ni
Greg Bituin Jr.
Sa
panahong naggigirian ang Ehekutibo at ang Korte Suprema, ipinag-utos ng
Kataas-taasang Hukuman nitong Nobyembre 22, 2011 na ipamahagi na sa mga
magsasaka ang lupain ng Hacienda Luisita. Bumoto ang 14 na mahistrado pabor sa
mga magsasaka. Sa 56-pahinang desisyong sinulat ni Associate Justice Presbitero
Velaso, pinagbabayad ang Hacienda Luisita ng P1.3 billion sa mahigit 6,000
manggagawang bukid.
Sa
panahong nagtutunggalian ang dalawang paksyon ng naghaharing uri, nanalo ang
mga magsasaka at napasakanila ang lupa. Binago ng Korte Suprema ang nauna
nitong desisyon noong Hulyo na pinapipili ang mga magsasaka kung gusto nila ng
lupa o shares of stocks. Ibinasura ng Korte Suprema ang "stock
option" na siyang mungkahi ng mga may-ari ng lupain.
Sa
panahong nagrarambulan ang magkakalabang paksyon ng mga elitista, ang lupaing
ikinabuwis ng buhay ng maraming manggagawang bukid sa tinaguriang Hacienda
Luisita massacre noong Nobyembre 2004, nakamit ng mga magsasaka ang minimithi
nilang lupang dinilig ng dugo.
Mula
sa sistemang pyudalismo sa kanayunan, ang makauring tunggalian at pakikibaka ng
mga manggagawang bukid ay nalalapit na sa katapusan.
Ang
Hacienda Luisita sa Tarlac, na pagmamay-ari ng pamilya ni Pangulong Benigno
"Noynoy" Aquino III. sa kasalukuyan ay may lawak na 4,334.55 ektarya.
Umabot ito noon sa 6,435 ektarya ngunit sa pagdaan ng mga panahon, ang ilang
bahagi nito'y naibenta sa mga industryalisadong kumpanya.
Ang
planong pamamahagi ng mga stock ay naisagawa noon pang 1989, nang
makipagkasundo ang libu-libong magsasaka na makakuha ng stock imbes na lupa.
Sa
nararanasang matinding kahirapan at kagutuman ng mga magsasaka, patuloy silang
nakibaka para mapasakanila ang lupa. Alam nilang hindi basta bibitiwan ng
pamilyang Cojuangco ang Hacienda Luisita. Kaya nga kahit sinabi pa ni Pangulong
Noynoy na ayos lamang ipamahagi ang Hacienda Luisita basta't babayaran sila ng
mga magsasaka. Anong kabalintunaan ito? Ang pamilya Cojuangco at Aqunio na ang
nagsamantala sa mga magsasaka ng kung ilang dekada, sila pa ang babayaran ng
mga magsasakang naghihirap. Sila na nga ang nagpakasasa at yumaman sa pawis,
dugo at lakas-paggawang di nabayarang tama ng mga manggagawang bukid, ang mga
elitistang ito pa ang babayaran ng mga naghihirap at nagugutom na mga
magsasaka! Aba'y sobra na sila! Napunta lamang sa mga magsasaka ang para sa mga
ito - ang lupang matagal na nilang sinasaka.
Batid
ng masang magsasaka at mga manggagawang bukid na hindi basta bibitiwan ng
pamilyang Cojuangco ang malawak na asyenda. Mula nang manahin ang asyenda sa
mga kolonyalistang Espanyol at palawakin pa ito sa mga sumunod na dekada,
nagpakasasa ang pamilyang Cojuangco sa pawis at dugo ng mga magsasaka at
manggagawang bukid. Lalong walang balak ang mga Cojuangco na bitiwan ang
asyenda ngayong bilyun-bilyong piso na ang kinikita nila sa operasyong
komersyal at mala-industriyal doon. Samantala, patuloy na ipinagkakait ang
katarungang panlipunan sa mga tagabungkal ng lupa at lumikha ng yaman ng mga
Cojuangco. Iginigiit pa ni Pangulong Aquino na marapat umanong makatanggap ng
"just compensation" ang mga kamag-anak niya sa Hacienda Luisita,
gayong ilang dekada na ang mga Cojuangco ritong pinagsamantalahan ang
lakas-paggawa, pawis at dugo ng mga magsasaka't manggagawang bukid sa asyenda.
Natanggal
na ang pag-aari ng lupa sa kamay ng mga asendero't panginoong maylupa, ngunit
ito'y dapat isosyalisa sa lahat upang magamit ng tama, na ang bawat ani rito ay
pakikinabangan ng mga nagpakahirap, nagsaka at nag-ani rito.
Ang
nakamit ng mga magsasaka't manggagawang bukid ng Hacienda Luisita ay dapat
makamit din ng iba pang magsasaka't manggagawang bukid sa iba't ibang panig ng
kapuluan. Dapat matanggal na sa kamay ng iilang panginoong maylupa't asendero
ang mga lupang nilinang, sinaka, at pinagyaman ng mga magsasaka. Dapat maging
sosyalisado na ang pag-aari ng lupa kung saan walang isang indibidwal ang
magmamay-ari nito kundi ang buong uring patuloy na nagsisikhay upang mapakain
ang sangkatauhan, upang makinabang ang lahat nang walang pagsasamantala ng tao
sa tao. At upang mangyari ito’y nangangailangan ng pagbabago ng sistema upang
maitayo ang isang lipunang tunay na makikinabang ang tao nang walang
itinatangi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento