ni Greg Bituin Jr.
(Editoryal ng Oktubre 2011 issue ng magasing ANG MASA.)
Nanalasa ang bagyong Pedring, kasunod ang bagyong Quiel. Katulad ng bagyong Ondoy noong 2009, maraming lugar ang lumubog sa baha, maraming nawalan ng tahanan, maraming nalunod at namatay.
Ayon sa GMA 7 sa ulat nito nuong Oktubre 4, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na ng 66 ang namatay dahil sa bagyong Pedring. Kay Pedring pa lang, apektado ang 610,742 pamilya o 2,841,419 katao sa 3,316 barangay sa 302 bayan at 41 lungsod sa 34 lalawigan. Sa mga ito, 46,495 pamilya o 210,242 katao ang pinagsisilbihan sa 499 evacuation centers. Ang pagkawasak ng mga ari-arian ay tinatayang umabot sa P8,898,950,081, kasama na ang P1,344,198,382.81 sa imprastruktura at P7,554,751,698.19 sa agrikultura. Nasa 6,298 kabahayan ang nawasak habang 37,774 bahay naman ang may pinsala. Ayon naman sa Kagawaran ng Edukasyon, 315 school buildings ang nasira, na tinatayang umabot ang halaga ng nasira sa P146.7 milyon. Sa kabilang banda, 66 na tulay at road sections ang nasira kasama ang 6 sa Ilocos, 31 sa Cagayan Valley, 18 sa Gitnang Luzon at 11 sa Cordillera. Unos, bagyo, pagbaha, pagkawala ng tahanan at buhay. Delubyong gawa ng kalikasan. Ngitngit ng Inang Kalikasan.
Ngunit may mas matitinding delubyo pa tayong kinakaharap, na tinitingnan na lang ng karamihan na ganyan talaga ang lipunan. Patuloy na yumayaman ang mga mayayaman, patuloy namang naghihirap ang mga mahihirap. Isa itong masakit na katotohanan sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng lipunan, at pagsulong ng agham at teknolohiya. Kung kailan walang kaparis ang itinaas ng produksyon ng pagkain, saka milyun-milyon ang namamatay sa gutom at nagkakasakit sa malnutrisyon. Naglalakihan ang mga gusali at mansyon sa syudad. Pero walang disenteng matirhan ang daan-daang milyon sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya. Pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak ng trabaho. Ang kalusugan ay para lamang sa may pambayad sa duktor at pambili ng gamot. Mga hayop, inaalagaan at inililigtas sa anumang sakit. Pero libu-libong tao ang namamatay sa sakit at napapabayaan taon-taon. Ang produksyon ng batayang pangangailangan ng tao ay halos walang kaparis ang inunlad sa kasaysayan. Sa inabot ng pag-unlad ng siyensya at teknolohiya ay kaya ng lumikha ng malakihang produksyon ng mga pangangailangan para mabuhay.
Suriin natin ang mga datos na ito. Ayon sa United Nations Development Program (UNDP), $40 Billion ang kailangan ng sangkatauhan sa isang taon para sa pangunahing pangangailangan o basic services: Edukasyon = $6 Billion; Tubig = $9 Billion; Pabahay = $12 Billion at Kalusugan = $13 Billion. Pero saan inilalagay ang Kapital (Pera)? Suriin natin ang mga ito: $170 Billion para sa kosmetiko at pabango (wikipedia.org,2007); $45.12 Billion para sa Pet Foods (petfoodindustry.com,2007); $900 Billion para sa alak (www.accenture.com,2010); $614 Billion para sa Tobacco (www.tobaccopub.com,2009); $400 Billion para sa Illegal Drugs (Worldometers,2011); $944 Billion para sa Tourism (wikipedia.org,2010); at $70.155 Trillion para sa mga armas-pandigma (globalsecurity.org, 2011). Ipinahahayag ng mga datos na ito ang kawalang hustisya at hindi pagkakapantay ng tao sa lipunan.
Paano ba tayo naghahanda para labanan ang mga unos na ito? Ano nga ba ang sanhi ng mga ito? Ang isa'y gawa ng kalikasan, ang isa'y gawa ng tao. Babaguhin ba natin ang sistema?
Ang naganap na delubyong sanhi sina Pedring at Quiel ay di karaniwan. Oo't karaniwan na ang mga bagyo sa Pilipinas, na umaabot ng 20 bagyo kada taon, ngunit mas matindi ang mga naganap nitong mga nakaraang taon. Dahil umano ito sa climate change o pabagu-bago ng klima. Ayon sa internasyunal na grupong Jubillee South (JS), ang mayor na dahilan nito ay ang sistemang kapitalismo. Ang unti-unting pagkawasak ng kalikasan, lalo na ng atmospera ay naganap kasabay ng Rebolusyong Industriyal, sa pagsilang ng kapitalismo. At sa nakaraang apat na dekada, mas tumindi ang pagsusunog ng mga fossil fuels, tulad ng langis at carbon, upang mapaandar ng mabilis ang mga industriya, ngunit nakaapekto naman ng malaki sa kalikasan, lalo na sa atmospera ng mundo, at pagkatunaw ng maraming mga tipak ng yelo sa malalamig na lugar na siyang nagpataas ng lebel ng tubig ng dagat, na ikinalulubog naman ng mabababang bansa at isla. Dapat singilin ang mga bansang kabilang sa Annex 1 countries (mga pangunahing industriyalisadong bansa) sa kanilang kagagawan.
Sa nakalipas na apat na dekada'y mas bumilis ang pag-unlad ng industriya, mas dumami ang kailangang pagsusunog ng mga fossil fuels, mas lumaki ang agwat ng mahihirap at mayayaman. Kasabay nito'y papatindi rin ng papatindi ang kahirapang nararanasan ng milyun-milyong tao sa mundo sa kabila ng patuloy na kaunlaran. Dahil sa patuloy na pagkakamal ng tubo, winawasak ang kalikasan, at ang buhay at dangal ng maraming mamamayan. Dapat baguhin ang sistema, dahil hangga't kapitalismo pa ang sistema, patuloy nitong wawasakin ang kalikasan, pati na ang buhay ng maraming mamamayan. Halina’t magkaisa tayo’t makibaka upang baguhin ang sistemang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento