Miyerkules, Oktubre 30, 2013

Pagninilay sa Kumperensyang "The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific"

PAGNINILAY SA KUMPERENSYANG "THE WORKING CLASS STRUGGLE FOR SOCIAL AND NATIONAL EMANCIPATION IN ASIA AND THE PACIFIC"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nakadalo sa tatlong araw na Pandaigdigang Kumperensyang pinamagatang "From Anti-Colonialism to Anti-Neoliberalism: The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific" sa Bonifacio Hall ng SOLAIR (School of Labor and Industrial Relations) sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula Oktubre 23 hanggang 25, 2013.

Sa unang araw, naroon na ang mga delegado sa ganap na ikalawa ng hapon, ngunit pormal na nagsimula ang programa sa ganap na ikaapat ng hapon. 

Kinatampukan ang unang araw ng pagpapakilala sa mga dumalo, pagbibigay ng mensahe ng mga tagapagsalita, pagpapasinaya ng isang silid bilang dedikasyon kay Gat Andres Bonifacio, presentasyon ng aklat ni Dr. Rene Ofreneo, at salu-salo. 

Binuksan ang palatuntunan sa pamamagitan ng mga mensahe ni Dr. Caesar A. Salome, Chancellor ng UP Diliman; Dr. Jonathan P. Sale, Dean ng SOLAIR; at Mr. Berthold Leimbach na resident representative ng Friedrich Ebert Stiftung.

Nagbigay rin ng mensahe ang apo ni Bonifacio na si Atty. Gary Bonifacio, at ang awtor na si Dr. Vivencio Jose.

Binubuo naman ng pitong plenaryo ang ikalawa at ikatlong araw na kumperensya, na pawang nagsimula ng ikasiyam ng umaga: 

Tatlong plenaryo sa ikalawang araw:

Plenary 1: Labor's Continuing Struggles for Social Justice, Equity ad Democracy: Lessons and Insights

Plenary 2: The Working Class and Working Class Organizations in the 21st century

Plenary 3: The Role of Women and Women's Organizations in Emancipatory Struggles

Apat na plenaryo sa ikatlong araw:

Plenary 4: Social Protection and Wage Equality for All: Institutional Challenges and Labor's Response

Plenary 5: The Working Class and the Arts

Plenary 6: The Rise of Precarious Work and Labor's Strategies

Plenary 7: Labor's Role in Building an Inclusive and Sustainable Asia and the Pacific

Sa Unang Plenaryo, tatlong tagapagsalita ang nagbigay ng presentasyon. Dapat ay apat ito batay sa programa, ngunit hindi nakarating ang unang tagapagsalita na si Hari Nugroho hinggil sa kanyang paksang pinamagatang "Opportunities, Constraints and Pitfalls: Labour movements in Indonesia's local democracy".

Unang nagbigay ng presentasyon si Sanjiv Pandita, Executive Director ng Asia Monitor Resource Centre, na nakabase sa Hong Kong. "Social Protection in Asia" ang pamagat ng kanyang presentasyon. Nabanggit niya ang Social Protection - AROSS Declaration noong Oktubre 22, 2013 sa SOLARIS, Manila, kailangan ng redistributive justice para sa inhustisya sa mga nakaraan, at ang pangangailangan ng isang pandaigdigang sistemang maisasabatas at kasama ang lahat, lalo na ang mga kababaihan, mga taong iba ang kulay ng balat, mga migrante, at iba pa. At ayon pa sa tagapagsalita, ang social protection ay hinggil sa hustisya.

Ikalawang nagbigay ng presentasyon ay si Dr. Ramon Guillermo, associate professor ng Department of Filipino and Philippine Literature ng UP. Ang pamagat ng kanyang presentasyon ay "Excluding Andres Bonifacio: Neoliberal Policies and the Access of the Philippine Working Class to Education at UP". Tinalakay niya ang buhay ni Bonifacio, na ito'y palabasa at palaaral. Noong ika-19 na siglo, ang edukasyon ay para lang sa mga maysalapi, habang nitong ika-20 siglo, ang edukasyon ay nakapailalim na sa neoliberalismo, naging negosyo na ang edukasyon, imbes na karapatan ng lahat. Sa dulo ay sinabi niyang sana balang araw ay may magtapos na isang Andres Bonifacio sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ang ikatlong nagbigay ng presentasyon ay si Gerry Rivera ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) na pinamagatang "PALEA's Fight against Contractualization". Tinalakay niya ang mga nangyari sa empleyado ng PAL, lalo na sa isyu ng kontraktwalisasyon, pagkakatanggal ng mga manggagawa, pagtatayo nila ng piketlayn, at ang ginagawa nilang patuloy na paglaban para sa katarungan sa mga manggagawa ng PAL.

Apat naman ang tagapagsalita sa Ikalawang Plenaryo. Ito'y sina Dr. Jonathan P. Sale hinggil sa "Identifying and Defining the Working Class in the Philippines: An Analytic Framework"; Benjamin Velasco hinggil sa "ICCAW: Building a Voice for Call Center Workers"; Dr. Ronahlee A. Asuncion hinggil sa "Work-Life Balance: The Case of UP Diliman Security Guards", at si Ms. Rosalinda C. Mercado hinggil sa "The PULLMAN Workers' Cooperative Experience".

Sa talakay ni Dr. Sale, matalinghaga niyang sinabing ang manggagawa ay tulad ng pusang itm na madilim na silid. Tinalakay niya kung sino ba ang uring manggagawa, at may binanggit siyang mga indicator o pamantayan. Binanggit niya ang mga saliksik mula kay Zweig (2001), Mertzgar (2005), Virola (2007) at Candeias (2007), at Serrano, Antunes (2013). Binanggit naman ni Velasco ang kasaysayan ng pagkakatayo ng Inter-Call Center Association of Workers o ICCAW, pati na ang dinaanang pakikibaka ng 667 call center agents na basta na lang tinanggalan ng trabaho sa isang call center company, hanggang sa sila'y maorganisa. Tinalakay naman ni Dr. Asuncion ang kaso ng mga gwardya sa UP, na ang 21% ay lady security guards. Ang pasok ng mga ito'y dalawang shift, mula 7am-7pm at mula 7pm-7am. Marami namang debate sa ikaapat na talakayan, na hinggil sa pagtatayo ng kooperatiba sa mga pabrika o pagawaan. Sa open forum, dito'y sinabi ng isang dumalo roon na ang pagtatayo ng kooperatiba ay isang labor-only contracting, dahil pinuputol na ang employer-employee relations, tinatabingan na ang karapatan ng mga manggagawa, tinuturuan ang mga manggagawang maging kapitalista, at pinapatay ang unyonismo. Ayon pa sa ibang dumalo, kung kaya pa lang itayo ang kooperatiba, dapat kaya ring itayo ang unyon, ngunit sinabi ng manggagawang taga-PULLMAN, hindi naman sila ang may ayaw ng unyon kundi ang management ang may ayaw ng unyon. Dito'y nagpalakpakan ang mga manggagawa sa kanya mismong pag-amin.

Sinabi pa ni Ms. Mercado na ang Pullman Workers Cooperative ay nasa labas ng kumpanya. Idinagdag pa ng ibang dumalo, ang unyon ang pangunahin o batayang organisasyon ng mga manggagawa sa pabrika at hindi ang kooperatiba, at ang kooperatiba ay hindi dapat maging pang-areglo sa union-management dispute. Ganito rin ang nais ng management ng PAL sa mga manggagawa ng PALEA, ngunit hindi pumayag ang mga taga-PALEA.

Ang Ikatlong Plenaryo ay hinggil sa kababaihan. Tinalakay ni Dr. Rosalinda Pineda-Ofreneo ang paksang "Locating Women's Emancipatory Struggles in Diverse Arenas under Neoliberal Globalization". Tinalakay naman ni Dr. Judy M. Taguiwalo ang paksang "Revolutionary Movements and Filipino Women's Emancipation, the Katipunan and the CPP". Tinalakay naman ni Dr. Rebecca S. Gaddi ang "Gender-Responsive Rural Women's Development Plan".

Nabanggit ang ilang punto: pagprotekta sa dignidad ng tao, ang Emancipation of Women ni Lenin, ang isyu ng bayan at unyon ay isyu ng kababaihan, 80% remittance ng mga seaman ay napupunta sa kanilang asawa, at ayon sa NEDA, ang sweldo ng fulltime housewife ay pumapatak sa P45,000 a month.

Sa open forum ay sinabi kong dapat na magrali ang mga manggagawa hindi lamang sa Nobyembre 30 na 150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio kundi sa Nobyembre 25 din, na siya namang International Day for the Elimination of Violence Against Women. Sinang-ayunan ito ng karamihan.

Matapos ang open forum ay nagtanghal naman sina Ebru Abraham at ang KontraGapi. Mga isang oras din ang kanilang pagtatanghal at nakipagsayawan pa sa kanila ang ilang delegado.

Sa sumunod na araw, Oktubre 25, sinimulan ang Ikaapat na Plenaryo ni Dr. Marius Oliver sa pagtalakay sa "Streamlining Social Protection for Asian Migrant Workers: The need for a coordinated policy". Ang sumunod na nagtalakay ay si Dr. Emily Christi A. Cabegin sa paksang pinamagatang "Widening Gender Wage Gap in Economic Slack: the Philippine Case". Si Rainier Almazan naman ang nagtalakay ng "Designing a microinsurance program for trade union members in Cambodia."

Dalawa lang ang tagapagsalita sa Ikalimang Plenaryo. Ito'y sina Jose S. Buenconsejo sa kanyang "Unvoicing the Poor: A Critique of the Film 'Pakiusap,' a Representation of Social Relationship in Feudalistic Philippines" at si Ms. Michelle Miguel Galvez sa kanyang "Looking at Women's Empowerment through Visual Arts". Ipinalabas ni Buenconsejo ang video ng ilang bahagi ng pelikula, at ipinalabas naman ni Ms. Galvez ang panayam ni Tina Monzon-Palma sa mga kababaihang nasa visual arts.

Sa Ikaanim na Plenaryo, ang apat na tagapagsalita ay sina Dr. Jonathan P. Sale, "Types and Concepts of Work and the Labor Code; Towards a Policy Framework"; Dr. Melissa R. Serrano, "Non-standard Employment in Selected ASEAN Countries: Trends and Union Strategies", Rene Magtubo, "Arresting the Spread of Precarious Work: Strategies or Courses of Actions for Trade Unions in the Philippines", at Aryana Satrya, "Working conditions and employees' job satisfaction and work engagement".

Sa Ikapitong Plenaryo, ang dalawang tagapagsalita ay sina Edlira Xhafa na nagtalakay sa paksang "Trade Unions and Economic Inequality: Perspectives, Policies and Strategies" at Dr. Rene Ofreneo na tinalakay ang "Forging the Social Contract for the 21st Century."

Isang malaking bagay para sa akin na nakadalo sa kumperensyang ito pagkat maraming nadagdag na kaalaman at impormasyon sa akin, lalo na sa iba't ibang isyu ng mga manggagawa. Sa mga susunod na magkaroon pa uli ng ganitong kumperensya ay dadalo pa rin ako.

Tunay na nakapukaw sa akin ang pamagat ng kumperensya - "From Anti-Colonialism to Anti-Neoliberalism: The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific" - na tila sayang ang pagkakataon kung hindi ako makadalo rito.

Ngunit may pagninilay ako hinggil sa pamagat ng buong kumperensya. Dahil sa salitang "struggle for social and national emancipation" ay hinanap ko ang mga lider at mga labanan, mga pag-aarmas para sa kalayaan. May ilan pa ngang nadismaya sa pamagat dahil nga ang inaasahan nila ay history o kasaysayan ng pakikibaka at madudugong labanan nina Andres Bonifacio, ngunit kung pagninilayan, sadyang iba ang laban ng uring manggagawa. Isyu at hindi pag-aarmas. Sa una ay aakalain mong digmaang bayan ito, ngunit sa proseso ng mga pagtalakay ay sadyang iba ang laban ng uring manggagawa. Ang armas ng manggagawa ay ang kanilang teorya ng pagbabago, hindi baril, ang pagtatayo ng isang lipunang walang pang-aapi at pagsasamantala, at hindi madugong sagupaan.

Kaya ang panawagang "Workers of the World, Unite! We have nothing to lose but our collective chain!" sa dulo ng presentasyon ni Dr. Ofreneo, at siyang tumapos sa pitong plenaryo, ay napapanahon pa hanggang ngayon, at panawagang siya ring bumuod sa naturang kumperensya.








Sabado, Oktubre 19, 2013

Ang usaping coal, klima at maralita


ANG USAPING COAL, KLIMA AT MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa darating na Oktubre 22 ay National Day of Action Against Coal (Pambansang Araw ng Pagkilos Laban sa Pagsusunog ng Karbon). Labinlimang lugar sa buong bansa ang magpoprotesta sa araw na ito. Ito'y sa Metro Manila, na lunsaran ng pambansang protesta; at sa mga lugar na may coal plant at balak itayong coal plant, sa Subic, Zambales, Bataan, Semirara, Caluya, Leyte, Socsargen, Ozamis, Pagadian, Palawan, Cebu, Davao, Iloilo, at Negros.

Ang protestang ito'y pinangungunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at ng iba't ibang samahang anti-coal sa mga lugar na nabanggit.

Dito sa Metro Manila, kasama ang mga maralita sa magpoprotesta. Bakit? Ano ba ang kaugnayan ng coal sa usaping klima at maralita.

Unang-una, ang proseso ng pagsusunog ng karbon sa mga coal plant ay nagpaparaming lalo sa mga carbon emission sa ating kalawakan. Isa itong "dirty and harmful energy" o marumi at mapanganib na enerhiya, dahil matindi ang dumi at polusyong ikinakalat nito sa kapaligiran, nakakapag-ambag sa papatinding pagbabago ng klima. Ibig sabihin, hindi na natural ang ating klima dahil sa napakaraming maruruming usok na nakakalat na sa ating kalawakan, lalo na sa espasyo ng ating kalawakan sa Pilipinas.

Napakalaki ng ambag ng labis na pagsusunog ng karbon sa akumulasyon ng greenhouse gas sa atmospera ng ating daigdig at ito ang pinakamalaking pinagmumulan ng pandaigdigang emisyon ng greenhouse gas. 

Ayon sa International Energy Agency (IEA), nanggaling sa pagsusunog ng karbon ang apatnapu't limang bahagdan (45%) o 14.2 gigaton ng kabuuang 31.6 gigaton ng pandaigdigang emisyon ng carbon dioxide mula sa kombustyon ng fossil fuel noong 2011. Ang labis na konsentrasyon ng greenhouse gas sa armospera ang pinagmumulan ng pag-iinit ng mundo at nagbabagong klima.

Sa nakaraang limang taon, inaprubahan ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagtatayo ng 26 na bagong planta ng karbon na pawang karagdagan sa 29 plantang karbon na pinatatakbo sa kasalukuyan, at 22 pang iminungkahing planta. Inaprubahan din ang 21 permit para sa pagmimina ng karbon, at ang kabuuang bilang ng mga permit na ito sa kasalukuyan ay umabot na sa 60.

Bakit dapat tayong magprotesta at makiisa sa pandaigdigang protesta laban sa coal at ano ang kinalaman nating mga maralita? Dahil ang pagbabago ng klima ay walang pinipiling taong tatamaan, kundi tayong lahat.

Una, kung lahat ay tatamaan, bakit matindi ang diskriminasyon sa ating mga maralita pag may dumating na malaking pagbaha na dulot ng pagbabago ng klima, na kahit sa panahon ng tag-araw ay matindi ang mga pag-ulan? Katunayan, matapos ang Habagat noong Agosto 2012, agad sinisi ng Malakanyang kaya dapat palayasin ang mga maralita sa mga tabing-ilog, tulay at estero dahil ang mga maralita raw ang pangunahing nakakapagdumi ng mga lagusang tubig, estero at ilalim ng tulay dahil marami sa atin ang doon nakatira.

Ayaw banggitin ng gobyerno na climate change ang dahilan ng pagbaha. Na ang nagdulot ng pagbaha ay dahil nababago na ang klima, na dulot naman ng labis-labis na konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera, na isa sa mga mayor na dahilan ay ang mga coal-fired power plant. Ayaw rin naman ng mga maralitang tumira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at estero, ngunit napipilitang doon magtayo ng bahay dahil sa kahirapan. Hindi sapat ang sariling diskarte ng maralitang isang kahig, isang tuka para umupa ng bahay. Bukod pa sa ang mayorya ng maralita'y biktima ng salot na kontraktwalisasyon, at kawalan ng katiyakan sa trabaho.

Hanggang ngayon, nakikibaka pa rin ang mga maralitang nakatira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at estero, para sa maayos na paninirahan at hustisyang panlipunan, kahit na mayroon na silang ginawang mga people's proposal kung paano sila makakaiwas sa panganib ng pagbaha, dahil ang mismong gobyerno'y nais talaga silang maitaboy sa malalayong lugar, dahil ang maralita'y masakit sa mata ng mga negosyante.

Ikalawa, laging sinisisi ang mga maralita sa pagbabago ng klima, gayong ang pangunahing pinagmumulan ng pagbabago ng klima ay ang konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera na ang isa sa pangunahing nagdudulot ay ang mga coal-fired power plants. Nagbabago ang klima, at sa bawat pagbabago ay apektado ang mga maralitang nakatira sa mga tabing ilog, ilalim ng tulay, at estero. Pag nagbaha, hindi sisisihin ang pagkakatayo ng malalaking malls na nagpakipot sa ilog na patungo sana sa dagat, tulad ng pagkipot ng ilog sa pinagtayuan ng SM Marikina.

Sa ating mga maralita, dapat tayong magprotesta laban sa mga panibagong plano ng pamahalaan na magtayo pa ng mga bagong coal-fired power plants bilang pinagmumulan ng enerhiya dahil bukod sa ito'y marumi at mapanganib, ito'y hindi mura. Tigilan na ang pagsisi sa ating maralita, at panahon nang tingnan ng pamahalaan ang kanilang mga patakarang nagdudulot pa ng paglala ng climate change. Ang pagmimina ng karbon at proseso ng kombustyon ay may malala at nakalalasong epekto sa kalusugan ng tao at ng kapaligiran. Pinahihina nito ang katatagan at kakayahan ng tao at ng pamayanan na harapin ang mga epekto ng nagbabagong klima. Winawasak ng pagmimina ng karbon ang mga kagubatan, kabundukan at mga daluyang tubig - na ang kahihinatnan ay malubhang kalagayan kabilang na ang paglala ng kalamidad dahil sa klima.

Dapat magsagawa ang pamahalaan ng plano patungo sa mga renewable energies o yaong mga pagkukunan ng malinis na enerhiya, tulad ng solar energy. Dapat laanan ng pondo ng pamahalaan mula sa labis-labis na pork barrel ng mambabatas at ng pamahalaan para sa mga solar panel sa mga lugar ng maralita, tulad sa mga lugar ng relokasyon, upang malinis na pinagmumulan ng kuryente ang dumaloy sa kabahayan ng maralita, bukod pa sa ito'y kabawasan sa pagbabayad ng maralita sa kuryente.

Sa Oktubre 22, magkita-kita tayo sa Morayta sa ganap na ika-9 ng umaga. Kung kakayanin, magsuot tayo ng itim na t-shirt bilang simbolo ng maitim na usok na ibinubuga ng mga coal-fired power plants at bilang simbolo ng pagdumi ng mga ilog, dagat at kapaligiran sa mismong paligid ng mga coal-fired power plants. Magmamartsa tayo patungong Mendiola sa ganap na ika-10 ng umaga.

Dalhin natin ang ating mga flags at magdala na rin ng ating sariling plakards, na ang nakasulat: 
"Climate Change at Coal Plants, Dahilan ng Pagbaha sa Kalunsuran! Huwag magtayo ng panibagong Coal Plants!"
"No to new coal plants!"
"No to coal mining!"
"Shift to Renewable Energies!"
"Pondohan ng pamahalaan ang paggamit ng Solar Power sa mga Komunidad ng Maralita!"
"Solar Power sa mga Komunidad ng Maralita, Simulan Na!"
"Solar Power Na, Hindi Coal Plants!"

Linggo, Oktubre 13, 2013

Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad


Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong buwan matapos ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa maraming lugar sa Pilipinas noong Setyembre 26, 2009, idineklara naman ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (United Nations General Assembly) noong Disyembre 21, 2009 na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction). Layunin ng paggunitang ito na maiangat ang kamalayan kung ano ang mga isinasagawang paraan ng mamamayan, saanmang bansa sila naroroon, upang mabawasan ang panganib na kakaharapin nila kung sakaling dumating ang mga kalamidad. Ang mga kalamidad na binabanggit ay tulad ng bagyo, biglaang pagbaha, pagpasok ng tubig sa bahay, lindol, buhawi, ipu-ipo at iba pang likas na kalamidad.

Gayunman, noong una'y bahagya akong naguluhan sa termino, dahil mas kilala natin ang katagang DRR o disaster risk reduction, na karaniwang ibinibigay na programa sa ilang samahan dito sa Pilipinas. Disaster risk reduction o pagbawas sa panganib na dulot ng kalamidad, at hindi disaster reduction na pagbawas sa kalamidad. Hindi kasi natin mababawasan ang kalamidad dahil ito'y kalikasan at hindi gawa ng tao. Ang kaya nating bawasan bilang tao ay ang epekto ng kalamidad sa tao. Kung dati ay binabaha ang iyong tahanan, aba'y taasan mo ang lupang tinutuntungan ng iyong bahay, o kaya'y lumipat ka ng tahanan. Pero bakit nga ba disaster reduction ang mas piniling katawagan sa pandaigdigang araw na iyon, imbes na disaster risk reduction. Nais ko itong hanapan ng sagot. Marahil, ang DRR ay paraan upang mabawasan ang panganib habang ang disaster reduction ay paglalarawan sa isang nakaambang panganib.

Batay sa Resolusyon Bilang 44/236 noong Disyembre 22, 1989 ng PKNB, idineklara nila ang ikalawang Miyerkules ng Oktubre bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang mga Likas na Panganib (International Day for Natural Disaster Reduction), ngunit ito'y inobserbahan lamang sa loob ng sampung taon, mula 1990 hanggang 1999 dahil ang dekadang ito'y idineklarang Pandaigdigang Dekada upang Mabawasan ang mga Kalamidad (International Decade for Natural Disaster Reduction). Gayunpaman, umikli ang katawagan sa pandaigdigang araw na iyon nang sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 64/200 noong Disyembre 21, 2009, pinagtibay ng PKNB na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay paggunita sa Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction).

Iba't iba ang tema ng bawat taon mula nang italaga ang pandaigdigang araw na ito noong 2009. Isa-isahin natin.

Tema ng 2009 - "Ligtas ang mga ospital sa kalamidad" (Hospitals safe from disaster). Napakahalagang ligtas ang mga ospital dahil sa iba't ibang kalamidad sa Pilipinas, Vietnam, Tsina, Samoa, Indonesia at Silangang Aprika, na hindi lamang buhay ang mga nawala, kundi nasira din ang mga pasilidad at imprastrakturang pangkalusugan. Kaya minungkahi ng UN sa lahat na magtayo ng mga bagong ospital na hindi kayang yanigin ng mga kalamidad

Tema ng 2010 - "Naghahanda na ang aking Lungsod!" (My city is getting ready!) Ipinanawagan ng UN sa mga kasapi nito na dapat silang maging aktibo sa pagprotekta sa mga lungsod laban sa mga kalamidad. Nang taong iyin, maraming bansa ang sinalanta ng mga kalamidad, tulad ng lindol sa mga bansang Haiti, Chile, at New Zealand; pagbaha at bagyo sa Pilipinas, Pakistan, Silangang Europa, Mozambique, ay ilan pang lugar sa Aprika; ang mga pagkasunog ng kagubatan sa Rusya; at pagputok ng bulkan sa Indonesia at Iceland, kung saan nagdulot ito ng maramihang pagkawasak ng lugar, at matinding hirap sa mga tao.

Tema ng 2011 - "Ang mga Bata at Kabataan ay Katuwang sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad: Humakbang tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Children and Young People are partners for Disaster Risk Reduction: Step Up for Disaster Risk Reduction!) Tatlong kabataan ang naging tagapagsalita sa Pandaigdigang Plataporma tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Global Platform for Disaster Risk Reduction) sa Geneva na dinaluhan ng 2,600 kinatawan mula sa iba't ibang bansa.Ang tatlong batang ito'y sina Andre, edad 16, at Alicia, 14, ng Pilipinas, at Johnson, 17, mula sa Kenya. Dito'y inilunsad nila ang limang puntong Kasulatang Pinagkayarian ng mga Kabataan tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad (Children's Charter for Disaster Risk Reduction), na mula sa konsultasyon sa mahigit 600 kabataan mula sa 21 bansa.

Ang limang puntong ito sa Kasulatan ay ang mga sumusunod: (1) Dapat ligtas ang mga paaralan - at hindi nagagambala ang pag-aaral. (2) Pangunahin ang proteksyon sa mga bata, bago, habang, at matapos ang kalamidad. (3) Ang mga bata at kabataan ay may karapatang lumahok at makakuha ng impormasyong kinakailangan nila. (4) Dapat ligtas ang anumang imprastraktura sa komunidad, at ang pagtulong at pagtatayo muli ng mga nawasak ay dapat makatulong upang mabawasan ang panganib ng kalamidad. (5) Ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay dapat makarating sa mga matinding tatamaan ng kalamidad.

Tema ng 2012 - "Ang mga kababaihan at batang babae ay may kapangyarihang magtaguyod ng pagbabago." (Women and girls are powerful agents of change.) Ang kawalan ng pagkakantay dahil sa magkaibang kasarian ang naglalagay sa mga babae, bata at sa buong pamayanan sa panganib pag dumating na ang kalamidad. Kaya marapat lamang ang edukasyon upang maging pantay ang pagtingin sa bawat isa, at isama ang mga kababaihan at batang babae sa buhay ng lipunan. Ito'y dahil wala namang pinipiling kasarian ang kalamidad, kaya dapat lahat ay maging kasama sa paghahanda, lalo na ang mga kababaihan at batang babae. Sila'y mga epektibong daluyan ng impormasyon upang lahat ay magkaunawaan at magkatulungan, lalo na sa oras ng kalamidad.

Tema ng 2013 - "Pamumuhay kasama yaong may kapansanan at kalamidad (Living with Disability and Disasters). Ang mga taong may kapansanan ay hindi ligtas sa kalamidad, dahil sa kanilang kalagayan at karamihan sa kanila'y mahihirap, ay may kakulangang makakuha ng edukasyon, maayos na kalusugan, tirahan, pagkain at paggawa, bago pa tumama ang kalamidad. Karaniwang wala silang mahalagang papel sa proseso ng pagpaplano paano mababawasan ang panganib ng kalamidad, mapigil ang kalamidad o kaya'y magtayo ng masiglang pamayanan. Karaniwan din ay hindi sila nakakatanggap ng tulong na kailangan nila kapag may kalamidad, at hindi rin kaagad sila nakakabangon.

Ayon nga kay Ban Ki-moon, Pangkalatang Kalihim ng Nagkakaisang Bansa, "Nakakapagligtas ng buhay ang paglahok. At pinatatatag nito ang mga taong may kapansanan upang angkinin nila ang kanilang sariling kaligtasan - pati na ang kanilang pamayanan." (Inclusion saves lives. And it empowers persons with disabilities to take ownership of their own safety – and that of their community.)

May ilang mga dokumentong mahahalaga hinggil sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad. Nariyan ang Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig (Yokohama Strategy and Plan of Action for a Safer World) ng 1994, ang Balangkas ng Pagkilos para sa Pagpapatupad ng Pandaigdigang Istratehiya tungo sa Pagbabawas ng Kalamidad (Framework for Action for the Implementation of the International Strategy for Disaster Reduction) ng 2001, ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) mula 2005-2015, at marami pang resolusyon ng Pangkalahatang Kapulungan.

Ang dokumentong Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig ang resulta ng pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Yokohama, Japan noong Mayo 23-27, 1994. Inilatag nito ang ilang patakaran hinggil sa pagpigil sa kalamidad, kahandaan at pagbabawas (mitigasyon). Ang unang bahagi ng dokumento ay naglalarawan ng mga alituntunin kung saan nakabatay ang istratehiya ng pagbabawas ng panganib. Ang ikalawang bahagi ang pinagkaisahang gabay ng pagkilos ng mga kasaping estado ng Nagkakaisang Bansa. At ang ikatlo naman ang naglalatag ng mga bagay hinggil sa mga susunod pang pagkilos.

Ito namang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) ang unang planong nagpapaliwanag, naglalarawan, at nagbibigay ng detalye sa kinakailangang mga pagkilos ng iba't ibang sektor at siyang kumikilos upang mabawasan ang mga mawawala sa kalamidad. Layunin nitong mabawasan ang mga pagkamatay dulot ng kalamidad at mabawasan din ang mga maaapektuhan sa usaping panlipunan, pang-ekonomya't pangkapaligiran kapag nariyan na ang kalamidad. Naisagawa ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo sa isang pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Lungsod ng Kobe, sa lalawigan ng Hyogo, sa bansang Japan, mula Enero 18 hanggang 22, 2005. May nakasaad na limang puntong nakapaloob sa Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Pagtiyak na ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay isang pambansa at isang lokal na prayoridad nang may matatag na batayang institusyonal sa pagsasakatuparan nito.

2. Tukuyin, suriin at subaybayan ang mga panganib ng kalamidad at patindihin ang maagang babala ng kalamidad.

3. Gamitin ang kaalaman, pagkamalikhain at edukasyon upang itatag ang isang kultura ng kaligtasan at katatagan sa lahat ng antas.

4. Pagbabawas ng mga batayang salik ng panganib.

5. Pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad para sa epektibong pagtugon sa lahat ng antas.

Napakarami nang bagyong nanalanta sa ating bayan, at napakarami nang tao ang nagbuwis ng buhay. Sa datos ng ating PAGASA, nariyan ang bagyong Uring noong Nobyembre, 1991 na 5,080 katao ang namatay, 292 ang nasaktan, habang may nawawalang 1,264 katao; bagyong Nitang noong Setyembre 1984, na 1,029 ang namatay, 2,681 ang nasaktan, at 464 ang nawawala. Sa mga nawasak ng bagyo, nariyan ang bagyong Rosing noong 1995 na sumira sa imprastrakturang nagkakahalaga ng P1.726B at agrikulturang nagkakahalaga ng P9.037B. Ang bagyong Loleng naman noong 1998 ay sumira ng imprastrakturang nagkakahalaga ng P6.787B at agrikulturang P3.695B.

Sa nakaraang dekada naman, umabot sa 337 ang namatay sa Ondoy (ABS-CBN, 100909), 102 namatay sa mga bagyong Pedring at Quiel (GMA News, 101011), 278 ang namatay sa bagyong Sendong sa Mindanao (Inquirer, 121711), 98 ang namatay sa Habagat (ABS-SBN, 081312). Umabot ng 1,621 ang namatay sa lindol noong Hulyo 16, 1990, at 847 naman ang namatay sa pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 kung saan 364 komunidad at 2.1 milyong katao ang apektado.

Malaki ang nawawala. Ari-arian at buhay, kaya dapat nating maging handa kung sakali mang dumating ang mga kalamidad. Kailangang magsuri at maging mapanlikha upang maging akma ang mga gagawing solusyon. Ang mahalaga, mabawasan ang maaapektuhan ng kalamidad dahil nagawa natin ang nararapat, tulad ng adaptasyon, o pag-aangkop sa sitwasyon upang mabawasan ang panganib, tulad ng paglipat sa mataas na lugar pag nagbaha o pagpapatibay ng bahay kung sakaling marupok na ang mga haligi nito.

Kailangang laging handang kumilos ang mga awtoridad at mga tao sa komunidad, lalo na yaong nasa nanganganib na lugar, at may kaalaman sila at kapabilidad para sa epektibong paggampan sakaling nariyan na ang kalamidad. Lalo na sa Pilipinas na taun-taon na lamang ay dinadalaw ng bagyo't binabaha. Kailangan nating laging maging handa, hindi lamang simpleng mga pag-angat ng gamit sa ating mga tahanan sakaling magbaha, kundi ang kahandaan ng kalooban at kaalaman, kung sakaling tayo na ang sinasalanta ng kalamidad, at kahandaang tumulong sa iba pang sinalanta. Napakahalaga ng bayanihan ng taumbayan sa panahong ito ng kalamidad.

Ang Oktubre 13 bilang pandaigdigang araw ay dapat magpagunita sa atin ng taal na diwa ng bayanihan, kahandaan, pagtutulungan, at pakikipagkapwa-tao. Mahalaga ang bawat buhay, kaya mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa sa anumang mga kalamidad pang darating. Kailangang maging handa ng bawat isa sa mga darating pang kalamidad. Higit sa lahat, magtulungan at magbayanihan tayo upang masagip natin ang anumang buhay na maaaring mawala dahil sa kalamidad.

Mga pinagsanggunian:
http://www.un.org/en/events/disasterreductionday/, http://www.unisdr.org/2013/iddr/, http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/cab/tc_frame.htm, http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoons_in_the_Philippines, http://www.abs-cbnnews.com/nation/10/09/09/death-toll-ondoy-rises-337, http://www.gmanetwork.com/news/story/234832/news/nation/pedring-quiel-death-toll-hits-102-ndrrmc, http://newsinfo.inquirer.net/112849/180-dead-nearly-400-missing-in-storm, http://rp1.abs-cbnnews.com/nation/08/13/12/95-killed-34-million-affected-habagat-rains, http://en.wikipedia.org/wiki/Mount_Pinatubo

Sabado, Oktubre 12, 2013

Ang dokumentaryong "Dear Mandela" ng CineMaralita

 ANG DOKUMENTARYONG "DEAR MANDELA" NG CINEMARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Oktubre 10, 2013, Huwebes, umaga, nang makita ko sa facebook ang patalastas sa dokumentaryong "Dear Mandela" na "free admission" o libre ang palabas. Ipapalabas ito sa UP Threatre sa Diliman, dalawang sakay lamang sa tinutuluyan ko. Kinagabihan, ikapito ng gabi, naroon na ako upang panoorin ang palabas.

Dahil lamang sa pamagat na "Dear Mandela" kaya ako nagtungo roon, na sa tingin ko ay tungkol sa buhay ni Nelson Mandela, ang presidente ng Katimugang Africa. Ngunit nagkamali ako, hindi pala iyon tungkol kay Mandela kundi sa mga maralita sa Africa na naipanalo nila ang kanilang laban.

Nagkamali lang ako dahil sa pamagat, ngunit maganda na nakatungo ako roon dahil din sa isyu ng maralita. Isa sa pinanggalingan kong organisasyon ay samahang maralita - ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod o KPML. Napunta ako ng KPML hindi dahil nanggaling ako sa isang lugar na dinemolis, kundi dahil doon ako napunta mula sa grupong Sanlakas. Kinuha ako ng KPML, ni Ate Emy, upang maging manunulat ng KPML dahil nag-resign na ang dating manunulat nila sa kanilang pahayagan.

Kaya ang pag-aakala ko sa pamagat ay hindi naman nakadismaya sa akin, kundi mas nagdagdag pa ng panibagong kaalaman. Kumbaga, may kaugnayang sadya sa aking adbokasya at sa adbokasya ng KPML, lalo na sa karapatan sa paninirahan at pagbaka sa mga maling polisiyang basta na lamang itinataboy na parang daga ang mga maralita sa kanilang tinitirhan nang walang maayos na proseso at kawalan ng paggalang sa kanilang karapatan bilang tao.

Ang "Dear Mandela" ay dokumentaryo tungkol sa mga maralita sa Durban sa Katimugang Aprika at ang kanilang pakikibaka para sa isang maayos na paninirahan. Ang ginamit na halimbawa rito ng mga maralita, lalo na ang mga kabataan, ay ang mga halimbawa ni Nelson Mandela kung paano lumaban at ipanalo ang kanilang laban.

Nang ang pamahalaan ng Katimugang Aprika ay nangakong aalisin ang mga iskwater at itataboy sila sa malalayong lugar, malayo sa lungsod, tatlong magkakaibigan ang tumangging umalis. Ito'y sina Mazwi, Mnikelo, at ang babaeng si Zama, na siyang mas pinagtuunan ng pansin ng dokumentaryo. Mga bahay na giniba, mga pagbabanta, mga pagkilos sa korte, pinangunahan ng ilang kabataan ang pagtindig sa kanilang karapatan sa paninirahan bilang patunay ng lakas ng taumbayan kung magsasama-sama. Tinawag ang kilusan nila na Abahlali baseMjondolo (residents of the shack, o yaong mga naninirahan sa mga barungbarong sa kanilang lugar). Ngunit kaiba ang tirahan nila sa barungbarong ng Maynila, dahil nakatira sila sa malalaking gusaling maraming mga silid, at bawat silid ay tirahan ng bawat pamilya. 

Mula sa kanilang tahanang ito na nais silang mapaalis hanggang sa pinakamataas na korte, iginiit ng mga maralitang kabataang ito ang halimbawa ni Mandela at pinamunuan nila ang isang lumalaking kilusang nagtatanggol sa kanilang karapatan. 

Gayunman, ang pagtingin ng tatlong kabataang ito, hindi natupad ng partido ni Mandela, ang ANC (African National Congress) ang kanilang pangakong pagbabago. Dahil na rin ito sa pagkakasabatas ng "Slums Act" na nagligalisa sa ebiksyon at demolisyon, at nalabag ang karapatang nakaukit sa Saligang Batas ng kanilang bansa. Sa tulong ng mga abogadong pro bono o yaong hindi nagpabayad ng serbisyo, hinamon nila ang katumpakan ng "Slums Act" hanggang sa umabot sila sa pinakamataas na korte.

Ngunit napakaraming sakripisyo ang kanilang dinaanan. Nariyan ang demolisyon, tangkang pagpatay sa kanila, at pagsasamantala sa kanila ng pamahalaan, ngunit naging matatag sila sa mga pagsubok na iyon. 

Sa bandang huli ng palabas, nanalo sila sa korte at hindi napaalis. Ipinakita ng dokumentaryo ang malaking papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagbabago ng kanilang kalagayan.

Ang mga direktor ng "Dear Mandela" ay sina Dara Kell at Christopher Nizza. Ang dokumentaryong ito'y nanalo ng Grand Chameleon Award & Best Documentary sa Brooklyn Film Festival noong 2012. isa't kalahating oras o 90 minuto ang haba ng dokumentaryong ito.

Umuwi akong nasa isipan ang kanilang tagumpay, at nagdagdag sa akin ng inspirasyon na magpatuloy sa mga gampanin sa KPML at ipagtanggol ang karapatan ng mga maralita sa paninirahan sa pamamagitan ng makatarungang pamamaraan at malalim na paninindigan.

Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ang Limang Pandaigdigang Deklarasyon sa Kababaihan


ANG LIMANG PANDAIGDIGANG DEKLARASYON SA KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pilipinas, ang kadalasang malakihang raling nagaganap taun-taon ay tuwing Marso 8 (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan), Mayo 1 (Pandaigdigang Araw ng Paggawa), SONA (State of the Nation Address) tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, at ang Nobyembre 30 (Kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio). Sa dalawang pandaigdigang araw na nabanggit, wala ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa kalendaryo ng Nagkakaisang Bansa (United Nations). Bakit kaya? 

Gayunman, nakatala roon ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. At hindi lamang isang deklarasyon hinggil sa kababaihan ang nasa kalendaryo ng UN, may iba pa. At ito'y ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day) tuwing Hunyo 23, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women) tuwing Oktubre 15, ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women) tuwing Nobyembre 15, at ang pinakabago'y ang Pandaigdigang Araw para sa Batang Babae (International Day for the Girl Child) tuwing Oktubre 11.

Napakahalaga ng mga deklarasyong ito hinggil sa kababaihan, dahil halos kalahati ng populasyon ng mundo ay pawang mga babae. Pinahahalagahan natin ang mga babae dahil bawat isa sa ating narito sa kasalukuyan, maging ang ating mga ninuno, ay nanggaling sa tiyan ng bawat ina, babae.

Isa-isahin natin ang kasaysayan o pinanggalingan ng pagdedeklara ng araw na ito.

Marso 8

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day). Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Noong 1909, ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan ay pinagdiwang sa Estados Unidos sa petsang Pebrero 28. Itinalaga ang petsang ito ng Sosyalistang Partido ng Amerika bilang parangal sa welga ng kababaihang mananahi sa Nuweba York, kung saan nagprotesta ang mga kababaihan laban sa hindi magandang kalagayan sa pabrika. Noong 1910, sa pulong ng Pandaigdigang Sosyalista (Socialist International) na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa, idineklara nila ang isang Araw ng mga Kababaihan na pandaigdigan ang sakop, bilang parangal sa mga kilusan para sa karapatan ng kababaihan at upang makamit ang karapatan ng kababaihang maghalal at mahalal. Ginamit din ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang mekanismo upang iprotesta ang Unang Daigdigang Digmaan (WWI). At noong Marso 8 ng 1917 sa Rusya, nagprotesta't nag-aklas ang mga kababaihan para sa "Pagkain at Kapayapaan" na tumapat sa Marso 8 sa kalendaryong Gregorian, bagamat ginagamit ng Rusya sa panahong iyon ay kalendaryong Julian na tumapat sa Pebrero. Noong 1975, na siyang Pandaigdigang Taon ng Kababaihan (International Women's Year), sinimulan nang ipagdiwang ng UN ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8. 

Hunyo 23 

Ayon sa tala ng UN, libu-libong kababaihan ang mga nakaligtas sa dyenosidyo sa bansang Rwanda noong 1994 (1994 Rwandan genocide), mga kababaihang pawang namatayan ng asawa dahil sa digmaan. Lahat ay matinding natigatig, marami ang nagahasa, ang ilan ay nagkaroon ng HIV at marami sa kanila ang nakasaksi sa pagpatay sa kanilang pamilya. Mula 1994, nakikibaka na ang mga babaeng ito at ang mga organisasyong tumutulong sa kanila upang mabago ang pakikitungo sa mga kababaihan sa Rwanda, itinaguyod ang pagkakaroon ng madaliang pagkakaroon ng serbisyong medikal, pinansyal at pagpapayo, pati na rin pagbabago sa mga batas hinggil sa pag-aari, kasal, at karapatan sa mana ng kababaihan. Mula sa mga pangyayaring ito, idineklara ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (UN General Assembly) nitong Disyembre 21, 2010, sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 61/189, ang Hunyo 23 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day). Ayon kay UN Sec Gen. Ban Ki-moon,"Walang babaeng dapat mawalan ng karapatan pag namatay ang kanyang asawa - ngunit tinatayang 115 milyong balo o biyuda ang nabubuhay sa karalitaan, at 81 milyon naman ang pisikal na naaabuso. Maaaring mangyari rin ito sa mga babaeng may asawang mas matatandang lalaki. Gamitin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda upang itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga balo o biyuda upang gumaan ang kanilang buhay at mapagtanto nila ang kanilang malaking kakayahang makapag-ambag pa sa ating daigdig.

Oktubre 11

Nitong Disyembre 19, 2011, sa ika-89 na pulong plenaryo ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN General Assembly) ay pinagtibay ang resolusyon Bilang 66/170 na nagdedeklarang ang Oktubre 11 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw ng Batang Babae (International Day of the Girl Child). Ito'y bilang pagkilala sa karapatan ng mga batang babae at sa mga panibagong hamon na kanilang kakaharapin, pagtataguyod ng kakayahan ng mga batang babae, at pagtiyak na ang kanilang karapatan ay tunay na nasasaalang-alang. Kinikilala ng UN na may mga diskriminasyon pa ring nangyayari sa mga batang babae sa maraming panig ng mundo. 

Bagamat ang karapatan ng mga batang babae ay nakapaloob na sa Convention on the Rights of the Child, at sa paglaki nila'y sa iba pang pandaigdigang deklarasyon ng kababaihan, hindi sila hiwalay o hindi dapat inihihiwalay sa karapatan ng kababaihan sa kabuuan, ngunit binibigyang diin lamang o pokus ang mga batang babae sa deklarasyong ito, lalo na sa aspekto ng edukasyon, at karapatan ng mga bata. 

Oktubre 15

Noong Disyembre 18, 2007, sa pamamagitan ng Resolusyon 62/136, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN GA) ang pagtatalaga sa Oktubre 15 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women). Ito'y bilang pagkilala sa matinding papel at ambag ng mga kababaihan sa kanayunan, kasama na ang mga lumad o katutubo, sa paglilinang ng kaunlaran sa agrikultura at nayon, pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain, at pagpawi ng kahirapan sa kanayunan. Ang tema ng ika-57 sesyon ng Komisyon sa Kalagayan ng Kababaihan (nitong Marso 4-15, 2013) ay: "Pagpawi at pagpigil sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at batang babae."

Nobyembre 25

Noong 1960, pinaslang ng diktadurya ni Rafael Trijillo ang tatlong magkakapatid na babaeng sina Patria Mercedes Mirabal (Pebrero 27, 1924-Nobyembre 25, 1960), María Argentina Minerva Mirabal (Marso 12, 1926-Nobyembre 25, 1960), at Antonia María Teresa Mirabal (Ocktubre 15, 1935-Nobyembre 25, 1960). Ang natira na lamang sa magkapatid ay si Bélgica Adela "Dedé" Mirabal-Reyes (isinilang - Marso 1, 1925). Mula 1981, idineklara na ng mga kababaihang aktibista ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan. Noong Disyembre 20, 1993, pinagtibay ng PKNB ang Resolusyon Blg. 48/104 na siyang Pahayag para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (Declaration on the Elimination of Violence against Women).Naging ganap itong pandaigdigang araw noong Disyembre 17, 1999 sa pamamagitan ng Resolusyon 54/134 ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa nang ideklara nito ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence against Women).

Ilang pagninilay

Bagamat halos lahat ng deklaradong pandaigdigang araw sa UN ay pangkalahatan, babae man o lalaki, ang mga pandaigdigang araw para sa kababaihan ay hindi lamang para sa mga babae, kundi para rin sa kalalakihan, upang magkaunawaan ang bawat isa. Binigyang diin lamang dito ang pagtataguyod sa karapatan ng kasariang sa matagal na panahon ng pagsulong ng lipunan ay napabayaan at halos hindi natatamasa ang kanilang karapatan.

Sa palagay ko, dapat isama rin ang Mother's Day sa mga pandaigdigang deklarasyon, pagkat wala pa ito sa talaan ng United Nations. Gayunman, bagamat ito'y hindi pa nakaukit sa pandaigdigang deklarasyon, tiyak na nakaukit ito sa puso ng bawat isang nagmamahal sa ating mga ina.

Sa Pilipinas ngayon, mas kilala ng kababaihan ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan dahil taon-taon itong ginagawa. Kita ito sa malalaking rali ng kababaihan sa araw na ito. Bago lamang ang ilan pang deklarasyon. Bagamat nasimulan na rin sa Pilipinas ang pagkilala sa Nobyembre 25 ay bihira pa rin ang nakakaalam ng araw na ito. Gayunman, nasimulan na rin ilang taon na ang nakararaan ang mga malawakang pagkilos ng kababaihan pag sumasapit ang Nobyembre patungong Mendiola, sa lugar ng makasaysayang protesta. 

Bagamat bago pa lamang ang deklarasyon ng Oktubre 11 para sa mga batang babae, Oktubre 15 para sa mga babae sa kanayunan, at Hunyo 23 para sa mga biyuda, dapat bigyan din ang mga petsang ito ng kapantay na halaga, tulad ng Marso 8 at Nobyembre 25. Kailangan din itong gunitain bilang pagkilala sa mga babae, anuman ang katayuan nito sa buhay, bilang pantay ng lahat ng tao sa karapatan at hindi dapat nakakaranas ng karahasan. Kailangan pa ang mga deklarasyong ito sa ngayon habang marami pang nagaganap na karahasan sa kababaihan bilang paalala sa bawat isa ang paggalang sa karapatang pantao.

Ang mga pandaigdigang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi lamang dapat kababaihan ang gumunita at magsikilos, kundi kaming mga kalalakihan din. Pagkat ang bawat karapatan ay dapat tamasahin ng lahat ng tao, anuman ang kanyang kasarian upang matiyak nating ang daigdig na ito'y may paggalang sa bawat isa, iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat isa, at hindi dinarahas, hindi niyuyurakan, o binabalewala ninuman. Higit sa lahat, ang bawat isa'y nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao at iginagalang ang dangal at pagkatao ng bawat isa.

Miyerkules, Oktubre 2, 2013

Paunang Salita sa aklat na BONIFACIO 150

Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.

BONIFACIO 150

Ani Gat Andres Bonifacio, "Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad." (mula sa ikaapat na talata ng kanyang maikling akdang Mararahas na mga Anak ng Bayan)

Ang mga akda, sakripisyo, buhay, at karanasan ni Gat Andres Bonifacio ay mga aral na dapat nating balikan bilang pagpupugay sa kasaysayan at dangal ng bayan. At sa pagdatal ng ika-150 kaarawan ni Bonifacio sa Nobyembre 30, 2013, ay ating gunitain at ipagdiwang ang pagkakaroon ng isang Andres Bonifacio sa kasaysayan.

Mga kapatid, ang kasalukuyang panahon ay hindi naiiba sa panahon nina Bonifacio. Bagamat maraming nagbago dahil sa teknolohiya ay wala pa rin talagang nagbago, pagkat nagpapatuloy pa rin ang kahirapan, kagutuman, at kaalipinan.

Kaya kinakailangan pa rin nating kumilos at huwag manahimik na lang sa nakikita nating kaaba-abang kalagayan ng ating mga kababayan at laganap na katiwalian at pagsasamantala sa ating lipunan.

Sinikap ng inyong lingkod na sulatin at tipunin ang mga akdang ito bilang handog sa ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Ang kanyang halimbawa ay ating balikan at pag-aralan, at gawin nating inspirasyon ang kanyang kabayanihan tungo sa paglilingkod sa kapwa at sa pagpapalaya at pagtatamo ng ginhawa ng mga naninirahan sa bansang itong tangi nating lupang tinubuan.

Mabuhay ang ika-150 kaarawan ng Supremo! Mabuhay si Gat Andres Bonifacio