ni Greg Bituin Jr.
Noon, Ondoy. Ngayon, Pedring. Malalang sitwasyon dahil sa pabagu-bago ng klima. Bakit nangyayari ito? Bakit may tinatawag na climate change o pabagu-bago ng klima? Natural nga bang nagaganap ito sa kalikasan, o may kontribusyon dito ang tao? O ang sistema ng lipunan?
Dapat nating alamin at maunawaan kung bakit nagaganap ang climate change. Anu-ano ang mga epekto ng climate change sa buhay ng tao, sa bansa, sa buong mundo? May magagawa ba tayo? May magagawa pa ba?
May mga paraan, tulad ng tinatawag na adaptation at mitigation. Ang adaptasyon (o pakikibagay) ang kakayahan ng isang sistema upang makibagay sa pabagu-bagong panahon upang mapangasiwaan ang maaaring maidulot na pinsala, at kayanin ang anumang kahihinatnan ng pabagu-bagong klima. Ang mitigasyon naman ang anumang aksyon upang tuluyang tanggalin o bawasan ang pangmatagalang panganib ng pabagu-bagong klima sa buhay ng tao at mga bagay sa mundo.
Ang global warming ang pagtindi ng init ng temperatura ng mundo kaysa karaniwan dahil sa mga aktibidad na kagagawan ng tao (anthropogenic), tulad ng pagdami ng pagbuga (emission) ng greenhouse gas (GHG) o yaong nakakulob na init sa mundo.
Ano ang greenhouse gas? Alamin muna natin kung ano ang greenhouse. Sa malalamig na bansa, may tinatawag silang greenhouse, isang istruktura ito kung saan nakatanim ang mga halamang nangangailangan ng init upang tumubo. Palibhasa, malamig ang lugar nila kaya di basta tutubo ang halaman. aya kinakailangan ng isang kulob na lugar, tulad ng greenhouse, para doon palakihin ang mga halaman, na pinapainitan nila upang lumago. Kumbaga, imbes na araw, artipisyal na init ang pinagagana nila rito. Ito ang greenhouse. Itinayo ito upang protektahan ang halaman sa tindi ng lamig o init, sa ipuipong alikabok (dust storms) at niyebe, at mailayo sa peste. Dapat tama ang timpla ng temperatura ng init, dahil pag sumobra ang init, tiyak na masisira ang mga halaman. Dito kinuha ang salitang greenhouse effect. Itinulad ang buong mundo sa greenhouse at ang init ng araw ang batayan ng greenhouse effect.
Syempre, may atmospera sa mundo na nagtitiyak ng balanse ng init ng araw. Nakadisenyo ang atmospera para maging lagusan ng tamang timpla ng init ng araw sa mundo. Kaya pag nabutas ang atmospera (o yung ozone layer), tiyak na iinit lalo ang mundo, dahil sa tindi ng radyasyon ng araw. Kumbaga, sobrang init kaya nakakasira ng natural na takbo ng klima. Ang dahilan ng pagkabutas na ito ng atmospera ay ang tinatawag na greenhouse gas (GHG) mula sa aktibidad ng tao. Ang GHG ang gas sa atmospera na sumasagap at nagbibigay ng radyasyon. Nagmula ito sa transportasyon (13.5%), kuryente at init (24.6%), pagsusunog ng langis (9%), industriya (10.4%), mga tagas na emisyon (3.9%, prosesong industriyal (3.4%), pagbabago sa paggamit ng lupa (18.2%), at lupaing agrikultural (6%). Meron namang mga GHG na may kakayahang muling magbuga ng init mula sa araw na lalong nagpapainit sa atmospera.
Ang batayang mga GHG sa atmospera ng mundo ay ang alimuom ng tubig (water vapor), carbon dioxide, methane, nitrous oxide, at ozone. Ayon sa agham, matindi ang epekto ng GHG sa temperatura ng mundo; dahil kung wala ito, ang ibabaw ng daigdig ay nasa 33 °C (59 °F) na mas malamig kaysa kasalukuyang temperatura. Di kakayanin ng mundo ang labis-labis na konsentrasyon ng GHG sa atmospera, kaya dapat tayong kumilos upang mabawasan ang GHG na ito.
Paano ba sinusukat ang GHG na ito? Nakabuo ang mga aghamanon (scientist) ng isang sistema ng pagsukat ng mga emisyon ng bawat bansa, pagsusuma (aggregate) nito at bawat kapita, gamit ang gigaton (isang bilyong tonelada). Sinusukat din ito sa pamamagitan ng konsentrasyon ng GHG sa atmospera batay sa PPM o parts per million.
Ang kasaysayan ng matinding paglago ng emisyon ng GHG ay kaalinsabay ng paglitaw at paglago ng kapitalismo. Naganap ang mabilis na paglago nito sa nakalipas na apat na dekada, ang panahon ng neoliberal na globalisasyon at ang di-mahadlangang paglago ng malayang pamilihan. Malaki ang kaugnayan ng industriyalisasyon sa matinding pagsusunog ng mga fossil fuel.
Mula nang maganap ang Rebolusyong Industriyal, nagsimula na ang pagsusunog ng mga fossil fuel, tulad ng langis, karbon, at natural na gas, na nag-ambag sa pagdami ng carbon dioxide sa atmospera, na siyang dahilan ng unti-unting pagkabutas ng atmospera. Sa ngayon, konsentrado na ang GHG sa atmospera ng daigdig, na nakaapekto ng malaki sa padron at haba ng pabagu-bagong lagay ng panahon, temperatura, dalas at tindi ng pagbabago ng panahon. Nariyan ang pagtaas ng lebel ng tubig sa karagatan na tiyak na nakaapekto sa maliliit na pulo; pagkatunaw ng mga malalaking tipak ng yelo (glaciers) sa malalamig na lugar; pagbabago ng alat ng tubig sa dagat na nakaapekto sa mga nabubuhay na nilalang sa tubig, tulad ng isda at pugita; at pagkatuyo ng mapagkukunan ng dalisay na tubig (fresh water). Ibig sabihin, apektado ang buhay ng mamamayan, dahil apektado ang mapagkukunan ng pagkain, pagbaha sa kaunting ulan, bagyo sa tag-araw, mainit na ang Disyembre, tuluy-tuloy na pabagu-bagong klima, tindi ng nararanasang kalamidad, tulad ng bagyo at tagtuyot.
Matindi ang epekto nito sa buhay ng tao, dahil sa pagdami ng mga sakit, kalamidad, pagkawala ng mga maliliit na pulo, paglikas ng mga tao sa lugar, pagkawasak ng mga tahanan at imprastruktura, pagkasira ng mapagkukunan ng pagkain tulad ng bukid at dagat, paiba-iba ng klase ng pagkain, apektado ang kondisyonng lupang dapat pagtamnan ng pagkain, pagbaha, pagkatuyot ng tubig-inuman, pagbabago sa buhay ng mga hayop at halaman.
Kaya malalim ang mga epekto't implikasyon nito. Napakaliit na panahon na lamang ang nalalabi upang magsagawa ng matitinding pagbabago sa mga aktibidad ng tao upang maiwasan ang panganib ng pabagu-bagong klima. Gayunpaman, hindi dapat sisihin ang pagkakagamit lamang ng fossil fuel; hindi ang tipo ng pagkukunan ng enerhiya kundi ang malawakan at matinding paggamit ng enerhiyang batay sa fossil fuel na nagmula sa isang ekonomikong sistemang pangunahing itinulak ng pagkakamal ng limpak-limpak na tubo. Sa ganitong lohika, may katangian ang sistemang kapitalismo na nagreresulta sa matinding pagbabago ng klima dahil sa emisyon ng GHG at pagkawasak ng natural na likas-yaman: Ang likas-yaman at ang mga karaniwang ginagamit sa araw-araw, tulad ng lupa, ay nagiging pribadong pag-aari ng iilan sa kapinsalaan ng marami; ang patuloy at labis-labis na pagpiga sa kalikasan; at sobra-sobrang produksyon na lampas-lampas sa pangangailangan ng tao; ang maaksayang paggamit; paglawak ng pamilihan at pagkuha ng mga materyales; malawakang produksyon para sa pandaigdigang pamilihan na nangangailangan ng enerhiya para sa pagluluwas ng mga produkto. Kaya dapat ang sistemang kapitalismo'y palitan ng mas maunlad na sistemang di makasisira sa kalikasan at di yuyurak sa dangal ng kapwa tao nang dahil lang sa tubo.
Ang mga mayayaman at industriyalisadong bansa ang may malaking ambag sa emisyon ng konsentrasyon ng GHG sa kalawakan; malaki ang pananagutan ng kanilang mga gobyerno dahil sa mga patakaran nilang lalong nagpapalago sa sistemang kapitalismo; kasama na ang mga malalaking korporasyon at pandaigdigang institusyon sa pinansya. Ang mga mahihirap ang labis-labis na naapektuhan nito.
Ano ang mga dapat nating gawin? Dapat baguhin ang sistema, kabilang ang enerhiya at teknolohiya, tungo sa paggamit ng mas kaunting karbon, makakalikasang sistemang nakagiya sa pagtugon sa batayang pangangailangan ng tao, at hindi para pagtubuan ng iilan. At agarang pagputol sa emisyon ng GHG sa atmospera ng mundo, upang sa taong 2050 ay maibaba ito sa lebel ng taong 1990, at ang konsentrasyon ng GHG ay di dapat tumaas ng 350 ppm. Pagbayarin ang mga mandarambong at sumira sa mga likas-yaman ng mahihirap na bansa. Magbayad-pinsala ang mga industriyalisadong bansa. Paglaban sa mga patakaran at programa ng gobyernong di makakalikasan at yumuyurak sa dangal at karapatan ng tao. Kahit noon pa, sinakop ng mga mayayamang bansa ang mga mahihirap na bansa upang dambungin at wasakin ang mga likas-yaman nito. Dapat pagbayaran nila ito. Bayaran nila ang kanilang utang sa klima (climate debt).
Mula nang mabalangkas noong 1992 United Nation Framework Convention on Climate Change na isang tratado ng United Nations (UN), patuloy na ang pagpupulong ng iba't ibang bansa upang tugunan ang problemang ito. Isa sa pinananawagan ng mga mahihirap na bansa na magbayad-pinsala ang mga Annex 1 countries (ang talaan ng mga industriyalisadong bansang malaki ang naiambag na pinsala sa mahihirap na bansa), matiyak ang tuluyang pagputol ng emisyon, at pagkakaroon ng green climate fund para pondohan ang pagsasaayos ng pinsalang natamo ng mga mahihirap na bansa.
Dapat baguhin na ng mayayamang bansa ang kanilang paraan ng pamumuhay (lifestyle), gumamit sila ng renewable energies, at tigilan na ang masyadong paggamit ng fossil fuels. Dapat patuloy tayong makibaka upang tiyaking ang mga susunod na henerasyon ay may maayos na mundo pang magigisnan. Kahit sa maliit nating pamamaraan ay makatulong tayo, tulad ng pagtitipid ng paggamit ng kuryente, di pagsakay ng sasakyan kung malapit lang naman ang pupuntahan, pagtatanim ng puno, tamang paggamit ng enerhiya (renewable energy), paggamit ng niresiklong mga papel, at marami pang iba. Dapat maging aktibo tayong kalahok sa anumang aktibidad hinggil sa pagprotekta sa kalikasan, at pagtitiyak na magbayad-pinsala sa mahihirap na bansa ang mga Annex I countries. Tuloy ang laban para sa hustisya sa lahat ng mamamayan ng mundo. Hustisya sa klima, ngayon na!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento