Lunes, Enero 30, 2012

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo
ni Greg Bituin Jr.

Sadyang nag-aapoy sa galit ang taumbayan sa bawat pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang sagot ng kapitalista’y pagbuhos ng malamig na tubig ng rollback. Kaya pag pinatampok na sa media na nag-rollback ang presyo ng langis, bigas, LPG, at iba pa, natutuwa na at kalma ang kalooban ng taumbayan, dahil nag-rollback na ang presyo ng bilihin, na akala’y ibinalik na ito sa dating presyo. Pero ang totoo, pakunswelo lang ito ng mga kapitalista. Dahil hindi naman nito ibinabalik sa orihinal na presyo ang ni-rollback na presyo. Papatungan ng malaki, ngunit wala pa sa kalahati ang iro-rollback. Isang psywar tactics ng mga kapitalista upang kumalma ang taumbayan, habang harap-harapan nilang niloloko ang mga ito.

Ang mekanismong rollback ay pagbawas lang ng kaunti sa malaking patong ng kapitalista sa presyo. Kumbaga'y salamangka ito ng mga kapitalista para maibsan ang galit ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, na talaga namang pabigat sa bulsa ng naghihirap na mamamayan. Mataas ang patong, maliit ang bawas. Ganyan ang mahika ng rollback. Ganyan ang sikolohiyang ginagamit ng kapitalista para tumubo habang niloloko ang masa.

Tingnan natin ang kahulugan ng rollback sa diksyunaryo: (1) A rollback is a reduction in price or some other change that makes something like it was before; (2) Rollback (legislation), legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation.

Sa unang depinisyon, ibinaba ang presyo ng bilihin "that makes something like it was before." Kailan ba nabalik sa orihinal na presyo ang isang bilihin kapag nag-rollback? Wala. Nag-roll lang ang presyo, pero hindi nag-back sa dating presyo nito.

Sa ikalawa namang depinisyon: "legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation", hindi naman ito nangyayari dahil sa deregulation law, tulad sa langis. Merkado ang nagtatakda ng presyo, kaya di batas ng gobyerno ang nagbabago ng presyo. 

Suriin natin ang nakaraang pag-rollback ng presyo ng langis nito lang Enero 2012. Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Dahil sa pagprotesta ng sektor ng transportasyon, dagling nag-rollback ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Nag-rollback ng 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkakrisis sa bigas. Ang dating P20 average ng isang kilo ng bigas ay umabot ng P40 bawat kilo sa kaparehong klase ng bigas. Natural, krisis, at aplikable dito ang law of supply and demand ng kapitalismo. Kaunti ang supply ng bigas kaya mataas ang presyo. Nang magkaroon naman ng supply ng bigas sa merkado, natatandaan kong sinabi sa balita na ni-rollback na ang presyo ng bawat kilo ng bigas. Ngunit sa totoo lang, kalahati lang ng itinaas na presyo ang nabawas, kaya nakapatong pa rin sa orihinal na presyo ang kalahati. Di nabalik sa P20 bawat kilo ng bigas, kundi nasa average na P30 na ang kilo ngayon. May P32, may P35 bawat kilo ng bigas.

Sabi nga ni Marx sa kanyang Das Kapital, Tomo I, Kabanata 5, pahina 182, na tumutukoy kay Benjamin Franklin: It is in this sense that Franklin says, "war is robbery, commerce is generally cheating." Kung ang digmaan ay pagnanakaw, ang komersyo sa kabuuan ay pandaraya. Tulad ng rollback na hindi naman talaga pagbalik sa tamang presyo, dahil ito'y rollback na pakonswelo, dahil ito’y paraan ng kapitalista na mapaamo ang mga konsyumer, ang rollback ay maliwanag na isang paraan ng pandaraya sa taumbayan. Malaki ang patong, maliit ang bawas, kaya may patong pa rin.

Inilinaw pa itong lalo nina Marx at Engels sa artikulong Free Trade (1848): "What is free trade, what is free trade under the present condition of society? It is freedom of capital. When you have overthrown the few national barriers which still restrict the progress of capital, you will merely have given it complete freedom of action." Ibig sabihin, malaya ang merkado na gawin ang gusto niya dahil nga ito'y malayang kalakalan. Dahil sa deregulasyon, wala nang kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng pangunahing bilihin sa bansa. Dahil sa globalisasyon, ginawang patakaran ang deregulasyon na nagpalaya sa mga malalaking kumpanya, halimbawa, kumpanya ng langis, na paikutin at bilugin ang ulo ng taumbayan para sa kanilang sariling interes na tumubo. Kaya pinauso ang rollback na kunwari’y nakikinabang ang taumbayan, gayong binawasan lang ng maliit ang malaking patong sa presyo. 

At upang masolusyunan ito, isa sa mga unang hakbang ay ibalik sa gobyerno ang pag-regulate sa presyo ng bilihin, tulad ng pag-repeal sa Oil Deregulation Law at iba pang magugulang na batas sa presyuhan.

Walang mga komento: