Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Pag Kumalam ang Isipan

PAG KUMALAM ANG ISIPAN
ni Greg Bituin Jr.

Kumakalam na ang sikmura dahil sa kahirapan, pati ba naman utak natin, kakalam na rin? Aba'y dahil bukod sa pagmahal na ng presyo ng edukasyon, babawasan pa ng gobyerno ang badyet sa edukasyon. Palasak ngang sinasabi ng magulang sa kanilang anak, "“Mahirap lang tayo, mga anak. Wala kaming maipapamana sa inyo kundi ang edukasyon, kaya mag-aral kayong mabuti.” Pero paano kung ang edukasyon ay di na karapatan, kundi pribilehiyo na lang ng iilan, iilang maykayang makapagbayad ng mahal na presyo ng edukasyon? Hindi ba't ang edukasyon ang daan ng bawat mag-aaral tungo sa landas na matuwid. Ngunit sa "Daang Matuwid" ni Pangulong Noynoy, bakit ang edukasyon ay tinitipid? Parang tula, ah, "Ang edukasyon ay tinitipid, sa Daang Matuwid". May isa pa, "Ang kanyang matuwid na daan ay pagkakait ng karapatan."

Upang di kumalam ang isipan, at kahit kumakalam ang sikmura, nagprotesta nitong Setyembre 23, 2011 ang mga guro at mag-aaral ng mga pampublikong pamantasan at kolehiyo (state universities and colleges o SUCs) sa iba't ibang lugar sa bansa dahil sa pagputol ng malaking alokasyon ng badyet para sa kanila. Ang mga raliyista'y nagmula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Baguio at Los Banos, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU), Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), sa Luzon; at sa Visayas naman ay UP Visayas, Western Visayas Colleges of Science and Technology. Kinundena ng mga guro at estudyante ang budget cut sa edukasyon.

Pinanukala ng pamahalaan ang badyet na P23.4 Bilyon para sa 112 SUCs para sa taong 2012, na mas mababa ng 1.7 bahagdan (o percent) na badyet na P23.8 Bilyon sa kasalukuyan. Mula 2001 hanggang 2010, ang pagpopondo ng gobyerno sa kabuuang badyet ng SUCs ay bumaba mula 87.74 bahagdan hanggang sa 66.31 bahagdan. Kung titingnan ay malaki ang badyet, bilyon, eh. Pero pag hinati iyan sa 112 SUCs, at hinati muli iyan para sa bayad sa guro, at para sa mga mag-aaral sa mga SUCs, napakaliit niyan. Buti pa sa pagbabayad ng utang panlabas, malaki ang badyet. Syempre, may automatic appropriations law ba naman.

Ang badyet cut na ang epekto ng private-public partnership (PPP) ni Noynoy. Ang pagbabawas ng pondo'y patakaran na ng gubyerno upang higit na ikomersyalisa ang edukasyon. Ibig sabihin, unti-unti nang inaabandona ng pamahalaan ang pananagutan nito sa kanyang mamamayan, at ipinapapasan na sa mga estudyante't kanilang magulang ang pagbabayad ng mataas na matrikula at iba pang bayarin. Tiyak na dadami ang mga di na makapag-aaral o di na makakatuntong sa kolehiyo dahil sa taas ng presyo ng edukasyon.

Dagdag pa riyan ang kakulangan ng gobyernong gampanan ang kanilang tungkulin sa mga pampublikong guro. Ayon kay G. Benjo Basas, pambansang pangulo ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), "Higit sa papuri ay hinahamon natin ang ating pamahalaan na gawin ang kanyang obligasyon sa mga guro at sa pampublikong edukasyon. Batid ni P-Noy at ng DepEd ang malawak na kakulangan sa ating mga paaralan, lalo na sa classroom at sa mga guro. Bagkus, itinulak ng gobyerno ang K-12 program na walang kaukulang paghahanda at lubos na kapos sa budget. Hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga guro sa Kindergarten ang P3000 kabayaran para sa kanila mula noong Hunyo. Muli na namang isinakripisyo ang kapakanan ng mga guro."

Ang edukasyon ay karapatan ng lahat, para sa mag-aaral at lalo na sa  mga gurong siyang tagapagdala ng edukasyon sa sambayanan. Karapatan ng mga gurong matanggap ang nararapat na sahod na nararapat sa kanila, at karapatan ng mga estudyanteng mag-aral, nang hindi binabawasan ang badyet para sa kanila.

Ang edukasyon ay karapatan, hindi pribilehiyo ng iilan, ayon sa Saligang Batas. Isa itong pangangailangan ng bawat tao, hindi luho para sa iilang kayang magbayad nito. Ngunit sa ngayon, binibili ang karapatan sa edukasyon. May presyo. Kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis at ng iba pang batayang pangangailangan tulad ng bigas at kilo ng galunggong, taun-taon ang pagtaas ng matrikula. Karapatan natin ang edukasyon, ngunit dapat ito'y libre at hindi kalakal na may presyo. Kung karapatan ang pag-aaral, lahat ng kabataang gusto mag-aral, makakapag-aral. Pero bakit may di nakakapag-aral? At ngayon, babawasan pa ang badyet para sa mga mag-aaral.

Dapat magkaisa ang mga estudyante at magulang, kasama na ang mga out-of-school-youth upang ipaglaban ang karapatan sa edukasyon. Nariyan ang mga grupong tulad ng Piglas-Kabataan (PK) at ang Partido Lakas ng Masa-Kabataan (PLM Youth) upang ipaglaban ito. Pangunahan nila ang pakikibaka para sa karapatan sa edukasyon, nang sa gayon, hindi lang ang kumakalam na sikmura ang matugunan, kundi higit sa lahat, ang kumakalam na isipan.

Walang komento: