Lunes, Mayo 4, 2015

KARABANA para sa Hustisya at Karapatan mula Sta. Cruz, Zambales hanggang Malakanyang, Inilunsad

KARABANA para sa Hustisya at Karapatan
mula Sta. Cruz, Zambales hanggang Malakanyang, Inilunsad

Naglunsad ng karabana mula sa Sta. Cruz, Zambales sa pangunguna ng mga kasapi ng Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS). Anim na sasakyan ang kanilang sabay-sabay na nagkarabana upang iparating sa pamahalaan, at sa mamamayan ng Zambales, na dapat nang ipatigil ang pagmimina sa buong Zambales, lalo na sa Sta. Cruz. Nagsimula sila nitong Abril 29, 2015 ng umaga.

Iisa lang ang kanilang panawagan: "Itigil na ang pagmimina sa Sta. Cruz, Zambales!" Matatandaang apat na kumpanya ng pagmimina ang namamahala ng operasyon sa Sta. Cruz, at ito'y ang Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Dahil dito'y nagkaisa ang mga manggagawa ng apat na minahan na itayo ang Mining Workers for the Environment Association (MWEA) noong Nobyembre 2014 sa isang lugar sa Candelaria, Zambales.

At bilang malaking bahagi ng kanilang pagkilos, inilunsad nila ang karabana, kasama ang iba't ibang grupo sa pangunguna ng CCOS, MWEA, ATM (Alyansa Tigil Mina), PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice), PMPI (Philippine Misereor Partnership Inc.), BK (Bantay Kita), BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino) at Sanlakas.

Una silang naglunsad ng rali sa harapan ng City Hall ng Sta. Cruz. Matapos nito'y nagtungo sila sa pamahalaang panlalawigan o Governor's Hall sa Iba, Zambales, at ipinahayag din nila ang panawagang itigil na ang pagmimina sa kanilang lugar. Habang naglalakbay, sila'y may trompang nagsisilbi para mas marinig ng mamamayan ang mga tagapagsalitang kasama sa karabana. Ipinahayag nila sa dinaanan ng karabana ang paninindigan ng mamamayan ng Sta. Cruz laban sa pagmimina.

Dumaan sila ng Olongapo at nagpahinga sila roon. Maraming mga aberyang nangyari sa karabana, tulad ng pagka-flat ng gulong ng isang sasakyan, at pagkaligaw ng isang kasamang nakamotor. Gabi na nang sila'y makarating sa harapan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Avenue sa Lungsod Quezon. Doon sila sa bangketa nito nagpalipas ng magdamag. Naglagay sila ng mga tarpolin, lona, at karton na tulugan.

Kinabukasan, Abril 30, naglunsad sila ng programa sa harapan ng DENR. Bago makapananghali ay nagtungo sila sa Commission on Human Rights (CHR) sa Diliman, at nakipag-usap kaharap ang dalawang commissioner doon.

Bandang hapon ay nagtungo na sila sa Morayta upang magmartsa patungong Mendiola. Sa Morayta ay hinintay nila ang isa pang malaking bulto ng nagmamartsa na mula naman sa Las Piñas upang magpalipas naman ng magdamag sa tulay ng Mendiola. Bisperas iyon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Mayo Uno, kasama na nila ang iba't ibang grupo ng manggagawa at doon ay ipinahayag ng mga nakilahok sa karabana na dapat nang matigil ang pagmimina sa kanilang lugar sa Sta. Cruz sa Zambales. (Ulat ni Greg Bituin Jr.)


(mga litrato kuha ni Dok Ben Molino ng CCOS)


bahagi ng polyetong inilabas hinggil sa Karabana

KARABANA PARA SA HUSTISYA AT KARAPATAN TUTUNGO SA MALAKANYANG

Ang mga minero at opisyales ng gobyerno ay patuloy na nagkukutsabahan kaya patuloy ang perwisyong pagmimina na dulot ay paglabag sa karapatang pantao at inhustisya sa mamamayan at kapaligiran.

Nitong nagdaang taon - Hunyo at Hulyo - ay nasuspindi ang hauling at mining operations ng mga kumpanyang pagmimina sa mga bayan ng Sta. cruz at candelaria sa Zambales. Nasuspindi ang hauling operations ng Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI) noong Hunyo at mining operations ng apat kasama ang Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI) noong Hulyo. Subalit noong unang Linggo ng Disyembre, ang Mines and Geoscience Bureau - Region 3 (MGB3) ay nag-issue ng Ore Transport Permit (OTP) samantalang nananatili pa ang suspension sa apat na kumpanya. Ilegal ito dahil hindi pa natanggal ang suspension sa pagmimina at hauling operations.

Pero dahil sa ito ay itinaon sa buwan ng Disyembre - magpa-Pasko, ang Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) ay hindi makakilos. Kung kumilos ang CCOS para tutulan ang ilegal na hauling operations, magmumukha itong kontrabida. Tapos na ang Pasko at Bagong Taon pero nagpatuloy pa rin ang ilegal na pagmimina kung kaya kumilos na ang CCOS noong Enero. Pero sa buwang ito ay binawi naman ng Environmental Management Bureau - Region 3 (EMB3) ang suspension ng hauling operations at ng MGB3 sa mining operations samantalang hindi pa nakatupad sa mga kundisyones na nakasaad sa mga suspension, tulad ng:

(1) pagsasaayos ng lahat ng naperwisyong sakahan, palaisdaan, ilog, batis, at baybay-dagat;

(2) pagbayad sa lahat ng nabiktima ng mapanirang pagmimina;

(3) pagkakaroon ng sariling kalsada; atbp.

Inisyu daw ang OTP para hakutin ang mga ilegal na stockpile sa bundok para makaiwas sa sakuna. Ito ay PALUSOT dahil una ay ilegal ang stockpile sa mining site (dapat ay parusa ang igawad sa mga minero) at tapos na ang tag-ulan.

Maliwanag sa dalawang pagkakataon na magkakutsaba ang mga minero at mga opisyales ng gobyerno sa pagsira ng kapaligiran at hindi paggalang sa karapatan ng mga mamamayan sa karapatan na magkaroon ng malusog at balanseng ekolohiya (1987 Saligang Batas, Artikulo II, Seksyon 16). Magkakutsaba din sila sa paggawa ng inhustisya - hindi na nga nila binabayaran ng tama ang mga danyos sa mga nasirang sakahan, palaisdaan at kapaligiran, binalak pa nilang tanggalan ng karapatan ang mga naperwisyong mamamayan sa paghabol ng danyos sa pamamagitan ng pagpapapirma ng waiver at quitclaim noong Enero.

Maliban sa ilegal na pagmimina ay nilabag din ng mga minero ang karapatan ng mga manggagawa sa pagmimina. Hindi sila binigyan ng angkop na sahod at hindi akma ang kanilang mga benepisyo kung meron man. Masahol pa, ang ilan ay walang benepisyo at kinaltasan ng sahod pambenepisyo pero wala naman silang mga TIN, SSS, at PhilHealth.

Dahil sa patuloy ang inhustisya, pagsira ng kapaligiran, at patuloy ang panloloko sa mamamayan ng mga magkakutsabang mga minero at mga opisyales ng gobyerno ay dadalhin ng mamamayan ang reklamo sa Malakanyang upang:

(1) Singilin ang gobyerno ni PNoy sa patuloy na pagkasira ng kapaligiran na umabot na sa karagatan ng mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria sa Zambales sanhi ng perwisyong pagmimina;

(2) Ipanawagan ang kanselasyon sa lahat ng permiso ng perwisyong pagminina;

(3) Ipanawagang ibalik ang kaayusan ng kapaligiran ng mga apektadong bayan;

(4) Ipabayaran ang lahat ng naperwisyong mamamayan: magsasaka, mangingisda, magpapalaisdaan, manggagawa, atbp.

(5) Ipanawagan ang pagkakaroon ng bagong batas sa pagmimina.

CCOS-MWEA/ATM/PMCJ/PMPI/BK/BMP/SANLAKAS

Kahulugan ng mga daglat:
CCOS - Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales
MWEA - Mining Wokers for the Environment Association
ATM - Alyansa Tigil Mina
PMCJ - Philippine Movement for Climate Justice
PMPI - Philippine Misereor Partnership Inc.
BK - Bantay Kita
BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino

Linggo, Marso 22, 2015

10 Punto Laban sa Pagmimina


10 PUNTO LABAN SA PAGMIMINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan na akong nakasama sa rali sa harap ng tanggapan ng isang kilalang korporasyong nangunguna sa pagmimina. Noong Marso 12, 2014, kasama ako sa grupong Sanlakas na nagrali sa harapan ng tanggapan ng Philex Mining Corporation sa #27 Brixton St., Brgy, Capitolio, Pasig City upang kondenahin ang 19 na taon ng disgrasya sa mamamayan dulot ng walang habas na pagmimina.  Ipinahayag pa ng Sanlakas, kasama ang Alyansa Tigil Mina (ATM), na dapat magkaroon ng katarungan ang mga biktima ng malawakang pagmimina at dapat nang palitan ang RA 7942 o Mining Act of 1995, at palitan ito ng AMMB (Alternative Mineral Resources Bill) na nakasalang ngayon sa Kongreso. Makikita sa mga plakard ang mga panawagang tulad ng: "Notice of Closure for Philex Mining Corporation!", "Ibasura ang Mining Act of 1995 (RA 7942), at "Katarungan sa lahat ng biktima ng disgrasya ng pagmimina!"

Noon namang Agosto 15, 2014 ay sumama rin ang inyong lingkod sa rali sa harap ng tanggapan ng internasyunal na kumpanyang Glencore sa Ortigas. Dala ang panawagang "Glencore: World-Class Human Rights Abuser!", ang nasabing pagkilos ay bilang paggunita sa naganap na masaker ng 34 na manggagawa sa minahan noong Agosto 16, 2012 sa Lonmin Mining Property sa Marikana, South Africa. Hinihiling ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod ngunit ang natanggap nila'y punglo, kamatayan.

Ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May masaker ding nangyari sa Tampakan dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang nangyaring iyon sa Marikana ay naging isang dokumentaryong pinamagatang "Miners Shot Down" na ipinalabas na sa maraming bansa, at ipinalabas din dito sa Pilipinas noong Agosto 13, 2014. Iniugnay rin ang nangyaring iyon sa naganap na masaker sa Tampakan sa South Cotabato noong Oktubre 2012, kung saan pinaslang ang pamilyang Kapeon na tutol sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang Agosto 16 ng bawat taon ay idineklarang Global Day of Remembrance (Pandaigdigang Araw ng Paggunita) sa mga pinaslang na manggagawa sa Marikana. 

Nitong Nobyembre 19-21, 2014 ay nakasama ako sa 3-araw na environmental and workers rights training sa isang anti-mining area sa Zambales. Ako ang kinuhang tagatala ng mga usapan o minutero ng buong tatlong araw na pagsasanay ng mga manggagawa mula sa iba't ibang minahan sa Zambales. Ang kanilang isyu - sila ay tinanggal sa trabaho, at kung may trabaho man, hindi sila regular, mababa ang sahod, at walang TIN, SSS, at PhilHealth. Sa ikatlong araw ng aktibidad na ito'y naitatag ang Mining Workers for the Environment Association (MWEA). Ito'y binubuo ng mga manggagawa mula sa apat na malalaking kumpanya sa pagmimina, na Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) sa pangunguna ni Dr. Ben Molino, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Alyansa Tigil Mina (ATM), at dumating din doon bilang tagapagsalita si Mr. Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Kinabukasan, Nobyembre 22, 2014, ay inilunsad naman ang isang talakayan sa umaga, na pinamagatan nilang "Ang Kapaligiran, ang Batas at Pagmimina, at Kagalingan ng Mamamayan".

Nito lang Marso 10, 2015 ay dalawang dekada na ang Batas Republika 7942, na mas kilala bilang Mining Act of 1995 ng Pilipinas. Isa umano itong batas na magdudulot ng paglago ng ekonomya, sustenableng pag-unlad, oportunidad na magkatrabaho ang marami, at lubusang magamit ang yamang mineral ng bansa. Ngunit hindi iyon ang naganap. Ang mga pangako’y napako, dahil na rin marahil pangako iyong walang katiyakan at nakabatay sa pagwasak ng ating kapaligiran Pagkat dalawampung taon na ay hindi pag-unlad ang nakamit ng bansa, kundi pagkawasak ng kalikasan, pagkaapi, pagkataboy, at kamatayan ng mga katutubong naninirahan sa paligid ng minahan.

Ano na nga bang kinahinatnan ng mga imbestigasyon sa naganap sa Marcopper sa Marinduque? Sa iba pang lugar ng pagmimina, tulad sa Didipio?

Sa mga nangyayaring iyon, may inilatag na sampung punto ng karapatang pantao hinggil sa pagmimina (Ten-Point Human Rights Agenda on Mining) ang iba't ibang grupong makakalikasan, sa pangunguna ng Alyansa Tigil Mina (ATM). 

Ang sampung punto o kahilingan, o gabay sa pagkilos, ay ang mga sumusunod, pati na ang kanilang paliwanag:

1. IBASURA ANG MINING ACT OF 1995! ISABATAS ANG ALTERNATIVE MINERALS MANAGEMENT BILL (AMMB)! Hindi buti kundi pagkawasak ng likas-yaman ang dulot ng pagpapatupad ng Batas Republika 7942 (o ang Batas sa Pagmimina ng 1995). May depekto ang batas na ito, at hindi nito kinikilala ang karapatan ng pamayanan, lokal na pamahalaan, at mga katutubo na epektibong makalahok sa pagpapasya kung tatanggapin ang pagmimina o hindi. Kinakailangan ng isang bagong batas sa pagmimina na magtataguyod hindi lamang ng karapatang pang-ekonomya ng mga Pilipino sa pamamagitan ng makatarungang pagbabahaginan ng mga benepisyong galing sa mga mineral, kundi isang makatwirang paraan ng pagpapahalaga at pamamahala ng ating mga mineral patungo sa pambansang industriyalisasyon

2. ITIGIL ANG MALAWAKANG PAGMIMINA! Tuluyan nang winawasak ng malawakang pagmimina ang kalikasan, binabago na ang kapaligiran, at pati na pamumuhay ng mga tao, bukod pa sa ito'y nagiging dahilan ng maraming pang-aabuso at paglabas sa karapatang pantao. Ang mga malawakang pagmiminang ito ay inaari at pinatatakbo ng mga lokal at transnasyunal na korporasyon sa pamamagitan ng paggamit ng dahas, panlilinlang, pang-uuto, panunuhol, mga pwersang paramilitar at kahit na pagpatay upang mapatahimik lamang ang mga tumututol sa mga proyektong pagmimina. Malaki rin ang negatibong epekto ng malawakang pagminina sa buhay at kabuhayan ng mga pamayanang nakapaligid dito, tulad ng pagkataboy sa tirahan, di-tiyak na trabaho, pagkawala ng kultura, pagkawasak ng kapaligiran.

3. IGALANG, PROTEKTAHAN AT IPATUPAD ANG KARAPATAN SA SARILING PAGPAPASYA NG MGA LUMAD (FPIC)! Isa sa mga matitinding isyu laban sa pagmimina ay ang kabiguan nitong humingi sa mga katutubo ng malaya, una, at ganap na pagsang-ayon, o yaong FPIC (free, prior and informed consent), na nakalatag sa IPRA (Indigenous People's Rights Act).

4. PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO NG MGA KABABAIHAN AT MGA LUMAD NA BABAE SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Ang mga kababaihan, taganayon man o lumad, ang siyang pangunahing nakaharap sa labanan, lalo na sa pakikibaka upang protektahan ang pamayanan laban sa salot ng pagmimina. Dama nilang tungkulin nilang ipagtanggol ang pamayanan upang manatiling buhay sila at ang kanilang lugar. Ngunit may banta sa kanilang kaligtasan. Nariyan ang pagpaslang noong Oktubre 2012 kay Juvy Capion na isang lider ng tribung B’laan.

5. ITIGIL ANG PAGSASAMANTALA SA MGA MANGGAGAWA SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Hindi lamang ang kalikasan ang pinagsasamantalahan ng pagmimina kundi maging ang ating mga manggagawa. Nakalantad sa maruming kapaligiran, tulad ng maruming hangin at kakulangan ng proteksyon sa paggawa, ang mga manggagawa sa minahan. Nariyan pa ang tinatawag na unfair labor practice (ULP) o hindi makatarungang patakaran sa paggawa, tulad ng salot na kontraktwalisasyon at kakulangan ng pasahod. Ayon umano sa International Solidarity Mission on Mining (ISMM), kumikita ng higit sa P36 milyon ang mga kumpanya sa pagmimina sa dalawang araw na pagtatrabaho ng mga manggagawang Pinoy sa minahan na nakatatanggap lamang ng P233 na sahod kada araw, na sadyang kalahati lamang ng P466 na minimum na pasahod kada araw na natatanggap ng isang manggagawa sa National Capital Region. Dinudurog din ang pagtatayo ng mga unyon ng manggagawang nagkakaisa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

6. PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN AT ANG KARAPATAN SA ISANG LIGTAS, MAKATARUNGAN AT BALANSENG EKOLOHIYA! Maraming mga aplikasyon sa pagmimina, pati na mga proyekto, ang nasa nalalabing kagubatan ng Pilipinas. Nagdudulot ito ng malaking suliranin pagkat 18% na lang ng buong kagubatan ang natitira, gayong ang ideyal na bahagdan dapat ay nasa 50% para sa isang maayos na kapaligiran. Ang mga kontrata ng pagmimina ay may mga probisyong nagbibigay ng karapatan sa mga minahan na magtroso sa mga lugar na minimina. Ang maramihang pagpuputol ng puno at pananalanta nila sa kagubatan, ang paglilihis sa pinagkukunang tubig, at paglalagay ng imprastruktura sa mga lugar na ito ay nakasisira sa balanse ng kalikasan. Nanganganib ang kalikasan dahil sa pangwawasak ng pagmimina. Dahil sa lalong pag-unti ng mga puno ay mas mahihirapan tayong umangkop at masolusyonan ang banta ng nagbabagong klima, kaya ang mga dukha'y nahaharap sa panganib na dulot ng mga kalamidad, tulad ng bagyo, baha, at pagguho ng lupa.

7. ITIGIL ANG MGA PAMAMASLANG! PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO! Ang paglaganap ng operasyon ng pagmimina sa bansa ay kinakitaan ng pamamaslang sa mga Human Rights Defenders (HRDs) sa larangan ng kanilang pagtindig laban sa malawakang pagmimina, at pagtataguyod ng adbokasya para protektahan ang kalikasan. Ang ilan sa mga kilalang taong napaslang ay sina Fr. Fausto Tentorio ng Hilagang Cotabato at Dr. Gerry Ortega ng Palawan. Gayundin naman, may mga pinaslang ding mga hindi kilala ngunit nakibaka para sa kalikasan, tulad ng nangyari kina Genesis Ambason ng Agusan del Sur, Francisco Canayong ng Leyte, Armin Marin ng Romblon, Gensun Agustin ng Cagayan, Datu Roy Bagtikan Gallego ng Surigao Sur at marami pang iba. Ang mga nakikitang direktang responsable sa pamamaslang ay ang mga pribadong ahensya ng mga gwardya ng kumpanya, ang mga militar at mga grupong paramilitar, ngunit kasama rin nilang responsable sa pamamaslang ang mga may-ari ng mga minahan at ang pamahalaan.

8. ITIGIL ANG PAGTATABOY SA MGA TAGANAYON! Protektahan ang karapatan sa pagkain, tubig, at pagkukunan ng ikabubuhay. Ngunit dahil sa kakulangan ng konsultasyon at di-pagsisiwalat sa taumbayan ng impormasyon, ang malawakang pagmimina ay karaniwang nagtataboy sa mga lumad at iba pang nakatira sa lugar na binigyan ng permisong magmina. Maraming dokumentadong kaso ang nagpapakita na ang mga operasyon ng mga nagmimina ay nagdudulot ng takot, pagkabalisa at mga labanan sa mga apektadong lugar. Pag nagsimula nang minahin ang isang lugar, malaking panganib na ang dulot nito sa pagkukunan ng maiinom na tubig, tulad ng ilog, sapa, batis at balon. Napakaraming tubig ang kinakailangan ng mga nagmimina sa kanilang operasyon at dumudumi pa ang tubig, na siyang dahilan upang maapektuhang todo ang produksyon ng pagkain at kalusugan ng mga naninirahan. Ang pagkataboy at paglikas ng mga kababaihan sa lugar ay nagdudulot ng malaking aalalahanin dahil maaari silang maging biktima ng sex trafficking.

9. ITIGIL ANG MILITARISASYON AT PAGPAPADALA NG MGA PWERSANG PANDEPENSA PARA SA NEGOSYO! Ang pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina sa mga pamayanan ay nagdulot ng militarisasyon sa mga lugar ng katutubo. Madalas na nagpapadala roon ng mga tropang militar upang depensahan nito ang mga kumpanya ng pagmimina at magdulot ng takot sa mga tagaroong ayaw sa pagmimina, dahil winawasak nito ang kanilang lugar, kalikasan at kabuhayan. Gayundin naman, nagbuo ng sariling pwersang paramilitar ang mga kumpanya ng pagmimina. Nagdulot ito ng kamatayan at pagkawasak, at di mabilang na paglabag sa karapatang pantao.

10. KATARUNGAN SA LAHAT NG MGA BIKTIMA NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO DAHIL SA ISYU NG PAGMIMINA! Wakasan ang mapagsamantalang pag-unlad! Ang pag-unlad ay nagiging mapagsamantalang pag-unlad kung ang mamamayan ay nagiging biktima na, at hindi mga benepisyaryo; kapag binabalewala ang kapakanan at partisipasyon ng mamamayan sa pagpaplano ng pag-unlad ng kanilang pamayanan; at kapag ang mamamayan ay itinuturing lang na pain upang tumubo, imbes na sentro ng pag-unlad. Niyuyurakan ng mapagsamantalang pag-unlad ang karapatang pantao ng ating mamamayan sa lahat ng aspeto – sa pang-ekonomya, pampulitika, pangkultura.

Marso 22, 2015

Mga pinaghalawan:
http://alyansatigilmina.net/gallery/tao-muna-hindi-mina-campaign-national-launch/
http://sanlakasfamily.blogspot.com/2014/03/sanlakas-nagrali-sa-tanggapan-ng-philex.html
http://kilusangmasa.blogspot.com/2014/08/kumpanyang-glencore-world-class-human.html
http://alyansatigilmina.net/2015/03/10/atm-statement-for-anti-mining-solidarity-week-9-13-march-2015/

Huwebes, Nobyembre 27, 2014

Gat Andres Bonifacio, Sosyalista

Gat Andres Bonifacio, Sosyalista
ni Greg Bituin Jr.

Alam n’yo ba na kinilalang sosyalista si Gat Andres Bonifacio kahit ng mga banyaga? Ayon mismo sa Amerikanong si James LeRoy, isa sa mga awtoridad noong panahon ng Rebolusyong Pilipino: “Andres Bonifacio, an employee of a foreign business house in Manila, was the leading spirit of the Katipunan; gathering his ideas of modern reform from reading Spanish treatises on the French revolution, he had imbibed also a notion that the methods of the mob in Paris where those best adapted to secure amelioration for the Filipinos. His ideas where those of a socialist, and of a socialist of the French revolution type, and he thought them applicable to an undeveloped tropical country, where the pressure of industrial competition is almost unknown, and where with the slightest reasonable exertion, starvation may be dismissed from thought.”(Si Andres Bonifacio, kawani ng isang banyagang bahay-kalakal sa Maynila, ang siyang diwang namumuno sa Katipunan, nakuha niya ang mga kaisipan para sa pagbabago mula sa pagbabasa ng mga salaysay sa wikang Kastila hinggil sa rebolusyong Pranses, at naisip niyang ang mga paraan ng mga Pranses ang siyang nararapat para matiyak ang pagbuti ng kalagayan ng mga Pilipino. Ang kanyang kaisipan ay katulad ng isang sosyalista, at ng sosyalistang tipo ng rebolusyong Pranses, at naisip niyang ito’y lapat sa isang di pa maunlad na bansang tropikal, kung saan ang tindi ng kumpetisyon sa kalakal ay halos di pa nalalaman, at sa pamamagitan ng marahan at makatwirang paggigiit, ang kagutuman ay di na maisip.)

Hinggil sa “methods of the mob in Paris”, maaaring ang tinutukoy dito ni LeRoy ay ang naganap na Paris Commune ng 1871, na kinilala rin ni Karl Marx bilang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labour could take place”.

Ngunit suriin muna natin: Sino ba si James LeRoy para sabihin nating tama nga siya sa pagsasabing sosyalista si Gat Andres Bonifacio? Dagdag na tanong pa: Sino ba si Bonifacio para ituring na isang sosyalista?

Si Gat Andres Bonifacio ay makabayan at rebolusyonaryo. Alam ng lahat iyan. Ngunit hindi bilang isang sosyalista. Kung siya'y itinuturing na sosyalista, bakit? May kapareho ba siyang mga makabayan at itinuring na ring sosyalista ng kanyang mga kababayan sa kalaunan? Meron. Sina Jose Marti ng Cuba at Simon Bolivar ng Venezuela.

Si James A. LeRoy (1878-1912) ay isang Amerikanong awtor, kolonyalista, at maimpluwensyang iskolar hinggil sa Pilipinas. Bilang lingkodbayan, siya ang kalihim ni Dean C. Worcester, na pinakamaimpluwensya at kontrobersyal na myembro ng unang dalawang Philippine Commission. Ginawang bataan at simpatisador ni Worcester si LeRoy sa pagpapatupad ng patakarang imperyalista ng Amerika. Si LeRoy din ang isa sa pangunahing tagapayo ni William Howard Taft na sa kalaunan ay magiging pangulo ng Amerika.

Kilala si LeRoy sa pagsawata sa mga makasaysayang ulat ng ibang awtor hinggil sa Pilipinas, dahil tingin niya, ang ibang awtor ay mas panig sa kalaban nilang Espanya kaysa sa Amerika. Una niyang pinuna ang unang limang tomo ng The Philippine Islands nina Blair at Robertson, at ipinahayag niya ang kanyang matinding puna sa prestihiyosong American Historical Review noong 1903. Matindi niyang pinuna ang mga akdang pangkasaysayan ng mga Pilipinong sina Wenceslao Retana, Pedro Paterno, Isabelo de los Reyes, Leon at Fernando Ma. Guerrero ng pahayagang El Renacimiento, at iba pang ilustradong Pilipino dahil umano'y nasa kabilang panig sila ng digmaang pangkulturang nagaganap sa pagitan ng Amerika, ang bagong kolonisador, at ng bansang Espanya. Isinulat nga ni LeRoy kay William Taft noong Pebrero 1906 na “ang totoong pwersa ng dyornalismo sa Maynila ay ang El Renacimiento, nariyan ang puso ng mga taong siyang buod ng pahayagan, na pawang may galit sa anumang akdang Amerikano o Anglo-Saxon, kaya nalalathala ng paganuon-ganuon na lamang," ayon sa mananaliksik na si Gloria Cano (2008). 

Kung may ganito siyang reputasyon, katiwa-tiwala ba ang sinabi niyang sosyalista si Bonifacio, pati na sa inilatag niyang munting dahilan? O dapat siyang paniwalaan dahil anti-ilustrado siya?

Masaya na nasabi ni James LeRoy ng may paliwanag kung bakit sosyalista si Bonifacio. Gayunpaman, hindi siya ang dapat nating batayan kung bakit sosyalista si Bonifacio, kundi yaong may tangan ng adhikaing sosyalismo bilang landas ng paglaya - at ito ang uring manggagawa.

Si Gat Andres Bonifacio ay naging manggagawa sa kanyang panahon, kaya ibinibilang siya ng mga sumunod pang mga lider-manggagawa sa kasaysayan bilang isang manggagawa. Una siyang nagtrabaho sa Fleming & Company, na isang kumpanyang Briton, bilang katulong at sa kalaunan ay naging clerk, mensahero at ahente ng sari-saring produkto. Kalaunan ay lumipat siya sa Fressel & Co. na isa namang kumpanyang Aleman at naging bodegero. Bago ito ay naglako rin siya ng mga baston at abaniko nang mamatay ang kanyang mga magulang at matustusan ang pangangailangan nilang magkakapatid.

Hanggang sa kanyang itatag ang Kataastasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o Katipunan) noong Hulyo 7, 1892 sa Daang Azcarraga sa Maynila, kasama sina Ladislao Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz, at Deodato Arellano. 

Makikita rin natin sa mga sulatin ni Gat Andres Bonifacio ang adhikaing mapagpalaya. Sa kanyang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid..." ay kanyang sinabi: "Ngayon, lalo’t lalo tayong nabibilibiran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."

Iyan ang bilin ni Bonifacio, dapat tayong kumilos. Anya pa: "Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayo'y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan."

Makauri at hindi lamang makabayan si Bonifacio. Nakita niya ang pagsasamantala sa kanyang mga kauri. Tulad din siya nina Jose Marti, pambansang bayani ng bansang Cuba, at Simon Bolivar, na kinikilalang bayani sa Latin Amerika, lalo na sa Bolivia at Venezuela.

Tatlo silang bayaning nakibaka laban sa mga mananakop. Sina Bonifacio, Marti at Bolivar ay kinilala ng kani-kanilang mga kababayan dahil sa kanilang determinasyon upang palayain ang bayan mula sa pananakop at pagsasamantala. Ngunit tanging sina Marti at Bolivar ang pormal na kinilala ng kani-kanilang mga kababayan bilang sosyalista, rebolusyonaryong ayaw ng pang-aapi at pagsasamantala, mga bayaning nais baguhin ang bulok na sistema, at palitan ito ng mas matino, makamasa, makauri, mapagpalaya.

Mahigpit na kinikilala ng sosyalistang lider na si Fidel Castro ng Cuba si Jose Marti bilang isang sosyalista, bagamat itinuring siya ng mga nauna kay Fidel bilang isang makabayang rebolusyonaryo. Inilarawan ni Castro ang dalawang kilalang tao sa kasaysayan na may napakalaking impluwensiya sa kanyang mga pulitikal na pananaw. Ito'y ang rebolusyonaryong anti-imperyalistang si José Martí (1853–1895) at ang sosyolohista, teoretista at rebolusyonaryo sosyalistang si Karl Marx (1818–1883). Sa paliwanag ni Castro, gustong-gusto niya ang kabutihang asal o sense of ethics ni Marti, dahil nang minsan umanong magsalita si Marti, hindi niya nalimutan ang napakagandang sinabi nito: "Lahat ng glorya sa buong mundo ay maipapasok sa isang butil ng mais" - na ayon pa kay Fidel: "napakaganda nito, sa harap ng kaluhuan at ambisyon saan ka man tumanaw, ay dapat tayong mga rebolusyonaryo'y magbantay. Kayganda ng kaasalang iyon. Ang kabutihan sa kapwa, bilang paraan ng pagkilos, ay napakahalaga, isang natatanging yaman."

Bukod sa pagiging rebolusyonaryo, kilala ring manunulat at makata si Marti. Nagsulat siya sa mga pahayagang Opinión National (ng Caracas, Venezuela), La Nación (ng Buenos Aires sa Argentina), New York Sun, El Partido Liberal, La República, El Economista Americano, at La Opinión Pública. Nagsulat din siya sa mga pahayagang lihim na El Diablo Cojuelo at La Patria Libre. May tatlo siyang aklat na kalipunan ng kanyang mga tula, at ito ang Ismaelillo (1882), ang Versos sencillos (1891), at  Versos libres, na pawang sinulat noong dekada ng 1880, ngunit nailathala lamang noong 1913. 

Noong 1892, itinatag ni Jose Marti ang Cuban Revolutionary Party (Partido Revolutionario Cubano). Nang taon ding iyon, Hunyo 3, ay naitatag naman ni Gat Jose Rizal ang La Liga Filipina, ngunit siya'y dinakip na ng mga Kastila. Apat na araw matapos maitatag ang La Liga Filipina ay naitatag naman nina Andres Bonifacio ang Katipunan. Si Jose Marti ay sinentensyahang mabilanggo ng anim na taon ng matinding paggawa (hard labour). Dahil sa tulong ng kanyang mga magulang, napaikli ang kanyang sentensya, ngunit pinatapon siya sa bansang España. Kasama si Marti ng mga rebolusyonaryong Cubanong sina Heneral Maximo Gomez at Heneral Antonio Maceo sa pakikipaglaban upang mapalaya ang Cuba sa kamay ng mga Kastila. Noong Mayo 19, 1895, napatay si Marti habang nakikipaglaban sa mga pwersang Kastila sa Dos Rios kung saan pinangunahan niya ang paglusob. 

Si Simon Bolivar naman ay kinilala ni Pangulong Hugo Chavez ng Venezuela bilang isang natatanging lider na nagtangkang palayain ang limang bansa sa Latin Amerika. Mula sa kanyang bansang Venezuela hanggang sa Bolivia, ang bansang ipinangalan sa kanya, si Simon Bolivar ay tinitingalang personahe sa paglaban para sa kalayaan ng Latin Amerika mula sa Imperyo ng Espanya. Sa buong kasaysayan, kinilala siya ng mga pwersang progresibo at maging ng konserbatibo. Sa ngayon, idineklara ng pamahalaan at kilusang pinamunuan ni Hugo Chavez ang isang rebolusyong Bolivariano na tinitingala si Bolivar bilang isang magiting at kapuri-puring pinuno sa kasaysayan. Ipinagpatuloy nina Chavez ang laban at kaisipan ni Simon Bolivar noong ika-19 na siglo.

Ang rebolusyonaryong Bolivariano ang nangungunang kilusang pulitikal sa Venezuela na nagpapatuloy at tumutupad sa pangarap ni Bolivar na isang nagkakaisa at malayang Latin Amerika mula sa imperyalismo, kung saan pinalitan lamang ng Amerika ang Espanya bilang mga imperyalistang ganid. Isa na rito ang pagkakatatag ng ALBA (Bolivarian Alternative for the Americas) na siyang pantapat at alternatibo nila sa FTAA (Free Trade Area of the Americas) na pinangungunahan ng Estados Unidos). Nariyan din ang Plano Bolivar 2000, kung saan sinabi ni Chavez na ang mga militar ay hindi tagapagtanggol ng naghaharing uri kundi ng mahihirap na mamamayan. Nariyan ang Misson Barrio Adentro na nagbibigay ng libreng pagpapaospital, libreng gamot, at pagpapatupad ng tunay na konsepto ng universal health care, na ang kalusugan ay karapatan ng lahat ng mamamayan, kahit na ng mga pulubi. Nariyan ang Mission Habitat na pabahay sa libu-libong dukha sa Venezuela. Ang Mission Mercal na nagbibigay ng subsidyo sa pagkain at batayang pangangailangan ng mamamayan. At ang Mission Robinson na nagbibigay ng libreng edukasyon mula elementarya, sekundarya, kolehiyo, maging sa mga espesyal na kurso.

Para sa maraming historyador, simpleng mga makabayang lider lamang sina Bonifacio, Marti at Bolivar na naghahangad ng kalayaan ng kanilang bayan. Ngunit kung susuriin ang kanilang mga sulatin at mga ginawang pagkilos, nakipaglaban sila sa mga mananakop upang iwaksi ang pagsasamantala ng tao sa tao, at palitan ang bulok na sistema ng isang lipunang makatao.

Kung hangang-hanga si Fidel Castro ng Cuba sa kabutihang asal o sense of ethics ng kanilang bayaning si Jose Marti, mas kahahangaan natin ang kabutihang asal at pagpapakatao na ipinalaganap ng Katipunan nina Bonifacio sa pamamagitan ng Kartilya. At ang Kartilya ng Katipunan kung pakasusuriin ay higit pa sa simpleng panuntunan ng kasapi ng Katipunan. Ang Kartilya ng Katipunan ay para sa lahat pagkat ang nilalaman nito ay pandaigdigan. Walang hangga na anumang bansa, nasyunalidad, o anumang pagkakahati na nakasulat sa Kartilya. Kaya makikita natin mismo ang pagiging buo ng Kartilya na kahit na ikaw ay Amerikano, Bangladeshi, Mehikano, Arabo, Aprikano, o Pilipino, ito'y katanggap-tanggap sa lahat. Tumpak ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto, na matalik na kaibigan at kasangga ni Bonifacio, sa sinulat nitong mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim: "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

Dalawang araw lamang sa bawat taon na tradisyunal na araw na makikitang nagsasama-sama ang uring manggagawa sa bansa at lumalabas sa kalsada. Ito'y ang Mayo Uno, na siyang pandaigdigang araw ng manggagawa, at ang Nobyembre 30, na siya namang kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Kung may iba mang araw na nagsasama-sama ang manggagawa, tulad ng SONA (State of the Nation Address) at welgang bayan para sa sahod, hindi matatawarang tanging ang Mayo Uno at Nobyembre 30 ang palagian nang pinaghahandaan ng manggagawa upang magsama-sama at magwagayway ng bandila.

Sa muling pagbasa, pananaliksik at pagtugaygay natin sa buhay, akda, at pakikibaka ni Gat Andres Bonifacio, makikita nating karapat-dapat siyang ituring na sosyalista ng mga manggagawang Pilipino. Kung naiangat nina Fidel Castro si Jose Marti, at Pangulong Hugo Chavez si Simon Bolivar, sa mataas na pedestal ng kasaysayan ng pakikibaka para sa sosyalismo, hindi ba't magagawa rin ng manggagawang Pilipino na iangat si Gat Andres Bonifacio, na itinuturing ng marami na unang pangulo ng bansa, bilang isang sosyalista. Hindi pa sa pakahulugan ni James LeRoy, kundi sa pakahulugan ng manggagawang Pilipino. 

Ang artikulong ito'y panimula pa lamang. Hindi pa ito tapos dahil hindi pa tapos ang laban ni Bonifacio. Panahon na upang ipagpatuloy natin ang kanyang nasimulan. Sulong, manggagawa, at itaguyod ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!

Si Gat Andres Bonifacio ay manggagawa at bayani ng uring manggagawa. Pinangunahan niya ang pakikibaka laban sa pagsasamantala. Simbolo siya ng paglaban at pagpawi ng tanikala ng kahirapan at pang-aapi. Nararapat lamang siyang tawaging isang sosyalista.

Mabuhay ang sosyalistang si Gat Andres Bonifacio! Mabuhay ang uring manggagawa!

Linggo, Nobyembre 23, 2014

Burador - Mother Nature and Father Labor campaign

Project Title: 10-Days Walk for Mother Nature and Father Labor

Environmental Groups meet Labor Groups

When: April 22, 2015 (Earh Day) to May 1, 2015 (Labor Day)

Where: Sta. Cruz, Zambales to Mendiola, Manila

Rationale:

The 10-Days Walk for Mother Nature and Father Labor is a campaign aiming to unite different environmental groups and labor groups in the issue of environmental protection, anti-mining, climate justice, labor rights, and system change. This also aims to raise awareness on ecology and society and what should be done to change the system, and make this world a better place to live in, today and for the future.

This will start on Earth Day from Sta. Cruz, Zambales, the place where strong successful anti-mining advocates exist. Different environmental groups will be invited to be part of this historic campaign. They will be joined by different labor groups in the walk that will end in the historic Mendiola on Labor Day.

Highlight: There will be signing of a covenant dubbed as "Covenant for Mother Nature and Father Labor" in Mendiola. In the different cities and towns that will become part of the Walk, there should be programs with different workers unions and federations, and environmental groups.

Who will participate:

Environment: Alyansa Tigil Mina (ATM), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), diwanglunti blog, other environmental groups that will be invited, such as Greenpeace, Green Collective, etc.

Labor: Labor groups under NAGKAISA coalition, labor groups from MASO, the BMP-bloc (SUPER, MELF, PMT, KPML)

Others: Sanlakas-bloc, Poetry group Maso at Panitik, some participants of the Climate Walk


(itutuloy / tatapusin).....

Miyerkules, Oktubre 1, 2014

Liham sa mga kasama, hinggil sa Climate Justice Walk


Sa mga kasama,

Maalab na pagbati!

Mula kahapon, Setyembre 30, hanggang sa Nobyembre 10, ay sarado na ang komunikasyon mula sa akin, sa celfone at facebook, dahil ako'y kasama sa mahabang lakaran mula Luneta hanggang Tacloban City simula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, ang unang anibersaryo ng Yolanda. Kailangan kong makapagkonsentra sa lakaran at sa paggawa ng mga akda sa pagitan ng pahinga.

Bihira ang nabibigyan ng ganitong pagkakataon, ang makasama sa isang marangal at mapagmulat na layunin, lalo na't ito'y para sa pandaigdigang kampanya para sa Climate Justice, at isa ako sa nabigyan ng ganitong oportunidad na maging bahagi ng isang kasaysayan para sa mga nasalanta ng Yolanda. Pakakawalan ko ba ang ganitong bihirang pagkakataon?

Ako ang napili ng mga kasama, at ikinagagalak kong sabihin na maraming salamat sa inyong pagtitiwala.

Ang bihirang pagkakataong mapasama ka sa makasaysayang pagtitipon tulad nito ay hindi dapat balewalain. Hindi lamang ako maglalakad dito, kundi magsusulat ng kwento at tula bilang bahagi ng aktibidad na ito. Matagal kong hinintay ang ganitong pagkakataon, kaya humihingi ako ng pasensya sa mga kasamang tila ayaw akong pasamahin sa mahabang Climate Walk.

May binubuksan tayong panibagong yugto sa larangan ng panitikang Pilipino, at ito ang journey poems, o tula ng lakbayan. Kaiba ito sa mga tula ng ibang makata na tutula lang sila kung gusto nila. Ang tula ng lakbayan ay hinggil sa mga isyu ng lipunan sa isang takdang panahon ng kampanya sa pamamagitan ng tulang may sukat at tugma. Naumpisahan ko na ang ganitong genre noong mailathala ko ang mga sumusunod na aklat:
(1) Bigas, Hindi Bala: Alay para sa Kapayapaan sa Mindanao - ito'y isang karabana ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City noong Nobyembre 22-30, 2008.
(2) Ang Mundo sa Kalan - kumbinasyon ng mga karanasan sa mahabang lakarang tinaguriang "Lakad laban sa Laiban Dam" noong 2009 kung saan naglakad kami, kasama ang mga katutubong Dumagat, mula Gen. Nakar sa Quezon province hanggang Caritas sa Maynila; Climate Justice journey sa Thailand noon ding 2009 matapos ang bagyong Ondoy, at iba pang isyung pangkalikasan
(3) Paglalakbay sa Mae Sot - 13 days na paglalakbay mula Pilipinas, Bangkok sa Thailand, Mae Sot (na boundary ng Thailand at Burma), isang oras sa loob ng Burma, hanggang sa pagbalik sa Pilipinas, setyembre 15-27, 2012

Ang pang-apat sa ganitong genre ng tula ay gagawin sa Climate Walk. Ang koleksyon ng mga tulang itong aking isasaaklat ay pansamantala kong pinamagatang "Yolanda: Mga Tula ng Pag-asa at Hustisya".

Gayunman, sarado man ang mundo ko sa labas para makapagkonsentra sa mahabang lakarang ito para sa hustisya, ay tuloy naman ang planong tapusin ang ilang mga nakabinbing mga trabahong propaganda para sa uri.

Ang ilan sa mga planong dapat maisaaklat ay ang mga sumusunod:

(1) Bonifacio Sosyalista - book launch on November 30
(2) Ang Usaping Pabahay ni F. Engels - translation of 68-pages The Housing Question by Friedrich Engels - book launch on December 18, during the KPML anniversary and KPML-NCRR congress
(3) Bolshevismo 2 - translation of Marxists classics on labor - book launch at the BMP Congress on January 2015
(4) Bolshevismo 3 - translation of Marxists classics on women - book launch in time for March 8, International Women's Day
(5) "Yolanda: Mga Tula ng Pag-asa at Hustisya" - book launch on December 19, 2014, at Kamayan Environment Forum in Edsa

Gayundin naman, nais kong ipaalala sa mga kasama ang iba pang aktibidad na dapat paghandaan:
(1) Oktubre 29 - SANLAKAS 21st anniversary
(2) November 14 - International Street Vendors Day c/o Tita Flor and Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)
(3) November 16 - 10th year anniversary of Hacienda Luisita massacre, and 10th year anniversary of Workers Occupation of DOLE on November 30, in protest of the said massacre
(4) November 30 - Bonifacio Day, and book launch of Bonifacio Sosyalista

Humihingi ako ng paumanhin sa mga kasamang hindi ko mapagbigyan na iwan ko ang Climate walk, dahil bihira ang ganitong pagkakataon. Bihira ang nabibigyan ng pagkakataong mapili at maisama sa mga makasaysayang aktibidad na tulad nito. Ang makarating kami mula sa mahabang lakarang ito hanggang sa unang anibersaryo ng Yolanda sa Tacloban ay isa nang malaking ambag para sa panawagang Climate Justice.

Kapitalismo ang isa sa pangunahing ugat ng Climate Change, at bilang makata, manunulat, at propagandista, ay dapat kong ihatid sa malawak na masa ang paninindigan ng uring manggagawa hinggil sa usaping Climate Justice, at kung bakit dapat nang baguhin ang sistema.

Maraming salamat sa inyo, mga kasama, sa inyong walang sawang suporta sa mga ganitong gawain, bagamat maliit ay isa na ring ambag para sa pagsusulong ng ating adhikaing pagbabago. Mabuhay kayo!

Kasamang Greg
Lungsod Quezon
Oktubre 1, 2014

PS. Magkita-kita na lang muli tayo pagbalik namin sa Maynila, na sa palagay ko'y sa Nobyembre 11 pa

Lunes, Setyembre 15, 2014

Ang salin ng "Communism is the doctrine..." ni F. Engels

ANG SALIN NG "COMMUNISM IS THE DOCTRINE..." NI F. ENGELS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa tanong na "What is communism?", ganito ang isinulat ni Friedrich Engels, "Communism is the doctrine of the conditions of the liberation of the proletariat."

Ang inaasahan kong sagot ay "Communism is the system of society which ...", ngunit ang sinabi ni Engels, "Communism is the doctrine..."

Bagong kahulugan para sa tulad kong lumaki sa turong ang komunismo ay isang sistema ng lipunan, at hindi isang "doctrine" o sa wikang Filipino ay doktrina.

Ang pagkakasalin ko ay ito: "Ang komunismo ang aralin sa kalagayan ng paglaya ng proletaryado."

Ang tanong na iyon ang una sa dalawampu't limang tanong na sinagot at ipinaliwanag ni Engels sa kanyang mahabang artikulong "The Principles of Communism".

Ang buong artikulong "The Principles of Communism" ay isinalin ko sa wikang Filipino at isinama sa 16 na akda ng Bolshevismo, Unang Aklat.

Kailangang isalin kung ano ang angkop, hindi pa kung ano ang eksaktong salin. Ang salin ng doctrine ay doktrina, turo, aral, aralin, paniniwala, atbp.

Sa Wikipedia ay ito ang kahulugan ng doctrine: "Often doctrine specifically suggests a body of religious principles as it is promulgated by a church, but not necessarily; doctrine is also used to refer to a principle of law, in the common law traditions, established through a history of past decisions, such as the doctrine of self-defense, or the principle of fair use, or the more narrowly applicable first-sale doctrine."

Dagdag pa nito: "In some organizations, doctrine is simply defined as "that which is taught", in other words the basis for institutional teaching of its personnel internal ways of doing business."

Sa Merriam-Webster, ang doctrine ay "1. teaching, instruction, 2. something that is taught".

Kailangang pag-aralang mabuti ang tamang salin, dahil iyon ang unang tanong sa artikulo, at nakasalalay doon ang buong artikulo.

Doktrina nga ba ang komunismo? Kung doktrina, tulad ba ito ng gamit ng salitang doktrina sa relihiyon?

Hindi ko isinalin ang doctrine sa doktrina dahil ang salitang "doktrina" ay malimit na nakaugnay sa relihiyon, lalo na sa Pilipinas. Kaya kung gagamitin ko sa pagsasalin ng doctrine ay doktrina, at naging ganito: "Ang komunismo ang doktrina sa kalagayan ng paglaya ng proletaryado", baka mapagkamalang isang relihiyon ang komunismo.

Hindi ko ginamit ang salitang "turo" dahil magiging ganito ang salin: "Ang komunismo ang turo sa kalagayan ng paglaya ng proletaryado." Hindi angkop. Kahit ang salitang "aral" ay hindi angkop.

Mas angkop sa palagay ko ang "aralin" na may bahagyang pagkakapareho sa "aral" bagamat hindi tungkol sa "lesson" ang aralin. "That which is taught" at "1. teaching, instruction, 2. something that is taught".

Tama bang salin ng doctrine ay aralin? Sa pagkakagamit ni Engels sa doctrine at sa napili kong salin, ang salitang aralin ang sa palagay ko'y mas angkop.

"Communism is the doctrine of the conditions of the liberation of the proletariat." "Ang komunismo ang aralin sa kalagayan ng paglaya ng proletaryado."

Nakakabigla sa una pag narinig nating ang komunismo ay isang aralin, kung paanong nakakabigla rin ang sinabi ni Engels na ang komunismo ay "doctrine" at hindi "system".

Ang ibig sabihin ni Engels sa ang komunismo ay aralin, bukod sa hindi pa ito ganap na sistemang umiiral sa panahong isinulat niya iyon, ang pangunahing larangan ng labanan ay nagsisimula sa isipan. Kailangang mabago ang pananaw ng proletaryado mula sa burgis na kaisipan kaya dapat pag-aralan nito ang kanyang kalagayan. Kapag maraming tao ang nag-aral, sinuri at pinag-isipan ang kalagayan ng proletaryado, makikita nilang ang manggagawa'y pinagsasamantalahan kaya dapat palayain.

Dagdag pa rito ang hulaping "ismo" sa komunismo, tulad ng materyalismo, imperyalismo, kapitalismo, sosyalismo, at iba pa. Tumutukoy ang ismo sa namamayaning kaisipan sa isang sistema.

Labanan sa isipan, labanan sa pananaw. Ito ang unang larangan ng tunggalian ng uri. Ito ang unang larangan na dapat maipagwagi ng uring manggagawa. Kailangang maunawaan ng proletaryado ang kanyang kalagayan sa lipunan. Habang maraming manggagawa ang nag-aaral hinggil sa kanilang katayuan, mapapagtanto nilang marami ang dapat mangarap, kumilos, at magkaisa upang ganap na matamo ng uring manggagawa ang inaasam nilang paglaya.

Sa ganitong mga pagmumuni ko napagpasyahang ang doktrinang tinutukoy ni Engels ay isalin ko sa salitang aralin. At sa palagay ko, ito ang mas madaling maunawaan ng manggagawang Pilipino, lalo na't sila'y nagnanais lumaya.

Nawa'y nabigyan ko ng hustisya ang sa palagay ko'y angkop na salin ng "Communism is the doctrine of the conditions of the liberation of the proletariat."

Sabado, Setyembre 6, 2014

Paunang Salita sa aklat na Bolshevismo 1

Paunang Salita sa aklat na Bolshevismo 1

BOLSHEVISMO BILANG DIWA’T GABAY
NG URING MANGGAGAWA

Bakit Bolshevismo? Marahil ito ang tanong ng marami sa atin kung bakit ito ang napiling katawagan sa aklat na ito. Ano nga ba ang Bolshevismo? Mula ito sa salitang "bolshevik" na sa wikang Ruso'y nangangahulugang "mayorya". Lumitaw ang salitang ito sa panahong nagkaroon ng dalawang paksyon sa ikalawang Kongreso ng Partido ng Russian Social Democratic Labour Party (RSDLP) noong 1903. Ang dalawang paksyong ito ay ang Bolshevik (mayorya) na pinamunuan noon ni Lenin, at Menshevik (minorya) na pinamunuan naman ni Julius Martov. Dahil sa pamumuno ng mga Bolshevik ay nagtagumpay ang Rebolusyong 1917. Dito natin hinalaw ang pangalang Bolshevismo ng aklat na ito, na kung babalikan natin ang kasaysayan ay isang ideya ng sama-samang pagkilos ng manggagawa, at isang sistemang nakabatay sa ideya ni Lenin bilang ating gabay sa pagrerebolusyon at pag-oorganisa ng uring manggagawa, na siyang mayorya sa lipunan.

Narito ang ilang depinisyon ng Bolshevismo mula sa iba't ibang diksyunaryo:

Mula sa dictionary.reverso.net, "Bolshevism is the political system and ideas that Lenin and his supporters introduced in Russia after the Russian Revolution of 1917".

Mula sa www.merriam-webster.com, ang Bolshevismo ay "the doctrine or program of the Bolsheviks advocating violent overthrow of capitalism".

Mula sa freedictionary.com, ang Bolshevismo ay "the strategy developed by the Bolsheviks between 1903 and 1917 with a view to seizing state power and establishing a dictatorship of the proletariat".

Mahaba naman ang pagtalakay sa Bolshevismo sa Oxford Dictionary of Politics, na ang unang talata ay ito: "Political theory and practice of the Bolshevik Party which, under Lenin, came to power during the Russian Revolution of October 1917. The Bolshevik (meaning ‘majority’) radical communist faction within the Russian Social Democratic Labour party emerged during the 1903 Party Congress following the split with the more moderate Mensheviks (meaning ‘minority’). After a period of intermittent collaboration and schism with the latter, the Bolshevik Party was formally constituted in 1912."

Ayon naman sa Gale Encyclopedia of Russian History, "Bolshevism may be characterized by strong organization, a commitment to world revolution, and a political practice guided by what Lenin called democratic centralism."

Ayon naman sa Wikipedia, "The Bolsheviks, founded by Vladimir Lenin and Alexander Bogdanov, were by 1905 a major organization consisting primarily of workers under a democratic internal hierarchy governed by the principle of democratic centralism, who considered themselves the leaders of the revolutionary working class of Russia. Their beliefs and practices were often referred to as Bolshevism."

Sa akdang Left-Wing Communism: an Infantile Disorder, tinalakay ni Lenin sa Paksang "The Principal Stages in the History of Bolshevism" ang kasaysayan ng Bolshevismo, na hinati niya sa iba’t ibang yugto:

The years of preparation for revolution (1903-05). The approach of a great storm was sensed everywhere.

The years of revolution (1905-07). All classes came out into the open. 

The years of reaction (1907-10). Tsarism was victorious.

The years of revival (1910-14). 

The First Imperialist World War (1914-17). 

The second revolution in Russia (February to October 1917).

Adhika ng Bolshevismo, Unang Aklat, at ng mga susunod pang serye nito, na ihatid sa malawak na mambabasa, lalo na sa uring manggagawa, ang mga sulatin ng mga rebolusyonaryong tulad nina Marx, Engels at Lenin, na isinalin sa wikang Filipino upang mas madaling maunawaan ng ating mga kababayan ang mga aral ng mga dakilang gurong ito ng rebolusyon. Sa ngayon ay inihahanda na ang Bolshevismo, Ikalawang Aklat.

Nawa ang proyektong pagsasalin na ito'y makapag-ambag sa muling pagbibigay-sigla sa kilusang paggawa, makapagpalalim ng kaalaman at pag-unawa sa mga teorya ng Marxismo-Leninismo, at makatulong sa mga manggagawa sa kanilang pagyakap at pag-unawa sa kanilang mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabago ng lipunan. Halina’t sama-sama nating tahakin ang landas ng Bolshevismo! Marami pong salamat! Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Setyembre 6, 2014
Sinulat sa ika-68 kaarawan ng aking ina