Lunes, Disyembre 11, 2017

Human Rights Walk 2017, mula CHR hanggang Mendiola

Human Rights Walk 2017

Disyembre 10, 2017, araw ng Linggo. Nagising ako kong ika-5 ng umaga, at agad na naghanda para sa paglalakad. Ika-5:45 ay naroon na ako sa CHR, sa tapat ng rebulto ni Ka Pepe Diokno sa CHR. Wala pa ang rebulto ni Ka Pepe noong nakaraang taon, kundi signboard ng CHR. Binuwag na ang pader at ang signboard, kaya sa mismong tapat na ng rebulto ako naghintay. 

Di makararating si Ron Solis na nakasama ko last year, at kasama ko rin sa Climate walk, dahil nasa Baguio siya. Wala nang ibang nag-confirm, kaya sinimulan ko na ang paglalakad ng bandang 6:10 am mula sa rebulto. Binaybay ko ang circle, at ang kahabaan ng Quezon Avenue. Nakarating ako ng Welcome Rotonda bandang ika-8:25 am, kung saan naroroon na rin ang IDefend. Last year ay sumalubong pa si Alan Silayan, kasama rin sa Climate Walk, bago mag-Welcome. 

Nagkaroon ng munting programa sa Welcome at isa ako sa pinagsalita. Sinabi kong ang Human Rights Walk ay isa ring adbokasya, tulad ng ginawa namin noon sa Climate Walk noong 2014 na paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban mula Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng naganap na bagyong Yolanda.

Ikasiyam ng umaga ay nagmartsa na kami patungong Mendiola. Habang naglalakas ay nakilala ko si Mam Silvia Umbac ng CHR na tumulong sa paghawak ng tarp na aking dala. At kakilala rin pala niya ang kaibigan kong nasa CHR na rin, si Dado Sta. Ana, na kasama ko sa history group na Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). 

Nakarating kami sa Mendiola ng bandang ika-11 ng umaga dahil hinintay pa naming matapos ang ibang grupong naunang magprograma roon. Madagundong ang hiyaw ng mga kasama, "Karapatan, Hindi Karahasan!" "Kabuhayan, Hindi Patayan!" "Yes to Life, No to EJK!"

Alas-dose ay kailangan ko nang umalis bagamat di pa tapos ang programa upang dumalo sa klase ko sa labor paralegal. - greg






Lunes, Setyembre 18, 2017

Maraming salamat sa mga sumuporta sa aklat na LEAN ALEJANDRO

Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na LEAN ALEJANDRO noong Sabado, Setyembre 16, 2017, sa UP Diliman habang nagaganap ang The Great Lean Run 2017. Mabuhay kayo!

 

Miyerkules, Setyembre 13, 2017

Salamat sa mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na Macario Sakay, Bayani

Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na Macario Sakay, Bayani, kaninang umaga, Setyembre 13, 2017, kasabay ng ika-110 anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Macario Sakay. Mabuhay kayo!





Miyerkules, Setyembre 6, 2017

Paunang Salita sa aklat na Lean Alejandro

Paunang Salita 
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mula Lean The Musical hanggang The Great Lean Run

Marahil ay naririnig ko lang siya noong nagsisimula pa lang akong aktibista noong maagang bahagi ng 1990s subalit hindi ko siya kilala. Nalaman ko lamang ang tungkol sa kanya dahil sa Lean The Musical na pinanood ko, kasama ang iba pang kasama, noong taon ng 1997, sampung taon nang namamatay si Lean, at ako'y kasalukuyang staff ng Sanlakas.

Noong 2012 ay nabatid kong ika-25 anibersaryo ng kamatayan niya, kaya may ilang tula ako hinggil kay Lean noong 2012.

Noong 2016 ay inanunsyo sa facebook ang hinggil sa The Great Lean Run. Nais kong maging bahagi nito. Binasa ko ang mga nakasulat, at nakita kong may bayad na P800 ang mga nais lumahok. Di ko kaya kung hindi ko gagawan ng paraan, dahil isa akong pultaym na tibak, na ang alawans ay bihirang dumating. Magaling lang akong dumiskarte dahil may munting bisnes akong paglalathala at pagtitinda ng aklat.

Kaya ang ginawa ko'y nagpatalastas ako sa aking wall sa facebook, na kung maaari bang sampung tula na lang ang aking iambag, imbes na magbayad ako para lang makasali. Nunit iyon ay pagbabakasakali, pakapalan ng mukha. Dahil lang sa pagnanais na maging bahagi ng kasaysayan, at may maisulat. 

Isang araw ang lumipas. May nakarinig naman. Isang kakilala sa mga rali at mga pagtitipon ng mga tibak. At ini-share niya iyon sa mga organiser na kakilala rin niya.

Tinulungan ako ni Ruben Felipe ng Samasa at ka-fb ko na ma-link ako sa mga organizer ng The Great Lean Run 2016. Ang natatandaan kong sinabi ko noon, imbes na magbayad ako ng P800 bilang participant, "Maaari bang ibayad ko po ay sampung tula?" at pumayag naman ang mga organisador. Nagkaroon kami ng thread sa messenger nina Ruben Felipe, Norie Castro at Eileen Matute. Pinapunta ako sa UP upang kunin ang aking race kit, kasama na ang tshirt at numero. Si Eileen ang nagbigay niyon sa akin. Ang aking numero ay 150 kaya nasa unang pangkat ako ng mga tumakbo sa The Great Lean Run noong Nobyembre 12, 2016. Sa kanila’t taos-pusong pasasalamat.

Isang taon makalipas ay ilulunsad muli ang The Great Lean Run 2017, at nakatakda itong gawin sa Setyembre 16, 2017, araw ng Sabado, at tatlong araw bago ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Lean.

Panahon naman ng pagtupad sa pangako. Ika nga sa Kartilya ng Katipunan: "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." Kaya sa darating na The Great Lean Run 2017 ay dapat nagawa ko na ang sampung tula, o higit pa, na ipapaloob ko sa isang zine. Subalit sa katagalan ay naisip kong hindi na lang zine ang aking gawin kundi isang munting aklat na. 

Inaamin ko, ang proyektong ito'y hindi sinasadya. Kung hindi dahil sa The Great Lean Run ay hindi ko pa ito mapoproyekto. Noong una'y isang zine lamang ang nais kong gawin, isang back-to-back na short bond paper na naglalaman ng mga tula. Subalit nakita kong hindi sapat ang sampung tula, dahil tiyak na hahanapin ng mga tao ang talambuhay ni Lean. Kaya humaba ang mga saliksik, at hindi na sapat ang zine, kundi isa nang maliit na libro. Kaya nitong ilang buwan ay sinimulan ko nang ayusin ang aklat na ito. Kasama na sa aklat ang talambuhay ni Lean at mga salin ng ilang akda hinggil sa kanya. Isinama ko na rin ang salin ng kanyang liham sa isang propesor ng UP. 

Karamihan ng tulang narito ay nalikha matapos ang The Great Lean Run 2016, bagamat may ilang tulang sinulat noong 2012, na siyang ika-25 anibersaryo ng kamatayan ni Lean.

Sa aklat na ito'y mahigit sampung tula ang aking nagawa. Hindi ko na binilang na umabot iyon ng sampu, basta't sa proseso ang ginawa ko'y sulat lang ng sulat, saka ko na iisipin kung umabot ba ng sampu. 

Isang pagpupugay kay Ka Lean Alejandro ang aklat na ito. Nawa ang munting ambag na ito'y makatulong munti man sa pagmumulat sa sinumang makababasa, na sa pagkakaisa, sama-sama, at pagiging matatag sa pagkilos ay may magagawa tayo. Ang buhay, pakikibaka, at sakripisyo ni Lean Alejandro ay dapat maikwento sa kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon.

Nakapaglathala na rin ako ng iba pang aklat hinggil sa mga kilalang rebolusyonaryo sa kasaysayan. Nauna na rito ang Macario Sakay, Bayani, na ang unang edisyon ay inilunsad sa UP Manila sa mismong sentenaryo ni Sakay noong Setyembre 13, 2007. Wala pang rebulto si Sakay noon, at nanawagan ako sa aklat na magkaroon siya ng rebulto at ipangalan ang isang mayor na lansangan sa kanya. Noong Setyembre 13, 2008 ay natupad ang pangarap na iyon at itinayo na ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, malapit sa Plaza Moriones. Nitong Setyembre 13, 2017 ay inilunsad naman ang ikalawang edisyon ng Macario Sakay, Bayani sa Plaza Morga sa Tondo.

Ang ikalawang aklat ng kilalang rebolusyonaryo na aking inilathala ay ang Ka Popoy: Working Class Hero, na inilunsad noong Pebrero 6, 2009, sa Bahay ng Alumni kung saan napaslang si Filemon "Ka Popoy" Lagman, ang pambansang pangulo noon ng kinabibilangan kong organisasyong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Noong Pebrero 6, 2001 napaslang si Ka Popoy ng mga di pa nakikilalang mga salarin.

Ang ikatlo ay ang talambuhay at salin ng mga akda ni Ernesto “Che” Guevara, isang rebolusyonaryong taga-Argentina na tumulong sa tagumpay ng rebolusyong Cubano, kasama ang dakilang Fidel Castro, noong 1959. Ngayong 2017 ay ginugunita naman ang ika-50 anibersaryo ng kanyang kamatayan. Namatay siya sa pakikibaka sa Bolivia. Ayon sa isang balita, ang pumaslang sa kanyang si Sgt. Mario Teran ng Bolivian army ay nabiyayaan ng libreng gamutan sa Cuba dahil sa sakit sa mata na muntik nitong ikabulag.

Ang ikaapat ay ang Liwanag at Dilim, na pawang mga sulatin ng bayaning Katipunerong si Gat Emilio Jacinto, Disyembre 2010, at muling inilunsad noong Disyembre 15, 2015, sa ika-140 kaarawan ni Jacinto.

Ang ikalima ay ang Bonifacio 150 na inilunsad noong Nobyembre 30, 2013, kasabay ng ika-150 kaarawan ng bayani at Supremong si Gat Andres Bonifacio.

At ito ang ikaanim, ang aklat hinggil kay Lean Alejandro.

May mga kasunod pa akong proyekto. At ang plano ay ang paglathala ng aklat ng kasaysayan, sanaysay at mga tula hinggil kay Lenin at sa Rebolusyong Bolshevik para sa ika-100 taon ng tagumpay ng Great October Revolution sa Rusya ngayong 2017. Nakaplano na rin ang paglalathala ng talambuhay, mga tula kay Karl Marx, at salin ng ilan niyang akda para sa kanyang ika-200 kaarawan sa Mayo 5, 2018. 

Planong aklat hinggil kay Teodoro Asedillo, isang gurong dapat gawing bayani ng sariling wika, organisador ng manggagawa, rebolusyonaryo, at ang kanyang buhay ay isinapelikula na ni Fernando Poe Jr. May isa na akong artikulo sa kanya, na nagdala sa akin at sa aking mga kasama upang makilala ang kanyang anak na si Lola Rosa. Nakadaupang-palad namin si Lola Rosa noong Enero 5, 2014, at sa ika-79 na kaarawan nito noong Enero 21, 2014 sa kanilang tahanan sa Laguna.

Planong aklat hinggil kay Crisanto Evangelista. May isa na akong nasulat na artikulo sa kanya. At may kopya na ako ng dalawa niyang akda, isang mahabang sanaysay hinggil sa manggagawa at isang mahabang tulang pinamagatang "Sigaw ng Dukha". May tatlo pa siyang sulatin na pamagat pa lang ang nasa akin at wala pa ang buong teksto. Kung masasaliksik ko ang buong teksto ng tatlo pa niyang akda ay agad kong isasalibro ang mga iyon.

Planong aklat hinggil kay Gregoria “Oriang” De Jesus, Lakambini ng Katipunan at asawa ni Gat Andres Bonifacio, na ang ika-75 anibersaryo ng kamatayan ay sa Marso 15, 2018.

Planong aklat na Heneral Luciano San Miguel. Si San Miguel ang isa sa dalawang heneral ng rebolusyong Pilipino noong Digmaang Pilipino-Amerikano na namatay sa digmaan. Ang isa pa ay si Heneral Gregorio Del Pilar. Habang sinusulat ito ay tinatapos ko ang artikulong "Kung bakit dapat isapelikula ang buhay ni Heneral Luciano San Miguel" na ang ideya ay nakuha ko dahil sa pagsasapelikula ng buhay ni Heneral Antonio Luna. Planong ilunsad ang aklat sa susunod na taon, Marso 27, 2018, kasabay ng ika-115 taon ng kamatayan ng heneral.

Nakaharap ko ang isa sa mga apo ni Heneral Licerio Geronimo noong Mayo 10, 2016, isang araw pagkatapos ng Halalan 2016. Bago iyon ay sumama ako sa dalawa pang kasapi ng aking grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) sa pagtungo sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, dahil iyon ang araw ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio. Ang Kweba ng Pamitinan ang isa sa pinagkutaan nina Bonifacio, at noong Abril 19, 1895, ay dito nila isinagawa ang kanilang unang sigaw. Nang umalis na kami roon ay nagyaya ang isa kong kasama na dalawin ang apo ni Heneral Geronimo. Pumayag kami, at interesado rin ako dahil malapit sa aming bahay sa Sampaloc, Maynila ang Heneral Licerio Geronimo Elementary School. 

Nakausap namin ang apong si Mang Edgardo, subalit sabi niya’y hindi naman tinataguyod ng iba pa niyang kamag-anak ang kabayanihan ng kanilang lolo. Nakita ko rin sa bahay nila ang marker ng kabayanihan ni Heneral Licerio Geronimo dahil siya ang tanging heneral na Pilipino na nakapatay sa isang heneral na Amerikano, si Major General Henry W. Lawton, sa tinaguriang Battle of San Mateo (San Mateo, Rizal), na ang pinangyarihan ay sakop na ng Lungsod Quezon. Pag-uwi ko ay inilagay ko sa facebook ang ilang litrato at pinuna ako ng isang kasama. Si Heneral Geronimo ay sumuko sa mga Amerikano nang sumuko si Heneral Aguinaldo, at isa si Heneral Geronimo sa mga tumugis kay Heneral Luciano San Miguel hanggang sa mapatay si San Miguel sa Coral na Bato. Nagsaliksik akong muli, at nabasa ko nga ang  kanyang istorya. Sa ngayon ay wala pa akong planong aklat hinggil sa kanya dahil siya nga ang isa sa mga tumugis kay Heneral San Miguel.

Isa pa sa mga dapat pagkunutan ng noo at gawing aklat ay ang Philippine-American War mula 1899-1913, ayon sa saliksik ng Philippine Historical Association (PHA),  at hindi 1899-1902 ayon sa mga Amerikano.

Sa lahat ng mga aklat-pangkasaysayan na ginagawa ko'y tinitiyak kong may katha akong tula para sa mga bayaning iyon, dahil pagtula naman ang isa sa kinagigiliwan kong gawin.

Ang aklat na ito tungkol kay Lean Alejandro ay isang ambag at dagdag sa marami pang sulatin hinggil sa buhay at pakikibaka ng masang anakpawis para sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang ang lahat ay nakikinabang sa bunga ng paggawa at sa bigay ng kalikasan.

Sa pamamagitan na rin ng aklat na ito na ginugunita ang ika-30 anibersaryo ng pagkapaslang kay Lean ay nais ko ring ipanawagan na magkaroon ng isang bulwagan sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas na maaaring tawaging Lean Alejandro Hall, at magkaroon din ng rebulto para kay Lean.

Ang isa sa mga nakasama ni Lean sa pakikibaka laban sa diktadurang Marcos ay si Jose "Pepe" W. Diokno na magkakaroon ng rebulto sa harap ng Komisyon ng Karapatang Pantao (CHR). Ayon kay CHR Chairperson Chito Gascon noong Agosto 30, 2017, International Day of the Disappeared, na pasisinayaan ang rebulto ni Ka Pepe Diokno sa Setyembre 21, 2017, kasabay ng ika-45 anibersaryo ng batas-militar.

Taos-pusong pasasalamat ang aking ipinaaabot sa mga bumubuo ng The Great Lean Run 2016 na pumayag na sampung tula ang aking ibayad sa aking paglahok imbes na salapi, na dahil ako'y pultaym sa kilusan ay hindi ko agad maiipon sa maikling panahon.

Sa huli, isang taas-kamaong pagpupugay sa bayani ng bayan! Mabuhay si Gat Lean Alejandro! Mabuhay ang mga aktibista at lahat ng nakikibaka para sa isang lipunang walang pagsasamantala!

Setyembre 6, 2017
Sampaloc, Maynila

Martes, Setyembre 5, 2017

Ang tsinelas ni Lean at ang taunang The Great Lean Run

ANG TSINELAS NI LEAN AT ANG TAUNANG THE GREAT LEAN RUN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa mga ipinalabas na poster hinggil sa The Great Lean Run ay kapansin-pansin ang mukha ni Lean Alejandro na nasa loob ng isang tsinelas. Maganda ang itsura ng poster at sa loob ng tsinelas ay naroon ang nakapangalumbabang si Lean. Ngunit bakit ganuon ang poster? Kung The Great Lean Run iyon ay dapat sapatos dahil pantakbo ang sapatos, at hindi ang tsinelas.

Hanggang mapaisip ako sa itsura ng poster. Bakit nakapaloob ang mukha ni Lean sa anyong tsinelas? Bakit hindi sa isang sapatos dahil nga Lean Run, pagtakbo? Anong kaugnayan ng tsinelas sa kanya bilang tao? Ang tsinelas ba ay sagisag ng kanyang pagiging makamasa o makamahirap pagkat kadalasang ang mga nakatsinelas ay ang masa't mahihirap?

Kay Lean Alejandro ba natuto ang dating alkalde ng Lungsod Naga at naging kalihim ng DILG (Department of Interior and Local Government) na namayapang si Jessie Robledo? Kilala rin si Robledo sa kanyang tsinelas leadership, dahil lagi rin umano siyang nakatsinelas sa pagpunta niya at pakikisalamuha sa masa, lalo na sa paglalakad papunta sa mga liblib at maputik na komunidad. Sa ngayon ay may ginagawaran ng Tsinelas Leadership Award ang Jesse M. Robredo Foundation, Inc. para sa mga magagandang isinagawa o best practices sa mga kanayunan.

May naitayo pa ngang Tsinelas Association Inc. na ang layunin ay magbigay ng tulong pang-edukasyon sa mga mahihirap na estudyante sa mga barangay sa kabundukan at mga liblib na lugar sa Cebu. Tsinelas ang ginamit nilang pangalan dahil naniniwala silang angkop na simbolo ang isang pares ng mga tsinelas sa layunan ng samahan na magbigay ng kaginhawahan sa mga batang nangangailangan at tiyakin na ang kanilang karapatan sa edukasyon ay iginagalang.

Naalala ko tuloy ang kwento ng tsinelas na isinalaysay ng makatang Rio Alma at ang magkaibang liriko ng awiting Tsinelas ng Yano at awiting Tsinelas ng grupong Kamikazee. Makahulugan ang tula at mga awit.

Sa Yano ay ganito ang liriko:

Mang kulas
Pabili nga ng tsinelas
Pudpod nat gasgas
Baka mapigtas tong luma kong tsinelas
Tong luma kong tsinelas
Tong luma kong tsinelas
Tong luma kong tsinelas

Sa bandang Kamikazee naman ay ito:

Nasan na kaya?
Nandito lang kanina,
Hinanap ko na sa lahat
Pero di ko parin makita,
Wala sa kwarto..
Wala sa banyo..
Iniwan dito..baka kinuha mo!!!!

Nasan ang chinelas ko!!!!!?????
(Ewan kooo!!!!)
Nasan ang chinelas ko???!!!!
Tsinelas ko
Tsinelas ko
Tsinelas ko 

Maraming mga tanong na dapat hanapan ng kasagutan. Nagsaliksik ako hanggang sa makita ko ang artikulong "Lean Alejandro's tsinelas revolution" sa internet at sinulat ng kanyang matalik na kaibigang si Patricio N. Abinales. Meron palang tinatawag na "tsinelas charm" na isa sa subtitle ng nasabing artikulo. 

Ayon sa nasabing artikulo, paboritong magtsinelas ni Lean Alejandro habang nakikisalamuha sa mga tao, at maging sa pagpasok sa UP. Imbes na sandalyas na nauso noon ang ginamit ni Lean ay tsinelas. Kumbaga ay winasak ni Lean ang normal na pagsasandalyas ng mga tibak. 

Subalit sinabihan naman siya ng kanyang mga kasama, na ang tsinelas ay panloob na gamit lamang sa tahanan, o kaya ay sa malapit lang sa bahay, halimbawa’y pupunta ng tindahan o sa hardin. Ngunit hindi sa eskwelahan, lalo na’t si Lean ay isang lider-estudyante.

Ngunit pinatunayan ni Lean na mali sila, dahil imbes na mainis ang iba sa kanyang tsinelas ay naglalapitan pa ang mga ito upang alamin kung paano niya napanatili ang ganda ng kanyang mga daliri at kuko sa paa. May mga nagsasabi pang tila may mahusay siyang manikurista o may mata siyang tulad sa manikurista dahil sa ganda ng mga kuko sa paa.

Nasa nagdadala iyan, marahil ay nasa isip ni Lean. Ginamit ni Lean ang kanyang tsinelas, o kaya’y nakatsinelas siyang palagi habang nagbibigay siya ng mga pampulitikang pahayag sa rali o pampulitikang pag-aaral. Hanggang matagpuan ng kanyang mga kasama na nakahahalina lalo na sa mga kababaihan ang mga paang tulad ng kay Lean. Kaya si Lean at ang kanyang suot na tsinelas ay malakas ang dating sa mga kolehiyala, di lamang sa Maynila kundi maging sa Cebu, upang sumama sa mga layuning aktibista.

Minsan nga raw ay may nagtanong sa kanyang magandang kolehiyala kung saan makakakuha ng aklat ni Lenin na “What To Do?” na kanya pang itinama na iyon ay “What Is To Be Done?” at binulungan ni Lean ang kanyang kasama, “Maaaring manalo na tayo sa rebolusyon, tingnan mo ang mga magagandang kolehiyalang burgis na sumasama sa atin!”

Noong siya’y nangangampanya upang maging kongresista ng Malabon-Navotas ay naglakad siyang nakatsinelas, nilakad ang mga binabahang lugar ng nakatsinelas, makadaupang-palad lamang ang mga mahihirap.

Tunay nga na ang tsinelas ay isang simbolo, hindi ng kahirapan, kundi ng pagiging makatao sa mga dukha, sa mga manggagawa, at mga api sa lipunan. At ang tsinelas leadership ni Lean Alejandro ang ginamit ng nangangasiwa ng taunang The Great Lean Run bilang sagisag ng kanyang pagiging mapagkumbaba at mahinahong lider ng bayan, at ito’y mahalagang sangkap sa pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng mga mahihirap nating kababayan.

5 Setyembre 2017

Lunes, Setyembre 4, 2017

Si Pangulong Macario Sakay

SI PANGULONG MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat nga bang kilalaning ikaapat na Pangulo ng ating bansa si Macario Sakay? Kung susuriin ang mga pangyayari sa kasaysayan, dapat na igawad kay Macario Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya bilang ikaapat na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Noong panahong iyon, panahon ng mga Kastila, ang tinatawag na Filipino ay ang mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas, kaya para sa mga Katipunero, may bahid ng kolonyalismo ang katawagang Filipino, kaya imbes na Pilipinas ang ginamit nila bilang bansa, ay tinawag nila iyong Haring Bayang Katagalugan (sa panahon ni Pangulong Andres Bonifacio) at Republika ng Katagalugan (sa panahon ni Pangulong Macario Sakay).

Pinatutungkulan nila ang Katagalugan, hindi bilang rehiyon ng mga Tagalog (o Timog Katagalugan), kundi ang lahat ng "tumubo sa sangkapuluang ito" o sa buong bansa. Patunay dito ang nakasulat sa dokumento ng Katipunan na "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang ito na: "Sa salitang Tagalog katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid, Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.

Maraming historyador ang kumikilala kay Gat Andres Bonifacio bilang Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Noong Agosto 24, 1896, nang pinunit nina Bonifacio ang sedula, na siyang tinatawag na "Pagsilang ng Bayan (Birth of the Nation)" hanggang siya'y paslangin noong Mayo 10, 1897, si Gat Andres Bonifacio ang pangulo ng Haring Bayang Katagalugan. Ang samahang Katipunan ay naging pambansang pamahalaan.

Si Heneral Emilio Aguinaldo ang opisyal na kinikilalang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas, at kung si Bonifacio ay kikilalanin bilang opisyal na Pangulo ng Pilipinas, si Aguinaldo ang ikalawa. 

Pumalit na pangulo kay Aguinaldo si Heneral Miguel Malvar nang mahuli sa Palanan, Isabela si Aguinaldo. Naging pangulo si Heneral Malvar mula Abril 1, 1901 hanggang siya'y sumuko sa mga Amerikano noong Abril 16, 1902.

At ang ikaapat na pangulo ay si Heneral Macario Sakay, na naging Pangulo ng Republika ng Katagalugan noong Mayo 6, 1902 hanggang Hulyo 14, 1906 (ang petsa ng pagbaba nina Sakay mula sa bundok at nakipagkita sa mga Amerikano dahil sa pag-asang magkaroon ng Pambansang Asamblea.)

Matagal na panahong hindi kinilala ang tulad ni Sakay dahil sa propaganda ng mga Amerikano na siya'y tulisan, at dahil na rin sa Bandolerismo Act of 1902 (na sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan ay ituturing na bandido ng mga Amerikano kaya dapat dakpin).

Darating ang panahong kikilalanin ding ikaapat na pangulo ng Republika ng Pilipinas si Pangulong Macario Sakay. Subalit dapat natin itong pagsikapang maisakatuparan. At ito ang isa sa ating mga tungkulin bilang tagapagtaguyod ng kasaysayan ng bayan.

4 Setyembre 2017

Mga Pinaghalawan:
Bandoleros: Outlawed Guerillas of the Philippine-American War 1903-1907, by Orlino A. Ochosa

Martes, Agosto 29, 2017

Si Lean bilang sosyalista

SI LEAN BILANG SOSYALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi lamang simpleng makabayan si Lean Alejandro, kundi isa siyang sosyalista. Kaya hindi maikakahon si Lean sa pakikibaka hanggang pambansang demokrasya, ngunit mas malalim pa. Tatlong patunay ang maaari kong sabihin kung bakit sosyalista, at hindi lamang makabayan, si Lean Alejandro. Ang isa ay mula sa kanyang talambuhay na nasa wikipedia. Ang ikalawa ay mula sa kanyang kaibigang si Jojo Abinales sa artikulong "Lean Alejandro's tsinelas revolution". At ang ikatlo ay ang pakahulugan ni Lean kung ano ang isang sosyalista. 

Sa una ay ganito ang pagkakasalaysay: "According to Vitug, Lidy eventually formed her views on socialism and believed it was a better alternative to the capitalist system. Lidy and Lean both became socialists and this common ground that they shared made their love for each other grow even more." ("Ayon kay Vitug, nabuo ni Lidy ang kanyang mga pananaw sa sosyalismo at naniniwala siyang ito ang mas mahusay na alternatibo sa kapitalistang sistema. Sina Lidy at Lean ay kapwa naging sosyalista at ang karaniwang dahilan nito'y ang kanilang lumalagong pag-ibig sa isa't isa."

Nagkakaisa ang mag-asawang Lean at Lidy sa pananaw ng isang sosyalistang lipunan bilang alternatibo sa mapagsamantalang kapitalismo. Kaya ito ang mayor nilang pinagkakaisahang ipaglaban, hindi lamang ang bayan, kundi pagbabago ng sistema ng lipunan.

Ayon naman kay Jojo Abinales: "For this (as well as his taste for Johnny Walker Black Whiskey – another Nemenzo favorite), Lean was criticized for being unproletarian. He accepted these reproaches quietly, and when his detractors were out of hearing range, gave me this long-winded excuse – one can be an aspiring socialist, while also retaining the bourgeois refinements of taste. “After all Jo, look at Karl Marx’s lifestyle! True, he did attack capital, but he was also drawn to the cultural refinements it spawned” – words to that effect." ("Para sa mga ito (pati na rin ang kanyang panlasa sa Johnny Walker Black Whiskey - na isa pang paborito ni Nemenzo), pinuna si Lean dahil sa pagiging hindi proletaryado. Tinanggap niya nang tahimik ang mga pakahulugang ito, at nang hindi na naririnig ng mga pumupuna sa kanya, ay binigyan niya ako ng mahaba-habang dahilan - Ang isang tao'y maaaring maging isang sosyalista, habang pinapanatili rin ang burges na mga kapinuhan ng panlasa. "Gayundin naman, Jo, tingnan ang pamumuhay ni Karl Marx! Totoo, inaatake niya ang Kapital, ngunit nakinabang din naman siya sa mga kultural na mga pagpapabuti na isinagawa nito" - sa mga gayong pananalita."

At ang ikatlo ay ang pakahulugan ni Lean kung ano ang isang sosyalista. 

"The socialist man must know how to compute the distance of the stars, how to differentiate a fish from a shark, a mammal from a reptile. He must know how to distill wine into liquor and how to arrive at e=mc2. He must know how to cook bacon, butcher a pig and roast a lamb. He must be capable of leading armies into battle. He must know how to follow orders, give orders and he must know when to disobey them. He must be able at debate, at lobbying, at open struggle. He must know how to analyze difficult political situations, how to get out of one and how to convince others that they must do the same. He must know how to sail a ship, dig a latrine, construct a pigsty, wash clothes, wash dishes, plan an offensive, plan a retreat, mix martinis, drink martinis, differentiate brandy from whisky, keep quiet, participate, take care of babies, manage a state bureaucracy, soothe pain, comfort the sorrowful, maintain his composure in hot water, when to watch, when to participate, repair appliances, maintain a car, purge revisionists, ride a horse, run from a bull, swim, play tennis, drown gracefully, sink with his ship with honor along with the mice, discuss Mao, debunk Zinoviev, ridicule Stalin, appreciate a beehive, raise chickens, cook chickens, play boogle (respectably), correctly read Mabini, recruit members into the movement, motivate members to struggle, host a party, play at least one musical instrument, be critical, self-critical, honest... The socialist man is the total man. Specialization is for ants."

("Dapat mabatid ng sosyalistang tao kung paano kinakalkula ang distansya ng mga bituin, kung paano pinag-iiba ang isang isda sa isang pating, ang isang hayop sa isang reptilya. Dapat alam niya kung paano dalisayin ang tuba sa lambanog at kung paano makarating sa e = mc2. Dapat niyang malaman kung paano magluto ng bacon, magkatay ng baboy at mag-ihaw ng tupa. Dapat may kakayahan siyang pamunuan ang mga hukbo sa labanan. Dapat alam niya kung paano sundin ang mga atas, magbigay ng mga atas at dapat alam niya kung kailan susuway. Dapat may kakayahan siyang makipagbalitaktakan, sa pag-lobby, sa lantarang pakikibaka. Dapat alam niyang magsuri ng mahihirap na sitwasyong pampulitika, kung paano makalabas dito at kung paano kumbinsihin ang iba na dapat nilang gawin din ang gayon. Dapat alam niya kung paano ilayag ang barko, maghukay ng isang palikuran, bumuo ng silungan ng baboy, maglaba ng damit, maghugas ng pinggan, magplano ng opensiba, magplano ng pagtakas, paghalo ng martinis, uminom ng martinis, pag-ibahin ang brandy sa whisky, manatiling tahimik, lumahok, alagaan ang mga sanggol, pamahalaan ang isang burukrasya ng estado, pagtiisan ang sakit, aliwin ang nalulungkot, panatilihin ang kanyang pagpipigil sa mainit na tubig, kailan manonood, kailan lalahok, pagkumpuni ng mga kagamitan, alagaan ang isang kotse, purgahin ang mga rebisyunista, sumakay sa kabayo, takbuhan ang isang toro, lumangoy, maglaro ng tennis, malunod nang mayumi, lumubog kasama ang barko nang may karangalan kasama ang mga daga, talakayin si Mao, pabulaanan si Zinoviev, libakin si Stalin, pahalagahan ang isang bahay-pukyutan, mag-alaga ng manok, magluto ng manok, maglaro ng boogle (ayon sa pagkakasunod), maayos na basahin si Mabini, mangalap ng mga kasapi ng kilusan, ganyakin ang mga miyembro na makibaka, mag-ayos ng isang piging, tumugtog ng kahit isang instrumento sa musika, maging kritikal, pumuna sa sarili, tapat ... Ang sosyalistang tao ay ang kabuuang tao. Ang espesyalisasyon ay para lang sa mga langgam.")

Anupa't si Lean Alejandro ay masasabi nating tunay na sosyalista, na kung nabubuhay siya ngayon ay ipaglalaban niya ng lantaran ang sosyalismo bilang alternatibo sa lipunang kinapapalooban natin ngayon, na mapangyurak, maka-kapitalista, maka-burgesya at mapagsamantala. Nangangarap ang sosyalistang si Lean ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, at isang lipunang nakikinabang ang lahat, di lang ang iilan, sa yamang dulot ng paggawa.

Mabuhay si Lean Alejandro! Mabuhay ang sosyalismo!

29 Agosto 2017

Linggo, Agosto 27, 2017

Si Lean Alejandro at ang Lord of the Rings

SI LEAN ALEJANDRO AT ANG LORD OF THE RINGS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung nabubuhay lang si Lean Alejandro, tiyak na matutuwa siya sa pagsasapelikula sa tatlong bahagi o trilogy ng The Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien, sa direksyon ni Peter Jackson. Napanood ko ang tatlong ito. Ang unang bahagi ang Fellowship of the Rings (2001), ang ikalawa'y ang Two Towers (2002), at ang ikatlo'y ang Return of the King (2003).

Ayon sa isang saliksik, "The future of civilization rests in the fate of the One Ring, which has been lost for centuries. Powerful forces are unrelenting in their search for it. But fate has placed it in the hands of a young Hobbit named Frodo Baggins, who inherits the Ring and steps into legend. A daunting task lies ahead for Frodo when he becomes the Ringbearer - to destroy the One Ring in the fires of Mount Doom where it was forged." (Ang kinabukasan ng sibilisasyon ay nakasalalay sa kapalaran ng Isang Singsing, na nawala sa loob ng maraming dantaon. Ang mga makapangyarihang pwersa ay walang tigil sa kanilang paghahanap dito. Ngunit inilagay ito ng tadhana sa kamay ng isang batang Hobbit na nagngangalang Frodo Baggins, na nagmana ng Singsing at humakbang sa mga alamat. Napasan sa balikat ni Frodo ang pagwasak sa Isang Singsing sa apoy ng Bundok ng Mordor kung saan ito nabuo - nang siya na ang natalagang tagapangalaga ng Singsing.)"

Maraming nagsulat kung gaano nakahiligang basahin ni Lean ang nobelang ito. At may ilan akong pinaghalawan ng pagkagiliw ni Lean sa Lord of the Rings. Mas klarado itong naisulat ni Lean sa kanyang propesor na si Rita Estrada ng Kagawaran ng Sikolohiya ng UP habang nakapiit pa siya sa Camp Ipil Detention Center. At nabanggit din ito ng kanyang kaibigang si Jojo Abinales.

Ngunit bago iyon, may mga payo ang kritikong si Virgilio S. Almario, na aking guro sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang samahan ng mga makata, mahalaga sa pagsusuri ang "pagtitig" sa akda, dahil marami ka umanong makikitang kahulugan, na maaaring batay sa kasaysayan, o maging sa iyong sariling karanasan, bukod pa sa karanasan ng sumulat nito. Ginamit namin ang payo niyang iyon sa pagsusuri ng mga tula at iba pang akda.

Sa ngayon, maaari kong sabihing ang sinulat ni Lean hinggil sa Lord of the Rings ay maaaring ihalintulad sa karanasan niya sa buhay. Halina't baybayin natin ang ilang talata sa kanyang liham sa kanyang propesor na si Dr. Rita Estrada ng UP Psychology Department. Ito ang kanyang isinulat sa ikapitong talata:

"We must avenge the dead and the dying victims of dictatorship in no uncertain terms but I think it would do us some good to remember the words of Gandalf when he said -- 'Many that live deserve death. And some that die deserve life. Can you give it to them? Then do not be too eager to deal out death as judgement.'

Sinabi ni Lean na dapat nating ipaghiganti ang mga namatay sa diktadura pati na rin ang mga naghihingalo nang walang pasubali, subalit ibinigay niya sa atin bilang payo ang mga sinabi ng pantas na si Gandalf, "Maraming nabubuhay ang dapat mamatay, habang maraming namatay ang dapat mabuhay. Maibibigay mo ba iyon sa kanila? Kung gayon ay huwag magmadaling gamitin ang kamatayan bilang hatol."

Ibig sabihin, hindi dapat kamatayan kaagad ang kahatulan sa diktadura o sa sinumang nagkasala, dahil sino ba ang dapat magwakas ng buhay? May karapatan ba tayong wakasan ang buhay, tulad ng nangyayari sa kasalukuyang lipunan, na parang manok lang kung puksain ang buhay ng mga dukha? Paano ba natin pinahahalagahan ang buhay? Paano ba tayo nakikipagkapwa-tao kung ang kalaban natin ay mamamatay-tao? Mabigat at malalim ang kahulugan ng sinabi ni Gandalf na dapat nating suriin at pag-isipan.

Sa ikasampung talata ng liham na iyon ay ito ang nakasulat: "I am getting another chance to visit Beleriand. The War of the Rings is on. The Company has just lost Gandalf in Moria. And there is still such a long, long way to go. It is an adventure on an epic scale. And I am glad that it is an adventure that we both share, together with all the Free People of Middle Earth."

Nais muling bisitahin ni Lean ang Beleriand. Ito'y isang rehiyon sa hilagang-silangan ng Middle Earth sa panahon ng First Age o Unang Edad. Ang panahon nina Frodo at Gandalf ay tinatawag na Third Age o Ikatlong Edad. Ang Beleriand ay tahanan ng mga Elves at sa kalaunan ay ng mga Tao at Dwarves. naglaho ang Beleriand sa panahon ng Ikatlong Edad dahil sa digmaan.

Ayon sa kasaysayan, "Sa pagtatapos ng Unang Edad sa Middle Earth ng taon 583, nadurog ang Beleriand dahil sa Digmaan ng Poot (War of Wrath) ng mga anghel, ang Maiar, laban sa demonyong si Morgoth (ang kanyang sarili ay isang Vala na nahulog sa kasamaan). Tulad ng mga naninirahan sa Beleriand, kabilang ang mga walang panginoong Orcs, mga hayop ng Angband, Elves, Tao at Dwarves, ay nagsitakas, lumubog sa dagat ang Beleriand. Isang maliit na bahagi lamang ng Silangang Beleriand ang nanatili, at pinangalanang Lindon, sa Hilagang-kanluran ng Middle Earth sa Ikalawa at Ikatlong Edad."

Patuloy ang digmaan, ayon kay Lean, sa Lord of the Rings, habang napahiwalay naman sa mga kasamahan si Gandalf sa Moria. Ang Moria ay isang malalim na bangin na pinagmiminahan sa ilalim ng makulimlim na mga bundok. Kilala iyong sinaunang lupain ng mga Dwarves ng mga tao sa Turin. Doon sa Moria nakatunggali ni Gandalf ang halimaw na Balrog at nahulog sila sa kailaliman. Napahiwalay nang tuluyan si Gandalf sa kanyang mga kasamahan. Ito'y sa unang bahagi ng nobela, ang Fellowship of the Ring. Sa ikalawang nobela na nakabalik si Gandalf, sa Two Towers. 

Ang pagkawala ni Gandalf sa Moria ay maaaring itulad sa pagkawala ni Lean sa kilusang masa, dahil siya'y napiit. "And there is still such a long, long way to go. It is an adventure on an epic scale. And I am glad that it is an adventure that we both share, together with all the Free People of Middle Earth." At mahaba ang kanilang lalakbayin sa pakikibaka laban sa diktadura. At iyon ay isang malawakang epiko ng pakikibaka upang mabago ang sistema ng lipunan. At natutuwa si Lean na iyon ay pakikibakang kabahagi ang isa't isa, kasama ang mga malalayang tao, tulad ng mga kasama niya sa UP at sa kilusang masa.

Ang ikalabing-isa't ikalabingdalawang talata ng liham na iyon ay nakapatungkol pa rin sa Lord of the Rings subalit itinulad niya sa panahon ng martial law, na nang panahong isinulat niya iyon ay nakapiit siya sa Camp Ipil sa Fort Bonifacio. At narito ang mga talatang iyon: "But not withstanding the glory of the Third Age, I am sure that you will agree with me when I say that the greatest adventure on earth today is our struggle for freedom. The pain and the sacrifice is staggering. The battles are historical. And the victory shall be truly glorious indeed."

Nagtagumpay sina Frodo, Gandalf, Aragorn, Legolas, at iba pang bayani sa Lord of the Rings na madurog ang Singsing sa apoy ng Mordor, na tinutukoy ni Lean na "glory of the Third Age". At kung itutulad pa rin ito sa kanyang panahon, kailangang makibaka upang lumaya ang bayan mula sa hilakbot ng diktadura. Kailangang tuloy-tuloy na makibaka hanggang mabago ang sistemang mapaniil. Nakahihilo man ang mga pasakit at sakripisyo ay dapat magpatuloy.

"I am glad that we share this greater adventure. And I am sure that we shall overcome the Dark Lord of our age, together with all the freedom loving Filipinos in our land. When all is over the telling of the tale will surely take a great number of lay and song. For our children and our children's children."

Tiyak na hindi sa Sauron ng Lord of the Rings ang kanyang tinutukoy na Dark Lord of our age, kundi ang diktador na si Marcos. Ang "greater adventure" naman ay ang pakikibaka laban sa martial law. 

Dagdag pa niya sa liham, sa ikalabingtatlo't ikalabing-apat na talata, ang makahulugang usapan ng dalawang bida ng Lord of the Rings:

'I wish it need not have happened in my time', said Frodo.

'So do I,' said Gandalf, 'and so do all who live to see such times. But that is not for them to decide. All we have to decide is what to do with the time that is given us.'

Sino nga bang makatitiyak na hindi dapat mangyari ang ayaw nating mangyari? Subalit payo nga ni Gandalf na kung anuman ang mangyari sa ating panahon ay hindi natin kapasyahan. Ang tanging mapagpapasyahan natin  ay kung ano ang dapat nating gawin sa panahong ibinigay sa atin.

Kung panahon iyon ni Bonifacio, tiyak na sasapi si Lean sa Katipunan. Kung panahon iyon ng pagsakop ng mga Hapon, marahil ay sumapi si Lean sa Hukbalahap. May kani-kanyang panahon. Ang mahalaga ay paano mo gagamitin ang iyong kakayahan at buong puso't diwa upang mapigilan ang mga mapag-imbot sa kapangyarihan na nagdudulot ng kapariwaraan ng taumbayan. Ang mahalaga ay ang pagkilos tungo sa kapayapaan at pag-unlad ng lahat upang lahat ay makinabang, at walang napag-iiwanan.

Upang manamnam ng mambabasa ang buong sulatin, mangyaring basahin sa aklat na ito ang salin mula sa Ingles ng buong liham ni Lean sa kanyang gurong si Dr. Estrada.

Kaya kung pakasusuriin, makahulugan ang pagtatapos ng liham ni Lean sa kanyang guro, lalo na sa ating henerasyon, at sa mga susunod pang henerasyon. Lalo na ang usapan nina Frodo at Gandalf - hinggil sa kasalukuyang panahon, noong panahon nila, at noong panahon ni Lean. At kung uunawain pa nating mabuti, sa panahon natin. Mabuting payo mula kay J.R.R. Tolkien, sa pamamagitan ni Gandalf.

Sa talambuhay ni Lean Alejandro sa wikipedia ay sinabi ng kanyang kaibigang si Jojo Abinales ang ganito:

"He was fond of reading Marx's love letters to his wife. He was an avid fan of literary fiction writer J. R. R. Tolkien and raved about The Lord of the Rings trilogy. Lean often shared to his friends the interesting books he has read and movies he has watched and spontaneously began intense discussions about them. In his interests in literature and film, he empathized with the characters who subdued evil and the forces of darkness. According to Jojo, who became Lean's room mate at the Narra Residence Hall, "Lean selflessly spent many sleepless nights with us just to impress why it was important to read about the commitment of Frodo Baggins and Gandalf the Grey (of The Lord of the Rings) to partly help us situate ourselves in a rapidly polarizing society; why, in confronting the evils of the real world, one can learn much in understanding Sauron the Great and his desire to repossess the one ring that shall make him ruler of Middle Earth; and why, in reading through the life of Gollum, one discovers that even in his miserable and deceitful life, he still would bring something good in a society threatened with darkness."

Ating namnamin: "Lean selflessly spent many sleepless nights with us just to impress why it was important to read about the commitment of Frodo Baggins and Gandalf the Grey (of The Lord of the Rings) to partly help us situate ourselves in a rapidly polarizing society;"

Napakahalaga ng talakayan hinggil sa Lord of the Rings at ang pagpapasya kung paano ba madudurog ang makapangyarihan at makademonyong Singsing ni Sauron. Bakit tinanggap ng simpleng taong tulad ni Frodo Baggins ang pagwasak sa Singsing gayong wala siyang kalaban-laban sa makapangyarihang si Sauron at kanyang mga alagad. Subalit naroon si Gandalf the Grey (na naging Gandalf the White na sa Ikalawang Aklat na Two Towers), upang tiyakin ang pagsusuri sa kalagayan at anong mga dapat gawin. Tulad din ng mga aktibistang karaniwang tao rin subalit piniling tahakin ang landas ng pakikibaka upang mapalaya ang bayan mula sa pagsasamantala at paghahari ng iilan.

"why, in confronting the evils of the real world, one can learn much in understanding Sauron the Great and his desire to repossess the one ring that shall make him ruler of Middle Earth;"

Kailangan nating unawain ang daigdig nating ginagalawan, lalo na ang paglaban natin sa kasamaang pumipighati sa ating bayan. Kung paanong dapat nating maunawaan si Sauron the Great at ang pagnanais nitong makuha muli ang singsing na dahilan upang mapamunuan niya ang Middle Earth, tulad din ng pagnanais ng diktadurang Marcos na tuloy-tuloy na maghari sa buong bansa. Pag naunawaan natin ito'y lalabanan natin ang anumang pag-iimbot ng iilan habang nahihirapan ang higit na nakararami. May pagkakataong ibinibigay ang kasaysayan upang labanan ng bayan ang mga mapaniil at may utang na dugo sa sambayanan.

"and why, in reading through the life of Gollum, one discovers that even in his miserable and deceitful life, he still would bring something good in a society threatened with darkness."

Si Gollum ay dating ang mabuting si Smeagol. Pinangalanan siyang Gollum batay na sa tunog ng kanyang boses. Dati siyang hobbit ngunit dahil sa singsing, siya'y naging maputla, payat at maumbok na nilalang. Sa ikatlong aklat, sa Return of the King, ay nagdebate sina Gollum at ang dati niyang katauhang si Smeagol. Sa kalaunan ay tinulungan ni Gollum si Frodo na makarating sa Mordor upang doon lusawin sa apoy ng Mordor ang singsing. Subalit sa huli, sa pagnanasa ni Gollum sa singsing dahil na rin nahahatak siya nito, ay kinuha niyang pilit kay Frodo ang singsing subalit kasabay ng pag-agaw niya sa singsing ay nahulog siya kasama ng singsing sa apoy ng Mordor. Iyon na ang katapusan niya at katapusan din ng singsing.

Si Lean Alejandro at ang Lord of the Rings ay magkaugnay, at hindi lang iisa. At ang mga natutunan niya sa Lord of the Rings ay maaari ring kapulutan ng aral ng marami sa atin. Nawa'y habang pinanonood natin, o ng ating mga anak at mga kaapu-apuhan, ang Lord of the Rings ay maalala natin na minsan man sa buhay natin o ng bansang Pilipinas ay may isang Lean Alejandro na nagsakripisyo para sa pagbabago ng sistema ng lipunan at para sa kalayaan ng sambayanan.

Pinaghalawan ng datos:
https://en.wikipedia.org/wiki/Beleriand
https://en.wikipedia.org/wiki/Leandro_Alejandro
http://www.sparknotes.com/film/lordoftherings/summary.html
https://en.wikipedia.org/wiki/The_Lord_of_the_Rings
https://medium.com/@lttrsnscrbbls/the-quintessential-life-of-lean-alejandro-1960-1987-ec9472eedab5