Huwebes, Agosto 21, 2014

Paunang Salita sa aklat na MASO, Ikaapat na Aklat

TATAGAN ANG PAGTANGAN SA MASO

Matagal nang hindi nakapaglathala ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa. Nalathala ang unang koleksyon noong 2006, ikalawang koleksyon noong 2007, at ikatlong koleksyon noong 2008. Anim na taon ang nakalipas, muli itong nalathala ngayong 2014. Bakit nagtagal nang ganoong panahon bago muling makapaglathala? Maraming salik.

Una, halos kakaunti na lang sa mga manggagawa ang nagsusulat ng panitikan, kaya mahirap silang makumbinsing magpasa ng akda. Marahil din naman, hindi naman ganoong kapopular ang ating aklat na MASO kahit na nakapaglathala na ito ng tatlong koleksyon ng panitikan. Kakaunting bilang ng aklat lamang ang nalalathala dahil na rin pultaym na aktibista ang nagpopondo, na kadalasang kapos din sa pangangailangan.

Ikalawa, hindi ito napagtuunan ng pansin dahil na rin sa bukod sa maraming gawain ay mas inasikaso ang mga blog ng panitikan sa internet, imbes na maglathala.

Ikatlo, nalunod sa bagyong Ondoy ang natitirang kopya ng Maso 1, 2 at 3, at pinatuyo na lamang ang mga iyon kahit hindi na nabubuklat dahil masisira. Pinatuyo at itinago bilang patunay ng nailathalang naunang tatlong isyu, na kung magkakaroon ng panustos na mas maalwan ay ilalathala muli ang tatlong iyon.

Ikaapat, mahirap mag-ipon ng akda ng mga makata't manunulat. Mabuti na lamang at nakumbinsi silang magsulat at naitatabi ko ng maayos ang kanilang mga ipinasang akda.

Mahalaga ang pag-iipon ng mga tula, sanaysay at maikling kwento ng mga aktibista't manggagawang nasa loob mismo ng isang kilusang mapagpalaya at naghahangad ng tunay na pagbabago, sa prinsipyo ng pagpapakatao at pagkakapantay sa lipunan, prinsipyong mawala na ang pagsasamantala ng tao sa tao, at prinsipyong itayo ang isang tunay na lipunang makatao, na iginagalang ang karapatan ng bawat isa, at nabubuhay ng may dangal.

Kaya kailangang magpatuloy. Hindi maaaring hindi malathala ang kanilang ipinasang mga akda. Ang kanilang mga inaambag at isinulat ay malaki nang kontribusyon sa panitikan ng uring manggagawa, hindi lang dito sa bansa, kundi maging sa iba pang panig ng daigdig.

Ang bawat akda’y inipon at pinagtiyagaang i-edit sa mga maling pagtipa sa kompyuter, ngunit hindi halos ginalaw ang buong akda upang kahit papaano’y madama ng mambabasa ang kaseryosohan ng umakda. Nilagay na rin ang petsa sa dulo ng bawat akda upang malaman ng mambabasa kung kailan ba ito nasulat, o naipasa sa inyong lingkod.

Halina't basahin natin at namnamin ang mga sakit at timyas ng panitik ng mga makata't manunulat na naririto. Lasapin natin ang tamis at pait ng kanilang danas, sakripisyo at tuwa. Damhin natin ang higpit ng kanilang panawagang pagkaisahin ang uri bilang malakas na pwersa sa pagbabago. Marahil ay matatagpuan din natin ang ating sarili sa mga sulating ito habang matatag nilang tangan ang maso ng pakikibaka, magtagumpay man sila o mabigo.

Paghandaan na natin ang ikalimang koleksyon ng panitikan - ang MASO 5 - kaya muli tayong kumatha at mag-ipon ng mga panitikang balang araw ay pakikinabangan din ng mga susunod na henerasyon. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Tagatipon at Editor ng MASO 4
Tagapamahala ng Aklatang Obrero Publishing Collective

21 Agosto 2014

Walang komento: