BAGONG PETSA, LUMANG SISTEMA
Editoryal ng magasing Ang Masa, isyu ng Disyembre 16, 2011 - Enero 15, 2012
Sinulat ni Greg Bituin Jr.
Nitong 2011, malaking pangyayari sa kasaysayan ang nagawa ng karaniwang mamamayan, na nagpakitang kaya nilang gawing payapa ang daigdig na kanilang kinalalagyan. Patay na ang diktador na si Moammar Gaddafi ng Libya at si Osama bin Laden ng teroristang grupong Al Qaeda. Napatalsik na sa pwesto bilang pangulo sina Hosni Mubarak ng Egypt (pangulo ng 30 taon), Zine el-Abidine Ben Ali ng Tunisia (pangulo ng 23 taon), at Laurent Gbagbo ng Ivory Coast (pangulo ng 10 taon). Sunod-sunod ang rebolusyon ng mamamayan sa Bahrain, Yemen, Syria, Libya, Greece, at iba pa. Inokupa ng mamamayan ang Wall Street na siyang sentro ng kalakalan sa Amerika, na nakakaapekto sa iba't ibang bansa sa mundo. Nagprotesta rin sa bansang Espanya ang mga Indignados. Mamamayan na ng iba't ibang bansa ang nagrali sa lansangan upang isigaw na silang 99% ay dapat lumaya sa kuko ng mga nagpapasasang 1% ng populasyon. Patuloy pa rin ang protesta ng mamamayan laban kina Vladimir Putin ng Russia at Bashar al-Assad ng Syria.
Ang mga pangyayaring ito'y nagpapakita na ayaw na ng mamamayan sa kasalukuyang sistema, diskontento na sila sa diktadurya at kapitalismo, at nais na nila itong mapalitan.
Sa ating bansa, dapat ding magprotesta ang masa upang isulong ang karapatan ng mga maliliit at mahihirap sa lipunan, upang baguhin ang kanilang abang kalagayan, upang wakasan ang kasakiman sa tubo ng mga kapitalista't korporasyon, upang baguhin ang sistema at palitan ang kapitalismong pahirap sa sambayanan.
Kahirapan, kagutuman, kawalan ng hustisyang panlipunan, kawalan ng direksyon ng pamahalaan, baluktot na "daang matuwid", mga pangakong ilusyon sa dukha, salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa, patuloy na demolisyon sa mga maralitang iiwan na lang sa kalsada matapos tanggalan ng bahay, mga kababaihang basta hinihipuan at itinuturing na kalakal, mga batang biktima ng child labor - maraming isyung dapat bigyang pansin, lalo na ang ekonomya, pulitika, karapatan at dignidad ng bawat mamamayan.
Bagong petsa, lumang sistema. Parang lumang patis sa bagong bote. Napalitan lang ng petsa ngunit di pa rin nagbabago ang kalagayan, mistulang pampamanhid lamang sa mahihirap ang kapaskuhan at bagong taon. Gayunpaman, dapat salubungin natin ang bagong taon ng panibagong hamon. Isang hamon ng pag-aalsa laban sa bulok na sistemang nagsadlak at patuloy na nagsasadlak sa atin sa dusa't karalitaan. Itransporma natin ang ating galit sa sistema sa aktwal na pagkilos.
Hindi tayo dapat tumigil hangga't di nagwawagi. Palitan na ang bulok na sistema! Isulong ang sosyalismo! Kaya nating gawin ito pagkat tayo ang 99% na dapat magkaisa upang magapi ang 1% na siyang pahirap sa sambayanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento