Miyerkules, Pebrero 29, 2012

Evacuation Centers at Bagyong Pedring


Pagkakait ng Karapatang Pantao, Di Lang Pabahay, ang Isyu ng mga Maralitang Biktima ng Bagyong Pedring
ni Greg Bituin Jr.

Wala nang naglalaro ng basketball sa mga basketball court ng Navotas. Dahil sa ngayon, mga evacuation centers muna ang mga basketball court na ito, mga evacuation centers ng 1,496 pamilyang apektado ng bagyong Pedring, na nanalasa noong Setyembre 27, 2011.

Sa isang araw lamang, binago ng bagyong Pedring ang kanilang mga buhay. Winasak ang kanilang mga kabahayan, nawalan sila ng tahanan, at napunta sila sa iba't ibang basketball court sa NBBN court, Phase 1 A, Phase 1 B, Phase 1 C, Piscador, San Rafael Village court, Tangos court, Tumana court, Daanghari site, Kapitbahayan, sa Navotas, upang doon pansamantalang manirahan. Ngunit ang problema, pinagbabato umano ng ilang mga residente sa lugar ang mga nasa evacuation centers at sinasabihan na silang umalis dahil marami nang di makapaglaro ng basketball dahil ginawa na ngang evacuation centers ang mga basketball court. Sa ngayon, limang (5) buwan na sila sa mga evacuation centers ngunit wala pa ring malinaw na programa sa kanila sa katiyakan ng kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Sila'y pawang mga biktima ng bagyong Pedring ay nawalan ng bahay sa dalampasigan ng Navotas.

Apat na ang namamatay sa mga evacuation centers ng Navotas. Tatlo dito ang namatay na sa sakit, isa sa panganganak, at isa ang nagahasa. Ang problema, ayon sa ilang residente, sinabi umano ng isang taga-DSWD na dumalaw sa lugar, na kung sakaling may mamatay muli sa evacuation centers, sabihin agad sa kanila, dahil bawal daw kasing iburol ang namatay sa may evacuation center.

Bilang protesta sa api nilang kalagayan, sa pangunguna ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod-National Capital Region-Rizal) nagmartsa noong Pebrero 8 ang mga maralita sa mga evacuation centers mula sa harapan ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas hanggang sa Navotas City Hall upang ipanawagan sa pamahalaang lokal ng Navotas na asikasuhin sila sa kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Wala ang mayor nang Navotas. Kaya ang ginawa ng maralita’y  nagmartsa naman patungong NHA-Navotas at doon isinagawa ang rali. Bukod sa mga maralitang nasa evacuation centers at mga lider ng KPML-NCRR, kasama rin nila ang mga lider ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Piglas Kabataan (PK), at mga maralita sa Daanghari site, R-10 Samana ZOTO, at Bangkulasi.

Ayon kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR, "Ang mga maralita sa mga evacuation centers ay mga tao ring katulad natin. Ngunit dahil sa bagyong Pedring, marami ang nawalan ng tahanan, di na nakapag-aral ang mga anak, nawalan ng trabaho, di kumakain ng sapat sa araw-araw, marami nang nagkakasakit na bata at matanda, at malaking usapin ng seguridad ng mga evacuees. Di maaring nakatunganga na lang ang maralita kaya sila'y nakikibaka sa araw-araw upang tiyaking matamasa ng kani-kanilang pamilya ang kanilang karapatan sa maayos at sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan."

Tanong nga ng mga maralita, “Mayor, Nasaan na ang programa mo para sa pabahay at serbisyo? Hirap na hirap na kami sa evacuation center.”

Ang isyu ng mga nasa evacuation centers ay di lang simpleng kawalan ng tahanan, kundi higit sa lahat ay ang pagkakait ng kanilang karapatan bilang tao. May ilan na umanong nailipat ng lugar o na-relocate sa malayo, ngunit bumabalik din sa evacuation center dahil sa kalayuan ng hanapbuhay sa pinaglipatan. Nariyan ang kawalan ng kuryente mula ikaanim ng umaga hanggang ikaanim ng gabi, di na makapag-aral ng ayos ang kanilang mga anak, kawalan ng pagkukunan ng ikinabubuhay, wala nang dumarating na relief at di dapat umasa sa relief lang, kundi solusyunan talaga ng pamahalaan ang kanilang sinapit.

Ayaw na silang pabalikin ng lokal na pamahalaan ng Navotas sa dating kinatitirikan ng kanilang tahanan sa dalampasigan ng Navotas, dahil umano ito’y gagawin nang tourist hub, na planong proyekto ng Navotas. Ngunit nananatiling matatag at naninindigan ang mga maralita sa evacuation centers. Sa gabay ng KPML, kasama ang ZOTO at PK, patuloy silang kikilos upang kanilang matamo ang kanilang mga karapatang pilit binabalewala at ipinagkakait sa kanila.

· Pabahay, trabaho, serbisyo, obligasyon ng gobyerno!

· In-city relocation, ipatupad!

· Itigil ang paghihigpit sa mga biktima ng Pedring!

· I-prayoridad ang edukasyon at kalusugan ng mga bata at kabataan sa mga evacuation centers

· Karapatang pantao, ipaglaban!

Biyernes, Pebrero 24, 2012

Panawagan para sa Daigdig na Walang Nukleyar, Ipinahayag sa Yokohama

PANAWAGAN PARA SA DAIGDIG NA WALANG NUKLEYAR, IPINAHAYAG SA YOKOHAMA
ni Greg Bituin Jr.

(nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero 16-Marso 15, 2012, pahina 14)

Sa Marso 11, 2012 ang unang anibersaryo ng trahedya sa bansang Japan, na sinalanta ng gahiganteng tsunami, lindol at pagkawasak ng reaktor nukleyar sa Fukushima. Nagdulot ito ng pagkakaroon ng mga biktimang tinatawag na Hibakusha. Unang ginamit ang salitang Hibakusha sa pagsasalarawan ng mga nabuhay na biktima ng bomba atomika sa Hiroshima at Nagazaki noong 1945. Nilikha ang mga Hibakusha mula sa pagmimina ng mga uranium, pag-test ng mga sandatang nukleyar, mga sakuna sa mga plantang nukleyar, at ang pag-imbak at paglilipat ng mga nuclear waste.

Ang mga karanasang ito ng mga Hibakusha sa buong mundo ay itinatago, ikinahihiya at di ipinagkakalat. Ang karapatan sa impormasyon, health records, paggagamot at pagbabayad pinsala ay di sapat, o kaya nama'y ipinagkakaila dahil umano sa kadahilanang "pambansang seguridad" o dahil sa mahal ng gastos. Di lang ito nangyayari sa Japan kundi sa lahat ng mga lugar na may industriyang nukleyar.

Dahil sa ganitong naganap at mga pagsusuri, inilunsad ng mahigit 10,000 katao ang isang malaking kumperensya upang pag-usapan ito. Ginanap noong Enero 14-15, 2012 ang Global Conference for a Nuclear Power Free World sa Pacifico Yokohama sa Japan. Kabilang sa mga dumalo ang 100 international participants mula sa mahigit 30 bansa, at brinodkas ng live sa internet, na may audience na tinatayang umaabot ng 100,000.

Dito'y pinagtibay ng mga dumalo ang Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World, kung saan nilalaman nito ang paliwanag hinggil sa naganap na lindol, tsunami at sakuna sa mga plantang nukleyar, kung bakit may mga hibakusha, at ang walong panawagan. Ayon sa pahayag, hindi ligtas ang anumang plantang nukleyar sa anumang sakuna, tulad ng naganap sa Fukushima. Ang kalagayan ay di pa rin kontrolado, ang mga planta'y di ligtas, at ang mga manggagawa'y nagtatrabaho ng may banta sa kanilang buhay at kaligtasan. Patuloy ang pagkalat ng kontaminasyong radyoaktibo. Dahil dito'y ipinahayag ng mga dumalo sa kumperensya na ang kalagayang ito'y isang rehiyonal at pandaigdigang usapin na dapat agad masolusyonan.

Sa lalawigan ng Fukushima, natagpuan ang mga radyoaktibong materyal sa gatas ng ina at sa ihi ng mga anak. May banta na ang buhay nila, pati na ang buhay ng mga susunod na henerasyon. Ang pangrehiyong ekonomya ay nasira.

Ang panawagan ng mga dumalo sa kumperensya, na nakaukit sa Yokohama Declaration, ay ang mga sumusunod:

1. Pagprotekta sa lahat ng karapatan ng mga apektado ng nangyaring sakuna sa plantang nukleyar sa Fukushima, kasama ang karapatan sa ebakwasyon, pangangalagang pangkalusugan, dekontaminasyon, kumpensasyon, at ang karapatang maganap pa rin ang dating pamantayan ng pamumuhay bago ang Marso 11, 2011;

2. Ganap na transparensiya at pananagutan ng gobyerno ng Japan at ng Tokyo Electric Power Company (TEPCO);

3. Patuloy na komprehensibong pagkolekta ng datos at pagsukat ng radyasyon sa tao, pagkain, tubig, lupa at hangin upang ipaalam ang mga agaran at kinakailangang tugon upang mapaliit ang pagkadale sa radyasyon ng populasyon;

4. Isang pandaigdigang landasin upang mapawi na ang paggamit ng nukleyar - mula sa pagmimina ng uranium hanggang basura ng nukleyar - at ang pagtatanggal sa lahat ng plantang nukleyar. Nawasak na ang paniniwalang ligtas ang nukleyar. Ang teknolohiyang nukleyar ay hindi naging ligtas;

5. Ang mga isinarang plantang nukleyar sa Japan ay di na dapat pang buksan;

6. Ang pagbabawal sa pagluluwas ng plantang nukleyar at mga sangkap nito, lalo na sa mga industriyalisadong bansa sa Asya, Gitnang Silangan, Aprika at Europa;

7. Pagsuporta ng mga awtoridad sa lokal at munisipal na may mapagpasyang papel sa paglikha ng isang lipunang di nakaasa sa kuryente mula sa nukleyar; at

8. Mga aksyon, demonstrasyon, mga pag-aaral at iba't ibang aktibidad na isasagawa sa buong mundo sa Marso 11, 2012 upang iprotesta ang di magandang trato sa mamamayan ng Fukushima at ipanawagan ang pagkakaroon ng isang daigdig na malaya sa nukleyar.

Batay sa mga prinsipyong ito, inilunsad ng mga dumalo sa Daigdigang Kumperensya ang "Forest of Action for a Nuclear Power Free World", na naglalaman ng mga kongkretong planong dapat isagawa. Ang mga rekomendasyong ito'y isusumite sa pamahalaan ng Japan, sa pamahalaan ng iba't ibang bansa, sa Rio+20, at sa iba pa. Dagdag pa rito ang pagtatatag ng East Asia Non Nuclear Power Declaration Movement, isang lambat ng mga alkalde at mga lider sa mga munisipyo, at kooperasyon sa pamamagitan ng Global Hibakusha Network.

Dito sa Pilipinas, marami na ring organisasyon ang magsasagawa ng aktibidad sa Marso 11, araw ng Linggo, na magsisindi ng kandila sa ika-6 ng gabi, at sa isang malaking mobilisasyon sa Marso 12, sa harap ng Japanese Embassy, upang irehistro ang suporta ng Pilipinas sa Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World, at pagkondena sa planong pagbubukas muli ng mga isinara nang plantang nukleyar sa Japan.

Lunes, Enero 30, 2012

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo
ni Greg Bituin Jr.

Sadyang nag-aapoy sa galit ang taumbayan sa bawat pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang sagot ng kapitalista’y pagbuhos ng malamig na tubig ng rollback. Kaya pag pinatampok na sa media na nag-rollback ang presyo ng langis, bigas, LPG, at iba pa, natutuwa na at kalma ang kalooban ng taumbayan, dahil nag-rollback na ang presyo ng bilihin, na akala’y ibinalik na ito sa dating presyo. Pero ang totoo, pakunswelo lang ito ng mga kapitalista. Dahil hindi naman nito ibinabalik sa orihinal na presyo ang ni-rollback na presyo. Papatungan ng malaki, ngunit wala pa sa kalahati ang iro-rollback. Isang psywar tactics ng mga kapitalista upang kumalma ang taumbayan, habang harap-harapan nilang niloloko ang mga ito.

Ang mekanismong rollback ay pagbawas lang ng kaunti sa malaking patong ng kapitalista sa presyo. Kumbaga'y salamangka ito ng mga kapitalista para maibsan ang galit ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, na talaga namang pabigat sa bulsa ng naghihirap na mamamayan. Mataas ang patong, maliit ang bawas. Ganyan ang mahika ng rollback. Ganyan ang sikolohiyang ginagamit ng kapitalista para tumubo habang niloloko ang masa.

Tingnan natin ang kahulugan ng rollback sa diksyunaryo: (1) A rollback is a reduction in price or some other change that makes something like it was before; (2) Rollback (legislation), legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation.

Sa unang depinisyon, ibinaba ang presyo ng bilihin "that makes something like it was before." Kailan ba nabalik sa orihinal na presyo ang isang bilihin kapag nag-rollback? Wala. Nag-roll lang ang presyo, pero hindi nag-back sa dating presyo nito.

Sa ikalawa namang depinisyon: "legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation", hindi naman ito nangyayari dahil sa deregulation law, tulad sa langis. Merkado ang nagtatakda ng presyo, kaya di batas ng gobyerno ang nagbabago ng presyo. 

Suriin natin ang nakaraang pag-rollback ng presyo ng langis nito lang Enero 2012. Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Dahil sa pagprotesta ng sektor ng transportasyon, dagling nag-rollback ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Nag-rollback ng 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkakrisis sa bigas. Ang dating P20 average ng isang kilo ng bigas ay umabot ng P40 bawat kilo sa kaparehong klase ng bigas. Natural, krisis, at aplikable dito ang law of supply and demand ng kapitalismo. Kaunti ang supply ng bigas kaya mataas ang presyo. Nang magkaroon naman ng supply ng bigas sa merkado, natatandaan kong sinabi sa balita na ni-rollback na ang presyo ng bawat kilo ng bigas. Ngunit sa totoo lang, kalahati lang ng itinaas na presyo ang nabawas, kaya nakapatong pa rin sa orihinal na presyo ang kalahati. Di nabalik sa P20 bawat kilo ng bigas, kundi nasa average na P30 na ang kilo ngayon. May P32, may P35 bawat kilo ng bigas.

Sabi nga ni Marx sa kanyang Das Kapital, Tomo I, Kabanata 5, pahina 182, na tumutukoy kay Benjamin Franklin: It is in this sense that Franklin says, "war is robbery, commerce is generally cheating." Kung ang digmaan ay pagnanakaw, ang komersyo sa kabuuan ay pandaraya. Tulad ng rollback na hindi naman talaga pagbalik sa tamang presyo, dahil ito'y rollback na pakonswelo, dahil ito’y paraan ng kapitalista na mapaamo ang mga konsyumer, ang rollback ay maliwanag na isang paraan ng pandaraya sa taumbayan. Malaki ang patong, maliit ang bawas, kaya may patong pa rin.

Inilinaw pa itong lalo nina Marx at Engels sa artikulong Free Trade (1848): "What is free trade, what is free trade under the present condition of society? It is freedom of capital. When you have overthrown the few national barriers which still restrict the progress of capital, you will merely have given it complete freedom of action." Ibig sabihin, malaya ang merkado na gawin ang gusto niya dahil nga ito'y malayang kalakalan. Dahil sa deregulasyon, wala nang kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng pangunahing bilihin sa bansa. Dahil sa globalisasyon, ginawang patakaran ang deregulasyon na nagpalaya sa mga malalaking kumpanya, halimbawa, kumpanya ng langis, na paikutin at bilugin ang ulo ng taumbayan para sa kanilang sariling interes na tumubo. Kaya pinauso ang rollback na kunwari’y nakikinabang ang taumbayan, gayong binawasan lang ng maliit ang malaking patong sa presyo. 

At upang masolusyunan ito, isa sa mga unang hakbang ay ibalik sa gobyerno ang pag-regulate sa presyo ng bilihin, tulad ng pag-repeal sa Oil Deregulation Law at iba pang magugulang na batas sa presyuhan.

Biyernes, Enero 27, 2012

Ang Resign All Noon... Ang Resign All Ngayon...


ANG RESIGN ALL NOON... ANG RESIGN ALL NGAYON...
ni Greg Bituin Jr.

Independyenteng linya. Ito ang naaalala ng taumbayan sa panawagang "Resign All!" noon ng grupong Sanlakas sa kasagsagan ng impeachment trial ni dating Pangulong Estrada. Tulad ng islogan sa kanilang poster noon, "Patalsikin ang buwaya, papalit ang buwitre" [“Oust the crocodile, the vulture will take its place”], paniwala ng Sanlakas na walang pinag-iba ang dalawang pangulo dahil pareho itong elitista at parehong may utang sa bayan. Isang araw matapos ang Edsa Dos, nang mapatalsik na si Erap bilang pangulo at makapanumpa si Gloria bilang bagong pangulo, idineklara agad ng Sanlakas: “Estrada’s ouster is the people’s will but Gloria is not the people’s choice!”

Ipinanawagan noon ng Sanlakas ang Resign All upang bigyang-daan ang pagbabago ng sistema, at hindi relyebo lamang ng panguluhan. Mag-resign lahat, mula sa presidente, bise-presidente, senate president at speaker ng house, at pansamantalang ipapalit si Chief Justice Hilario Davide sa isang caretaker government. 

Makalipas ang isang dekada, muling umalingawngaw sa lansangan ang panawagang Resign All. Sa kasagsagan ng impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona, nanawagan naman ng Resign All ang Partido Lakas ng Masa (PLM), at pinagbibitiw lahat ng mahistrado ng Korte Suprema. Kailangan ng pagbibitiw ng lahat ng mahistrado upang bigyang daan ang independyenteng pagrepaso sa proseso ng pagpili ng mga mahistrado sa pamamagitan ng tunay at demokratikong pamamaraan, at kasali ang taumbayan. Hindi dapat mangyaring ang Korte Supremang kontrolado ng mga Arroyo ay basta na lamang papalitan ng Korte Supremang kontrolado ni Pangulong Noynoy Aquino. Dahil matutulad lamang ang Korte Suprema sa bagong bote pero lumang patis ang laman. Bagong pangulo pero lumang sistema pa rin.

Ang tanong ngayon, sino ang dapat kumontrol sa Korte Suprema? Isang paksyon ng mga naghaharing uri na pumalit sa dating paksyon ng naghaharing uri? Dapat bang ito’y independyente ngunit pawang ilustrado pa rin ang mga mahistrado? O dapat ang magpasya na sa pagpili ng mahistrado ay ang taumbayan?

Hindi relyebo ng kung sinong kokontrol na elitistang pangulo ang solusyon, dahil mauulit lamang ang pagkakamali ng nakaraan. Dapat ito’y maging isang Korte Supremang di pinaghaharian ng mga mahistradong pinili ng elitistang pangulo, kundi mga totoong hukom na marahil ay galing sa manggagawa at maralita, upang ang hustisya ay makitang walang kinikilingan. 

Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas

Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ang artikulo'y nalathala sa magasing Ang Masa, pahina 7-8, isyu mula Enero 16 - Pebrero 15, 2012, kasabay ng kasagsagan ng impeachment kay Chief Justice Renato Corona)


nagtayo rin ng hukuman, at hukom na walang puso’t pawang utak ang pinili,
sa usapi’y katauhan ng may usap ang lagi nang batayan ng pasya’t hatol: katarungang makauri;
mga batas ang nagbadya:
ang maysala’y lalapatan ng katapat na parusa;
a, kamay ng katarungang kabilanin: isang lambat ng matandang inhustisya.
aligasi’y laging huli at kawala ang apahap;
ang katwira’y sa kalansing ng salapi nakukuha
- mula sa tulang Mga Muog ng Uri, ni Amado V. Hernandez

“at ang hustisya ay para lang sa mayaman” - mula sa awiting Tatsulok


Sadya nga bang para sa mayaman ang hustisya? Kamalayang makauri nga ba ang umiiral na hustisya sa bansa? Maaaring may  katotohanan ang mga ito, lalo na't susuriin natin ang mga naganap na maraming kabilaning hatol ng Korte Suprema, lalo na sa pagkiling sa mas maykaya sa lipunan, tulad halimbawa ng hatol na panalo ang mga manggagawa ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at final at executory na ang hatol, ngunit nabaligtad pa nang dahil lang sa isang liham, hindi motion, ng abugado ng Philippine Airlines (PAL) na si Estelito Mendoza. Gayundin naman, nabitay ang rapist na si Echegaray na isang mahirap, ngunit nakalaya na ang rapist na si Jalosjos na isang mayamang kongresista. 

May dapat nga bang kilingan ang Korte Suprema? Para nga lang ba sa mayayaman ang hustisya na nabibili sa kalansing ng salapi? Muog nga ba ng naghaharing uri ang Korte Suprema? Halina't balikan natin ang kasaysayan ng Korte Suprema.Ang Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, o Korte Suprema, ang siyang pinakamataas na hukuman sa Pilipinas, at ito rin ang hukuman ng huling dulugan (court of last resort). Binubuo ito ng 1 Punong Mahistrado (Chief Justice) at 14 na Kasamang Mahistrado (Associate Justice). Sa pamamagitan ng Act 136 ng Second Philippine Commission, na kilala ring Judiciary Law, isinilang noong Hunyo 11, 1901 ang Korte Suprema. 

Panahong Primitibo

Bago dumating ang mga Kastila sa bansa, ang mga pinuno ng mga balangay, tulad ng raha at datu, ang siyang awtoridad sa batas. Sa mga unang panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang kapangyarihang ito'y nasa kamay na ni Miguel Lopez de Legaspi, na siyang unang gubernador-heneral sa bansa, sa pamamagitan ng Royal Order nuong Agosto 14, 1569.

Panahon ng mga Kastila

Itinatag naman ang Royal Audencia nuong Mayo 5, 1583 na binubuo ng pangulo, apat na hukom at isang piskal. Ito ang pinamataas na hukuman sa Pilipinas. Nabago ang istruktura at katungkulan ng Royal Audencia nuong 1815 nang hinalinhan ang mga bumubuo nito ng punong mahistrado at nadagdagan pa ang mga kasamang hukom dito. At tinawag itong Audencia Territorial de Manila, na may mga sangay sa mga kasong sibil at salang kriminal. Sa pamamagitan ng Royal Decree nuong Hulyo 4, 1861, ang Royal Audencia ay naging purong sangay ng katarungan, bagamat ang mga desisyon nito ay maaari i-apela sa Korte Suprema ng Espanya na nasa Madrid.

Panahon ng mga Amerikano

Nuong 1898, sa panahon ng mga Amerikano, sinuspinde ni Gen. Wesley Merritt ang hurisdisyong kriminal ng Audencia at nagtatag ng hukumang militar. Noong Mayo 29, 1899, muling itinatag ang Audencia sa pamamagitan ng General Order No. 20 ni Maj. Gen. Elwell Otis, at ibinigay sa Audencia ang hurisdiksyon sa mga kasong sibil at kriminal, ngunit ito'y dapat sang-ayon sa soberanya ng Amerika. Pinangalanan sa Order na ito ang anim na kasaping Pilipino, sa pangunguna ni Cayetano Arellano bilang unang Punong Mahistrado. Samakatwid, ang Audencia ay nawala na sa pamamagitan ng Act 136 na siyang nagtatag ng kasalukuyang Korte Suprema, at nagbigay ng totoong independensya sa Korte Suprema, at hindi napapailalim sa kolonyal, militar o ehekutibo. Sa pamamagitan naman ng Administrative Code ng 1917, binasbasan nito ang Korte Suprema bilang pinakamataas na hukuman sa bansa, na binubuo ng siyam na kasapi - isang punong mahistrado at walong kasamang mahistrado.

Ang Kasalukuyan

Bagamat Pilipino ang natatalagang punong mahistrado mula 1901 hanggang 1935, mayorya ng mga kasapi ng Korte Suprema ay mga Amerikano. Naging pawang mga Pilipino ang mga mahistrado ng Korte Suprema nang maitatag na ang Commonwealth nuong 1935. Nang pagtibayin ng taumbayan ang Saligang Batas ng 1935, ang mga kasapi ng Korte Suprema ay lumaki - isang punong mahistrado at sampung kasamang mahistrado, na siyang umuupong en banc o dalawang dibisyong may tiglimang kasapi. Ayon sa Artikulo VIII, Seksyon 4 ng Saligang Batas ng 1987, labinglima na ang kasapi ng Korte Suprema na binubuo ng isang punong mahistrado at 14 na kasamang mahistrado. Nakasaad sa Artikulo VIII ng Saligang Batas ng 1987 ang kapangyarihan ng Korte Suprema, at sa pangkalahatan ay nahahati ito sa dalawa - ang katungkulang huridikal at katungkulang administratibo.

Ang lahat ng myembro ng Korte Suprema ay itinatalaga ng Pangulo ng Pilipinas, na batay sa listahang inihanda ng isang Judicial and Bar Council (Artikulo VIII, Seksyon 9 ng Saligang Batas ng 1987). Ang mga pagtalagang ito'y di na kinakailangan ng pahintulot ng Commission on Appointment.

Uring Pinanggalingan

Kung papansinin natin ang uring pinanggalingan ng mga naging Punong Mahistrado sa Pilipinas, halos lahat sila ay pawang nanggaling sa uring elitista, mula sa mga mayayamang angkan, at makadayuhan. Tulad halimbawa ni Cayetano Arellano, na unang punong mahistrado ng Korte Suprema. Isinulat ni Renato Constantino sa kanyang librong “A Past Revisited” na si Arellano ay “maka-Amerikanong tagasunod”. Ayon naman kay Dante Simbulan, “Other high positions given to top Federalistas were the following: Don Cayetano Arellano - chief justice, Don Victorino Mapa - associate justice. Sa artikulong “Fickle presidents, opaque JBC process, elitist court,” isinulat ni Malou Mangahas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ):  “MOSTLY old, mostly male, mostly born and bred in imperious Luzon and all schooled in imperial Manila. Two in every three were jurists and bureaucrats in their previous lives, and thus, also mostly creatures of habit and routine. In the last 20 years, while 15 of the 80 nominees were female, only three women were eventually appointed. This seemingly impregnable enclave of the elite is actually the Philippine Supreme Court, the most majestic of all the country’s courts, the final arbiter of constitutional questions, and “the last bulwark of democracy” in the land.” At idinagdag pa niya, “And despite democracy’s rebirth in 1986, the Supreme Court remains an exclusive club, no thanks to the still largely opaque, weak, and snobby processes of two entities responsible for screening nominees and appointees to the tribunal: the Judicial and Bar Council (JBC) and the President of the Philippines.”

Dahil pawang mga elitista ang nasa Korte Suprema, paano matitiyak ng mamamayan na magiging kakampi nga niya ang mga mahistrado rito, at hindi sa mga tulad ni Lucio Tan ng PAL at Henry Sy ng SM? Sa isang liham lamang ng abugado ni Lucio Tan sa Korte Suprema, nabaligtad ang hatol na final and executory sa kaso ng FASAP. Dapat magkaroon mismo ng pagbabago sa Korte Suprema, lalo na sa pagpili ng mga mahistrado, upang ang hustisya ay hindi kikiling sa isang panig dahil sa kalansing ng salapi.

Pinaghalawan:
Supreme Court website - sc.judiciary.gov.ph/
Librong The Modern Principalia: The Historical Evolution of the Philippine Ruling Oligarchy, by Dante Simbulan
A Past Revisited, ni Renato Constantino
Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987
wikipedia.org
PCIJ website

Huwebes, Enero 26, 2012

Rio+20 - “The Future We Want”: Ito ba ang gusto ng masa?

UN Document na Zero Draft sa Ika-20 Anibersaryo ng Earth Summit sa Rio
Rio+20 - “The Future We Want”: Ito ba ang gusto ng masa?
ni Greg Bituin Jr.

Nitong Enero 10, 2012, inilabas na ng United Nations Conference on Sustainable Development (UNCED) ang 19-pahinang dokumentong pinamagatang “The Future We Want”, o Zero Draft. Ang burador na ito ang pag-uusapan ng mga lider ng iba’t ibang bansa sa Rio de Janeiro Brazil, sa darating na Hunyo 20-22, 2012.

Ito’y bilang paghahanda na rin sa ika-20 taong anibersaryo ng Rio Declarationon Environment and Development na naglatag ng Agenda 21, habang sa bansa natin ay ang Philippine Agenda 21 for Sustainable Development. Ibig sabihin ng 21 ay ika-21 Siglo, kung saan kabilang na tayo ngayon. Matatandaang inilunsad noong Hunyo 3-14, 1992 ang Earth Summit sa Rio de Janeiro, Brazil at pinag-usapan ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa temang “Environment and Sustainale Development” na dinaluhan ng 172 gobyerno, at 108 dito ay mga head of state. Nagresulta ito sa mga dokumentong Agenda 21, ang Rio Declaration on Environment and Development, ang Statement of Forest Principles, ang United Nations Framework Convention on Climate Change, at ang United Nations Convention on Biological Diversity.

Matapos ang 20 taon ng kauna-unahang global environment conference sa Rio de Janeiro, babalik muli ang mga bansa sa Rio upang muling pag-usapan ang hinaharap ng sangkatauhan. Ang tanong ng masa, ito ba ang gusto nila?

Isinama rin sa dokumento na pwede namang makasama ang masa sa usapang ito. Ayon sa dokumentong Zero Draft sa paksang Engaging Major Groups: “17. Sustainable development requires major groups – women, children and youth, indigenous peoples, non-governmental organisations, local authorities, workers and trade unions, business and industry, the scientific and technological community, and farmers – to play a meaningful role at all levels.”


Kung noon ay sustainable development ang sentrong usapin, tampok sa bagong dokumento ay ang Green Economy sa konteksto ng sustainable development and poverty eradication. Ang tanong: Sino ang kokontrol sa Green Economy? Ang mga kapitalistang bansa ba? Muli na naman bang mai-etsapwera ang masa dahil hindi natutugunan ang mga suliranin ng bayan at pag-upak sa kapitalistang sistemang siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan? Ang balangkas ba ng Rio+20 ay makakatulong bang talaga sa masa? Dahil kung hindi, dapat lang ibasura ang dokumentong ito, at gumawa tayo ng parallel na dokumento, kasama ang mga dukha’t manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo para isulat din ang sariling bersyon natin ng “The Future We Want.” Ngunit sa ngayon, repasuhin natin ito dahil tiyak na malaki ang epekto nito sa ating hinaharap.

Martes, Enero 24, 2012

Censorship sa Internet, Ipinrotesta

CENSORSHIP SA INTERNET, IPINROTESTA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakaukit sa ating Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987, Artikulo III, Seksyon 4: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances." (Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taongbayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.) Ganito din ang nakatala sa First Amendment sa US Constitution, kung saan nakasaad: "Congress shall make no law respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof; or abridging the freedom of speech, or of the press; or the right of the people peaceably to assemble, and to petition the Government for a redress of grievances."

Ang pagpapahayag tulad ng pagrarali, mobilisasyon, pagsusulat, pagtatalumpati, at maging ang magbahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng internet (cybespace), tulad ng email, ay ating karapatan pagkat ginagarantiyahan ito ng Konstitusyon. Dahil dito, nagprotesta ang iba't ibang website sa buong mundo, tulad ng Google, Craigslist, Wikipedia, Mozilla, Flickr, WordPress, Tumblr, Vimeo, at Reddit, laban sa dalawang panukalang batas sa Kongreso ng Amerika, ang Stop Online Piracy Act (SOPA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika, at ang Protect IP Act (Preventing Real Online Threats to Economic Creativity and Theft of Intellectual Property Act, or PIPA) sa Senado ng Amerika. Di sa sa Amerika nakaabot ang protesta, kundi maging dito sa Pilipinas, at sa iba pang panig ng mundo. Sabay-sabay tinanggal pansamantala ng kanilang homepage, o pag-blackout nito noong Enero 18, 2012.

Ang PIPA ang muling isinulat na CONCA (Combating Online Infringement and Counterfeits Act), na hindi nakapasa sa Senado ng Amerika nuong 2010, habang ang SOPA naman ang bersyon nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na ipinakilala nuong Oktubre 26, 2011.

"Imagine a world without free knowledge," ayon nga sa Wikipedia. Ibig sabihin, pag nakapasa ang dalawang panukalang batas na ito, hindi na tayo pwedeng basta mag-download sa internet ng mga kinakailangan nating mga research, o kaya'y magbasa ng anumang balita at kaalaman mula sa ibang bansa, at marahil ay babalik na tayo sa mga lumang silid-aklatan upang magsaliksik. Hindi natin ito papayagang mangyari. 

Kaya dapat tayong makiisa sa ipinaglalabang ito ng milyun-milyong mga netizen, dahil ang kaalaman ay karapatan. Dapat libre ito, at dapat malayang makakuha nito ang taumbayan.