Martes, Abril 17, 2012

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa, Kapartido ni Ninoy Aquino sa LABAN (1978)
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa ikawalong isyu ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012, pahina 18.)

Kilalang manggagawa si Ka Alex Boncayao. Isa siya sa kapartido ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., nang tumakbo ito para sa halalan noong 1978 para sa Interim Batasang Pambansa.Ang Lakas ng Bayan, na pinaikling LABAN, ang partido pulitikal na inorganisa ng nakakulong pa noon na si Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.  Kalaban nilang mahigpit dito ang KBL (Kilusang Bagong Lipunan). Ang ilan sa mga kumandidato rito ay sina Alex Boncayao (kinatawan ng manggagawa), Trinidad "Trining" Herrera (kinatawan ng maralita) at Jerry Barican (kinatawan ng kabataan). Sa 165 kandidato, 137 ang nakuha ng KBL, ngunit walang naipanalo kahit isa ang LABAN. Ngunit sino nga ba si Alex Boncayao, ang lider-manggagawa? Bakit ang pangalan niya ay mas sumikat, hindi pa sa halalan, kundi nang ipinangalan sa kanya ang isang brigadang kinatakutan noon ng burgesya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB)?

Ayon sa ilang pananaliksik, tubong Agos, sa bayan ng Bato, sa lalawigan ng Camarines Sur si Alex Boncayao na mula sa pamilya ng mga magsasaka. Dahil namulat sa kahirapan sa kanayunan, sa murang gulang ay nilisan niya ang pinagmulang bayan upang makapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo. Pagdating niya ng lungsod, naghanap siya ng iba't ibang trabaho upang mabuhay. Siya'y naging tricycle driver, naging dyanitor at naging assistant chemist sa pabrikang Solid Mills.

Panahon ng batas militar nang maging tagapangulo siya sa unyon ng Solid Mills. Pinangunahan niya ang mga welga't sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ng Solid Mills noong 1976-77. Noong 1975-76, isa si Alex sa mga responsableng lider ng naunang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na namuno sa militanteng kilusang manggagawa upang labanan ang diktadurya ng  rehimeng Marcos.

Kasama siya sa mga tumakbong kandidato, sa pangunguna ni Senador Ninoy Aquino, sa ilalim ng bandera ng LABAN, sa halalan ng Interim Batasang Pambansa (IBP). Kasama ni Alex Boncayao sa mga kandidato ng Laban ang mga kilalang pulitikong sina Ernesto Maceda, Ramon Mitra, Jr., Nene Pimentel, Soc Rodrigo, Charito Planas at Neptali Gonzales. Walang nakalusot ni isa sa dalawampu't isang kandidato ng LABAN.

Dahil sa malawakan at lantarang dayaan sa halalan at panghuhuli ng diktaduryang Marcos sa mga kandidato ng LABAN, nagpasyang mamundok si Alex. Tumungo si Alex sa kanayunan at nagpasyang lumahok sa armadong pakikibaka. Sumapi si Alex Boncayao sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa Nueva Ecija at nag-organisa ng mga manggagawang bukid. Hunyo 19, 1983, isang buwan bago paslangin si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport, napatay si Alex Boncayao ng mga sundalo ng rehimeng Marcos sa isang engkwentro sa Nueva Ecija.

Isang taon pagkamatay niya, noong 1984, binuo ng Metro Manila Rizal Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines ang isang brigadang ipinangalan sa kanya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB) na may layuning magkaroon ng level playing field bilang armadong hukbong tagapagtanggol ng mga manggagawa laban sa mga goons ng kapitalista, at maging tagapagtanggol ng mga inaapi. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang ABB ay kinatakutan ng burgesya’t mayayamang mapang-api sa masa habang lihim namang nagpapalakpakan, sa ayaw man natin o sa gusto, ang masang kaytagal na pinagsamantalahan ng bulok na sistema.

Si Alex Boncayao, tulad ng iba pang martir ay hindi makakalimutan ng kilusang sosyalista at ng kilusang paggawa. Ang pangalan niya'y naging simbolo ng paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala. 

Ang kanyang mga makabuluhang ambag para sa pagsusulong ng pagbabago ay hindi matatawaran. Isa siyang tunay na martir ng uring mapagpalaya. Mabuhay si Alex Boncayao, manggagawa!

Mga Pinaghalawan:
(a) aklat na Ulos, Mayo 2002
(b) Wikipedia articles
(c) filipinovoices.com
(d) matangapoy.blogspot.com
(e) Taliba ng Bayan, 1992


PAHIMAKAS KAY ALEX BONCAYAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Nagpapatuloy pa ang pakikibaka
Ng maraming api sa gabi at araw.
Sa tinig sa ilang ng luha at dusa
Ang ngalan mo'y tila umaalingawngaw.

Kasama mo noon si Ninoy Aquino
Kandidato kayo sa partidong Laban
At tumakbo kontra pasistang gobyerno
Upang ang bayang api’y mapaglingkuran.

At nang matapos nang ganap ang eleksyon
Ay pumalaot ka tungong kanayunan
Sumama ka na doon sa rebolusyon
Ang masa'y kapiling at pinagsilbihan.

Prinsipyo’y matatag, hindi nadudungo
Magiting kang lider ng masa't obrero
Ngunit pinaslang ka ng pasistang punglo
Kaytindi ng iyong isinakripisyo.

Kaya nang mapaslang ka’y naging imortal
Sa ngalan mo’y natatag isang brigada
Misyo’y durugin kapitalistang hangal
Na sa manggagawa’y nagsasamantala.

Ang ngalan mo yaong umaalingawngaw
Sa dakong iyon ng bulok na sistema
Bayani kang tunay, Ka Alex Boncayao
Tulad mong obrero'y tunay na pag-asa.

Miyerkules, Abril 11, 2012

Makauring Kamalayan

MAKAURING KAMALAYAN

Nalathala bilang Editoryal ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012

Tuwing Mayo Uno, SONA, Nobyembre 30, at iba pang pagkilos, umaalingawngaw sa lansangan ang sigaw na "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!" Ngunit gaano nga ba nauunawaan ng mga manggagawang sila ang hukbong magpapalaya sa bayan mula sa pang-aalipin ng kapital, na ang paglaya ng manggagawa ay nasa sarili nilang kamay.

Ang suliranin ng manggagawa'y nasa kanya mismong sarili, dahil wala pa siyang tiwala sa kanyang sariling lakas. Hindi pa niya batid ang kanyang totoong lakas, kaya hindi pa niya nagagamit ito para sa kanyang paglaya at pagtatanggol sa kanyang interes, dahil ang gumagamit at nakikinabang pa sa pinagsamang lakas ng manggagawa ay ang mga kapitalista. Hindi pa batid ng manggagawa na siya ang nagpapakain sa buong mundo. Kitang-kita ang lakas na ito ng manggagawa sa kalakal na kung tawagin ay "lakas-paggawa". Ito ang kalakal na ibinebenta ng milyun-milyong manggagawa sa kapitalista sa araw-araw, at pinanggagalingan ng limpak-limpak na tubo ng kapitalista habang nananatiling binabarat ang sahod ng manggagawa. Subukan ng manggagawang sabay-sabay na tumigil sa pagtatrabaho at tiyak na titirik ang pabrika, titigil ang pagtakbo ng ekonomya ng bansa, kayang itirik ang buong kapitalistang sistema.

Iyan ang lakas ng mga manggagawa na hindi pa nila nakikita hanggang ngayon. Dahil ang tingin pa ng manggagawa sa kanyang sarili'y simpleng empleyado lamang, simpleng manggagawang pabalik-balik sa kanilang pabrika, pagawaan o opisina upang buhayin ang sarili't ang pamilya sa sweldong ibinibigay ng kanilang kapitalista o employer, silang ang tingin sa kanilang trabaho't kinikita'y utang na loob nila sa mga kapitalista, na ang mga kapitalista ang bumubuhay sa kanila, gayong sila ang bumubuhay sa kapitalista. Dapat makilala ng manggagawa ang kanyang sarili bilang mulat-sa-uri. Hindi pa alam ng manggagawa na binubuo nila ang isang URI sa lipunan, na pare-pareho ang kanilang interes sa pare-parehong paraan upang mabuhay, ang magpaalipin sa kapitalista kapalit ng katiting na sahod, na sila'y pare-parehong walang inaaring mga kagamitan sa produksyon, na ang tangi nilang pag-aari'y ang kanilang lakas-paggawa.

Kailangang makilala ng manggagawa ang kanyang sarili bilang isang uri, dahil ito ang unang larangan ng labanan, ang palayain ang kaisipan ng manggagawa mula sa bansot na kaisipang isinubo ng kapitalistang sistema sa buong bayan, sa buong daigdig. Sa madaling salita, hindi lamang dapat magkasya ang manggagawa sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagwawagi ng living wage, at pagiging maayos ng kondisyon sa pabrika bilang mga sahurang alipin. Higit sa lahat, sila'y maging mulat-sa-uring manggagawa na may layuning durugin ang katunggali nilang uri, ang uring kapitalista. 

Bilang mulat-sa-uring manggagawa, ang dapat paghandaan nila’y ang pagtatayo ng isang lipunang kanilang ipapalit sa bulok at inuuod na sistemang kapitalismo, ang pagtatagumpay ng diktadurya ng uring manggagawa, hanggang sa maitayo ang kanilang nakatakdang lipunan, ang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang lipunang SOSYALISMO.

Linggo, Marso 25, 2012

P88 na lang ang Halaga ng Panukalang P125 ngayon, Di Pa Maipasa


P88 na lang ang Halaga ng Panukalang P125 ngayon, Di Pa Maipasa
ni Greg Bituin Jr.

Sa ulat na "Palace thumbs down P125 wage hike proposal" ni Christine O. Avendaño (Philippine Daily Inquirer, Marso 21, 2012), sinabi ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte na ang panukalang P125 pagtaas ng sahod ng manggagawa sa bawat araw ay masyadong malaki. Idinagdag pa ni Valte na kung maisasabatas ito, madaragdagan ng P3,250 ang sahod bawat buwan ng isang manggagawa. Katwiran pa ni Valte, “While all of us want an increase in pay, instead of trying to help many, its possible that many workers will lose their jobs if this will be the amount of the legislated wage hike." Sa lohika niya, aba'y para pala matulungan ang mga walang trabaho ay pababain ang sweldo ng lakas-paggawa ng manggagawa, pigain pa ng pigain hanggang sa matuyo.

Ayon sa artikulo sa pahayagang Obrero noong Mayo 2005, "Ang panukalang batas na ito'y matagal nang panahong napag-usapan, napagdebatihan, naaprubahan at inendorso ng Committee on Labor and Employment para sa talakayan sa plenaryo at debate noong ika-11 at ika-12 Kongreso, ngunit dahil sa kakulangan ng panahon, ay hindi ito nakarating sa ikatlo't pinal na reading." Dagdag pa ng artikulo, "Sa kasalukuyan, ang basic pay ay P250 kada araw, dagdag ang P50 cost of living allowance (COLA) sa NCR, o kaya'y ang daily minimum wage na P300 ay walang dudang hindi sapat para mabuhay ng disente ang kahit isang pamilya. Ang cost of living sa ngayon para sa isang pamilyang may anim na katao ay P600 kada araw." 

Ngayong 2012, ang minimum wage ng manggagawa ay P426 na sa NCR. Kaya ang halaga ng dagdag na P125 ay pumapatak na lang ngayon ng P88, sa pormulang halaga ng 2005 at halaga ng 2012: P300 / P426 = n/125 = (P300 x P125 = n x P426 = P37,500 / P426 = P88. Kaya dapat mas mataas na ang halaga ng proposed P125 kung isasabay sa pagtaas ng minimum wage. 

Kaya makatarungan lang na maisabatas ang P125 na nakasalang ngayon sa Kongreso, dahil napakababa na ng halaga nito, na pag naisabatas ay parang isinabatas ang pagtaas ng P88 na tunay na halaga ngayon ng P125.

Wala nang bago sa mga ito kaya dapat ilaban ito ng mga manggagawa. Sa mga nagdaang pangulo, pati na si PNoy, ang polisiya nila ay wage freeze, pabor sa mga kapitalista. Ano namang maaasahan ng manggagawa sa mga pangulong galing sa iisang uri. Dahil sa neoliberal na patakaran, dapat mura ang presyo ng paggawa at maamo pa. Mura ang sahod para mas malaki ang tubo. Maamo pa para madaling sipain ng amo kung kailan gustuhin nito. Ipinagpapatuloy lang ni PNoy ang patakarang minana niya kay Gloria Arroyo.

Makatarungan lamang na ilaban at ipanalo ng manggagawa ang P125 across the board. Ngunit sa klase ng Kongreso ngayon, pati Senado at Ehekutibo, na pawang nanggagaling sa uring elitista't kapitalista, tiyak na malabong ibigay ito sa manggagawa. At kung nais itong ipanalo ng manggagawa, ilaban nila ito at ipanalo. At isa sa mga taktika upang ipanalo ito ay huwag na nilang iboto ang mga elitista't kapitalista sa susunod na eleksyon ng 2013, magluklok at maghalal ng mga kandidatong manggagawa sa mula sa Barangay, Kongreso at Senado. Suntok sa buwan? Ngunit sa ganitong paraan lamang marahil maipapanalo ang P125 pag mayorya na sa Kongreso ay manggagawa.

Sabado, Marso 24, 2012

Hindi Sapat ang Galit

HINDI SAPAT ANG GALIT

Nalathala bilang Editoryal ng magasing Ang Masa, Marso 16-Abril 15, 2012

Galit ka dahil sa patuloy na kahirapang dinaranas. Galit kami dahil sa patuloy na pagtataas ng presyo ng langis at LPG. Galit tayo dahil karamihan sa atin ay patuloy na pinahihirapan ng mataas na presyo ng mga bilihin, tulad ng bigas, isda, karne, atbp. Galit sila dahil patuloy silang nagugutom sa kabila ng kasaganaan sa lipunan. Galit ang maraming tao sa hindi magandang bukas na danas. Nakakangiti pa paminsan-minsan para pansamantalang makalimutan ang mga pagdurusang idinulot ng salot na sistemang kapitalismo sa bawat isa. Tanging mga kapitalista't elitista sa lipunan na lang yata ang di nagagalit sa sistema, bagkus ay tuwang-tuwa dahil sa pagkakamal ng labis-labis na tubo.

Galit ka ngunit basta ka na lang ba manununtok? Galit kami ngunit mananahimik na lang ba kami sa isang sulok? Galit tayo ngunit basta na lang ba tayo susugod sa Malakanyang? Hindi sapat ang galit. Hindi sapat ang umismid ka na lang, o kaya'y magtatatalak na lang sa isang tabi, gayong hindi ka kumikilos. Marami nang mamamayan ang galit, ngunit di nila lubusang maipakita ang kanilang galit sa sistema. Napapakita lang nila ito sa paisa-isang kilos-protesta ng iilang mamamayang organisado, ngunit hindi tuluy-tuloy, hindi sustenado. Habang ang mayoryang di organisado'y dinadaan na lang sa pag-ismid at pagwawalang-bahala, dahil sa katwirang wala namang mangyayari anuman ang gawin nating pagkilos.

Pag-aralan natin ang lipunan. Organisahin natin ang ating galit sa isang malawak at direktang pagkilos na tutugon upang masolusyunan ang ating mga problema. Huwag tayong padalus-dalos at bibira ng bara-bara dahil galit tayo sa pamahalaan at sa sistemang patuloy na nagpapahirap sa atin. Kailangan organisado tayong kumikilos, sa iisang layunin, sa iisang direksyon, upang mapalitan ang bulok na sistemang patuloy na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao.

Dapat tayong mag-organisa. Dapat kumilos ang mamamayan. Dapat mapakilos ang mamamayan. Ngunit kikilos lang sila ng sama-sama kung maoorganisa sila, kung may matatanaw silang lideratong palaban, matalino, tapat sa uring manggagawa, at kapakanan ng buong bayan ang laging nasa puso't isip.

Hindi sapat ang galit. Mababago lang natin ang ating kalagayan kung tayo'y kikilos. Isa sa unang kongkretong hakbang ay ang pagsapi sa  mga sosyalistang organisasyong nakikibaka para sa pagbabago ng sistema, tulad ng sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), sosyalistang Partido Lakas ng Masa (PLM), atbp. At mula doon ay pagkaisahin natin ang ating mga lakas patungo sa iisang layunin. Dapat tayong kumilos, mag-organisa, tungo sa iisang direksyon, tungo sa ating pangarap, tungo sa tagumpay ng ating layunin. 

Bawat hakbang natin patungong sosyalismo!

Linggo, Marso 18, 2012

Ang Komyun ng Paris - Unang Gobyerno ng Manggagawa

Komyun ng Paris (Marso 18 - Mayo 21, 1871)
UNANG GOBYERNO NG URING MANGGAGAWA
ni Greg Bituin Jr.

Dalawang buwan lamang ang itinagal ng Komyun ng Paris, ang itinuturing na unang gobyernong pinamahalaan ng mga manggagawa, ngunit ang kasaysayan nito'y hindi matatawaran. 

Sa loob ng dalawang buwang iyon na pinangunahan ng mga manggagawang kababaihan ng Paris, pinamahalaan ng mga manggagawa ang bagong anyo ng lipunan, ang lipunan ng uring manggagawa. Ngunit nakabalik ang pwersa ng burgesya, at tatlumpung libong (30,000) manggagawa ang minasaker ng tropa ng gobyernong pinamamahalaan ni Adolpe Thiers. Nagbubo ng dugo ang mga manggagawa ng Paris ngunit ang kanilang ginawa'y nagmarka na sa kasaysayan ng uring manggagawa sa daigdig. Sa akdang The Civil War in France (1871) ni Karl Marx, kanyang isinulat na ang Komyun ng Paris ang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labor could take place” (nadiskubre na ang isang pormang pulitikal kung saan ang pang-ekonomyang kaligtasan ng paggawa ay maaari nang maganap.) 

Kalagayan ng Pransya bago ang Komyun ng Paris

Nasa gitna ng digmaan ang Pransya laban sa bansang Prussia (na Germany ngayon) na pinamumunuan ni Otto von Bismarck. Ang digmaang ito, na kilalang Franco-Prussian war ng 1870-71, ay digmaan sa pagitan ng Ikalawang Imperyong Pranses at ng Kaharian ng Prussia. 

Nasakop na ng Prussian Army ang Paris, ngunit hindi nakipagmabutihan ang mga manggagawa ng Paris sa mga sundalo ng Prusya. Bumagsak ang Paris sa kamay ng Prussian Army noong Enero 28, 1871. Nagkaroon ng halalan sa Pransya noong Pebrero 8, 1871, na di alam ng mayorya ng populasyon; Pebrero 12 nang maitayo ang bagong Pambansang Asambleya; Pebrero 16 nahalal si Adolphe Thiers bilang punong ehekutibo ng Pransya; Pebrero 26 nang nilagdaan sa Versailles nina Thiers at Jules Favre ng Pransya, at ni Otto von Bismarck ng Germany, ang isang preliminary peace treaty sa pagitan ng France at Germany. Isinuko ng France ang Alsace at East Lorraine sa Germany, at nagbayad sila ng bayad-pinsalang nagkakahalaga ng 5Bilyong Francs. Unti-unting aalis ang German army pag naibigay na ang kinakailangang bayad-pinsala. Mayo 10, 1871 nang nilagdaan ang final peace treaty sa Frankfort-on-Main.

Noong Marso 1871, kumalas na sa pamumuno ni Thiers ang Pambansang Gwardya at sumama na sa mga manggagawa ng Paris, at itinayo ang isang Komite Sentral. Inilagay naman ni Thiers kanyang pamahalaan sa Versailles noong Marso 20.

Ang Komyun ng Paris

Noong Marso 18, 1871, sa permiso ng Prussia, pinadala ni Thiers ang hukbong Pranses upang kumpiskahin ang mga nagkalat na armas sa Paris na hawak ng mga manggagawa upang tiyaking hindi na lalaban ang mga manggagawa ng Paris sa hukbo ng Prusya. Balak dalhin ni Theirs ang mga makukumpiskang armas sa Versailles. Ngunit tinanggihan ito ng mga manggagawa. Pagdating pa lang ng umaga, hinarangan na ng mga manggagawang kababaihan ang pagdating ng hukbong Pranses na inatasan ni Thiers na nagtangkang kumpiskahin ang mga kanyon at iba pang armas. Hanggang sa magdatingan na ang taumbayan at pinalayas ang hukbong Pranses. 

Kahit na inatasan ni Thiers, di sumunod ang mga sundalo sa atas nitong pagbabarilin ang mga tao. Sina Heneral Claude Martin Lecomte at Heneral Jacques Leonard Clement Thomas ay pinaslang ng kanilang sariling mga tauhan. Apat na ulit inatas ng araw na iyon ni Heneral Lecomte na pagbabarilin ang mga tao, at pinakita naman ni Heneral Thomas ang kanyang brutalidad at pagkareaksyunaryo, at nahuli pa siyang nag-eespiya sa barikadang itinirik ng mga tao. Nag-alisan na rin ang maraming tropang sundalo habang may ilang natira sa Paris. Dahil dito'y nagalit si Thiers, at nagsimula na ang Digmaang Sibil sa Pransya.

Nang sumunod na araw, Marso 19, 1871, nagising ang mamamayan ng Paris sa kanilang kalayaan, at masaya nilang tinanggap ang natamong kalayaan. Ang tanging namamahala na rito ay ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya, na binubuo ng mga matatapat na tao, na hindi mga pulitiko, at ng mga manggagawa ng Paris. Marso 23, 1871, nagpahayag ang International Workingmen’s Association at Federal Council of Parisian Sections ng pagkakaisa at panawagang magkaroon ng halalan sa Marso 26, habang ipinapana-wagan ang ganap na paglaya ng mga manggagawa, at matiyak ang ganap na halaga ng kanilang lakas-paggawa. Tinawag nila ang Komyun ng Paris na isang Rebolusyong Komyunal. 

Noong Marso 26, 1871, inihalal ng mamamayan ng Paris ang konsehong tinawag na nilang Komyun ng Paris, na binubuo ng mga manggagawa, kasama ang mga kasapi ng Unang Internasyunal. Ipinroklama ang Komyun ng Paris noong Marso 28, 1871, kaya umani ang mga manggagawa ng Paris ng mabilis at malawak na suporta sa buong Pransya. Direktang kalahok sa pag-aalsang manggagawa ang mga lider ng internasyunal na kilusang manggagawa. Sa araw ding iyon ay umalis na sa pwesto ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya nang isinabatas nito ang paglalansag sa "Morality Police". 

Marso 30 nang nilansag ng Komyun ang sapilitang pagpapalingkod sa hukbo at ang mismong hukbo; ang tanging armadong hukbo lamang ay ang Pambansang Gwardya. Kinumpirma na rin ang pagkakahalal sa Komyun ng mga dayuhan, dahil "ang bandila ng Komyun ang bandila ng Daigdigang Republika". Idineklara naman noong Abril 1 na lahat ng kasapi ng Komyun ay tatanggap lamang ng kaparehong sweldo ng manggagawa, maging ito'y nasa pamahalaan o karaniwang manggagawa.

Ipinahayag din ng Komyun ang paghihiwalay ng simbahan at ng gobyerno, at ang pagpawi ng lahat ng kabayaran ng gobyerno para sa layuning pangrelihiyon, pati na ang transpormasyon ng lahat ng pag-aari ng simbahan upang gawing pambansang pag-aari. Idineklara ang relihiyon bilang pribadong bagay na lamang. 

Nagsagawa rin ang Komyun ng isang kautusan upang di barilin ng gobyernong Pranses ang mga kasapi ng Komyun. Sa kautusang ito, lahat ng mga taong mapapatunayang nakikipag-ugnayan sa gobyernong Pranses ay ituturing na bihag o hostages. Ngunit di ito naisagawa. Isang guillotine, o pamarusahang pamugot ng ulo ng nasentensyahan ng kamatayan, ang inilabas ng ika-137 batalyon ng Pambansang Gwardya, at sinunog sa harap ng taumbayan, na ikinasiya ng marami. Isa pang kautusang ipinatupad ng Komyun ang pagtanggal sa lahat ng paaralan ng lahat ng simbolong relihiyoso, litrato, dogma, dasal, at "lahat ng nasa ispero ng indibidwal na budhi". Agad itong ipinatupad.

Upang madurog ang Komyun, nagpasaklolo si Thiers kay Bismark upang gamitin sa Versailles Army ang mga binihag na hukbong Pranses na sumuko sa Sedan at Metz. Kapalit ng 5Bilyong Francs na bayad-pinsala, sumang-ayon si Bismarck. Kaya nilusob na ng hukbo ni Thiers ang Paris.

Umatras ang mga umatakeng tropa ni Thiers sa katimugang Paris nang malagasan sila ng maraming tauhan.

Abril 16, ipinahayag ng Komyun ang pagpapaliban sa lahat ng utang sa loob ng tatlong taon at pagpawi ng interes sa mga ito. Nag-atas din ang Komyun ng pagtatala ng lahat ng mga pabrikang isinara ng mga kapitalista at nagsagawa sila ng plano kung paano ito patatakbuhin ng mga manggagawang dating nagtatrabaho sa mga ito, na kanilang oorganisahin sa mga kooperatibang samahan, at planong pag-oorganisa ng lahat ng kooperatibang ito sa iisang unyon.

Tinanggal ng Komyun ang panggabing trabaho ng mga panadero, pati na mga registration card ng manggagawa, na inisyu ng Ikalawang Imperyo. Itinatag ng Komyun ang walong-oras ng trabaho bawat araw. Binuksan nila ang mga nakasarang pabrika, nagsagawa ng bagong patakaran sa pasahod at kontrata, at nagtayo ng konseho ng manggagawa sa mga pabrika. Binigyan ng tamang pasahod ang mga manggagawang delikado ang trabaho. Tinanggal ang mga multa sa manggagawa na nagkakamali.

Abril 30, inatas ng Komyun ang pagsasara ng mga sanglaan (pawnshops) sa batayang ang mga ito'y pribadong pagsasamantala sa paggawa, na balintuna sa karapatan ng mga manggagawa sa kanilang kasangkapan sa paggawa.

Mayo 10, 1871, nilagdaan ang Treaty of Frankfurt, isang tratadong pangkapayapaan bilang pagwawakas ng Franco-Prussian War.

Mayo 17, 1871 ng gabi, ipinatawag ang pulong ng Central Committee of the Union of Women, upang organisahin ang mga delegadong dadalo sa pagtatayo ng isang “federal chamber of workingwomen”.

Pagkadurog ng Komyun

Mayo 21, 1871, nakapasok ang tropa ng Versailles sa Paris. Ginugol ng French army ang walong araw hanggang Mayo 28 sa pagmasaker sa mga manggagawa, pinagbabaril ang mga sibilyang makita. Ang operasyong iyon ay pinangunahan ni Marchal MacMahon, na sa kalaunan ay naging pangulo ng Pransya. Tatlumpung librong Communards, manggagawa at mga walang armas na sibilyan at mga bata ang pinagpapatay; 38,000 ang ibinilanggo, at 7,000 ang sapilitang ipinatapon sa ibang bansa.

Saan nga ba nagkulang ang mga lumahok sa Komyun ng Paris? Bakit ito nadurog sa loob ng dalawang buwan lamang? Maraming mga ibinigay na rason ang mga nakasaksi noon.

Una, may kakulangan sa paghahanda ang mga manggagawa upang depensahan ang Komyun kung sakaling magkaroon ng paglusob sa lungsod, bagamat may ilang mga barikadang naitayo. Ikalawa, mas inuna nito ang pagtatatag ng mas maayos na hustisya sa buong Paris, imbes na durugin muna ang mga kaaway nito, lalo na ang tropa ni Thiers, upang di na muling makabalik sa kapangyarihan. Dapat ay naglunsad na sila ng opensiba laban sa hukbo ni Thiers na nasa Versailles upang di na ito magkaroon pa ng panahong makabawi. 

Ayon kay Marx, "Ang Komyun ng Paris, sa esensya, ay isang gobyerno ng uring manggagawa. Ang hukbo ng gobyerno ay pinalitan ng armadong mamamayan, ang kapangyarihan ng lehislatibo at ehekutibo ay hinawakan ng mga kinatawan ng manggagawa, na hinalal, may pananagutan at maaaring tanggalin anumang oras, at ang sahod para sa lahat ng opisyal na gawain sa pamahalaan ay kapantay ng sahod ng karaniwang manggagawa."

Para kay Lenin, hindi nasyunalismo kundi internasyunalismo ang ipinakita ng Komyun ng Paris. Ani Lenin, mahalaga ang paghihiwalay ng kaisipang nasyunalismo sa uring manggagawa: "Hayaan nyo ang burgesya sa pananagutan nito sa pambansang humilyasyon - ang tungkulin ng manggagawa ay pakikibaka para sa sosyalistang paglaya ng paggawa." Idinagdag pa ni Lenin, "Ispontanyo ang pagkakatatag ng Komyun. Noong una, ito'y isang kilusang may kalituhan. Ngunit nagkahiwa-hiwalay na ang mga uri sa takbo ng mga pangyayari. At tanging mga manggagawa lamang ang nanatiling matapat sa Komyun hanggang sa huli."

Mga Tampok na Isinagawa ng Komyun 

Ang Komyun ng Paris, bagamat sa loob lamang ng Pransya, ay hindi isang makabayang pakikibaka. Ito'y isang makauring pakikibaka ng manggagawa laban sa burgesya, laban sa kapitalismo, laban sa kapital. Ang Komyun ng Paris ay isang makasaysayang paglaban ng mga manggagawa ng Paris, isang pagsulong tungo sa pandaigdigang rebolusyon ng manggagawa, isang pagtatangkang wasakin ang burgis na makinarya ng gobyerno, at ito rin ang siyang dapat pumalit sa makinarya ng estado.

Ang Komyun ang unang tangka ng proletaryong rebolusyon na wasakin ang burges na makinaryang estado at ito rin ang siyang dapat pumalit sa winasak na makinaryang estado. Ang mga tampok at mahahalagang hakbang na ipinatupad ng Komyun ay ang mga sumusunod:

a. Pagbuwag ng regular na hukbong militar at pagtatayo kapalit nito ng armadong mamamayan.

b. Pagtatakda na ang lahat ng opisyales ay ihahalal subalit maaaring alisin sa pwesto anumang oras.

c. Pagtatanggal ng lahat ng pribilehiyo at pagbawas ng pasahod o alawans sa lahat ng naglilingkod sa estado upang ipantay sa antas ng pasahod sa mga manggagawa.

d. Ang pagwasak sa pulitika’t parlyamentaryo ng burgesya, mula sa isang talking shop ay naging isang working institution, isang institusyon ng paghaharing sabay na gumagampan ng gawaing ehekutibo at lehislatibo.

e. Ang organisasyon ng pambansang pagkakaisa. Itinayo ang mga Komyun hanggang sa antas ng pinakamaliit na komunidad. Isinentralisa ang mga Komyun sa isang sentralisadong kapangyarihan, upang ganap na wasakin ang paglaban ng mga kapitalista at ipatupad ang paglilipat ng pribadong ari-arian — pabrika, mga lupain, at iba pa — sa kamay ng buong bayan.

Mga Aral

Sa pagkadurog ng Komyun, maraming aral ang idinulot nito sa atin:

a. Hindi sapat ang pagkubkob lamang sa mga makinarya ng estado upang gamitin ng mga manggagawa, kundi ang buong estado'y dapat tuluyang wasakin upang di na makabalik pa ang burgesyang pinalitan ng Komyun. Dapat tiyakin ng Komyun kung paano mapoprotektahan nito ang kanyang sarili mula sa kanyang mga kaaway.

b. Kailangan ng maagap na pagdedesisyon kung paanong di na makakabalik at makakaporma pa ang burgesya. Maraming oportunidad ang Komyun para madurog ang mahinang pwersa ng gobyerno sa Versailles, ngunit dahil hindi maagap na nakapagdesisyon dito, sila’y binalikan at agad na dinurog. 

c. Dapat maitaas pa ang kamalayang makauri ng mga manggagawa upang maitayo nila ang sarili nilang lipunan.

d. Ang pag-aalinlangan ng Komyun na tuluyang durugin ang banta ng kaaway ay nagbigay pa ng panahon sa burgesya upang muling maorganisa (regroup), magpalakas ng pwersa, at makipag-kasundo sa mga Prussians. Masyado pang mabait ang mga manggagawa sa mga kapitalista’t burgesya.

e. Kailangan ng Komyun ng isang rebolusyonaryo, sosyalistang partido na magtitiyak ng tagumpay nito hanggang sa transisyon patungong sosyalismo.

f. Dapat kinumpiska agad ng mga manggagawa ang mga bangko, lalo na ang Bank of France, na siyang sentro ng kapitalistang yaman, na siyang ginamit ng kapitalista laban sa Komyun. Dapat isentralisa sa Komyun ang mga bangko upang tustusan ang rebolusyon.

g. Dapat nakagawa ng paraan ang mga manggagawa upang maging alyado ang mga pesante. Dahil ang mga pesante ang ginamit ng burgesya at ng hukbo ni Thiers upang durugin ang Komyun.

Ang Diktadurya ng Proletaryado

Sa karanasan ng Komyun ng Paris hinalaw ni Marx ang teorya ng diktadurya ng proletaryado. Ito ang papalit sa diktadurya ng burgesya o kapitalistang estado. Ang diktadurya ng proletaryado ay isang sosyalistang lipunang pinamu-munuan ng uring manggagawa, o proletaryado. 

Kongklusyon:

Ang Komyun ng Paris ang isa sa pinakadakila at inspiradong yugto sa kasaysayan ng uring manggagawa. Pinalitan ng mga manggagawa ng Paris ang kapitalistang estado ng sarili nilang gobyerno at tinanganan nila ang kapangyarihang ito ng dalawang buwan. Nagsikap ang mga manggagawa ng Pransya, sa kabila ng mga kahirapan, na wakasan na ang mga pagsasamantala at pambubusabos ng lipunan, at maitayo ang isang lipunan sa isang bagong batayan at pamantayan. Ang mga aral nito’y nagtiyak ng tagumpay ng Rebolusyong 1917 sa Rusya na pinangunahan ni V. I. Lenin, at naitayo ang isang Unyon ng Sobyet (konseho) na binubuo ng manggagawa.

Ang dakilang aral ng Komyun ng Paris ay isang malaking hamon sa uring manggagawa sa kasalukuyang panahon. Kailangan natin ng mas mataas na antas ng daigdigang pagkakaisa at mas matalas na kamalayang makauri upang matiyak na maipapanalo natin ang lipunang sosyalismong ating hinahangad para sa ating kagalingan at ng mga susunod pang henerasyon ng manggagawa.

Mga Sanggunian:

(a) The Civil War in France, Marso-Mayo 1871, Karl Marx; (b) Introduction on The Civil War in France, by Frederick Engels, 1891; (c) Lessons of the Paris Commune, Leon Trostky, Pebrero, 1921; (d) History of the Paris Commune, Prosper Olivier Lissagaray, 1876

Miyerkules, Pebrero 29, 2012

Evacuation Centers at Bagyong Pedring


Pagkakait ng Karapatang Pantao, Di Lang Pabahay, ang Isyu ng mga Maralitang Biktima ng Bagyong Pedring
ni Greg Bituin Jr.

Wala nang naglalaro ng basketball sa mga basketball court ng Navotas. Dahil sa ngayon, mga evacuation centers muna ang mga basketball court na ito, mga evacuation centers ng 1,496 pamilyang apektado ng bagyong Pedring, na nanalasa noong Setyembre 27, 2011.

Sa isang araw lamang, binago ng bagyong Pedring ang kanilang mga buhay. Winasak ang kanilang mga kabahayan, nawalan sila ng tahanan, at napunta sila sa iba't ibang basketball court sa NBBN court, Phase 1 A, Phase 1 B, Phase 1 C, Piscador, San Rafael Village court, Tangos court, Tumana court, Daanghari site, Kapitbahayan, sa Navotas, upang doon pansamantalang manirahan. Ngunit ang problema, pinagbabato umano ng ilang mga residente sa lugar ang mga nasa evacuation centers at sinasabihan na silang umalis dahil marami nang di makapaglaro ng basketball dahil ginawa na ngang evacuation centers ang mga basketball court. Sa ngayon, limang (5) buwan na sila sa mga evacuation centers ngunit wala pa ring malinaw na programa sa kanila sa katiyakan ng kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Sila'y pawang mga biktima ng bagyong Pedring ay nawalan ng bahay sa dalampasigan ng Navotas.

Apat na ang namamatay sa mga evacuation centers ng Navotas. Tatlo dito ang namatay na sa sakit, isa sa panganganak, at isa ang nagahasa. Ang problema, ayon sa ilang residente, sinabi umano ng isang taga-DSWD na dumalaw sa lugar, na kung sakaling may mamatay muli sa evacuation centers, sabihin agad sa kanila, dahil bawal daw kasing iburol ang namatay sa may evacuation center.

Bilang protesta sa api nilang kalagayan, sa pangunguna ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod-National Capital Region-Rizal) nagmartsa noong Pebrero 8 ang mga maralita sa mga evacuation centers mula sa harapan ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas hanggang sa Navotas City Hall upang ipanawagan sa pamahalaang lokal ng Navotas na asikasuhin sila sa kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Wala ang mayor nang Navotas. Kaya ang ginawa ng maralita’y  nagmartsa naman patungong NHA-Navotas at doon isinagawa ang rali. Bukod sa mga maralitang nasa evacuation centers at mga lider ng KPML-NCRR, kasama rin nila ang mga lider ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Piglas Kabataan (PK), at mga maralita sa Daanghari site, R-10 Samana ZOTO, at Bangkulasi.

Ayon kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR, "Ang mga maralita sa mga evacuation centers ay mga tao ring katulad natin. Ngunit dahil sa bagyong Pedring, marami ang nawalan ng tahanan, di na nakapag-aral ang mga anak, nawalan ng trabaho, di kumakain ng sapat sa araw-araw, marami nang nagkakasakit na bata at matanda, at malaking usapin ng seguridad ng mga evacuees. Di maaring nakatunganga na lang ang maralita kaya sila'y nakikibaka sa araw-araw upang tiyaking matamasa ng kani-kanilang pamilya ang kanilang karapatan sa maayos at sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan."

Tanong nga ng mga maralita, “Mayor, Nasaan na ang programa mo para sa pabahay at serbisyo? Hirap na hirap na kami sa evacuation center.”

Ang isyu ng mga nasa evacuation centers ay di lang simpleng kawalan ng tahanan, kundi higit sa lahat ay ang pagkakait ng kanilang karapatan bilang tao. May ilan na umanong nailipat ng lugar o na-relocate sa malayo, ngunit bumabalik din sa evacuation center dahil sa kalayuan ng hanapbuhay sa pinaglipatan. Nariyan ang kawalan ng kuryente mula ikaanim ng umaga hanggang ikaanim ng gabi, di na makapag-aral ng ayos ang kanilang mga anak, kawalan ng pagkukunan ng ikinabubuhay, wala nang dumarating na relief at di dapat umasa sa relief lang, kundi solusyunan talaga ng pamahalaan ang kanilang sinapit.

Ayaw na silang pabalikin ng lokal na pamahalaan ng Navotas sa dating kinatitirikan ng kanilang tahanan sa dalampasigan ng Navotas, dahil umano ito’y gagawin nang tourist hub, na planong proyekto ng Navotas. Ngunit nananatiling matatag at naninindigan ang mga maralita sa evacuation centers. Sa gabay ng KPML, kasama ang ZOTO at PK, patuloy silang kikilos upang kanilang matamo ang kanilang mga karapatang pilit binabalewala at ipinagkakait sa kanila.

· Pabahay, trabaho, serbisyo, obligasyon ng gobyerno!

· In-city relocation, ipatupad!

· Itigil ang paghihigpit sa mga biktima ng Pedring!

· I-prayoridad ang edukasyon at kalusugan ng mga bata at kabataan sa mga evacuation centers

· Karapatang pantao, ipaglaban!

Biyernes, Pebrero 24, 2012

Panawagan para sa Daigdig na Walang Nukleyar, Ipinahayag sa Yokohama

PANAWAGAN PARA SA DAIGDIG NA WALANG NUKLEYAR, IPINAHAYAG SA YOKOHAMA
ni Greg Bituin Jr.

(nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero 16-Marso 15, 2012, pahina 14)

Sa Marso 11, 2012 ang unang anibersaryo ng trahedya sa bansang Japan, na sinalanta ng gahiganteng tsunami, lindol at pagkawasak ng reaktor nukleyar sa Fukushima. Nagdulot ito ng pagkakaroon ng mga biktimang tinatawag na Hibakusha. Unang ginamit ang salitang Hibakusha sa pagsasalarawan ng mga nabuhay na biktima ng bomba atomika sa Hiroshima at Nagazaki noong 1945. Nilikha ang mga Hibakusha mula sa pagmimina ng mga uranium, pag-test ng mga sandatang nukleyar, mga sakuna sa mga plantang nukleyar, at ang pag-imbak at paglilipat ng mga nuclear waste.

Ang mga karanasang ito ng mga Hibakusha sa buong mundo ay itinatago, ikinahihiya at di ipinagkakalat. Ang karapatan sa impormasyon, health records, paggagamot at pagbabayad pinsala ay di sapat, o kaya nama'y ipinagkakaila dahil umano sa kadahilanang "pambansang seguridad" o dahil sa mahal ng gastos. Di lang ito nangyayari sa Japan kundi sa lahat ng mga lugar na may industriyang nukleyar.

Dahil sa ganitong naganap at mga pagsusuri, inilunsad ng mahigit 10,000 katao ang isang malaking kumperensya upang pag-usapan ito. Ginanap noong Enero 14-15, 2012 ang Global Conference for a Nuclear Power Free World sa Pacifico Yokohama sa Japan. Kabilang sa mga dumalo ang 100 international participants mula sa mahigit 30 bansa, at brinodkas ng live sa internet, na may audience na tinatayang umaabot ng 100,000.

Dito'y pinagtibay ng mga dumalo ang Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World, kung saan nilalaman nito ang paliwanag hinggil sa naganap na lindol, tsunami at sakuna sa mga plantang nukleyar, kung bakit may mga hibakusha, at ang walong panawagan. Ayon sa pahayag, hindi ligtas ang anumang plantang nukleyar sa anumang sakuna, tulad ng naganap sa Fukushima. Ang kalagayan ay di pa rin kontrolado, ang mga planta'y di ligtas, at ang mga manggagawa'y nagtatrabaho ng may banta sa kanilang buhay at kaligtasan. Patuloy ang pagkalat ng kontaminasyong radyoaktibo. Dahil dito'y ipinahayag ng mga dumalo sa kumperensya na ang kalagayang ito'y isang rehiyonal at pandaigdigang usapin na dapat agad masolusyonan.

Sa lalawigan ng Fukushima, natagpuan ang mga radyoaktibong materyal sa gatas ng ina at sa ihi ng mga anak. May banta na ang buhay nila, pati na ang buhay ng mga susunod na henerasyon. Ang pangrehiyong ekonomya ay nasira.

Ang panawagan ng mga dumalo sa kumperensya, na nakaukit sa Yokohama Declaration, ay ang mga sumusunod:

1. Pagprotekta sa lahat ng karapatan ng mga apektado ng nangyaring sakuna sa plantang nukleyar sa Fukushima, kasama ang karapatan sa ebakwasyon, pangangalagang pangkalusugan, dekontaminasyon, kumpensasyon, at ang karapatang maganap pa rin ang dating pamantayan ng pamumuhay bago ang Marso 11, 2011;

2. Ganap na transparensiya at pananagutan ng gobyerno ng Japan at ng Tokyo Electric Power Company (TEPCO);

3. Patuloy na komprehensibong pagkolekta ng datos at pagsukat ng radyasyon sa tao, pagkain, tubig, lupa at hangin upang ipaalam ang mga agaran at kinakailangang tugon upang mapaliit ang pagkadale sa radyasyon ng populasyon;

4. Isang pandaigdigang landasin upang mapawi na ang paggamit ng nukleyar - mula sa pagmimina ng uranium hanggang basura ng nukleyar - at ang pagtatanggal sa lahat ng plantang nukleyar. Nawasak na ang paniniwalang ligtas ang nukleyar. Ang teknolohiyang nukleyar ay hindi naging ligtas;

5. Ang mga isinarang plantang nukleyar sa Japan ay di na dapat pang buksan;

6. Ang pagbabawal sa pagluluwas ng plantang nukleyar at mga sangkap nito, lalo na sa mga industriyalisadong bansa sa Asya, Gitnang Silangan, Aprika at Europa;

7. Pagsuporta ng mga awtoridad sa lokal at munisipal na may mapagpasyang papel sa paglikha ng isang lipunang di nakaasa sa kuryente mula sa nukleyar; at

8. Mga aksyon, demonstrasyon, mga pag-aaral at iba't ibang aktibidad na isasagawa sa buong mundo sa Marso 11, 2012 upang iprotesta ang di magandang trato sa mamamayan ng Fukushima at ipanawagan ang pagkakaroon ng isang daigdig na malaya sa nukleyar.

Batay sa mga prinsipyong ito, inilunsad ng mga dumalo sa Daigdigang Kumperensya ang "Forest of Action for a Nuclear Power Free World", na naglalaman ng mga kongkretong planong dapat isagawa. Ang mga rekomendasyong ito'y isusumite sa pamahalaan ng Japan, sa pamahalaan ng iba't ibang bansa, sa Rio+20, at sa iba pa. Dagdag pa rito ang pagtatatag ng East Asia Non Nuclear Power Declaration Movement, isang lambat ng mga alkalde at mga lider sa mga munisipyo, at kooperasyon sa pamamagitan ng Global Hibakusha Network.

Dito sa Pilipinas, marami na ring organisasyon ang magsasagawa ng aktibidad sa Marso 11, araw ng Linggo, na magsisindi ng kandila sa ika-6 ng gabi, at sa isang malaking mobilisasyon sa Marso 12, sa harap ng Japanese Embassy, upang irehistro ang suporta ng Pilipinas sa Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World, at pagkondena sa planong pagbubukas muli ng mga isinara nang plantang nukleyar sa Japan.