PAGMULAT AT PAGBANGON!
"Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno!" Ito'y ayon kay Pilosopo Tasyo sa Kabanata 25 ng Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Sinabi ito ni Pilosopo Tasyo nang mapuna ni Crisostomo Ibarra ang kanyang isinusulat sa baybayin (o unang sistema ng panulat ng ating mga ninuno), na tinawag na hiyeroglipiko ni Ibarra. Makahulugan ang sinabing ito ng matanda na nauukol pa rin hanggang sa panahong ito.
Siyang tunay. Mahirap matulog sa gitna ng panganib, sa gitna ng pagsasamantala ng naghaharing uri, sa gitna ng pananalasa ng bulok na sistema, sa gitna ng pagyurak sa dangal ng bayan, sa gitna ng kawalan ng paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa. Ngunit mas mahirap ang nagtutulug-tulugan. Tulad din ng mahirap ang magbulag-bulagan sa harap ng nagdudumilat na katotohanan ng karukhaan at kawalang katarungan. Tulad din ng mahirap ang magbingi-bingihan sa kabila ng dinig na dinig ang mga bulong ng pasakit, mga hinaing at hikbi ng mga nahihirapan at pinagsasamantalahan. Tanda ng kawalang pakialam sa kapwa ang pagtutulug-tulugan, at mas nais pang kunwari'y umidlip upang hindi mapansin ang mga suliranin sa paligid. Hindi lahat ay natutulog dahil may panahon ng pagbangon kahit sa kailaliman ng gabi upang iligtas ang bayan, ang kapwa, ang uri.
Ngunit sa paghikab, dahil na rin sa pagod sa maghapon, ay natutuluyan na tayong makatulog at managinip.
Pag hindi maganda ang ating panaginip, magmumulat agad tayo upang ang hininga'y habulin. Pagkat ang pangit na panaginip ay maaaring magdulot ng bangungot. Pangit ang ating mga nararanasan sa kasalukuyang sistema ng lipunan, kaya dapat tayong mamulat at magbangon upang palitan ito ng sistemang ang bawat isa'y magbibigayan ng ngiti, upang magkaroon ng sistemang wala nang pagsasamantala ng tao sa tao.
Magmumulat tayo't babangon upang yakapin ang isang magandang adhikain. Ang mabuting layunin para sa mas nakararami ay hindi kinakailangang balutan pa ng baluktot at tiwaling gawain.
Ang mga sanaysay na tinipon sa aklat na ito'y bunga ng mga siphayo, danas at pangarap upang magkaroon ng katiwasayan ang puso't isip, upang magbahagi sa kapwa, upang mamulat at bumangon din ang iba mula sa bangungot ng karukhaan dulot ng kapitalista't elitistang sistema na siyang naghahari sa kasalukuyang lipunan. Ang mga sanaysay na narito'y ambag sa kasalukuyan at mga susunod pang salinlahi, at siyang dahilan upang balikatin natin ang tungkuling baguhin ang lipunan at magkaisa tayo tungo sa tunay na kaunlaran ng lahat tungo sa pagpawi ng mga uri ng tao sa lipunan, upang magkaroon ng pantay na karapatan at mawala na ang pagsasamantala ng isa sa kanyang kapwa. Dapat ay hindi lamang iilan sa lipunan ang nagtatamasa kundi lahat ng mamamayan. Dapat wala nang sanlaksang dukha at iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan.
Nawa'y makatulong munti man ang mga sanaysay na narito sa ating pagbangon mula sa matagal na pagkakaidlip.
GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 25, 2014
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento