Miyerkules, Agosto 31, 2011

Demolisyon at mga Panukalang Batas sa Maralita

DEMOLISYON AT MGA PANUKALANG BATAS SA MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Demolisyon at panukalang batas. Sa dalawang ito nahaharap ngayon ang mga maralita. Habang pinag-iisipan nila paano maipagtatanggol ang kanilang mga karapatan sa sapat na pabahay, nakasalang naman sa Kongreso ang ilang mga panukalang batas na tiyak na makakaapekto sa kanilang karapatan sa paninirahan.

Bantang Demolisyon

Hirap na nga sa buhay, kulang na nga sa pagkain, araw-gabi nang nagtitiis, maraming utang, kaunti ang sahod, di na mapag-aral ang mga anak, eto't idedemolis pa sila sa kanilang mga tahanan. Hindi sila papayag na basta na lang tanggalan ng tahanan, dignidad at kinabukasan. Makikita mo ang galit at pagtitimpi ng maralitang inaapi sa lipunang ito, mga maralitang ayaw ng gulo ngunit pag niyurakan ang karapatan ay lumalaban, pangil sa pangil. Kung ikaw ang maralitang iyon, di ka pa ba lalaban kung niyuyurakan na ang iyong karapatan, kinabukasan at dignidad? Basta ka na lang ba susuko at luluhod sa mga naghahari-hariang umaangkin ng lupang kinatitirikan ng inyong tahanan?

Patuloy na nakaamba ang demolisyon sa maralita sa ngalan ng kaunlaran. Pag-unlad na maaaring etsapwersa na naman ang maralitam dahil sila'y masakit sa mata ng mga "dakila". Sa ngalan ng kaunlaran, para silang hayop na dapat mawala. Nariyan ang bantang pagdemolis sa libo-libo pang maralitang pamilya sa North Triangle at Agham sa Lungsod Quezon;  Brgy. Old Balara sa QC; ang roadwidening sa Tikling sa Taytay, Rizal; at sa Sitio Palanyag, Barangay San Dionisio, Parañaque.

Nagkagulo naman sa demolisyon sa lupaing inookupa ng mahigit isang libong residente ng Brgy. Old Balara sa Lungsod Quezon noong Agosto 26. Binarikadahan ng mga residente ang tatlong lane ng Commonwealth Avenue upang di makapasok ang mga demolition team. Iginiit ng mga residente na walang notice of demolition silang natatanggap. Umano'y pag-aari ng Susana Realty ang 11-ektaryang lupaing kinatitirikan ng mga bahay ng maralita.

Sa nakaambang demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa San Dionisio, pinagbantaan silang idedemolis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority dahl sinasabing sila raw ay nasa danger zone, ngunit sila'y nakipaglaban at nanindigan sa kanilang karapatan sa sapat na pabahay.

Sinasabi ng NHA na sold-out na umano sa Ayala ang buong kinatitirikan ng kabahayan ng mga taga-North Triangle, ngunit ang problema, hindi ipinapakita sa residente ang mismong mga papeles na talagang bayad na itong buo ng Ayala. Sabi ng mga residente, tao lang ang gumawa ng legalidad niyan, tao rin ang babago lalo na't nakikita nilang di ito makatarungan. Kaya nanatili ang mga residente ng North Triangle at onsite relocation ang kanilang pinaninindigan. Ang proyektong QCBD (Quezon City Business District) ang sumasagka sa kanilang karapatan. Gayunman, may nabanaag na pag-asa ang maralita sa napabalitang "No houses for the poor, no business permit" na lumabas sa Inquirer (11 July 2011), na sinabi umano ni QC Mayor Herbert Bautista na sa sinumang nagnanais magtayo ng negosyo sa QC ay dapat tiyaking kasama sa social cost ang maralita, at di basta-basta idedemolis ng walang katarungan. Kung ganyan ang patakaran sa QC, mas magandang sundan ito ng iba pang mayor o maging patakaran sa pabahay sa buong bansa.

Dapat magkaisang kumilos ang mga maralita bago pa muling magkaduguan dahil sa pagtatanggol sa buhay, dignidad at kinabukasang pilit at pilit na inaagaw sa kanila.

Mga Panukalang Batas: Pabor Ba o Hindi sa Maralita?

Ngunit nanganganib pa rin ang maralita. Dahil patuloy na gumagawa ng batas para sa maralita ang mga mayayamang kongresistang di nakaranas ng demolisyon, mga kongresistang nandidiring tumapak sa mga squatters area maliban kung mag-eeleksyon para buhusan ang mga dukha ng pangakong deka-dekada nang napapako. Ang mga kongresistang ito'y tulad ng mga ibong gumagawa ng batas para sa mga isda.

Nariyan ang pag-amyenda sa probisyon sa socialized housing sa UDHA (RA7279) na isa sa priority bill ni Pangulong Aquino, na imbis na 20% ng total cost ng proyekto ay para sa socialized housing ay maaring gawin na lang 10% o 5%, o maaaring tanggalin na itong tuluyan. Nariyan din ang panukalang pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development o DHUD.

Ayon sa talaan ng Committee Information on Housing and Urban Development, na may 55 myembrong kongresista, may mga nakasalang na 14 na House Bill (HB) at 11 House Resolution (HR) hinggil sa usaping pabahay. Ang ilan dito'y tungkol sa pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development (DHUD), programang green parks at insentibo sa mga subdibisyon, at iba pa. Sa ating mga maralita, napakahalagang suriin ang mga panukalang batas na ito.

Sa paglikha ng DHUD, nariyan ang HB 384 ni Rep. Gloria Arroyo (Pampanga, D2), ang HB 1157 ni Rep. Rodolfo Biazon (Muntinlupa City, Lone District), at ang HB 2216 ni Rep. Rodolfo Valencia (Oriental Mindoro (D1). Nariyan din ang HB 1231 (Omnibus Housing and Urban Development Act) ni Rep. Winston Castelo (QC, D2); ang HB 4565 (An Act creating a Local Housing Board in every city and first to third class municipality) ni Rep. Edwin Olivares (Parañaque, D1); ang HB 4578 (An act prescribing the mechanisms to facilitate the disposition of government-owned lands for socialized housing) ni Rep. Joseph Gilbert Violago (Nueva Ecija, D2); at ang HB 4656 (An Act instituting reforms in the government's drive against professional squatters and squatting syndicates) ni Rep. Amado Bagatsing (Manila, D5). Sa resolusyon naman ng Kongreso, nariyan ang HR 57 (A Resolution in Aid of Legislation to resolve the issue regarding alleged Smokey Mountain Project Scam), at marami pang iba.

Noong Pebrero, sa ulat ng Pangulo sa LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council), nangunguna sa talaan ng 23 priority bills ang paglikha sa DHUD. Sa ulat ng pangulo ngayong Agosto sa LEDAC, isa sa 13 priority bills ang panukalang Twenty Percent Balanced Housing Law o ang pag-amyenda sa Lina Law o sa Urban Development Housing Act of 1992 (amendments to the Urban Housing and Development Act of 1992 mandating socialized housing equivalent to at least 20% of the total condominium/subdivision area or project cost - BusinessWorld, Aug. 15, 2011).

Kaya nahaharap sa dalawang panukalang batas ang maralita. Ang nakasalang na paglikha ng DHUD, at ang panukalang pag-amyenda sa UDHA. Kung hindi kikilos ang maralita, baka makalusot ang mga panukalang batas na ito at maging ganap na batas na ginawa ng mga mayayamang kongresista nang walang partisipasyon ang mismong mga maralita.

Mga Mungkahing Gagawin ng Maralita

Kaya dapat ganap na subaybayan ng mga maralita ang pag-usad ng mga panukalang batas na ito at igiit nating maging bahagi tayo ng deliberasyon nito sa Kongreso. Halimbawa, sa panukalang DHUD, paano susubaybayan at makalalahok ang maralita hanggang sa maging consolidated bill ang HB 384, HB 1157 at HB 2216, hanggang sa maipasa ito sa third reading, maipasa sa senado hanggang sa mapirmahan ng pangulo upang maging ganap na batas. Ngunit bago iyon, pag-aralang mabuti ng maralita kung tunay nga bang makakatulong ang panukalang DHUD, kung saan pag-iisahin na rito ang iba't ibang housing agencies. Gayunpaman, di tayo dapat umasa na ang mga panukalang batas na ito ay maging pabor sa maralita, pagkat ang komposisyon ng mga mambabatas sa Kongreso ay pawang mayayaman, may negosyong real estate, mga developer, at marahil ay mas pumapabor sa pagsasapribado ng pabahay, imbes na ito'y pangmasa. Tulad na lang ng mapaniil na RA 9507, o Socialized and Low-Cost Housing Loan Condonation and Restructuring Program Act of 2008.

Dapat pakasuriin at araling maigi ang mga panukalang batas na ito, bigyan ng kritik na ipapasa natin sa mga kongresista, at kung kinakailangan ay aktibo tayong lumahok sa deliberasyon nito sa Kongreso. Sa kongkreto'y dapat magbuo ng team ang mga maralita na tututok sa mga panukalang batas na ito, mula sa pagsubaybay, pag-alam ng iskesyul ng deliberasyon at pagdalo rito, pag-lobby at pag-integrate ng urban poor agenda sa mga panukalang ito, pakikipagtalakayan sa mga kongresista, at mag-ulat sa kapwa maralita hinggil sa mga development ng mga panukalang ito sa Kongreso. 

Hindi pwedeng patulog-tulog ang maralita sa mga panukalang batas na may kinalaman at tiyak na makakaapekto sa kanilang karapatan sa pabahay, buhay, dignidad at kinabukasan.

Martes, Agosto 23, 2011

Ang Pagkulo ng Poleteismo ni Mideo Cruz

ANG PAGKULO NG POLETEISMO NI MIDEO CRUZ
ni Greg Bituin Jr.

Naging napakakontrobersyal ng Poleteismo ni Mideo Cruz, isa sa mga entry sa “Kulo”, ang eksibisyon ng 32 artists na inilunsad sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Hulyo 17 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal. Ang nasabing mga artists ay pawang nag-aral sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Dahil sa protesta ng marami, ang exhibit ay tuluyan nang isinara noong Agosto 10, 2011, kasabay ng pagri-resign ni Karen Flores, head ng CCP Visual Arts division.

Ang Poleteismo ay nagkaroon na ng iba't ibang bersyon na nagsimula noong 2002 sa UP Vargas Museum, Ateneo de Manila at Kulay Diwa Galleries, ngunit hindi naman nagkaroon ng kontrobersya. At kinilala pa si Cruz dahil dito. Katunayan, nagkaroon pa siya ng mga awards, tulad ng Cultural Center of the Philippines' Thriteen Artists Award noong 2003, at Ateneo de Manila Art Awards noong 2006.

Ang sining ni Cruz ay collage ng iniidolo ng mga tao sa araw-araw, tulad ng larawan nina FPJ, Marilyn Monroe, Mickey Mouse at Jesus Christ. Pinamagatan niya itong Poleteismo upang ipakita na sa araw-araw, lagi tayong tumitingala sa sinumang idolo, upang kahit papaano'y maibsan munti man ang nararanasan nating hirap, dusa at problema. Kailangan natin ng may supernatural na kakampi kahit man lang sa ating mga guniguni.

Magkaiba ng tingin ang dalawang National Artist sa isyung ito. Ayon kay F. Sionil Jose, "I saw the pictures, which too many people object and I said this is not art. These pictures illustrate that the artist is immature and juvenile in his attempt to express his views. This artist is not all that good because we do it when we were kids, where you put a mustache in people… ano ba yan."

Ayon naman kay Bienvenido Lumbera, "Dapat natin igiit na ang artista ay hindi siyang magtatakda ng limitasyon sa kanyang paglikha ng sining. Bahala yung mga magmamasid, bahala yung mga manonood, bahala yung mga makikinig na siyang magpasya kung ano ang hindi dapat ginawa ng artista. Bilang manlilikha hindi niya dapat tanggapin na siya ang dapat magpapasya na ganito ang limit ng aking sasabihin. Pagkakataon ito upang ipakilala natin na tayo bilang mga artista ay may paninindigan tungkol sa tinatawag na freedom of expression."

Sipatin natin sa pamagat pa lang kung bakit Poleteismo. Ang poleteismo o polytheism (mula sa salitang Griyegong poly - marami, thei - diyos, ism - sistema) ay ang pagsamba sa maraming diyos o diyus-diyusan, o mga idolo. Ang ginawa ni Mideo Cruz ay blasphemy o di paggalang sa mga relihiyosong imahe, ayon sa marami. Pinupuna ni Mideo Cruz ang mismong Katolisismo.

Hindi na ba natin pwedeng kwestyunin din ang Simbahan, tulad ng di natin pwedeng kwestyunin sa aktwal ang pananaw ng paring nagsesermon sa aktwal na misa? Hindi ba’t pinatay si Rizal dahil sa paglaban niya sa mga prayle?

Maraming Katoliko ang nag-react sa pagkapatong ng isang bagay katabi ng imahen ni Kristo, pero nang mapatay ang maraming mga aktibista, at marami pa ring mga desaparecido na di pa makita hanggang ngayon, di ganito ang reaksyon ng mga taong nag-aakusa ng blasphemy sa ginawa ni Mideo.

Ngunit ayon kay Mideo Cruz sa isang panayam, "I was raised a Catholic. I grew up believing in Santa Claus like everyone else. But as you grow up, you gain more knowldege about the world you live in." Dagdag pa niya, "The realities in our society are the real blasphemy of our own image, the blasphemy of our sacred self."

Nang makita sa telebisyon ang Poleteismo, maraming nagprotesta, may nag-vandal pa dito at ayon sa balita'y may nagtangka pang ito’y sunugin dahil sa ipinakita umano nitong pambabastos sa mga imahen. Ngunit kung pakakasuriing mabuti, ang mga art ni Mideo Cruz ay mga collage lamang at hindi pa ito ang diyos. Sabi nga ng isang mapagmasid, bakit nila sinasamba ang isang kahoy o batong inukit, at iniiyakan pa nila ito gayong ito'y gawa ng tao?

Kahit nga sa Bibliya, sinasabi sa 2 Kings 19:18 "and have cast their gods into the fire, for they were not gods, but the work of men’s hands, wood and stone. Therefore they were destroyed." Winasak ang mga diyus-diyusan dahil hindi ito mga diyos, kundi mga gawa ng tao, mga kahoy at inukit sa bato, kaya ito'y winasak. Tulad din ng mga larawang ginamit ni Mideo, hindi ito mga totoong diyos, kundi gawa ng tao. Ang mga rebulto'y gawa ng tao, tulad ng rebulto ng mga santo, rebulto ni Rizal at Ninoy, na di dapat sinasamba. Gayundin naman, sino ang huhusga na ang inukit na kahoy o bato ay diyos na? Dahil magkakaiba rin ng pinagsimulan, karanasan, at paniniwala ang bawat tao, nagkakaiba rin sila ng paliwanag sa mga bagay-bagay. Gayunpaman, dapat maggalangan ng paniniwala. Igalang ang paniniwala sa relihiyon, at igalang din ang karapatang magpahayag. Bagamat sinasabi ng iba na ang karapatan sa pagpapahayag ay di absoluto, kundi dapat responsable tayo sa ating ipinahahayag, di dapat sagkaan ang karapatang ito. Tulad din ng pagkritik ng masa o mamamayan sa katiwalian sa gobyerno, ang pagkritik ni Jose Rizal sa mga prayleng tulad ng mga Padre Damaso, tulad ng pagkritik ng mga dyornalistang pinaslang, tulad ng pagpapahayag ng mga aktibistang hanggang ngayon ay di pa makita at naging desaparesido.

Bagamat kailangan nating respetuhin ang paniniwala ng bawat isa, ang karapatang magpahayag ay isang karapatang mas mataas pa sa tinatawag na blasphemy. Ayon sa European Centre for Law and Justice (ECLJ), sa pagtalakay nito sa General Comment No. 34 ng Article 19 ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), the UN Human Rights Committee (UNHRC) “affirms the superiority of the right to free speech over the so-called right against blasphemy." Ayon pa sa dokumento, "Human Rights Stem from the Inherent Dignity of Human Beings and the Rights Articulated in Article 19 Are Meant to Protect Persons Not Ideologies." at "Restrictions on Freedom of Expression Based on Religious Laws are Incompatible with the Covenant and the Universal Declaration of Human Rights”.

Napakahalagang suriin natin ang dalawang panig. Dahil sinasabi ng mga Katoliko na ang sining ni Cruz ay imoral, masama sa moralidad ng lipunan. Ngunit ang tanong, sino ang nagtatakda ng moralidad? Magkakaiba ang mga konsepto ng tao ng masama at mabuti, ng hustisya at inhustisya, ng makatao at di-makatao, ng moral at imoral, at ito’y laging kumporme sa klase ng lipunang umiiral at kung sinong uri ang naghahari sa lipunan. Ang mga moralista bang umuupak kay Mideo ay nagsasalita na masama ang mga kapitalista dahil di binabayaran ng tamang halaga ang lakas-paggawa ng mga manggagawa? Sinasabi ba ng mga moralistang ito, tulad ng antas ng pagprotesta nila sa sining ni Mideo, na masama ang magdemolis ng bahay ng mga maralita, dahil mawawalan sila ng matutuluyan? Nagprotesta rin ba sila na masama ang child labor, ang pagkain ng pagpag ng mga dukha, ang pagkamkam ng mga panginoong maylupa sa mga lupa ng magsasaka, ang kasalutan ng kontraktwalisasyon na paglabag sa karapatan ng manggagawa, at marami pang iba. Para sa marami sa mga moralistang ito, dahil di naman nila kauri ang mga maralita, itsapwersa ang mga ito at di dapat bigyan ng pansin. Noong panahon ng mga henyong sina Plato at Aristotle, di nila sinabing masama ang maglatigo ng mga alipin dahil karaniwan lang ito. Sina George Washington at Thomas Jefferson ng mga ama ng demokrasya sa Amerika ay di pinalaya ang mga aliping Itim, kundi pawang kalahi lamang nila. Sa madaling sabi, ang moralidad ay nakabatay sa kung sino ang nagsasabi at kung ano ang antas na inabot ng lipunang umiiral.

Ang usapin ay di lamang hanggang blasphemy, kundi ang kalayaang magpahayag at paano ba natin tinitingnan ang kabuuan ng lipunan. Ginagarantyahan ng Konstitusyon ang karapatang magpahayag ng tulad ni Mideo Cruz, at di pwedeng basta na lamang tortyurin o sunugin ng buhay dahil kaiba ang paniniwala nila sa mga Obispo, tulad noong panahon ng Inkwisisyon.

Sabi nga ni Mideo Cruz, "I feel that some people are at least a century behind. I was surprised that some people would argue that their standard of beauty is taken from Thomas Aquinas or that their basis of contemporary aesthetics is from Luna and Hidaldo or even, more recently, from Amorsolo. I think people should behave in harmony with contemporary developments."

Nagbabago ang panahon at umuunlad din ang kamalayan ng tao, lalo na hinggil sa moralidad. Kung noon, ang moralidad ay ang mga sermon ng mga Padre Damaso, bistado na ito ngayon. Kung noon, sinasabing mapapalad ang mga naghihirap kaya ang mga tao'y di naghihimagsik laban sa pang-aapi, ngayon ay natututunan na ng mga taong lumaban at huwag magpaapi.

Umuunlad sa panahong ito kahit ang konsepto ng mismong moralidad. Darating ang panahon, idedeklara rin na ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon ay imoral dahil ito ang ugat ng kahirapan, na ang pagkamal ng tubo ay imoral dahil di nababayaran ng tamang halaga ang lakas-paggawa ng mga manggagawa, na ang kapitalistang sistema ay imoral dahil nagluluwal ito ng maraming iskwater sa sariling bayan.

Sabado, Agosto 20, 2011

Si Umbrero at ang Hunger Strike ng mga Bilanggong Pulitikal

SI UMBRERO AT ANG HUNGER STRIKE NG MGA BILANGGONG PULITIKAL
ni Greg Bituin Jr.

Ang pagkamatay ng bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero ang mitsa upang mag-hunger strike ang mga bilanggong pulitikal sa iba't ibang kulungan sa bansa.

Umaga ng Hulyo 15, 2011, namatay si Umbrero, 63, sa ospital ng New Bilibid Prison (NBP) sa sakit na lung cancer. Nito lang Pebrero nasuri ng mga doktor na siya'y may lung cancer. Dahil dito'y agad nanawagan ang iba't ibang grupo na palayain na si Umbrero upang makapiling man lang ang pamilya sa kanyang mga huling sandali. Ngunit sawimpalad, namatay siyang di napagbibigyan ang munting kahilingang iyon. At ang matindi pa, sa kauna-unahang executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino, pinalaya niya si Umbrero noong Hulyo 19, apat na araw nang namatay ang nasabing bilanggo.

Sa galit ng mga bilanggong pulitikal, nagsagawa sila ng hunger strike noong Hulyo 21, ngunit pormal itong isinagawa noong Hulyo 25 upang iparating sa media, sa pangulo, at sa madla ang kanilang kalagayan. Marami na sa kanila ang matagal na sa kulungan at dapat nakalaya na, habang marami na rin ang maysakit.

Ayon sa Medical Action Group (MAG), 26 bilanggong pulitikal sa Maximum Security Area ang sumama sa hunger strike at fasting. Ang ilan sa mga nag-hunger strike ay ang matagal nang nakapiit na si Juanito "Nitoy" Itaas na 23 taon nang nakapiit, ang 64 anyos na si Cresencio Inocerta, at pitong Muslim naman ay nag-aayuno. Tubig lamang ang iniinom ng mga hunger strikers, walang pagkain; habang ang mga nag-aayuno ay may light meal at tubig. Noong Agosto 4, anim sa kanila ay agad nang dinala sa NBP Hospital dahil sa pagbaba ng mga blood sugar. Ilang araw pa, ang ilan sa kanila'y di na kinaya ang pagha-hunger strike.

Pansamantalang itinigil ng mga bilanggong pulitikal ang kanilang hunger strike noong Agosto 17 upang bigyang daan ang diyalogo sa Agosto 19 sa pangunguna ni DOJ Secretary Leila De Lima at mga kinatawan ng mga bilanggong pulitikal. Sa kanilang pulong noong Agosto 19, pinag-usapan ang pag-aasikaso ng prison reforms, at ang muling pagrere-activate ng Presidential Committee on Bail, Recognizance and Pardon (PCBREP).

Ayon sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), may 306 bilanggong pulitikal na nakapiit sa iba't ibang kulungan sa bansa. Sinabi pa ng TFDP na di dapat ibinilanggo si Umbrero dahil sa kanyang paniniwala.

Dahil sa pagkamatay ni Umbrero at hunger strike ng mga bilanggong pulitikal, nanawagan ang iba't ibang grupo na dapat magkaroon ng reporma sa lahat ng kulungan sa bansa. Nagsumite ang MAG sa Department of Justice (DOJ) ang kanilang proposed amendments sa Rules of Parole and Amended Guidelines for Recommending Executive Clemency of the 2006 Revised Manual of the Board of Pardons and Parole, Section 3, Extraordinary Circumstances. Ang ilan sa amyenda ay ang pagpapababa ng cut-off sa edad mula pitumpung taong gulang sa animnapu, isama na ring palayain ang mga bilanggong may matitinding sakit, at palayain na ang mga bilanggong lagpas na ang sentensya, na kahit isang araw na higit sa sentensya ay di na dapat manatili pa sa kulungan.

Ang pamahalaang ay walang konsepto ng kung sino ang mga bilanggong pulitikal at sino ang hindi. Upang mapiit ang kanilang mga ideya, kinakasuhan sila ng kung anu-anong krimen na wala namang kaugnayan sa kanilang pulitikal na paniniwala.

Inaresto si national artist at labor leader na si Amado V. Hernandez noong Enero 26, 1951 sa salang "Rebellion with Murder, Arson and Robbery" o rebellion complex with other crimes. Ngunit pagkalipas ng ilan taon, pinalaya ng Korte si Hernandez. Ayon sa Korte Suprema, ang salang rebelyon ay isang kaso lamang at hindi pwedeng maging "complex with other crimes". Kaya noong Mayo 30, 1964, inabswelto na ng Korte Suprema si Hernandez.

Marahil, dapat ganito rin ang mangyari sa ating mga bilanggong pulitikal, kasuhan sila ng rebelyon at hindi patungan ng mga kasong kriminal.

Ang mga bilanggong pulitikal ay dapat nang palayain dahil di sila nababagay sa piitan. Palayain lahat ng bilanggong pulitikal!


PAGLAYANG NASAYANG
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(Hulyo 15, 2011 namatay ang bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero, patay na siya nang siya'y biyayaan ng executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino noong Hulyo 19, 2011)

huli na ang lahat, Noynoy Aquino
huli na pagkat ang pinalaya mo
sa una mong presidential clemency
ay ilang araw nang naililibing

di ko alam, 'yan ba ang utak-wangwang
na laging huli't palpak ang dulugan
noon pa dinulog ang kasong iyan
ngunit di naman agad inaksyunan

level 4 na ang kanser ni Umbrero
tanging hiling niya, Noynoy Aquino
ay makasama ang kanyang pamilya
sa nalalabi pang araw sa mundo

ngunit bigo siya, binigo siya
ng pangulong ayaw ng utak-wangwang
ilan pa, Noynoy, ang bibiguin mo
ilan pa ang mabibigo sa iyo

namatay siyang bigong makasama
sa huling araw ang kanyang pamilya
presidential clemency mo'y wala na
sayang pagkat iyon ang iyong una

tularan mo ang ina mong butihin
bilanggong pulitikal, palayain
paulit-ulit itong aming hiling:
BILANGGONG PULITIKAL, PALAYAIN!