Lunes, Agosto 25, 2014

Paunang Salita sa aklat na Mga Sanaysay ng Pagbangon

PAGMULAT AT PAGBANGON!

"Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno!" Ito'y ayon kay Pilosopo Tasyo sa Kabanata 25 ng Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Sinabi ito ni Pilosopo Tasyo nang mapuna ni Crisostomo Ibarra ang kanyang isinusulat sa baybayin (o unang sistema ng panulat ng ating mga ninuno), na tinawag na hiyeroglipiko ni Ibarra. Makahulugan ang sinabing ito ng matanda na nauukol pa rin hanggang sa panahong ito.

Siyang tunay. Mahirap matulog sa gitna ng panganib, sa gitna ng pagsasamantala ng naghaharing uri, sa gitna ng pananalasa ng bulok na sistema, sa gitna ng pagyurak sa dangal ng bayan, sa gitna ng kawalan ng paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa. Ngunit mas mahirap ang nagtutulug-tulugan. Tulad din ng mahirap ang magbulag-bulagan sa harap ng nagdudumilat na katotohanan ng karukhaan at kawalang katarungan. Tulad din ng mahirap ang magbingi-bingihan sa kabila ng dinig na dinig ang mga bulong ng pasakit, mga hinaing at hikbi ng mga nahihirapan at pinagsasamantalahan. Tanda ng kawalang pakialam sa kapwa ang pagtutulug-tulugan, at mas nais pang kunwari'y umidlip upang hindi mapansin ang mga suliranin sa paligid. Hindi lahat ay natutulog dahil may panahon ng pagbangon kahit sa kailaliman ng gabi upang iligtas ang bayan, ang kapwa, ang uri.

Ngunit sa paghikab, dahil na rin sa pagod sa maghapon, ay natutuluyan na tayong makatulog at managinip.

Pag hindi maganda ang ating panaginip, magmumulat agad tayo upang ang hininga'y habulin. Pagkat ang pangit na panaginip ay maaaring magdulot ng bangungot. Pangit ang ating mga nararanasan sa kasalukuyang sistema ng lipunan, kaya dapat tayong mamulat at magbangon upang palitan ito ng sistemang ang bawat isa'y magbibigayan ng ngiti, upang magkaroon ng sistemang wala nang pagsasamantala ng tao sa tao.

Magmumulat tayo't babangon upang yakapin ang isang magandang adhikain. Ang mabuting layunin para sa mas nakararami ay hindi kinakailangang balutan pa ng baluktot at tiwaling gawain.

Ang mga sanaysay na tinipon sa aklat na ito'y bunga ng mga siphayo, danas at pangarap upang magkaroon ng katiwasayan ang puso't isip, upang magbahagi sa kapwa, upang mamulat at bumangon din ang iba mula sa bangungot ng karukhaan dulot ng kapitalista't elitistang sistema na siyang naghahari sa kasalukuyang lipunan. Ang mga sanaysay na narito'y ambag sa kasalukuyan at mga susunod pang salinlahi, at siyang dahilan upang balikatin natin ang tungkuling baguhin ang lipunan at magkaisa tayo tungo sa tunay na kaunlaran ng lahat tungo sa pagpawi ng mga uri ng tao sa lipunan, upang magkaroon ng pantay na karapatan at mawala na ang pagsasamantala ng isa sa kanyang kapwa. Dapat ay hindi lamang iilan sa lipunan ang nagtatamasa kundi lahat ng mamamayan. Dapat wala nang sanlaksang dukha at iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan.

Nawa'y makatulong munti man ang mga sanaysay na narito sa ating pagbangon mula sa matagal na pagkakaidlip.


GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 25, 2014

Huwebes, Agosto 21, 2014

Paunang Salita sa aklat na MASO, Ikaapat na Aklat

TATAGAN ANG PAGTANGAN SA MASO

Matagal nang hindi nakapaglathala ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa. Nalathala ang unang koleksyon noong 2006, ikalawang koleksyon noong 2007, at ikatlong koleksyon noong 2008. Anim na taon ang nakalipas, muli itong nalathala ngayong 2014. Bakit nagtagal nang ganoong panahon bago muling makapaglathala? Maraming salik.

Una, halos kakaunti na lang sa mga manggagawa ang nagsusulat ng panitikan, kaya mahirap silang makumbinsing magpasa ng akda. Marahil din naman, hindi naman ganoong kapopular ang ating aklat na MASO kahit na nakapaglathala na ito ng tatlong koleksyon ng panitikan. Kakaunting bilang ng aklat lamang ang nalalathala dahil na rin pultaym na aktibista ang nagpopondo, na kadalasang kapos din sa pangangailangan.

Ikalawa, hindi ito napagtuunan ng pansin dahil na rin sa bukod sa maraming gawain ay mas inasikaso ang mga blog ng panitikan sa internet, imbes na maglathala.

Ikatlo, nalunod sa bagyong Ondoy ang natitirang kopya ng Maso 1, 2 at 3, at pinatuyo na lamang ang mga iyon kahit hindi na nabubuklat dahil masisira. Pinatuyo at itinago bilang patunay ng nailathalang naunang tatlong isyu, na kung magkakaroon ng panustos na mas maalwan ay ilalathala muli ang tatlong iyon.

Ikaapat, mahirap mag-ipon ng akda ng mga makata't manunulat. Mabuti na lamang at nakumbinsi silang magsulat at naitatabi ko ng maayos ang kanilang mga ipinasang akda.

Mahalaga ang pag-iipon ng mga tula, sanaysay at maikling kwento ng mga aktibista't manggagawang nasa loob mismo ng isang kilusang mapagpalaya at naghahangad ng tunay na pagbabago, sa prinsipyo ng pagpapakatao at pagkakapantay sa lipunan, prinsipyong mawala na ang pagsasamantala ng tao sa tao, at prinsipyong itayo ang isang tunay na lipunang makatao, na iginagalang ang karapatan ng bawat isa, at nabubuhay ng may dangal.

Kaya kailangang magpatuloy. Hindi maaaring hindi malathala ang kanilang ipinasang mga akda. Ang kanilang mga inaambag at isinulat ay malaki nang kontribusyon sa panitikan ng uring manggagawa, hindi lang dito sa bansa, kundi maging sa iba pang panig ng daigdig.

Ang bawat akda’y inipon at pinagtiyagaang i-edit sa mga maling pagtipa sa kompyuter, ngunit hindi halos ginalaw ang buong akda upang kahit papaano’y madama ng mambabasa ang kaseryosohan ng umakda. Nilagay na rin ang petsa sa dulo ng bawat akda upang malaman ng mambabasa kung kailan ba ito nasulat, o naipasa sa inyong lingkod.

Halina't basahin natin at namnamin ang mga sakit at timyas ng panitik ng mga makata't manunulat na naririto. Lasapin natin ang tamis at pait ng kanilang danas, sakripisyo at tuwa. Damhin natin ang higpit ng kanilang panawagang pagkaisahin ang uri bilang malakas na pwersa sa pagbabago. Marahil ay matatagpuan din natin ang ating sarili sa mga sulating ito habang matatag nilang tangan ang maso ng pakikibaka, magtagumpay man sila o mabigo.

Paghandaan na natin ang ikalimang koleksyon ng panitikan - ang MASO 5 - kaya muli tayong kumatha at mag-ipon ng mga panitikang balang araw ay pakikinabangan din ng mga susunod na henerasyon. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Tagatipon at Editor ng MASO 4
Tagapamahala ng Aklatang Obrero Publishing Collective

21 Agosto 2014

Huwebes, Agosto 14, 2014

Ang makabagbag-damdaming dokumentaryong "Miners Shot Down"

ANG MAKABAGBAG-DAMDAMING DOKUMENTARYONG "MINERS SHOT DOWN"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlumpu't apat na minero ang pinaslang habang nagwewelga at humihiling na itaas ang sahod nilang mga manggagawa. Hindi ibinigay ang kahilingan nila. Ang ibinigay sa kanila: bala. Agosto 16, 2012, sa Marikana, South Africa.

Ikalawa ng hapon, Agosto 13, 2014, Miyerkules, ay naroon na ako sa LEARN Workers House sa Brgy. Laging Handa sa Lungsod Quezon upang manood ng dokumentaryong "Miners Shot Down". Ang film showing na ito, batay sa imbitasyong nakita ko sa facebook, ay pinangunahan ng mga grupong SENTRO, Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Alyansa Tigil Mina (ATM), Lilac, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI). Nasa 25 katao kaming mga nanood nito. Nagsimula ang palabas bandang ikalawa't kalahati ng hapon at natapos ng ikaapat ng hapon.

Nakapukaw ng aking pansin sa imbitasyon ang "Watch actual footage of how South African police forces massacred striking miners demanding better wages". Kasabay ng film showing na ito ang isa pang talakayan, na pinangunahan ng BMP hinggil sa Gaza, ngunit nakadalo na ako ng talakayan hinggil sa paksang iyon. Kaya ang film showing ng "Miners Shot Down" ang pinuntahan ko. Napakahalaga ng isyung ito na hindi ko dapat mapalampas. Minsan lang ito at baka hindi ko na mapanood.

Ang "Miners Shot Down" ay isang dokumentaryong dinirihe ni Rehad Desai. Malaki ang nagawa ng media upang makunan ng actual video ang ilang araw na welga bago ang masaker, ang aktwal na masaker, ang pagbaril ng mga pulis, ang mga naghambalang na mga bangkay, ang panayam sa Commission of Inquiry, at ilang mga panayam sa mga abogado ng minahan at mga lider-manggagawa. Kasama rin sa dokumentaryo ang mismong police footages. Naganap ito sa kabundukan ng Marikana, at ang may-ari o namamahala ng minahan ay ang Lonmin Mining Property.

Kaya minsan mapapaisip ka. Paano nila nakunan ang aktwal na masaker? Gayong sa Pilipinas, halimbawa, ang dalawang masaker sa Nobyembre - ang masaker ng pitong manggagawa sa Hacienda Luisita habang nagwewelga noong Nobyembre 16, 2004, at ang masaker ng dalawanpu't anim (26) na sibiliyan at tatlumpu't dalawang (32) manggagawang mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao. Lumabas lang ang balita matapos mangyari ang masaker. Natural iyon dahil wala pang nangyayari.

Ayon sa ilang balita, nagkataong naroon ang direktor na si Rehad Desai upang kunan lamang ang welga ng mga manggagawa ng Lonmin, na ang nais lamang ay gumawa ng pelikula o dokumentaryo hinggil sa di-pantay na pamamalakad na kinakaharap ng mga pamayanang minerong nagmimina ng platinum. Ngunit hindi niya inaasahan ang mga sumunod na mga pangyayari, lalo na nang pagbabarilin ng mga pulis ang mga minero. Ngunit naroon si Desai na nakakuha ng totoong larawan ng buong pangyayari. Sa isang panayam kay Desai, sinabi niya, “I couldn’t ignore it, it was much too big, much too dramatic and upsetting for me. I had to do something for these miners. I just felt that I had to give them a voice. If authority strikes in such a brutal fashion, artists have to pick a side and indicate which side they’re on. (Hindi ko ito maipagwawalang-bahala, napakalaki nito, sobrang nakakaiyak, at napakasakit para sa akin. Dapat akong may gawin sa mga minerong ito. Dapat ko silang bigyan ng boses. Kung kayang pumaslang ng ganito kabrutal ang mga awtoridad, dapat pumili ng papanigan ang mga nasa sining at ipakita nila kung saan silang panig naroon.)”

Ang naganap na masaker ay front page sa lahat ng pahayagan sa Katimugang Aprika, tulad din nang pinag-usapan ang naganap noong masaker sa Hacienda Luisita at sa Maguindanao. Ang Marikana strike massacre ang kauna-unahang trahedya sa South Africa matapos ang Apartheid.

Ilang araw bago ang masaker sa Marikana ay ipinalabas ang panayam sa mga minero, pulitiko, abogado at ilang tao mula sa Farlam Commission of Inquiry. Nais ng mga manggagawa, na makikita sa kanilang mga kayumangging plakard ang panawagan nilang maitaas ang sahod at hiniling nilang R12,500 isang buwan ang kanilang matanggap. Direktor ng kumpanyang Lonmin ang ngayon ay deputy president ng South Africa na si Cyril Ramaphosa. Ipinakita rin sa dokumentaryo ang labanan sa pagitan ng dalawang malalaking samahan ng manggagawa sa minahan - ang Association of Mineworkers and Construction Union (AMCU) at ang National Union of Mineworkers (NUM). Ang mga minero sa welgang iyon ay hindi pinaboran ng NUM, kaya ang inasahan ng minero ay ang AMCU.

Kitang-kita ang ebidensya. Kitang-kita kung paano pinagbabaril ng mga pulis ang 34 na minero. Wika nga ng isang komentarista, "Yes, the police are that hardened, yes the miners are that desperate, yes the capitalists are that greedy. (Oo, napakatigas ng mga pulis, oo, napakadesperado na ng mga minero, oo, napakasakim ng mga kapitalista.)

Ayon sa aming talakayan matapos ang film showing, ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May batas sa South Cotabato na bawal ang open-pit mining o yaong pagbutas sa lupa, dahil na rin sa maraming dahilan, tulad ng biodibersidad pagkat maraming ilahas (species) ang namumuhay rito, narito ang pinagkukunan ng tubig ng buong South Cotabato na masisira pag natuloy ang pagmimina rito, at nakasasagabal din ang minahang ito sa karapatan ng mga katutubong B'laan. May naganap na ring dalawang masaker doon sa Tampakan - ang Kapeon masaker at ang Preay masaker, kung saan ang mga pamilyang ito ay pinaslang dahil sa pagpoprotesta laban sa pagkakaroon ng minahan sa Tampakan.

Ang Agosto 16 ay itinanghal na Global Day of Remembrance bilang paggunita sa mga manggagawang pinaslang sa Marikana. Kaya magkakaroon din ng pagkilos sa Tampakan sa araw na ito, pagpapalabas din doon ng "Miners Shot Down" at talakayan. 

Bago ito, may pagkilos din dito sa Pambansang Punong Rehiyon (NCR) sa Agosto 15, araw ng Biyernes, sa harap ng tanggapan ng Glencore sa Ortigas Center. Walang pasok sa Glencore pag araw ng Sabado at Linggo kaya ginawang Biyernes ang pagkilos. Ang ilan sa mga panawagang napag-usapan sa talakayan: "Glencore is world class human rights abuser!", "Justice for Marikana and Tampakan victims!", "Glencore, Out of Tampakan, Now!", "Justice for Marikana mine workers in South Africa! Justice for Tampakan anti-mining leaders!", at "Stop the Impunity! Treaty Now!" Nais ko palang idagdag, "Raise the mining workers wages in Marikana!" dahil ang isyu talaga ng mga manggagawa rito ay itaas ang kanilang sahod.

Samahan natin ang mga manggagawa sa minahan ng Marikana, South Africa sa paggunita sa trahedyang ito sa Agosto 16, 2014. Marahil ay kahit sa pagtitirik ng kandila katabi ang mga plakard sa isang mataong lugar.

Inirerekomenda kong panoorin din ito ng mga manggagawa, at mag-iskedyul na rin ng film showing ang iba't ibang grupo ng manggagawa hinggil dito.

Biyernes, Agosto 8, 2014

Dalawang Jose, Dalawang Bayani

DALAWANG JOSE, DALAWANG BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nanalasa ang bagyong Jose sa bansa nitong nakaraang linggo. Kasagsagan ng bagyong Jose ay pinatutugtog naman ang Lolo Jose sa radyo, isang awitin ng pagmamahal ni Coritha sa kanyang matanda. Hanggang sa pumasok sa aking isipan ang dalawang bayaning may pangalang Jose.

Nakilala ko si Rizal noong elementarya, at sa maraming dako ay may makikita kang rebulto ni Rizal sa Maynila, habang nakilala ko si Marti noong ako'y maging aktibista, at minsan ay nakakadalo sa talakayan ng samahang Philippine-Cuba Friendship Association, sa panahong may embahada pa ang Cuba dito sa Pilipinas. Sino nga ba ang dalawang Joseng ito at sino ba sila sa atin?

Pambansang bayani ng Cuba si Jose Marti. Pambansang bayani naman ng Pilipinas si Jose Rizal. Pareho silang makata at manunulat sa panahong sakop ng bansang España ang kani-kanilang bansa. Pareho silang naghangad na mapalaya ang kanilang bansa mula sa pananakop ng mga Kastila.

Si Jose Marti ay isinilang sa Havana, Cuba noong Enero 28, 1853. Si Jose Rizal ay isinilang sa Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861. Si Jose Marti ang panganay sa walong magkakapatid; si Jose Rizal ay pampito sa labing-isang magkakapatid.

Pareho silang may napakaraming kapatid na babae. Pitong babae ang kapatid ni Marti. Siyam na babae ang kapatid ni Rizal.

Pareho silang pintor at iskultor. Si Jose Marti ay nag-aral sa Professional School for Painting and Sculpture. Si Jose Rizal naman ay natuto ng pagpipinta sa ilalim ng sikat na pintor na Kastilang si Agustin Saez, at ng paglililok sa ilalim ng gabay ni Romualdo de Jesus.

Pareho silang nagsulat ng dula sa wikang Kastila. Isinulat ni Jose Marti ang "Amor con amor se paga".(Love is Repaid with Love). Isinulat naman ni Jose Rizal ang "El Consejo de los Dioses" (Council of the Gods) na inilathala sa Maynila ng Liceo Artistico Literario de Manila noong 1880, at sa La Solidaridad noong 1883.

Pareho silang makata, at nagsulat ng mga tula sa wikang Kastila. May tatlong kalipunan ng tula si Marti, at ito ang Ismaelillo (1882), ang Versos sencillos (1891), at  Versos libres, na pawang sinulat noong dekada ng 1880, ngunit nailathala lamang noong 1913. Noong Oktubre 4, 1882, hinilingang tumula si Rizal ng mga kasapi ng Circulo Hispano-Filipino, kaya tinula ni Rizal sa harapan nila ang kinatha niyang "Me piden versos" sa pulong na ginanap sa bahay ng isang Pablo Ortiga y Rey. Nagsulat ng tula si Rizal sa iba't ibang lugar na kanyang napuntahan. Tinalakay naman ni Rizal ang Arte Metrica del Tagalog (Ang Sining ng Tugma at Sukat sa Tagalog) na kanyang binigkas sa wikang Aleman (at isinalin niya kalaunan sa Espanyol) sa Sociedad Etnografica sa Berlin noong Abril 1887, at inilathala ng naturang samahan sa taong ding iyon.

Pareho silang may tulang pinaghalawan ng awit. Bahagi ng tula ni Jose Marti sa kanyang aklat na "Versos Sencillos" (Simple Verses) ay ginawang awit, ang "Guantanamera" na naging makabayang awitin ng Cuba. Ang dalawang taludtod ng tulang Sa Aking Mga Kabata, na umano'y isinulat ni Jose Rizal noong siya'y bata pa, ay ginamit sa isang sikat na awitin ni Florante. Ayon sa awiting Ako'y isang Pinoy ni Florante: "Si Gat Jose Rizal nuo’y nagwika, siya ay nagpangaral sa ating bansa, ang hindi raw magmahal sa sariling wika, ay higit pa ang amoy sa mabahong isda." Gayunman, may mga bagong saliksik ngayon na nagsasabing hindi kay Rizal ang tulang Sa Aking Mga Kabata. Magandang sangguniin hinggil sa usaping ito ang aklat na Rizal: Makata ni Virgilio S. Almario, pambansang alagad ng sining para sa panitikan.

Pareho silang nagsulat ng kwentong pambata. Inilathala ni Jose Marti ang La Edad de Oro, na isang magasing pambata, habang sinulat naman ni Jose Rizal ang mga kwentong Ang Pagong at ang Matsing, at ang kwentong Apoy at Gamugamo.

Pareho silang nagsulat sa pahayagan. Si Jose Marti ay nagsulat sa mga pahayagang Opinión National (ng Caracas, Venezuela), La Nación (ng Buenos Aires sa Argentina), New York Sun, El Partido Liberal, La República, El Economista Americano, at La Opinión Pública. Nagsulat din siya sa mga pahayagang lihim na El Diablo Cojuelo at La Patria Libre. Ang artikulong "Amor Patrio" ni Rizal ay nalathala sa Diaryong Tagalog, at bilang isa sa mga haligi ng kilusang propaganda, ay nagsulat siya ng mga artikulo sa La Solidaridad na nakabase sa Madrid sa España.

Pareho silang naging tagasalin (translator). Isinalin ni Jose Marti ang Mes Fils (Aking Mga Anak) ni Victor Hugo, mula sa wikang Pranses tungo sa Wikang Kastila, at ito ang Mis Hijos. Ang Ramona ni  Helen Hunt Jackson na nasa wikang Ingles ay isinalin ni Marti sa Espanyol. Isinalin din ni Marti ang mga teksto mula sa larangang diplomatiko, pilosopiya, kasaysayan, panitikan at pulitika. Isinalin naman ni Jose Rizal ang dulang William Tell mula sa wikang Aleman sa wikang Tagalog. Isinalin din ni Rizal sa wikang Kastila mula sa wikang Aleman ang kanyang Arte Metrica del Tagalog, na nabanggit na sa unahan. Ang Karampatan ng Tawo  ay salin umano ni Rizal noong siya’y nasa Hongkong ng Declaration of the Rights of Man and the Citizen ng Rebolusyong Pranses. May salin umano si Rizal mula sa wikang Kastila tungo sa wikang Ingles ng Sucesos de las Islas Filipinas (Events in the Philippine Islands) ni Antonio Morga noong 1890, kasama ang kanyang anotasyon.

Pareho silang kumuha ng espesyal na pag-aaral upang maging propesyunal. Si Jose Marti ay kumuha ng abugasya at nagtapos ng pagkaabogado. Si Jose Rizal naman ay kumuha ng medisina at nabigyan ng Licentiate in Medicine noong Enero 21, 1884, ngunit hindi nagawaran ng diploma sa pagka-doktor dahil hindi niya naipasa ang tesis na kinakailangan sa gradwasyon. Nag-espesyalisa siya sa optalmolohiya sa Paris at Alemanya upang magamot niya ang mata ng kanyang ina.

Pareho silang naglakbay sa iba't ibang bansa. Naglakbay si Jose Marti sa Mexico, Guatemala, Amerika, Haiti at Dominican Republic. Naglakbay naman si Jose Rizal sa España, Singapore, Pransya, Colombo, Hongkong, Japan, Alemanya, Belgium, at Switzerland.

Pareho silang nag-asawa ng dayuhan. Napangasawa ng Cubanong si Jose Marti si Carmen Zayas ng Guatemala, at ikinasal sila noong 1877. Napangasawa naman ng Pilipinong si Jose Rizal si Josephine Bracken ng Britanya, at ikinasal sila ilang oras bago bitayin si Rizal.

Pareho rin silang nagkaroon ng isang anak na lalaki. Pinangalanang Jose ang anak ni Jose Marti at nabuhay ito ng matagal. Namatay naman ang anak ni Jose Rizal ilang araw matapos itong isilang. Pinangalanang Francisco ang bata bilang paggunita sa kanyang ama.

Kapwa nila ipinahayag ang dalamhati sa mga pinaslang na mahahalagang tao sa kasaysayan. Si Jose Marti ay sa pagkapaslang kay Abraham Lincoln, habang si Jose Rizal ay sa pagbitay sa tatlong paring Gomburza, kung saan niya inalay ang kanyang nobelang El Filibusterismo.

Pareho rin silang nag-organisa ng samahan. Itinatag ni Jose Marti noong 1892 ang Cuban Revolutionary Party (Partido Revolutionario Cubano). Itinatag naman ni Jose Rizal nang taon ding iyon, Hulyo 3, ang La Liga Filipina, ngunit siya'y dinakip na ng mga Kastila. Apat na araw matapos maitatag ang La Liga Filipina ay naitatag nina Andres Bonifacio ang Katipunan.

Parehong napiit at ipinatapon sina Jose Marti at Jose Rizal. Si Jose Marti ay sinentensyahang mabilanggo ng anim na taon ng matinding paggawa (hard labour). Dahil sa tulong ng kanyang mga magulang, napaikli ang kanyang sentensya, ngunit pinatapon siya sa bansang España. Si Jose Rizal naman ay ibinilanggo sa Fort Santiago mula Hulyo 6, 1892 hanggang Hulyo 15, 1892 bago siya ipinatapon sa Dapitan. Muli siyang ikinulong sa Fort Santiago noong Nobyembre 3, 1896 hanggang sa umaga ng kanyang kamatayan noong Disyembre 30, 1896.

Pareho silang kinilala ng mga lumalaban sa kasalukuyang sistema ng lipunan. Kinilala si Jose Marti ng rebolusyonaryong si Fidel Castro. Si Jose Rizal naman ay kinilala ng mga anarkistang Pilipino, dahil sa bida niyang si Simoun na nais pasabugin, sa pamamagitan ng regalong lampara, ang pagtitipon sa isang bahay bilang hudyat ng isang pag-aalsa ng taumbayan.

Pareho nilang hinarap ang kanilang kamatayan at namatay sa tama ng bala. Noong Mayo 19, 1895, napatay si Marti habang nakikipaglaban sa mga pwersang Kastila sa Dos Rios kung saan pinangunahan niya ang paglusob. Hinarap naman ni Jose Rizal ang kanyang kamatayan sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896.

Anupa't sina Jose Marti at Jose Rizal ay kinilala ng kani-kanilang kababayan. Marami silang pagkakapareho ngunit marami ring pagkakaiba.

Pareho silang ginawang simbolo ng pakikibaka sa kani-kanilang bansa. Kasama si Marti ng mga rebolusyonaryong Cubanong sina Heneral Maximo Gomez at Heneral Antonio Maceo sa pakikipaglaban upang mapalaya ang Cuba sa kamay ng mga Kastila. Upang madali namang magkakilanlanan ang mga Katipunero, bukod sa Gomburza'y ginamit nilang koda (password) ang Rizal. Subalit hindi naging lider ng rebolusyon si Rizal. Sa katunayan, itinakwil niya ang rebolusyon, lalo na ang kilusan nina Bonifacio at ng mga Pilipinong lumaban upang matamo ang kalayaan.

Si Jose Marti ay kinilalang pambansang bayani ng Cuba. Si Jose Rizal ay kinilalang pambansang bayani ng Pilipinas, ngunit maraming nagsasabing siya ay American-sponsored hero, dahil tinanggihan niyang maging pinuno ng rebolusyon para sa kalayaan ng bayan. Gayunman, hindi matatawaran ang tapang at kabayanihan ni Rizal sa ginawa niyang pagharap sa mga balang ipinutok sa kanya.

Narito ang ilang tula nina Jose Marti at Jose Rizal hinggil sa pagmamahal nila sa kanilang bansa, na aking isinalin sa wikang Filipino.


NABUHAY AKO BAGAMAT AKO'Y NAMATAY (Tula 26)
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nabuhay ako bagamat ako'y namatay
Na nagpapahayag ng mahusay kong tuklas
Sapagkat kagabi'y aking naging patunay
Pagmamahal ang pinakamagandang lunas.

Kapag tinimbang sa kurus, ang isang tao
Ay resolbadong mamatay para sa wasto
Gagawin niya ang lahat ng kabutihan
At uuwing pinaliguan ng liwanag.


PINAG-ISA TAYO NG CUBA
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Pinag-isa tayo ng Cuba sa dayong lupa,
Banaag sa Cuba yaring awit ng pagsinta:
Cuba ang iyong puso, aking langit ang Cuba
Sa iyong aklat, ang Cuba ang aking salita.


AWIT NI MARIA CLARA
ni Jose Rizal
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kaytamis ng mga oras sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang
Simoy yaong buhay na winawalis yaong parang
ang pagsinta’y magiliw, tahimik ay kamatayan.

Naglalaro sa mga labi'y mainit na halik
habang nakaharap sa aming ina kami'y gising
pinapangarap siyang yapusin ng mga bisig
mga mata'y ngumiti habang sila'y nakatitig

Kaytamis kung mamamatay sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang!
Simoy yaong kamatayan sa sinumang nilalang
na walang pag-ibig, walang ina, at walang bayan!

Pinaghalawan:

http://www.poemhunter.com/jose-rizal/
http://www.poemhunter.com/jose-marti/
http://allpoetry.com/
http://www.kirjasto.sci.fi/josemart.htm
http://www.translationdirectory.com/articles/article1670.php
Bagong Kasaysayan, Lathalain Blg. 6, p. 48

Martes, Agosto 5, 2014

Si Karl Marx, Makata

SI KARL MARX, MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kilalang manunulat si Karl Marx, ngunit hindi bilang isang makata. Subalit marami siyang nalikhang tula noong kanyang kabataan. Nasa mahigit limampung tula ang kanyang nalikha. Nakahiligan niya noon ang pagtula. Katunayan, may koleksyon siya ng mga tulang alay niya sa kanyang ama, at may mga koleksyon din siya ng tula para kay Jenny von Westphalen na kanyang napangasawa.

Sa website na marxists.org, nakatala doon ang kanyang mga tula, sa ilalim ng pamagat na "Karl Marx's Early Literary Experiments; A Book of Verse (Ang Unang Eksperimento ni Karl Marx sa Panitikan: Isang Aklat ng mga Tula)" na nalathala ng Abril 27, 1837. Naglalaman ito ng mga tula at ilang sanaysay. Ito'y nakalathala rin sa Marx Engels Collected Works, Tomo 1, na unang inilathala sa Gesamtausgabe, Abt. 1, Hb. 2, 1929. Muli itong inilathala noong 1975 ng International Publishers. Inalay niya ang koleksyon niyang ito sa kaarawan ng kanyang pinakamamahal na ama. Mula sa orihinal na wikang Aleman, ang mga tula ni Marx ay isinalin sa wikang Ingles ni Clemens Dutt, at tinipa ni S. Ryan upang mailagay sa internet.

Bata pa lang siya’y nakahiligan na niya ang pagtula, na kinakailangan ng ibang uri ng kasanayan. At ang kasanayan niyang ito’y animo’y isang paghahanda sa malapanitikang hagod ng kanyang pagsulat sa kalaunan. Mahalagang talakay ito kung paano siya umunlad sa kanyang pagsusulat. Nariyan ang pagsulat niya at ng kanyang kaibigang si Friedrich Engels ng bantog na Manipesto ng Komunista na itinuturing ng marami na isa sa pinakamagandang manipestong naisulat sa kasaysayan ng daigdig. Ibig sabihin, iba ang pamamaraan at hagod ng pagkakasulat ng manipesto na nakahalina sa milyon-milyong tao sa mundo.

Mapapansing kayhahaba ng mga tula ni Karl Marx. At may kaalaman siya sa sukat at tugma. Kapansin-pansin ang istruktura ng kanyang mga tula, lalo na ang bilang ng saknong, ngunit hindi madaling mapansin ang tugma sa tula, dahil marahil nasa wikang Ingles at nahirapan ang tagasalin, na maaaring hindi makata, sa paghahanap ng angkop na salitang tutugma sa mga taludturan ng tula. Iba-iba rin ang sukat ng pantig bawat taludtod, dahil nga isinalin na sa Ingles.

Ang batayan lang natin para masipat na may alam sa tugma at sukat si Karl Marx ay ang bilang ng taludtod sa bawat saknong, na karaniwan ay apatan. Sa wikang Aleman marahil ay bilang na bilang niya ang pantig bawat taludtod at marahil ay may tugmaang ang padron ay maaaring aaaa, o kaya’y abab, o kaya’y abba, atbp.

Karaniwang ang istruktura ng kanyang mga tulang isinalin sa wikang Ingles ay binubuo ng apat na taludtod bawat saknong, at inaabot ng pitong saknong pataas ang mahahaba niyang tula. Nariyan, halimbawa, ang mga tulang "The Fiddler" at "Nocturnal Love" na may tigpipitong saknong. May tig-aanim na taludtod bawat saknong naman ang mga tulang "Creation (Nilalang)" na may anim na saknong, at ang maikling "Poetry (Tula)" ay may tatlong saknong lamang.

Pawang mga soneto naman ang kanyang inalay na tula kay Jenny. Ang soneto ay mga tulang may labing-apat na taludtod. At marami siyang tula kay Jenny na  iisa lang ang pamagat: “Kay Jenny”. Kaya iba’t ibang bersyon ng tulang ito ang ating mababasa.

Napakarami rin niyang ginawang ballad o naratibong tula na nilikha upang kantahin. Nariyan ang mga tulang The Magic Harp, Siren Song, The Little Old Man of the Water, The Madwoman, Flower King, Lucinda, Two Singers Accompanying Themselves on the Harp, Distraught, The Pale Maiden, The Fiddler, at The Abduction.

May nobela rin siya, na pinamagatang "Scorpion and Felix (Ang Alakdan at si Felix)". Tila nakita na rin niya ang hinaharap nang isulat niya ang tulang "The Man in the Moon (Ang Tao sa Buwan)". May dalawa rin siyang nilikhang dithyramb, o mga tulang inaawit ng may limampung katao. Ang dalawang dithyramb na ito'y pinamagatang "Night Thoughts (Mga Pagninilay sa Gabi)" at "Dream Vision (Pananaw sa Panaginip)".

Isa namang malalim na pagninilay ang sanaysay na sa gulang niyang labingpito ay kanyang isinulat – ang sanaysay na "Reflections of a young man on the choice of a profession", na inakda niya sa  pagitan ng Agosto 10 at 16, 1835.

Sa Mayo 5, 2018 ang ikalawangdaang (200) taon ng kanyang kaarawan. At magandang handog sa kanyang bisentenaryo ang paglalathalang muli ng kanyang mga tula. Sa araw na ito'y magandang mailathala ang salin ng kanyang mga tula sa wikang Filipino na ilulunsad bilang aklat. Inako ko na ang pagsasalin ng mga ito. Isang blog ang aking nilikha – ang http://mgatulanikarlmarx.blogspot.com/ – upang  dito tipunin ang salin ng mga tula ni Karl Marx sa wikang Filipino. Dito'y pinagsikapan kong isalin at ilapat sa tulang may tugma't sukat ang kanyang mga tula, bagamat may mga malayang taludturan din.

Namnamin natin ang ilang mahahalagang tula ni Karl Marx na nasa wikang Filipino, at ang tula kong alay sa kanya bilang pagpupugay sa kanyang pagiging makata.


ANG PAGGISING
ni Karl Marx, circa 1837
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

I
Pag nagkapatlang ang kumikislap mong mata
Nabibighani't nanginginig,
Tulad ng pagala-galang kwerdas ng musika
Na dinidibdib, na naiidlip,
Nakatali sa mga kudyapi,
Hanggang sa pamamagitan ng belo
Ng pinakabanal na gabi,
Pagkatapos mula sa itaas kuminang
Ang walang hanggang bituin
Nang buong pusong pagmamahal.

II

Nanginginig, napasubsob ka
Habang hinihingal
Natatanaw mo ang di matapos
Na walang hanggang daigdig
Sa itaas mo, sa ibaba mo,
Hindi matamo, walang katapusan,
Lumulutang sa sayaw - serye
Ng di mapakaling kawalang-hanggan;
Isang atomo, nahulog ka
Sa pamamagitan ng Uniberso.

III

Ang paggising mo’y
Walang katapusang pagbangon,
Ang pagbangon mo’y
Walang katapusang pagbagsak.

IV

Kapag ang nagsasayaw na apoy
Ng iyong kaluluwa'y sumalakay
Sa sarili nitong kailaliman,
Pabalik sa dibdib,
May lumilitaw na walang hanggang
Pinasisigla ng kaluluwa
Tinatanganan ng matamis – namamagang
Mahiwagang himig,
Ang lihim ng kaluluwa'y
Bumabangon mula sa kasamaang
Di nito maarok.

V

Ang pagkasubsob mo’y
Walang katapusang pagbangon.
Ang walang katapusan mong pagbangon
Ay may nanginginig na labi
Ang namula sa Aeterong
Nagliliyab, walang hanggang
Pagsintang halik ng ulo ng Bathala.


TULA
ni Karl Marx, circa 1837
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Apoy yaong mula kay Bathala’y minsang sumalin
Na sa akin ay dumaloy mula sa iyong dibdib
Naglalaban habang lumilipad sa papawirin
At akin silang inalagaan sa aking dibdib
Anyo mo’y pinakitang ala-Aeolus ang lahid
Inawat yaong liyab ng may pakpak na Pag-ibig.

May nakita akong kinang at narinig na tunog
Tinangay ng malayo pasulong ang mga langit
Bumulusok sa taas at sa ibaba’y lumubog
Lumulubog upang mas mataas itong sumirit
At, nang panloob na tunggali’y tuluyang madurog
Namalas ko ang dalamhati’t ligaya sa awit.

Namugad ng mahigpit sa mga anyong malumay
Ang diwa’y tinindig ng itinanikalang gaway
Mula sa akin ang mga larawan ay naglayag
Pataas dahil sa iyong pagsintang nagliliyab
Paa ng Pagsinta’y minsang pinalaya ng diwa
Na kuminang muli sa kalooban ng Naglalang.


KAY JENNY
ni Karl Marx, Nobyembre 1836
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Jenny! Walang biro, ikaw ay kinakailangan
Kung bakit ang awit kong "Kay Jenny"'y para sa iyo
Na sa iyo lang pulso ko'y kaybilis nang pumintig
Na mga awit ko lang sa iyo'y walang pag-asa
Na ikaw lang ang nagpapasigla ng puso nila
Na bawat pantig ng pangalan mo'y nagpahayag
Na maindayog mong pinahiram ang bawat nota
Na walang hiningang maligaw mula sa Diyosa?
Pagkat napakatamis dinggin ng iyong pangalan
At sa aki'y napakatindi ng indayog niyon
Napakabuo, tumataginting ang tunog niyon
Ang kapara'y masiglang diwa sa may kalayuan
Ang kapara'y ang saliw ng gintong kwerdas ng lira
Tulad ng ilang kagilagilalas na pag-iral


SI KARL MARX, MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

makata rin si Karl Marx, oo, makata rin siya
noong kanyang kabataan, pagtula'y hilig niya
may koleksyon ng tulang inalay sa kanyang ama
may tula rin kay Jenny na kanyang napangasawa

maindayog ang kanyang mga hikbi't talinghaga
ang nasasaloob niya'y matatanaw sa akda
sadyang may kaalaman siya sa sukat at tugma
na masisipat sa pagkaayos ng bawat tula

paglikha ng soneto'y tunay niyang kabisado
na karaniwang alay niya sa sintang totoo
may mga tulang inaawit ng limampung tao
may nobela ring marahil kinagiliwang todo

pagtula niya sapul magbinata'y paghahanda
upang kanyang panitik ay malinang sa pagkatha
ng mga sulating alay niya sa manggagawa
hanggang siya'y tanghaling tunay na henyo't dakila

Lunes, Agosto 4, 2014

Alexander Pushkin, ang makatang Ruso sa pusod ng Maynila

ALEXANDER PUSHKIN, ANG MAKATANG RUSO SA PUSOD NG MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Natsambahan ko lamang makunan ng litrato ang rebulto ni Alexander Pushkin sa Maynila. Si Pushkin ang pambansang makata ng Rusya na namatay sa isang duwelo sa baril.

Sa rebulto, makikitang si Pushkin ay nakatayo habang tangan sa kaliwang kamay ang isang tungkod. Ayon sa marker sa ibaba nito: "Alexander Pushkin (1799-1837), National Poet of Russia, Unveiled on 29 January 2010 to celebrate the friendship between the Filipino and Russian Peoples" at sa bandang itaas ng marker ay ang logo ng Lungsod ng Maynila.

Abril 27, 2014, araw ng Linggo, papunta ako noon sa Luneta para manood ng Concert at the Park. Mula Quiapo ay nilakad ko ang Sta. Cruz, McArthur Bridge, Liwasang Bonifacio, at pagkalampas ko ng Metropolitan Theater at terminal ng Park and Ride ay napansin ko ang kanyang rebulto.

Marami akong nakunang litrato nang araw na iyon - ang rebulto ni dating Manila Mayor Arsenio H. Lacson malapit sa simbahan ng Sta. Cruz, pati na ang malaking streamer na nakasulat ang paggunita sa ika-52 anibersaryo ng kamatayan ng dating Mayor; ang batong karatula (marker) hinggil sa Liwasang Bonifacio; ang rebulto ni Bonifacio na ang nasa ibaba ay marker sa wikang Filipino habang nasa likod ng rebulto ang marker sa wikang Ingles; at ang  rebulto't marker ni Leon Ma. Guerrero pagkalampas ng MET. Naka-upload sa blog na Buhay Manilenyo ang mga litratong ito.

Mga sampung metro mula sa rebulto ni Guerrero ay naroon ang rebulto ni Alexander Pushkin. Malapit na doon ang Universidad de Manila at ang Manila City Hall. Dadaanan muna ang Mehan Garden, kung saan naroon ang malaking rebulto ni Bonifacio at sa likod nito'y nakatitik ng malalaki ang Kartilya ng Katipunan. Ilang metro mula roon ay naroon naman ang rebulto ng Katipunerong si Gat Emilio Jacinto, rebolusyonaryo at makatang Pilipino.

Maaliwalas sa kinatitirikan ng rebulto ni Alexander Pushkin. Mapuno. Ang tanging ingay na karaniwang maririnig ay ang harurot ng mga dyip na papuntang Quiapo, at ang kwentuhan ng mga ilang nakatambay doon. May maliit na pwesto ang nagtitinda ng kung anu-ano, tulad ng tinapay, softdrinks, kendi at sigarilyo. Walang mauupuan kung sakaling magkaroon ng poetry reading dito. Kailangan ng payong sakali mang umulan.

Isa si Pushkin sa mga makata sa itinuturing na Gintong Panahon ng Panulaang Ruso. Isa rin siyang mandudula at nobelista. Ang kanyang mga sikat na akda ay ang Eugene Onegin, The Captain's Daughter, Boris Godunov, Ruslan, at Ludmila. Ang kanyang maybahay ay si Natalia Pushkina (1831–1837) at ang kanyang mga anak ay sina Maria, Alexander, Grigory, at Natalia. Nag-aral siya sa Tsarskoye Selo Lyceum.

Isinilang siya sa Moscow noong Hunyo 6, 1799 at namatay siya sa isang duwelo sa gulang na 37 noong Pebrero 10, 1837 sa Saint Petersburg sa Rusya. Hinggil sa kanyang pagkamatay sa duwelo, inilathala noong 1929 ng manunulat na Sobyet na si Leonid Grossman ang nobelang The d'Archiac Papers (Ang mga dokumento sa Archiac), kung saan ikinuwento nito ang pagkamatay ng makata mula sa pananaw ng isang kinatawan ng Pransyas, bilang isang kalahok at saksi sa nakamamatay na duwelong iyon. (Ang Archiac ay isang pamayanang Pranses sa rehiyon ng Poitou-Charentes sa timog-kanlurang Pransya.) Inilarawan sa aklat si Pushkin bilang isang biktima ng rehimen ng Tsar. Isinapelikula rin ang pagkamatay ni Pushkin sa palabas na Pushkin: The Last Duel (Pushkin: Ang Huling Duwelo) noong 2006. Ang direktor nito ay si Natalya Bondarchuk, at ang gumanap na Pushkin ay si Sergei Bezrukov.

Ayon sa Wikipedia, pangkaraniwan na ang duwelo sa mga prominenteng Rusong makata, manunulat, at pulitiko. Nakipagduwelo ng dalawampu't siyam (29) na beses ang makatang si Pushkin, na humamon sa maraming kilalang personalidad, bago siya napatay ni Georges d'Anthès sa isang duwelo noong 1837. Unti-unting nawala ang tradisyong duwelo sa Imperyong Rusya sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo.

Ipinaliwanag naman sa History.com ang totoong pangyayari sa likod ng duwelo. Umano'y matinding selos ang pinag-ugatan ng duwelo sa panahong namamayagpag pa si Pushkin. Nililigawan umano ng Pranses na si George d’Anthès ang magandang asawa ni Pushkin na si Natalya sa Saint Petersburg na ikinagalit ni Pushkin. Upang matapos na ang tsismis at upang mawala ang poot ni Pushkin, pinakasalan ni d’Anthès ang kapatid ni Natalya na si Ekaterina noong Enero 10, 1837 (sa kalendaryong Julian). Wala pang isang buwan, Enero 27, nagduwelo ang magbayaw. Nasugatan sa braso si d’Anthès, habang may tama naman ng bala sa tiyan si Pushkin at namatay makalipas ang dalawang araw. (Ang kamatayan ni Pushkin na Enero 29, 1837 sa kalendaryong Julian ay Pebrero 10, 1837 sa kalendaryong Gregorian na ginamit sa Rusya mula 1918. Sa kalendaryong Julian, isinilang si Pushkin noong Mayo 26, 1799.)

Maraming mga lugar ang ipinangalan kay Alexander Pushkin bilang papuri at pagdakila sa kanya. Noong 1937, sentenaryo ng kanyang kamatayan, ang kanyang tinubuang bayan ng Tsarskoye Selo ay pinangalanang Pushkin. Maraming museyo sa Rusya ang ipinangalan sa kanya, dalawa sa Moscow, isa sa Saint Petersburg, at ang Mikhailovskoye Pushkin State Museum.

Ipinangalan din sa kanya ang maliit na planetang 2208 Pushkin, na nadiskubre noong 1977 ng astronomong Sobyet na si Nikolai Stepanovich Chernykh. Pati na ang isang malaking lubak (crater) sa planetang Mercury ay ipinangalan din sa kanya. Nariyan din ang malaking barkong MS Alexandr Pushkin, ikalawang barkong Ruso ng klaseng Ivan Franko (na itinuturing ding ang klaseng "makata" o "manunulat"). Ipinangalan din sa kanya ang istasyon ng tren sa Tashkent, na siyang kapital ng bansang Uzbekistan, pati na ang Burol Pushkin at Lawa ng Pushkin sa Ben Nevis Township, Distrito ng Cochrane, sa Hilagang-silangang Ontario, Canada. Pinangunahan naman ng United Nations noong 2010 at ipinagdiriwang tuwing Hunyo 6 taun-taon, kasabay ng kaarawan ni Pushkin, ang Russian Language Day (Araw ng Wikang Ruso).

Ayon sa http://www.philippines.mid.ru/, ang rebulto ni Pushkin sa pusod ng Maynila ay ibinigay sa Pilipinas bilang patunay ng pagkakaibigan ng bansang Rusya at Pilipinas, at isang hakbang sa pagkilala sa ika-35 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa. Ang lumikha ng rebulto ay ang manlililok na Rusong si Grigory Pototsky, na kasapi sa International Union of Artists na nasa ilalim ng UNESCO at lumahok na sa mahigit isandaang eksibisyon ng sining mula pa noong 1985. Inihandog ni Pototsky ang nililok niyang rebulto ni Pushkin sa bansa.

Sa Hunyo 6, 2019 ang kanyang ika-220 kaarawan, habang sa Pebrero 10, 2017 ang ika-180 anibersaryo ng kanyang kamatayan. Magandang sa alinman sa mga araw na iyon ay mailathala siyang muli. At balak kong mailathala ang kanyang mga tula na isinalin sa wikang Filipino. At dahil nasimulan ko na ang pagsasalin sa kanyang mga tula ay itutuloy-tuloy ko na ito, upang maging isa nang ganap na proyekto. May 114 na tula si Pushkin na matatagpuan sa website na Poetry Lovers Page. Sapat na ang mga ito para sa proyektong pagsasalin, na dapat matapos dalawa't kalahating taon mula ngayon, Disyembre 2016 para sa paglulunsad sa Pebrero 10, 2017, o kaya'y limang taon mula ngayon para sa paglulunsad sa Hunyo 6, 2019.

Bilang pagpupugay sa makatang Pushkin, isinalin ko sa wikang Filipino ang dalawang piling tula ni Pushkin at naghandog na rin ako ng maikling tula para sa kanya.


O, MUSA NG MAPULA'T MAINIT NA PAG-UYAM
tula ni Alexander Pushkin
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

O, musa ng mapula't mainit na pag-uyam
Lumitaw ka sa agaran kong pambibighani
Di ko kailangan ang garalgal ng kudyapi
Latigo ni Juvenal ay ibigay sa akin!
Hindi sa mga tagasaling sukdol ang lamig,
O sa mga manggagayang payat at matapang,
Hindi sa mga tupang lumilikha ng tugma,
Kasabihang panata’y aking ipadadala!
Kapayapaan mo'y damhin, o, makata't sawi,
Ang mga aliping dungo sa pagkapahiya!
Ngunit kayong 'mabubuti', kayong palamara --
Hakbang pasulong!! Lahat ng bantay ng lapian
Ay hahatulan ko sa tulos ng kahihiyan,
At kung sakaling malimutan ko ang pangalan
Ng sinuman, mangyaring ako'y pakitulungan!
Kayraming mukha, mga mapuputla't magaspang
Kayraming noo, malalapad at tila tanso
Nakahanda silang tanggapin mula sa akin
Ang tatak, iyon nga kung mayroon ngang ganoon.

* Isinalin ni Yevgeny Bonver mula sa wikang Ruso tungo sa wikang Ingles, Disyembre, 1999


ANG MAKATA
tula ni Alexander Pushkin
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Bagamat hindi pa humihiling si Apollo
Ng makata sa isang sagradong sakripisyo
Sa mundong batuhan ng putik ang mga gulo
Ubod sama't walang awa niyang binalasa
Yaong banal niyang kudyaping laging payapa;
Nahihimbing ang kanyang diwa, at nanlalata
Sa gitna'y mga nuno sa mundo ng higante
Siya, marahil, ang pinakapandak na nuno.

Ngunit nang ang salita ng atas ng bathala
Sa kanyang tainga'y makarating, at listong lagi
Nagsimula na – ang puso ng makatang taal –
Tulad ng pagsisimula ng agilang gising.
Malungkot siya sa makamundong saya, tamad,
Iwas sa mga bulungang laging naglipana,
Nasa paanan ng iniidolo ng lahat
Di iniyuyukod ang ulo niyang palalo
Tumatakbo siya – yaong ilap, bagsik, gitla,
Puno ng kaguluhan, puno ng kaingayan –
Sa iniwanang katubigan ng mga pampang,
Sa kakahuyan, naglipana’t huni’y kaylakas.

* Isinalin ni Yevgeny Bonver mula sa wikang Ruso tungo sa wikang Ingles, Nobyembre, 2003


ALEXANDER PUSHKIN, MAKATANG RUSO SA MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang makatang si Pushkin, sa Maynila bumabâ
di ang anyong pisikal kundi kanyang gunitâ
bantayog ay naroon sapagkat ito'y tandâ
na Rusya't Pilipinas, magkaibigang bansâ

batikang manunulat si Alexander Pushkin
nobelistang maykatha nitong Eugene Onegin
Boris Godunov, Ruslan, tula't ibang sulatin
ay babasahing tiyak sa diwa nitong angkin

kinatha'y sari-sari, nagsabog ng liwanag
sa panitikan siya'y sadyang di matitinag
mga akdang may sinag tayong mababanaag
tula'y nagpapaningnging sa pagsintang kayrilag

nobelistang animo'y tandang kapag tumindig
ang mga katha'y punglong hindi matitigatig
ibang uring makatâ, di basta palulupig
ang tari'y pluma't baril na pawang magkasandig

dalawampu't siyam na duwelo'y nilabanan
di iyon balagtasan o anumang tulaan
nang baril na't di pluma ang kanyang tinanganan
punglo, di tula, yaong naghatid sa libingan

si Alexander Pushkin, pangunahing makatâ
sa Rusya'y itinuring na makatang pambansâ
sa daigdig, idolong dinarakilang sadyâ
wala ngang kamatayan ang ngalan niya't kathâ


Mga Pinaghalawan:

http://alexanderpushkin.com/content/view/16/39/
http://www.poemhunter.com/alexander-sergeyevich-pushkin/
http://en.wikipedia.org/wiki/Duelling_pistol
http://www.history.com/news/history-lists/8-legendary-duels
http://www.poetryloverspage.com/poets/pushkin/pushkin_ind.html
http://www.philippines.mid.ru/doc/Pushkin-in-Manila.htm
http://buhaymanilenyo.blogspot.com/

Sabado, Agosto 2, 2014

Makatang Pablo Neruda, namatay sa kanser o pinaslang?

MAKATANG PABLO NERUDA, NAMATAY SA KANSER O PINASLANG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Apatnapung taong singkad nang namayapa sa kanyang himlayan ang makatang si Pablo Neruda (Hulyo 12, 1904 - Setyembre 23, 1973), ngunit malaking kontrobersya hinggil sa pagkamatay niya ang yumanig sa mundo. Hindi raw namatay sa kanser si Pablo Neruda kundi siya raw ay nilason.

Kilalang makata si Pablo Neruda, hindi lamang sa kanyang bansa, kundi sa iba't ibang panig ng daigdig. Katunayan, mas nakilala ko siya nang ilathala sa ating bansa ang aklat na "Pablo Neruda, Mga Piling Tula" noong 2004. Isa itong proyekto ng pagsasalin ng mga makatang Filipino sa ating wika ng mga tula ni Neruda. Sina national artist Virgilio S. Almario at si UP Prof. Romulo P. Baquiran Jr. ang mga editor ng nasabing aklat.

Pablo Neruda ang sagisag-panulat ng Chilenong makatang si Neftali Ricardo Reyes Basoalto. Hinango umano niya ang sagisag-panulat niyang ito mula sa makatang Czech na si Jan Neruda. kasapi siya ng Partido Komunista ng Chile. Si Pablo Neruda ay nagawaran ng Lenin Peace Prize noong 1953 at nagkamit ng Nobel Prize for Literature noong 1971.

Kaya ang balitang pinalang si Neruda at hindi namatay sa kanser ay nakakabigla, lalo na sa mga umiidolo sa kanya bilang makata ng daigdig. Tinawag siyang "pinakadakilang makata ng ika-20 siglo sa anumang wika" ng namayapa nang nobelistang Colombianong si Gabriel Garcia Marquez.

Ayon kay Manuel Araya, na tsuper ni Neruda noon, pinaslang si Neruda. Inindyeksyunan umano ng lason ang makata habang nakaratay sa isang klinika. Ayon sa ilang ulat, isang misteryosong Mr. Price ang nag-indyeksyon, na sa ilang imbestigasyon ay sinasabing isang ahente ng CIA (Central Intelligence Agency).

Namatay si Neruda labindalawang araw matapos magtagumpay ang kudeta ni Heneral Augusto Pinochet, at mapatalsik ang sosyalistang pangulong si Salvador Allende. Ang makatang si Neruda ay isa sa matinding tumuligsa laban sa kudeta at kay Pinochet. Wala pang dalawang linggo ay namatay na ang makata. Plano pa naman umano niyang umalis ng bansa sa susunod na araw.

Dahil sa pagbubulgar na ito ni Araya, nagkainteres ang Partido Komunista ng Chile kaya't nanawagan ito ng muling pag-awtopsiya sa bangkay upang malaman ang totoo. May ikatlong partido umano ang sangkot, ayon kay Atty. Eduardo Contreras, abogado ng Partido Komunista ng Chile. Kaya nag-atas si Hukom Mario Carroza ng pagsusuri sa bangkay noong Pebrero 2013.

Gayunpaman, ayaw ng pinuno ng Pablo Neruda Foundation, na si Juan Agustin Figueroa, na muling hukayin ang bangkay upang suriin, dahil pagyurak umano ito sa alaala ng makata. Ang Pablo Neruda Foundation ay itinatag ng biyuda ni Pablo Neruda upang itaguyod at panatilihin ang pamana ng makata sa mga susunod na henerasyon.

Apatnapung taon nang naililibing ang makata, at sa haba ng panahong iyon ay tiyak na naagnas na ang kanyang bangkay. Kaya may agam-agam si Dr. Luis Ravanal na isang imbestigador mula sa Ombudsman ng Chile. Ayon sa kanya, "Napakabigat na salik ang panahon, dahil isang salik itong maaaring bumura sa ebidensya. Naaagnas ang laman, at sakali mang may gamiting lason sa pagkamatay ay maaaring wala na ring bakas."

Noong ika-8 ng Nobyembre 2013, matapos ang pitong buwan ng imbestigasyon ng 15-kataong bumubuo ng forensic team, ay inilabas nila ang resulta. Ayon kay Patricio Bustos, pinuno ng medical legal service ng Chile, walang anumang bakas ng kemikal o lason na maiuugnay sa pagkamatay ni Neruda.

Isang magaling na makata si Neruda na kinikilala sa daigdig, maging dito sa ating bansa. Dahil dito'y isinalin ko sa wikang Filipino ang dalawa niyang tula - ang Clenched Soul, na isang tula ng pag-ibig, at ang tulang Chant to Bolivar, na alay niya kay Simón Bolívar (1783 - 1830), isa sa mga magagaling na pinuno ng rebolusyon laban sa imperyo ng España, at nagsilbing inspirasyon ni Pangulong Hugo Chavez ng Venezuela at ng iba pang bansa sa Latino Amerika para sa rebolusyong Bolivariano. Kumatha na rin ako ng soneto hinggil sa kanyang pagkamatay.

KINUYOM NA DIWA
tula ni Pablo Neruda
salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kita’y nawala sa takipsilim
Ngayong gabi’y walang nakakita sa ating magkahawak-kamay
habang dumaratal sa mundo ang bughaw na magdamag.

Natanaw ko sa aking durungawan
ang pagdatal ng dilim sa kalapit lang na kabundukan.

Minsan ilang bahagi ng araw
ay sumusunog na tila barya sa aking kamay.

Dumadalaw ka sa gunita ng kuyom kong diwa
sa kalungkutan kong naaarok mo.

Nasaan ka ng mga panahong yaon?
Sino pa ang naroroon?
Anong ipinahahayag?
Bakit biglang dumatal sa akin ang kabuuan ng paggiliw
kung kailan ako malungkot at ramdam kong napakalayo mo?

Lumagpak ang aklat na laging pinid sa takipsilim
at ang bughaw na pangginaw ay nakatiklop
tulad ng nasaktang aso sa aking paanan.

Lagi, lagi kang lumilisan sa mga gabi
patungo sa takipsilim ng napapawing bantayog.

AWIT KAY BOLIVAR
tula ni Pablo Neruda
salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ama Namin, sumasalangit ka,
sa tubig, sa hangin
sa lahat ng aming tahimik at malawak na agwat
lahat ay nagtataglay ng iyong ngalan,
Ama sa aming tahanan:
ang ngalan mo'y nagpapatamis sa tubó
ang lata ni Bolivar ay may ningning ni Bolivar
lumilipad ang ibong Bolivar sa ibabaw ng bulkang Bolivar
ang patatas, ang salitre, ang mga aninong natatangi,
ang mga batis, ang mga ugat ng batong siklaban
ang lahat ay nagmula sa iyong pinuksang buhay
pamana mo ang mga ilog, kapatagan, batingaw sa moog
pamana mo ang aming kinakain sa araw-araw, O, Ama.

SA IYONG KAMATAYAN, KA PABLO NERUDA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang araw matapos ang kudeta ni Pinochet
noong ikaw ay pumanaw sa panahon ng lupit
ikaw ba'y talagang namatay sa kanser mong sakit?
o kaaway mo'y pinaslang ka sa matinding galit?

apatnapung taon nang ikaw sa mundo'y lumisan
nang binulgar ng tsuper mo ang nangyaring pagpaslang
kaylaki ng iyong pamanang sa mundo'y iniwan
kaya pagpaslang sa iyo'y walang kapatawaran

nakabibigla, ito nga'y malaking kontrobersya
hanggang hinukay ang iyong labi, inawtopsiya
anang pamahalaan, di ka pinaslang, Neruda
labi'y walang bakas ng lason, ayon sa kanila

mabuhay ka at ang iyong pamana sa daigdig
tula mo'y patuloy na babasahin, maririnig

Mga pinaghalawan: 
1. Poet's story becomes a murder mystery: Chile exhumes Pablo Neruda's remains http://edition.cnn.com/2013/04/08/world/americas/chile-neruda-investigation/
2. Pablo Neruda May Have Been Killed By a CIA Double Agent http://fusion.net/justice/story/pablo-neruda-killed-cia-double-agent-22544
3. 40 Years On, No Foul Play Found in Chilean Poet’s Death http://www.nytimes.com/2013/11/09/world/americas/chilean-poet-pablo-neruda-death.html?_r20
4. Pablo Neruda Died From Cancer, Not Poison: Chilean Officials http://www.ibtimes.com/pablo-neruda-died-cancer-not-poison-chilean-officials-1463028
5. Pablo Neruda http://en.wikipedia.org/wiki/Pablo_Neruda
6. Pablo Neruda : The Poetry Foundation www.poetryfoundation.org/bio/pablo-neruda
7. Pablo Neruda poems 'of extraordinary quality' discovered http://www.theguardian.com/books/2014/jun/19/pablo-neruda-poems-20-unseen
8. Poems of Pablo Neruda http://www.poemhunter.com/pablo-neruda/poems/

Biyernes, Agosto 1, 2014

Ang salitang "maralitang lungsod" sa KPML

ANG SALITANG "MARALITANG LUNGSOD" SA KPML
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mali daw ang salitang "maralitang lungsod", sabi ng isang kakilala. Syntax error daw ito. Pinupuna niya ang pangalan ng KPML, o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, o sa Ingles ay Congress of Unity of the Urban Poor, na kadalasang nababasa nila sa mga polyeto, pahayag, press statements, at press releases. Ito ang orihinal na pangalan ng KPML na makikita sa mga lumang dokumento nito. Ngunit minsan ay pinaghihiwalay pa namin ang salitang "maralitang lungsod" upang maging Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod, dahil hindi pa ito maipaliwanag noon ng maayos. Kailangang magsaliksik, kailangang maghanap ng angkop na paliwanag. Mali nga ba ang nagpasimula ng KPML sa kanilang inaprubahang pangalan nang itatag ito noong 1986?

Ayon sa aking kakilala, pag sinabing "maralitang lungsod", ito'y hindi tumutukoy sa tao, kundi sa uri ng lungsod. Sa ibang salita, ang "maralitang lungsod" ay katumbas ng salitang "mahirap na lungsod". Sa kanya, ang salitang "lungsod" ang pangngalan (noun) at ang salitang "maralita" ay pang-uri (adjective) na naglalarawan lamang sa lungsod. Kaya ang tama raw na salita ay "maralitang tagalungsod". Tagalungsod na walang gitling (-), na siyang tamang gamit, at hindi taga-lungsod. [Ginagamitan lang ng gitling ang "taga" pagkasunod ng pangngalang pantangi (proper noun), tulad ng pangalan ng lugar, halimbawa, taga-Maynila, taga-Antipolo, at hindi sa mga pangngalang pambalana (common noun), tulad ng tagalaba, tagaluto, tagapunas, tagabundok, taganayon, tagalungsod.] Ibig pa niyang sabihin, ang tamang salin sa wikang Filipino ng salitang "urban poor" ay "maralitang tagalungsod".

Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming hindi taga-KPML ang isinusulat ito na Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Tagalungsod. KPMT ito, at hindi KPML. Ang iba naman, para lumapat lang sa KPML ay isinusulat itong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang taga-Lungsod. Parehong mali. Hindi na sila nag-abala pang magtanong pa o magsaliksik. Mahilig sila sa akala.

Gayunman, kung sasang-ayunan natin ang aking kakilala na mali ang salitang "maralitang lungsod", mali na rin ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat" at "batang lansangan". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye".

Mali nga ba ang "maralitang lungsod"? Suriin natin.

Ang salitang "maralitang lungsod" ay binubuo ng dalawang salita. Ang una ay tungkol sa tao, at ang ikalawa ay tungkol sa lugar. Ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri, na salungat sa pagtingin ng aking kakilala. Tulad din ng mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye", ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri.

Ang maralita ay tao, na singkahulugan din ng salitang "mahirap". Ang mahirap ay maaaring tao o kalagayan. Mahirap ako, at mahirap ang buhay ko. Gayundin ang maralita. Nagdaralita ang maralita. Depende sa pagkakagamit.

Kung ang tama ay "maralitang tagalungsod", dapat ang "manggagawang bukid" ay "manggagawang tagabukid", ang "dalagang bukid" ay "dalagang tagabukid", ang "taong bundok" ay "taong tagabundok", ang "taong gubat" ay "taong tagagubat", ang "batang lansangan" ay "batang tagalansangan". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid" na dapat ay "paruparong tagabukid", "pusang bundok" na dapat ay "pusang tagabundok", at "asong kalye" na dapat ay "asong tagakalye".

At kung mangyayari ito, mababago na ang sadyang kahulugan ng mga nasabing salita. Ang manggagawang bukid ay mga trabahador sa bukid, na maaring hindi naman tagaroon, habang ang manggagawang tagabukid ay manggagawang doon na sa bukid nakatira. Ang dalagang bukid ay karaniwang tumutukoy sa magandang dalagang mahinhin at hindi makabasag pinggan, lalo na't sa lalawigan lumaki, na siya ring tinutukoy ng batikang manunulat na si Jun Cruz Reyes sa kanyang aklat-nobelang "Ang Huling Dalagang Bukid". Ang dalagang tagabukid ay tumutukoy lamang sa dalagang tagaroon sa bukid at hindi dahil sa kanyang kagandahan at kahinhinan. Iba naman ang isdang pinangalanang dalagangbukid na magkadikit ang dalawang salita.

Ang taong bundok ay tumutukoy sa mga maiilap na katutubong marahil ay nakabahag pa at may hawak na pana at sibat, at hindi simpleng tumutukoy lamang sa taong nakatira sa bundok. Ang mga rebelde ay nakatira sa bundok ngunit hindi naman sila tinatawag na taong bundok. Si Tarzan o ang katutubong si Og at si Barok ay taong gubat, at si Ka Berting ay taong tagagubat dahil doon na siya nakatira sa maliit niyang tahanan sa gubat. Bukod pa roon, hindi mo na gagamitin ang mga salitang "taong tagabundok" o "taong tagagubat", kundi simpleng "tagabundok" o "tagagubat", dahil tumutukoy na ito sa tao.

Ang batang lansangan ay tumutukoy sa mga batang gala, na kadalasan ay perwisyo sa komunidad, na maaaring nakatira sa isang barungbarong, at umuuwi lamang sa gabi, habang pag sinabing batang tagalansangan, ito'y tumutukoy sa batang nakatira sa lansangan. Dagdag pa, mali ang salitang "tagalansangan" dahil hindi naman tirahan ang lansangan.

May popular na katutubong awiting "Paruparong Bukid", na mahihirapan nang palitan ng "Paruparong Tagabukid" dahil klasiko na ang awiting ito. Bukod pa roon, bagamat nakikita ang paruparo sa bukid, hindi naman natin sinasabing ito'y tagabukid, dahil kadalasang tumutukoy lamang ang salitang "tagabukid" sa tao.

Ang "pusang bundok" ay tumutukoy sa mga maiilap na uri ng pusa na kadalasang matatagpuan lamang sa bundok, tulad ng musang at alamid, na kaiba sa mga pusang nakikita sa karaniwang bahay, habang ang pusang tagabundok naman ay maaaring tumutukoy sa mga karaniwang pusa sa bahay na nakatira sa isang bahay sa bundok.

Ang "asong kalye" ay tumutukoy sa asong gala at walang nag-aalaga, kaya palaboy-laboy sa kalsada, at ang asong tagakalye naman ay tumutukoy sa asong nakatira sa kalye. Gayunpaman, mali ang salitang "tagakalye", dahil hindi naman tirahan ang kalye. Sa lungsod ay nakapagtatayo ng bahay, ganoon din sa bukid, bundok, at gubat. Ngunit hindi naglalagay ng bahay sa lansangan o kalye kaya hindi ginagamit ang mga salitang tagalansangan at tagakalye, kahit sa mga dukhang nakatira pa sa kariton.

Ang "maralitang lungsod" ay tumutukoy sa mga maralitang hindi naman talaga tagalunsod, kundi mula sa pinanggalingang probinsya na kaya nagpunta ng lungsod ay dahil sa kahirapan ng buhay nila sa probinsya. Sa lungsod na nakipagsapalaran upang matamo ang kanilang pangarap na ginhawa. Nagkataon lamang na naroon na sila napatira sa lungsod, kaya tinawag na tagalungsod, na sa mas popular ay maralitang lungsod.

Ang mga salitang "maralitang lungsod", "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok", "asong kalye" at kapareho nito ay palasak na sa ating kamalayan bilang Pilipino, at nakaukit na sa ating kultura, pati na sa ating mga aklat at nakasulat na panitikan. Kaya nga palasak itong ginagamit ng mga Pilipino sa pang-araw-araw na buhay.

Umuunlad din ang mga salita, ngunit ang mahalaga’y nauunawaan natin kung paano ito ginagamit ng mga panahong iyon, na angkop pa rin at nagagamit pa natin sa ngayon. Tulad ng mga salita sa panahon nina Balagtas, ng Katipunan, panahon ng pananakop ng mga Kastila, Amerikano at Hapon, panahon ng batas-militar, hanggang sa kasalukuyan.

Mali nga ba ang salitang "maralitang lungsod"? Hindi. Tulad din ng hindi mali ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye". Hindi rin naman mali ang salitang "maralitang tagalungsod" dahil may mga maralita naman talagang nakatira na sa lungsod. Kaya depende sa gamit. Parehong tama at magagamit ang "maralitang lungsod" at "maralitang tagalungsod". May sariling syntax na kaiba sa Ingles ang wikang Filipino, at tila nagagamit ng aking kakilala ay ang gramatikong Ingles, at hindi ang balarilang Filipino sa pagsasabi niyang syntax error ang "maralitang lungsod". Kung alam lang sana niya ang balarilang Filipino ay mauunawaan niya kung bakit may salitang "maralitang lungsod".

Kaya hindi mali ang mga tagapagtatag ng KPML noong Disyembre 18, 1986, nang aprubahan nila ang pangalang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. At dahil walang mali sa salitang "maralitang lungsod", hindi rin mali kung patuloy nating ginagamit ang orihinal na pangalan ng KPML, kung saan tayo nakilala. Kung sakali man, ang ilulunsad na Kongreso ng KPML pa rin ang magbabago nito, bagamat nakilala na ang KPML sa orihinal nitong pangalan, at siyang ginagamit pa rin natin sa mga polyeto, at iba pang babasahin.