Lunes, Disyembre 12, 2011

Lakbay Klima: Pagkilos Tungo sa Hustisya sa Klima


Kung Sinong Dapat Magbayad sa Krisis sa Klima
ni Greg Bituin Jr.

Kasama ang inyong lingkod sa inilunsad na Climate Justice Tour ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) nitong Disyembre 4-9, 2011. Sa temang “Lakbay Klima: Pagkilos Tungo sa Hustisya sa Klima,” tumungo kami at nakipagtalakayan sa ilang mamamayan sa Isabela, Nueva Viscaya, Nueva Ecija, Zambales, Subic at Angeles City, Pampanga, Bulacan, at nagdulo sa Quezon City. Ikinampanya namin ang pagbabago sa klima at ang panawagang hustisya sa klima o climate justice.

Ayon sa 2011 world Risk Index ng United Nations, pangatlong pinakaapektado ang Pilipinas sa pagbabago ng klima, at pinakaapektado sa Asya. Bakit nagkaganito at bakit pangatlo ang Pilipinas? Anong ginawa ng mga Pilipino upang magkaganito? O ibang bansa ang nagdulot nito sa Pilipinas? Sino ang dapat sisihin? Sino ang dapat magbayad? Ang ating bansa ang tinatamaan gayong kakaunting usok lamang kumpara sa mayayamang bansa ang ating ibinubuga.

Ayon sa PMCJ, kapitalismo ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa klima. Ang kapitalismo'y isang pandaigdigang sistemang pang-ekonomya't pulitika na kinatatangian ng tuluy-tuloy at walang patumanggang produksyon at pagpapalawak ng pamilihan para magkamal ng impak-limpak na tubo. Dahil sa paghahabol sa tubo, unti-unting winasak ng sistemang ito ang likas-yaman ng maraming bansa tulad ng Pilipinas, upang patuloy na umandar ang produksyon at tuluy-tuloy din ang pasok ng malawakang tubo. Kinakalbo ang kabundukan upang pagkunan ng mina, kinakalbo ang mga kagubatan upang pagtubuan ang mga punong ginagawang troso, patuloy ang pagbuga ng mga pabrika ng mga nakalalasong usok sa himpapawid tulad ng greenhouse gas (GHG) na unti-unting bumutas sa ozone layer ng mundo, hanggang sa tumaas ang temperatura ng daigdig. At ang matindi, walang ginagawa ang sistemang ito upang mapigilan ang pagkasira ng kalikasan. Wala dahil nagsisilbing gastos sa malalaking kumpanya ang pagsasaayos ng kalikasan, at malaking kabawasan sa kanilang tubo. Sadyang malupit ang sistemang kapitalismo dahil ang sinasanto lang nito'y tubo at salapi.

Nagsimula ang pagtaas ng temperatura ng mundo mula sa pag-usbong ng Rebolusyong Industriya at kapitalismo sa Europa. Mula noon, patuloy na ang malawakang pagwasak sa likas-yaman ng mga bansang naghihirap ngunit mayaman sa likas-yaman. Patuloy din ang pagsasamantala at pambabarat sa lakas-paggawa ng mga manggagawa upang lalong tumambok ang bulsa ng mga ganid na kumpanya. Sa madaling salita, ang pagkahayok sa tubo ng sistemang kapital ang nagdulot ng pagkawasak ng ating daigdig. Ibig sabihin, ang kahayukang ito na dulot ng sistema ay dapat mawala, dapat mapalitan.

Dahil dito, nagkaroon ng utang ang mga mayayamang bansa (na kasama sa tinaguriang Annex 1 countries) sa mga mahihirap na bansa, pagkat ang pagwasak ng mga ito sa likas-yaman ng mahihirap na bansa ang nagbigay-daan upang lamunin ng mga bagyo't delubyo ang mga bansang tuad ng Pilipinas. Nariyan ang pagkitid ng espasyo sa kalawakan, na nakapatungkol sa kabuuang hangganan ng pwedeng ibugang GHG ng bawat bansa. Halimbawa nito, ang parte ng kalawakan ng Pilipinas ay di nito nagamit dahil ginamit na ng mga mauunlad na bansa na siyang nagbuga ng usok sa kalawakan, lagpas-lagpasan sa dapat na parte nila ng espasyo sa kalawakan. At ang labis na ito ang itinuturing na Utang sa Klima ng mga mauunlad na bansa sa mga bansang mahihirap at papaunlad pa lamang.

Kaya kailangang magpasya ng sangkatauhan kung nais pa nitong mabuhay ng matagal. Patuloy pa ba tayo sa pagtahak sa kapitalistang sistemang mapangwasak o tatahak tayo sa panibagong landas ng pagsulong na isinasaalang-alang natin ang kalikasan at karapatang mabuhay ng lahat batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay. Upang patuloy na umiral ang mundo, dapat bawasan ng mga mayayamang bansa ang kanilang pagbuga ng usok sa kalawakan upang mabawasan ang konsentrasyon ng greenhouse gas at mabawasan ang pagtaas ng daigdigang temperatura sa mapaminsalang antas nitong higit 2 degrees Celsius. Dapat kilalanin ng mga mauunlad na bansa ang kanilang pananagutang ibalik ang integridad ng ating kapaligiran at tulungan ang mga bansang papaunlad pa lang at naghihirap na tinatamaan ng epekto ng nagbabagong klima.

Kaya ang panawagan ng PMCJ batay sa mga kahilingang nakasaad sa Cochabamba (Bolivia) People's Accord ay ang sumusunod:

Una, ibalik ang pangkalawakang espasyo ng mga mahihirap na bansa na ngayon ay kinukuha at inookupa ng mauunlad na bansa sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang ibinubugang GHG sa kalawakan.

Ikalawa, sagutin ng mauunlad na bansa ang halaga at gastusin sa teknolohiyang kailangan ng mga mahihirap na bansa dahil sa nawalang oportunidad nito sa pag-unlad bunga ng nilikhang limitasyon ng mauunlad na bansa sa kanilang pangkalawakang espasyo.

Ikatlo, magbayad ng danyos perwisyos ang mga Annex 1 countries, sa pangunguna ng Estados Unidos, sa kanilang mga paglabag sa karapatang pantao sa paninirahan, tubig, pagkain, trabaho, kalusugan, at pag-unlad bunga ng patuloy na pagbubuga ng mga Annex 1 countries ng sobra-sobrang GHG sa kalawakan.

Kung nais nating di na lumala pa ang nararanasang dahas ng kalikasan, panahon na para palitan ang mapangwasak na kapitalistang sistema ng isang sistemang tunay na makatao at lilikha lamang ng produksyon batay sa pangangailangan ng sangkatauhan, at hindi batay sa tubo. Kung hindi ngayon, kailan pa tayo kikilos? Kung hindi tayo, sino? Halina't mag-organisa para sa kinabukasan.

Hustisya sa Klima, Ngayon Na!

Sanggunian: Mga polyeto ng Philipine Movement for Climate Justice (PMCJ)
- 4 pahinang polyetong "Magbayad na kayo ng inyong pagkakautang"
- 6 pahinang "Pahayag ng Pagkakaisa Hinggil sa Nagbabagong Klima"

Walang komento: