablado ng Quezon Memorial Circle, nagtipon-tipon ang mga tao para sa isang programa.

Tinawag ng emcee ang mga tagapagsalita ng kani-kanyang organisasyon. Ayon sa ilang mga nagtalakay, noong 1984 pa ipinasa at nilagdaan ng 155 estado o bansa ang United Nations Convention Against Torture (UNCAT). Nagbigay daan naman ito upang isabatas ng Pilipinas ang Anti-Torture Law noong 2009.

Kami naman sa ExD ay naghahanda rin sa aming pagbigkas ng tula. Si Edwin ang siyang tagapagsalita, at kaming dalawa ni George ang bibigkas ng tula.

Binasa ko ang ilang taludtod ng aking tulang "Itigil ang Tortyur" habang binasa naman ng buo ni kasamang George ang tula kong "Wala na dapat tortyur sa piitan". Halina't namnamin natin ang mga tulang aming binigkas:

ITIGIL ANG TORTYUR
13 pantig bawat taludtod

1.) TORTURE - (tor' chur) n.- pahirap; pagkaturete ng utak; v.- pahirapan; palipitin; giyagisin;  pigipitin; pahirapan ang isi, TORTURER n.

itigil ang sistematikong pananakit
sa mga biktimang kanilang ginigipit
binubugbog ang katawan, pinipilipit
kaya mistulang nasisiraan ng bait

bakit hinuhuli ang nakikipaglaban
mga nakikibaka'y bakit dapat saktan
gayong inilalaban nila'y karapatan
ng bawat tao at ng buong sambayanan

bakit pinahihirapan ang aktibista
ng mga alagad ng ahas na pasista
dahil ba pinababagsak ang diktadurya
dahil ba pinag-aalsa nila ang masa

mga aktibista'y maganda ang layunin
na sambayanan ay tulungang palayain
ngayon ay tinotortyur at pinaaamin
pinalo't tinatanggalan ng kuko't ngipin

tortyur na ginawa'y iba-ibang diskarte
yaong ari ng lalaki'y kinukuryente
ginagahasa naman daw yaong babae
ganitong pahirap ay nakatuturete

hinuhubaran, may piring ang mga mata
pinaso ng sigarilyo ang dibdib nila
rebelde ang turing sa mga aktibista
pagpapahirap sa kanila'y sobra-sobra

sa mga biktima ng tortyur ang epekto
ay takot at galit sa pasistang gobyerno
itigil ang tortyur, ang tao'y irespeto
magkaiba man sila ng mga prinsipyo


WALA NA DAPAT TORTYUR SA PIITAN
13 pantig bawat taludtod

alam mong wala kang ginawang kasalanan
ngunit kailangan ka nilang paaminin
tingin sa iyo'y marami kang nalalaman
mga impormasyon sa iyo'y pipigain

ngunit kung sila sa iyo'y walang mapiga
totortyurin ka, sasaktan ang katawan mo
sa kanila'y kailangan mong magsalita
kundi'y talagang masasaktan kang totoo

sa tortyur, kahit balahibo mo'y titindig
pahihirapang tunay ang isip mo't puso
gagawin nilang kalamnan mo'y mapanginig
habang ramdan ang sakit ng laman at bungo

dapat nang tigilan ang tortyur, tigilan na
sa lahat ng piitan ay mawalang dapat
sa kulungan ay maging makatao sana
huwag nang paglaruan ang presong inalat

epekto sa tao ng tortyur ay kaytindi
katawan at pagkatao'y nayuyurakan
wala na dapat tortyur, sigaw ng marami
wala dapat tortyur sa alinmang piitan

Matapos ang tulaan ay nagpulong na ang ExD, una'y sa Circle, at lumipat kami sa opisina ng Balay. Doon ay pinag-usapan ang hinggil sa mga bilanggong pulitikal at ang takdang pagpapalaya sa mga ito ng bagong administrasyon. Nabigyan ako ng task o tungkulin bilang kasapi nito, at iyon ay ang pagsusulat ng letter to the editor. Napagkaisahan namin ang panawagang "Free All Political Prisoners Regardless of Political Affiliation".

Pagdating ng gabi, habang ninanamnam ang mga nangyari, ay natuon ang isip ko sa nakasulat sa t-shirt ng BRAT, ang islogang "Not One More Victim: End Torture Now!" Kaya ginawan ko ito ng tula.

KAHIT ISA LANG AY DI DAPAT MATORTYUR
15 pantig bawat taludtod

kahit isang tao ma'y di dapat pang madagdagan
ang nabiktima ng tortyur sa mga bilangguan
ang karumal-dumal na gawaing ito'y wakasan
ang pagtortyur sa isa mang tao'y dapat tigilan

kahit isa lang, bawat tao'y sadyang mahalaga
pag isa ay natortyur, nadagdagan ang biktima
may karapatan lalo't napiit na aktibista
piniit di sa krimen kundi sa prinsipyo niya

ang tortyur ay di na dapat umiral sa mga estado
upang parusahan yaong kumakalaban dito
ang tortyur ay krimen pagkat marahas at barbaro
di nababagay sa daigdig na sibilisado

Maaaring may magsabing kriminal naman iyan, ngunit sila pa rin ay tao. Tulad ng mga aktibistang nahuli ngunit kriminal sa paningin ng gobyerno subalit mapagpalaya sa paningin ng karaniwang tao. May batas na laban sa tortyur, batas na pinag-usapan at pinaglaban ng marami. Hayaan nating igalang ng bawat isa ang batas na ito upang mapigilan pa ang mga madaragdagang biktima nito.

Panata ko sa panitikan at sa mga kasama sa kilusang masa at paggawa, na ang ganitong isyu ay patuloy kong tututukan at gagawan ng tula, katulad ng pagtutok ko sa iba't ibang isyu ng kalikasan, karapatang pantao, uring manggagawa, at mga sektor ng maralita, magsasaka, kababaihan at iba pang aping sektor ng lipunan.

Sabado, Hunyo 25, 2016

Tatlong tulang handog sa paglulunsad ng CEN (Citizens' Environment Network)

TATLONG TULANG HANDOG SA PAGLULUNSAD NG CEN (CITIZENS' ENVIRONMENT NETWORK)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang pambihirang pagkakataon ang ibinigay sa inyong lingkod ng bagong kalulunsad na pangkat pangkalikasan - ang Citizens' Environment Network o CEN. Nakasama ako sa proyektong Kultura at Kalikasan, isang munting konsyerto sa Conspiracy Bar and Garden Cafe, kasabay ng matagumpay na paglulunsad ng CEN, nitong Hunyo 24, 2016, araw ng Biyernes, sa ganap na ikaanim hanggang ikasiyam at kalahati ng gabi.

Dahil sa pagkakataong iyon, nasabi ko sa aking sarili na itutuluy-tuloy ko na ito, ang paglikha ng mga tula para sa kalikasan at pagbabasa nito sa mga konsyerto o anupamang ilulunsad ng CEN. Ang pagtitiwala nila sa pagbigkas ko ng mga tula ay malaking inspirasyon na dapat kong ituloy-tuloy - ang paglikha pa ng mga tulang pangkalikasan hinggil sa mga napapanahong isyu at pakikibaka ng sambayanan para sa isang daigdig na may katarungan, mapayapa, ligtas at makakalikasang pag-unlad.

Nakapagpapataas ng moral ang mga palakpak, at nasabi ko sa aking sarili na hindi man sapat ang mga tula ay malaki ang maitutulong ng mga kathang ito sa pagmumulat sa mas malawak na mamamayang nasasalanta ng pagkawasak ng kalikasan dulot na rin ng kagagawan ng tao.

Ang paglulunsad na ito ng CEN ay hindi simpleng paglulunsad lamang para ipaalam sa tao na naririto na ang CEN, kundi inilunsad nila ito sa malikhaing pamamaraan - sa pamamagitan ng awit, tula, talakayan at panalangin. Sa munting oras lamang ay naabot ng CEN ang inaasahan, masasaya ang mga tao, at marahil ay kumintal din sa kanilang isipan ang lahat ng mga napakinggan nila't napag-usapan upang sa kalaunan ay magamit sa isang malawak at sama-samang pagkilos.

Sinimulan ito ng isang ritwal: pagkalembang ng singing bowl na hinawakan ni Ron Solis ng Greenpeace. Isa iyong hudyat ng pagninilay sa panalangin. Sinabayan ito ng katutubong awit-pabalangin ni Gng. Julia Senga ng International Visitor Leadership Program (IVLP) - Philippines at Women in Development Foundation, Inc. (WID). Si Ginang Donna Paz Reyes ng Miriam College, host ng Radyo Kalikasan (DWBL 1242) at  environmental educator, ang siyang nag-emcee o nagpadaloy ng buong programa.

Si running priest Fr. Robert Reyes, OFM, Lead Convenor ng CEN, ang nagbigay ng pambungad na pananalita. Ang environmental sociologist mula sa Greenreseach na si Patria Gwen Borcena naman ang nagkwento hinggil sa pagbubuo ng  CEN, pati na ang paglalatag ng  kanilang kolektibong adhikain para sa alternatibong kamalayan, pang-ekonomikong direksyong naglalayon ng makakalikasang pag-unlad at mga kritikal na prinsipyo nito sa pagsulong ng kanilang walong puntong adyenda hinggil sa kapaligiran at likasyaman.
 
Marami ang naghandog ng awitin, pangunahin na sina Cathy Tiongson at Joseph Purugganan ng pangkat na tinawag nilang Village Idiots, na umawit ng hinggil sa globalisasyon at sa pagkamatay ng ilang magsasaka sa Kidapawan noong Abril 1, 2016.

Makabagbag-damdamin ang mga inawit na pangkalikasan ng pangkat na Alakdan (na binibiro kong lokal na bersyon ng bandang Scorpions), tulad ng Kalikasan ng Mga Anak ng Tupa, ang Masdan Mo ang Kapaligiran ng bandang Asin, at We Are the World, sa pangunguna ng kanilang lead singer na si Denise aka Lanie Lagrosa.

Si Manu o Anton Ferrer ay naghandog rin ng awit na sarili niyang mga likha, habang siya ay naggigitara.

Nagsiawit naman ang mga manonood hinggil sa bersyon ng Bahay Kubo na ipinaliwanag at ipinamahagi ni Ginoong Peps Cunanan.

Si Mario Guzman naman ang nag-video ng buong aktibidad. Kumuha rin ako ng ilang litrato.

Maganda ang ipinaliwanag ni Joey Ayala hinggil sa isang palihan na pinangunahan ni Gary Granada. Sa kanyang kwento, nagdrowing ng isang tuldok sa white board si Gary Granada at tinanong ang mga dumalo kung ano iyon. Ang sabi ng isa, tuldok. Ang sabi naman ng isa pa, bituin. At sabi umano ni Gary, iyan ang ibig sabihin ng artists. Sinasabi sa ating narito siya. Tulad ninyo, narito ako.

Ang kwentong ito ni Joey Ayala hinggil kay Gary Granada ay tiyak tumimo sa isip ng maraming naroroon. Narito ako. Narito tayo. Narito ang CEN.

Ilang minuto bago pumasok si Joey Ayala para umawit, tinanong siya ni Dino kung paano ako papasok para basahin ang tula. At sinabi ni Joey sa kanya na papasok ako sa gitna ng awit, at sesenyasan na lang niya ako para tumayo.

Kaya nang inawit na ni Joey Ayala ang "Agila", alerto ako. Nakita ko na agad kung nasaan ang mikropono para paghudyat niya sa akin ay tutulain ko na ang aking katha, hinggil sa kamatayan ng agilang si Pamana noong Agosto 2015. Iyon ang huli sa tatlo kong tula sa gabing iyon.

Napakaganda ng paliwanag dito ni Dino Manrique, isa sa mga convenor ng CEN at launch program secretariat member, pati tumayong stage director ng “Kultura at Kalikasan” sa kanyang Facebook. "And there was Joey singing his song Agila -- Haring Ibon -- and the poet Greg reciting his own Eagle poem -- the death of Pamana -- over the instrumental, and it was as if both compositions were made for each other, song to poem, poem to song, just like how every one who came had a role to play -- as audience, as performer, as organizer, as future participant, as future part of CEN."

Inawit din ni Joey Ayala ang "Walang Hanggang Paalam" na hiling naman nina Mam Donna at Gwen.

Ang unang tula - na may pamagat na "Kung Magdamdam ang Kalikasan" - ay binigkas ko pagkatapos ipaliwanag ni Gwen ang layunin ng CEN. Ang ikalawang tula - na may pamagat na Ang Pagmimina - ay binigkas ko matapos ipaliwanag ni Ron Solis ang isyu ng pagmimina.

Nirebisa at pinaikli ko ang tatlong tula, na ilan ay mahahaba, upang umakma sa okasyong iyon, tulad na lang ng tula sa agilang si Pamana na sa orihinal ay anim na saknong na ginawa ko na lang tatlong saknong. Narito ang teksto ng tatlong tulang binigkas ko sa gabing iyon:

KUNG MAGDAMDAM ANG KALIKASAN
14 pantig bawat taludtod

ramdam mo bang nagdaramdam din ang kalikasan
dahil siya'y patuloy nating sinusugatan
paanong di lumubha pa't ating malunasan
yaong kanyang mga sugat sa kaibuturan

ang pagkasira nito'y sadyang nakalulungkot
kaya mga tanong na ito'y dapat masagot
upang may magawa pa bago mundo'y bumansot
di dapat pulos pagdadahilan at palusot

ang pagdaramdam ba niya'y ating titiisin
agos ng sugat niya'y paano aampatin
ang nangyayari sa kanya'y ating unawain
panaghoy nitong kalikasan ay ating dinggin

ANG PAGMIMINA
9 pantig bawat taludtod

May dala nga bang kaunlaran
Ang pagmimina sa lipunan
O ang dala nito sa bayan
Ay sira-sirang kalikasan
At pagtaboy sa mamamayang
Doo’y nagsisipanirahan
Kaya’t kanilang karapatan
Ay nilalabag ng tuluyan.
Minimina ang kalupaan
Lalo na itong kabundukan
Damay rin pati kagubatan
Kinawawa ang likas-yaman.
Halina’t pakaalagaan
Ang bayan nati’t kalikasan
Pagminina ngayo’y tigilan
Para sa'ting kinabukasan

ANG PAGPASLANG SA AGILANG SI PAMANA, AGOSTO 19, 2015
13 pantig bawat taludtod

tatlong taong gulang na ang agilang si Pamana
nang siya'y matagpuang may tama ng bala
sa gubat ay walang awang binaril siya
at sa agilang ito'y wala pang hustisya

agilang si Pamana'y pamana ng lahi
di dapat inuubos ang kanilang uri
sa kanila'y ilan na lang ang nalalabi
lahi nila'y mapreserba ang aming mithi

di dapat nangyaring napaslang si Pamana
di dapat mangyaring mapaslang ang pamana
ng lahi, ipagtanggol ang ating kultura,
ang kalikasan, espesye, wika, historya

(Ayon sa mga ulat, ang agilang si Pamana, 3 tatlong gulang, ay natagpuang wala nang buhay at may tama ng bala, pinaslang siya sa kagubatan ng Davao Oriental, Agosto 19, 2015.)

Maraming kaibigan at mga hindi ko pa nakakadaupang palad ang nagsidalo sa gabing iyon, at nagpapasalamat kami ng lubos sa lahat ng mga dumalo sa kanilang pakikiisa at aming pagkakaisa sa usapin ng kalikasan. Natuwa ako na dumating ang mga matagal nang kaibigan at kasama  sa environmental movement na sina Liberty Talastas at Jon Sarmiento na bago ang gabing iyon ay huli kong nakasama sa seminar na ibinigay ng Climate Reality sa pangunguna ni Al Gore, na dating Bise Presidente ng Estados Unidos, na idinaos dito sa bansa. Naroon din ang ilang mga kabataan, ang mga kasapi ng Alyansa Tigil Mina (ATM) na sina Weng Maquio at kanyang kaibigan, isang taga-Human Rights NGO, ang mga nakasama ko sa Climate Walk na sina Ron Solis at Bong dela Torre, si Soc na pangulo ng Conspiracy at ng grupong PAKISAMA, at iba pa.

Sa lahat ng mga dumalo, taos-pusong pasasalamat! Mabuhay kayo! Mabuhay ang CEN! Mabuhay ang Kultura at Kalikasan!

Paggunita sa ika-10 anibersaryo ng parusang bitay

PAGGUNITA SA IKA-10 ANIBERSARYO NG PAG-ALIS SA PARUSANG BITAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dinaluhan ko ang isang aktibidad bilang paggunita sa ikasampung anibersaryo ng pagkakaalis sa parusang bitay sa bansa. Ito yung pagsasabatas ng Batas Republika Bilang 9346, na may pamagat na "An Act Prohibiting the Imposition of the Death Penalty in the Philippines" noong Hunyo 24, 2006 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Ginanap ang paggunitang ito sa Commission on Human Rights (CHR) nitong Biyernes ng umaga, Hunyo 24, 2016.

Nalaman ko ang aktibidad na ito sa mga kasapi ng HR groups noong Hulyo 3, 2016, kasabay ng konsyertong "Human Rights to the Max" na isa ring fund raising campaign para sa pagpapagamot ni Ginoong Max de Mesa, na chairman ng PAHRA (Philippine Alliance of Human Rights Advocates) na ginanap din sa CHR.

Pagdating ko sa CHR ay nakasalubong ko ang isang kaeskwela noong elementarya na si Ginoong Gerry Bernabe. Mas una ako ng isang taon sa kanya. Siya na pala ang spokesperson ng CBCP-ECCPC (Catholic Bishops' Conference of the Philippines - Episcopal Commission on Prison Pastoral Care). Siya rin ang agad in-interview ng isang reporter ng TV. Dahil matagal kaming hindi nagkita, binigyan ko siya ng aking librong "Patula ng UDHR" at nagpalitrato kasama siya.

Nagsimula ang isang misa bandang ika-11 ng umaga, at naroroon sa harapan ang limang pari. Ang paring taga-Cotabato ang nagmisa, at Si Fr. Robert Reyes ang siyang nagbigay ng homiliya o sermon.

Matapos ang misa ay nagpahayag ang iba't ibang organisasyon. Nagsalita ang kinatawan ng CADP (Coalition Against Death Penalty) na si Ginoong Rodolfo Diamante, na siya ring spokesperson nito at executive secretary ng CBCP-ECPPC.

Nagsalita din si Maria Socorro I. Diokno, secretary general ng FLAG (Free Legal Assistance Group). Naroroon din at nagsalita si CHR Commissioner Chito Gascon.

Ipinaliwanag ng mga tagapagsalita ang paglagda ng Pilipinas noong Setyembre 20, 2006 sa Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights (na may layuning maalis na ang parusang bitay). Niratipika naman ito noong Nobyembre 20, 2007. At ang muling pagbuhay sa parusang bitay ang paglabag na umano sa Unang Artikulo ng Second Optional Protocol. Sinabi naman ni Ginang Diokno na muli na namang mabubuhay ang FLAG dahil sa pakikibaka laban sa pagbabalik ng parusang bitay.

Habang nakaupo ako roon ay paminsan-minsang lumilingon ako sa likod dahil hinahanap ko ang mga taga-HR groups, sa panig ng TFDP (Task Force Detanees of the Philippines), PhilRights, PAHRA, MAG (Medical Action Group), MTB (Mamamayan Tutol sa Bitay), at iba pa. Ngunit wala ni isa man sa kanila ang naroroon. Ako lang ang naka-t-shirt ng "Human Rights to the Max" na ginamit namin sa konsyerto noong Hunyo 3.

Tinapos nila ang programa sa pamamagitan ng pagpapalipad sa labas ng sampung puting lobo. Matapos iyon ay nagpalitrato kami ng kaibigang Dino Manrique kina Fr. Robert Reyes at CHR Comm. Gascon, na binigyan ko rin ng aklat kong "Patula ng UDHR."

May apat na papel na pinamahagi roon. Bukod sa programa, namahagi ng kanilang pahayag ang CADP, FLAG, at ang Ateneo de Manila University Human Rights Center.

Nais kong sipiin ang ilang mahahalagang punto sa kanilang mga pahayag.

Ayon sa CADP, ang death penalty "is a violation of the right to life", "is cruel, inhuman and degrading treatment", "is tilted against the poor, the marginalized and the most vulnerable sectors of society", "is irrevocable" at "does nothing to prevent crime". Kaya sila'y aaksyon batay sa kanilang mga balakin tulad ng mga sumusunod: (a) Lobby for the non-restoration of the death penalty; (b) Continuing public education program against death penalty; (c) Campaign for the improvement in the criminal justice system; at (d) Encourage a rehabilitative rather then punitive correctional system.

Ayon naman sa pahayag ng FLAG, "In the almost thirteen year period during which the death penalty was implemented, the lives of Leo Echegaray, Eduardo Agbayani, Jose Morallos, Archie Bulan, Dante Piandong, Pablito Andan and Alex Bartolome were forever lost. Yet the combined efforts of deat hrow families, church groups, lawyers, civil society organizations / individuals and of course, the lawmakers, managed to pull off what was thought of as an impossible task - the re-abolition of the death penalty with an almost unanimous vote in Congress. Hence, is is ironic that on this 10th aniiversary of the abolition, President-elect Rodrigo Duterte has called for the re-imposition of the death penalty."

Ayon naman sa AdMU Human Rights Center, "Instead of immediately ending the lives o criminals, one of the focuses of the incoming administration should be on the improvement of Restorative Justice Programs. This needs the full cooperation and functionality of the Bureau of Corrections to re-intorduce and reintegrate the offender as an individual in society."

Magaganda ang kanilang panukala, at ang inyong lingkod naman bilang bahagi ng Human Rights Online at nakasama sa ilang aktibidad bilang human rights defender, ay nakikiisa sa panawagang ito na huwag mabalik ang parusang bitay. Ngunit kung pakakaisipin, dapat ding matigil ang paggawa ng krimen, dahil halos lahat ng may gustong maibalik ang parusang bitay ay yaong may mga mahal sa buhay na pinatay. Ngunit papaano? Mahabang talakayan ito, lalo na't dapat talakayin ang lipunan at mga uring nagtutunggalian dito.

Bakit may mahihirap na nagbebenta ng shabu? Dahil kailangan nilang kumain at mapakain ang kanilang pamilya. Bakit may mayayaman na nagbebenta ng ecstasy? Dahil ba kailangan nilang kumain at mapakain ang kanilang pamilya? Hindi. Marahil tulad ng ibang negosyante, nais nilang magkamal ng tubo at luho.

Subalit ayaw natin ng parusang bitay dahil ang mga nabibitay lamang sa mga nakaraan ay yaong mga mahihirap, habang nakalalaya ang mga mayayaman. Halimbawa na lamang, si Leo Echgaray na mahirap at si Jalosjos na mayaman. Pareho silang naakusahang umabuso ng batang babae. Si Echegaray na mahirap ay nabitay habang si Jalosjos na mayaman ay nakulong ngunit nakalaya na ngayon.

Ngunit kung ang bibitayin ay ang mga mayayamang nang-aapi sa kanyang mamamayan, marahil ay nararapat lamang ang bitay, tulad ng nangyari noong Rebolusyong Oktubre 1917 na binitay ng mga mamamayan ang naghaharing Tsar noon sa Rusya. Binitay din ng mga Communards sa Paris Commune ang mga abogadong nanloloko at nanlalansi sa kanila. Subalit panahon iyon ng matitinding rebolusyon. Pinawi ng aping uri ang uring mapang-api.

Sa ganitong pananaw, maaari ang bitay kung dapat ipanalo ng aping uri ang isang sistemang panlipunang magbibitay sa mga naghaharing uri upang hindi na ito makabalik sa kapangyarihan.

Ngunit sa panahon ngayon, na payapa at walang kumbensyunal na digmaang nagaganap, dahil tangan o kontrolado ng naghaharing uri ang sistemang panlipunan, tiyak na kakampihan nila ang mga nakukulong na mayayaman na marahil ay palalayain pa ng burgesya. At tanging mga mahihirap lamang ang mabibitay. Hindi pantay ang hustisya sa kasalukuyang lipunan. Dapat palitan na ang bulok na sistemang umiiral.

Sabado, Hunyo 4, 2016

Tatlong tulang handog sa programang "Human Rights to the Max"

TATLONG TULANG HANDOG SA PROGRAMANG "HUMAN RIGHTS TO THE MAX"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong tulang sariling katha ang inihandog ng inyong lingkod sa dinaluhang "Human Rights to the Max: Pangkulturang pagtatanghal sa saliw ng mga paninindigan at pagpapatibay ng komitment sa Karapatang Pantao". Idinaos ang aktibidad na ito sa Commission on Human Rights (CHR) Grounds nitong Hunyo 3, 2016, mula ika-6 hanggang ika-12:00 ng gabi.

Ito'y pinangunahan ng human rights community bilang isang fund raising activity para makapag-ambag sa pagpapaopera ni Chairman Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), at sa kinakaharap na atake sa usaping karapatang pantao, tulad ng pagbabalik ng parusang bitay, pagpaslang ng walang proseso ng batas, at ang pagsipol sa isang babaeng mamamahayag (catcalling).

Maraming nagbigay ng awit at mga tula rito, tulad ng Teatro Pabrika, Soulful Band, University of Makati Active, Bayang Barrios, Jun Carlos at Teatro Balagtas, Rod De Vera, at marami pang iba. Marami ding nagbigay ng mensahe, tulad ng isang commissioner ng CHR, Princess Nemenzo, Rene Magtubo, atbp. Binasa ang isang tula sa martial law ni Levy Balgos dela Cruz, at mayroon ding monologo. Naroon din si propesor Apo Chua ng UP. Ang nag-emcee ay sina Egay Cabalitan ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Ate Rose ng PAHRA.

Bandang alas-onse na ng gabi nang ako'y makapagbasa ng aking inihandang tula. Labis akong nagpapasalamat dahil nabigyan ako ng pagkakataong tumula sa ganitong okasyon, at mabigyang buhay ang mga patay na letra sa aking mga kathang tula. 

Sa inilahad na kalagayang kinakaharap ng bansa lalo sa usaping karapatang pantao, mas nadama ko ang tungkulin ng mga makata sa panahon ng ligalig. Hindi kami dapat tumahimik, kaya nang ako'y maimbitahang tumula, ako'y agad na nagpaunlak. Pagkakataon na iyon na hindi ko dapat palampasin.

Naanyayahan akong tumula sa okasyong ito noong magkita-kita kami nina Ate Rose, Ate Jackie at Egay sa ika-55 anibersaryo ng Amnesty International noong Mayo 28, 2016 kung saan binasa ko sa harapan ng madla ang dalawa kong tula hinggil sa karapatang pantao.

Tatlong maikling tula sa tatlong malalaking isyu ng karapatang pantao ang aking pinaglamayan, inihanda at binasa sa harap ng madla doon sa CHR Grounds. Ang tatlong isyung ito'y hinggil sa martial law, sa mga nangawala, at sa bagong pamunuan. Narito ang tatlo kong tula.


NEVER AGAIN SA BATAS-MILITAR
15 pantig bawat taludtod

huwag kalilimutan ang marahas na panahon
na karapatang pantao'y niyurak at nilulon
ng batas-militar kaya masa'y nasa linggatong
ng kaba't poot, kayraming nawala, ikinulong

huwag kalilimutan ang sama-samang pagkilos
upang panahong marahas ay mag-iba ng agos
hinarap ng taumbayan ang rumagasang unos
hanggang mapatalsik ang lintik na nambubusabos

mabuhay ang lahat ng nagsakripisyo't lumaban
sa diktaduryang dahas, yumurak sa karangalan
ngunit bagong elit ang kumubkob sa pamunuan
bagong burgesyang tadtad din ng mga kabulukan


ILANTAD SI SOMBATH SAMPHONE
13 pantig bawat taludtod

awardee siya ng Gawad Ramon Magsaysay
ngunit sa kanyang pamilya siya'y nawalay
nang dinukot ng animo'y bakal na kamay
ebidensyang CCTV'y magpapatibay
dapat ilantad si Sombath na sana'y buhay
at kung hindi man, nahan na ang kanyang bangkay

sa bansang Laos, siya kaya'y nakakulong
o patay na’t tayo’y baon na sa linggatong
sinong saksing maaaring makapagsuplong
lalo't karapatan na ang dinadaluyong
desaparesido siyang naglaho ngayon
ating isigaw: ilantad si Sombath Samphone!


KAMAY NA BAKAL
15 pantig bawat taludtod

malaking problema kung mismong nasa pamunuan
ay di nauunawa ang pantaong karapatan
patay dito, patay doon, bugso ng kamatayan
para naman daw maging payapa ang taumbayan

tama bang namumuno sa pambibistay masanay
para raw sa kapayapaan, uutas ng buhay
di na daraan sa proseso, may dugo ang kamay
ganito bang paraan ang wasto, kita'y magnilay

kung iiral ay ganyan, saan na tayo patungo
mananahimik na lang ba't di na tayo kikibo
di ba't di wasto kung tao'y basta pinapaglaho
di ba't di kapayapaan kung ligalig ang puso

kung basta na lang mamamaslang ang kamay na bakal
siya'y pusakal ding higit pa sa laksang pusakal
Ito ang imbitasyon galing sa Human Rights community.