ni Greg Bituin Jr.
“Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila. Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila.”- mula sa isang awitin
Kontraktwalisasyon. Outsourcing. Illegal Lock-out. 10-taon ng moratoryum ng CBA. Ano pa? Harap-harapang niyurakan ang karapatan ng mga manggagawa. Mula kay Pangulong Noynoy Aquino, hanggang sa kanyang mga kagawaran sa pangunguna ng Department of Labor and Employment, Philippine National Police, hanggang sa masmidya ay nagtulung-tulong na ipinatupad ang kagustuhan ni Lucio Tan, ang may-ari ng Philippine Airlines (PAL) at pangalawang pinakamayamang tao sa Pilipinas. Sabi ni Noynoy, dapat silang kasuhan ng economic sabotage. Kung si Lucio Tan ay anti-manggagawa, si Noynoy Aquino naman ang numero unong kaaway ng uring manggagawa.
Habang nakikinig ako sa mga talumpati ng mga galit na galit na kasapi ng unyon, na itinuring silang mga hayop nang pilit silang pinagdadampot sa kanilang mga opisina ng mga gwardya, katulong ang mga pulis. Ang mga kababaihan ay nanggagalaiti sa galit habang nagsasalita dahil sila mismo’y hindi na iginalang ng mga pulis, na para silang hayop na pinaghihila sa kanilang mga opisina. Sabi nga ng isang babaeng unyunista, ano ba ang ibig sabihin ng “serve and protect”? “Serve and protect who?” dahil di raw marunong gumalang ang mga pulis sa kababaihang manggagawa. Sige lang, Ate, ilabas mo ang galit mo. Ipanawagan mo ang hustisya. Tama iyan.
Noong Setyembre 27, 2011, kasagsagan ng bagyong Pedring, nagprotesta ang mga manggagawa ng PAL sa pangunguna ng PALEA (Philippine Airlines Employees Association). Hindi umano ito welga, kundi pansamantalang pagtigil sa trabaho upang ipakita sa PAL ang kanilang solidong pagtutol sa napipintong tanggalan at pilitin ang PAL na makipagkasundo. Matapos ang protesta, imbis na makipag-ayos ang PAL, dine-code ng kumpanya ang mga computer systems kaya’t di na makapagtrabaho ang mga manggagawa. Matapos ang ilang oras ay pwersahan na silang pinalayas sa airport at sa kani-kanilang opisina at sa airport. Kaya lock-out at hindi strike ang naganap.
Naka-lock-out ang mga kasapi ng PALEA, dahil ayaw na silang papasukin ng PAL sa airport at sa mga opisina. Nang magprotesta sa airport ang PALEA, sa halip na makipag-ayos ng PAL, nag-cancel agad ito ng flights. Mula nang pwersahang pinalayas ang mga manggagawa ng PAL noong Setyembre 27 ng gabi hanggang madaling araw, pawang mga replacement workers o iskirol na ang nagtatrabaho sa PAL. Hindi kaya ng mga iskirol na palitan ang trabaho ng mga tinanggal kaya’t disrupted at cancelled ang mga flights. Ang kabiguan ng planong outsourcing ang dahilan ng patuloy na kanselasyon ng mga flight at pagka-delay.
Ayon kay Gerry Rivera, pangulo ng PALEA, plano ng PAL na tanggalin ang 2,600 manggagawa nila mula sa tatlong kagawaran nito — ang airport services, ang inflight catering at ang call center reservations. Ililipat sila sa tatlong service providers—ang Sky Logistics, Sky Kitchen at SPI Global. Kumbaga, magiging kontraktwal na ang mga regular na manggagawa ng PAL sa ilalim ng mga service providers (na pinagandang tawag sa contractual agencies).
Matindi ang epekto sa manggagawa nitong outsourcing at kontraktwalisasyon, dahil babagsak na ang sweldo, mawawalan pa ng benepisyo, wala na silang kasiguraduhan sa trabaho, at wala na ring unyon na siyang proteksyon at boses ng manggagawa.
Isang halimbawa nito, ang isang PAL senior reservations agent na kasalukuyang tumatanggap ng P22,400 in salaries at allowances, ay tatanggap na lang ng sweldong P10,000 kapag napalipat na siya sa SPI Global, habang ang isang master mechanic ng PAL, kapag lumipat sa Sky Logistics ay papaswelduhin na lang ng P11,111.50.
Magtratrabaho na sila ng mas mahaba, pero sasahod ng mas mababa, dahil sa service provider, 8 oras kada araw at 6 na arawa kada linggo ang trabaho, di tulad ngayon na 7.5 oras ang trabaho at 5 limang araw kada linggo sa PAL.
Ayon pa kay Rivera, sandal na sila sa pader. “Sandal na sa pader ang PALEA. Dalawang taon na kaming nananawagan sa PAL at lumalaban sa iba’t ibang paraan para mapigilan ang tanggalan at kontraktwalisasyon. Ang protesta ang nalalabing paraan para i-defend ng PALEA ang regular na trabaho.”
Dagdag pa niya, hindi nila sinadyang magprotesta kasabay ng bagyong Pedring dahil hindi naman nila kayang hulaan kung kailan darating ang bagyo. Kailangan na nilang magprotesta dahil wala pa man ang effectivity date ng termination ay pinapalitan na ang mga regular na manggagawa at pumapasok na ang mga replacement workers. Inamin na rin ng PAL, sa isang memo na binigay sa DOLE, na Setyembre 19 pa lang ay nagsimula na sila ng implementasyon ng outsourcing sa halip na Octubre 1. Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magprotesta ang PALEA noong Setyembre 27.
Nais ng PALEA na manatili ang kanilang regular na trabaho na magtitiyak ng kinabukasan ng kanilang pamilya, kaya panawagan nila’y itigil ang planong outsourcing at kontraktwalisasyon habang hinihintay ang pinal na desisyon ng korte. Sa ngayon ay nasa Court of Appeals ang kaso.
Sa kaso ng 1,400 flight attendants noong Setyembre, pinal na pinagpasyahan ng Korte Suprema na ilegal ang pagkatanggal sa kanila ng PAL noong 1998. Marahil dahil dito’y ayaw ng PAL na ganito rin ang mangyari sa PALEA.
Mula nang pairalin noong 1998 ang 10-taon ng moratoryum sa collective bargaining agreement (CBA) na siyang kapritso ni Lucio Tan na may-ari ng PAL, hindi pa muling nagkakaroon ng bagong CBA negotiation kahit na natapos na ang moratorium noong 2008. Ang pagsuspideng ito ng CBA ay ginaya ng iba pang kumpanya. Tinawag nga ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang iskemang ito noon ni Lucio Tan na ito’y “holocaust of unionism”.
Kaugnay nito, nagpahayag si Pangulong Noynoy Aquino na kakasuhan ng economic sabotage ang mga manggagawa. Pero ayon sa PALEA, ang saklaw ng economic sabotage ay mga kaso ng illegal recruitment, syndicated estafa, at black market operation. Hindi kasama sa economic sabotage ang labor disputes. Kahit ang sinasabing CAAP Law (Civil Aviations Act of the Philippines) ay nagbabawal sa disruption ng airport services at facilities pero hindi paralisasyon ng operasyon ng airline. Dahil magkaibang bagay ang airport at airline. Pinapayagan ng Labor Code ang protests at strikes ng private sector workers kahit pa public utilities. Pinapayagan ito ng batas sapagkat kinikilalang karapatan at lehitimo ang mass action bilang paraan para pwersahin ang kompanyang makipag-ayos kung may problema o reklamo. Ang sinabing iyon ni Noynoy ay patunay na ang kanyang Boss ay si Lucio Tan, taliwas sa kanyang sinabi noon sa taumbayan, “Kayo ang Boss ko!”
Ang laban ng PALEA ay laban ng buong uring manggagawa. Hindi dapat matalo ang manggagawa sa tulad ni Lucio Tan. Dapat magkaisang tuluyan ang uring manggagawa laban sa patuloy na pananalasa ng mga tulad ni Lucio Tan sa karapatan, kabuhayan, at dangal ng manggagawa. Dagdag pa rito, di dapat humantong hanggang unyonismo lamang ang labanang ito, sa pagtatagumpay nilang makabalik sa trabaho. Dapat mas maikintal sa isip ng mga manggagawa ng PAL na kailangan nilang maging mulat sa uri. Ibig sabihin, mabalik man sila sa trabaho, hindi ito ang totoong tagumpay, dahil manggagawa pa rin sila at sila’y sahurang alipin pa rin ng kumpanya. Dapat na maging bahagi sila ng pagpapalit mismo ng sistemang kapitalismo na patuloy na yumuyurak sa dangal at pagkatao ng manggagawa. Dahil hindi hanggang unyonismo lamang ang pakikibaka ng manggagawa kundi ang pangarapin at aktibo silang kumilos upang itayo ang isang lipunan ng uring manggagawa, kung saan papawiin ang pagsasamantala ng tao sa tao dahil sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, na siyang ugat ng kahirapan, pagyurak sa karapatan at dignidad, kasakiman, at kawalan ng pagkakapantay-pantay. Sa kaso ng PAL, hangga’t inaari ito ng mga kapitalistang tulad ni Lucio Tan, patuloy silang paiikutin ni Lucio sa kanyang mga palad.
Tiyak, hindi lang tayo makikiisa sa PALEA sa pakikibaka nito laban sa outsourcing at kontraktwalisasyon, at sa adhikain nilang makabalik sa trabaho bilang regular, dahil marami pang laban. Tiyak babalik at babalik tayo sa Mendiola, na siyang pambansang lugar ng protesta, para singilin ang mga mapagsamantala sa pamahalaan, kasama ang mga kapitalista. Dapat maningil ang mga manggagawa, kasabay ng iba pang aping sektor ng lipunan. May panahon ng paniningil. Sabi nga sa isang awitin, “Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila. Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila.”
Magagawa natin ito kung susundin natin ang sinabi noon nina Kasamang Karl at Fred, “Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento