ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nakaukit sa ating Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987, Artikulo III, Seksyon 4: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances." (Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taongbayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.) Ganito din ang nakatala sa First Amendment sa US Constitution, kung saan nakasaad: "Congress shall make no law respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof; or abridging the freedom of speech, or of the press; or the right of the people peaceably to assemble, and to petition the Government for a redress of grievances."
Ang pagpapahayag tulad ng pagrarali, mobilisasyon, pagsusulat, pagtatalumpati, at maging ang magbahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng internet (cybespace), tulad ng email, ay ating karapatan pagkat ginagarantiyahan ito ng Konstitusyon. Dahil dito, nagprotesta ang iba't ibang website sa buong mundo, tulad ng Google, Craigslist, Wikipedia, Mozilla, Flickr, WordPress, Tumblr, Vimeo, at Reddit, laban sa dalawang panukalang batas sa Kongreso ng Amerika, ang Stop Online Piracy Act (SOPA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika, at ang Protect IP Act (Preventing Real Online Threats to Economic Creativity and Theft of Intellectual Property Act, or PIPA) sa Senado ng Amerika. Di sa sa Amerika nakaabot ang protesta, kundi maging dito sa Pilipinas, at sa iba pang panig ng mundo. Sabay-sabay tinanggal pansamantala ng kanilang homepage, o pag-blackout nito noong Enero 18, 2012.
Ang PIPA ang muling isinulat na CONCA (Combating Online Infringement and Counterfeits Act), na hindi nakapasa sa Senado ng Amerika nuong 2010, habang ang SOPA naman ang bersyon nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na ipinakilala nuong Oktubre 26, 2011.
"Imagine a world without free knowledge," ayon nga sa Wikipedia. Ibig sabihin, pag nakapasa ang dalawang panukalang batas na ito, hindi na tayo pwedeng basta mag-download sa internet ng mga kinakailangan nating mga research, o kaya'y magbasa ng anumang balita at kaalaman mula sa ibang bansa, at marahil ay babalik na tayo sa mga lumang silid-aklatan upang magsaliksik. Hindi natin ito papayagang mangyari.
Kaya dapat tayong makiisa sa ipinaglalabang ito ng milyun-milyong mga netizen, dahil ang kaalaman ay karapatan. Dapat libre ito, at dapat malayang makakuha nito ang taumbayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento