Sabado, Agosto 2, 2014

Makatang Pablo Neruda, namatay sa kanser o pinaslang?

MAKATANG PABLO NERUDA, NAMATAY SA KANSER O PINASLANG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Apatnapung taong singkad nang namayapa sa kanyang himlayan ang makatang si Pablo Neruda (Hulyo 12, 1904 - Setyembre 23, 1973), ngunit malaking kontrobersya hinggil sa pagkamatay niya ang yumanig sa mundo. Hindi raw namatay sa kanser si Pablo Neruda kundi siya raw ay nilason.

Kilalang makata si Pablo Neruda, hindi lamang sa kanyang bansa, kundi sa iba't ibang panig ng daigdig. Katunayan, mas nakilala ko siya nang ilathala sa ating bansa ang aklat na "Pablo Neruda, Mga Piling Tula" noong 2004. Isa itong proyekto ng pagsasalin ng mga makatang Filipino sa ating wika ng mga tula ni Neruda. Sina national artist Virgilio S. Almario at si UP Prof. Romulo P. Baquiran Jr. ang mga editor ng nasabing aklat.

Pablo Neruda ang sagisag-panulat ng Chilenong makatang si Neftali Ricardo Reyes Basoalto. Hinango umano niya ang sagisag-panulat niyang ito mula sa makatang Czech na si Jan Neruda. kasapi siya ng Partido Komunista ng Chile. Si Pablo Neruda ay nagawaran ng Lenin Peace Prize noong 1953 at nagkamit ng Nobel Prize for Literature noong 1971.

Kaya ang balitang pinalang si Neruda at hindi namatay sa kanser ay nakakabigla, lalo na sa mga umiidolo sa kanya bilang makata ng daigdig. Tinawag siyang "pinakadakilang makata ng ika-20 siglo sa anumang wika" ng namayapa nang nobelistang Colombianong si Gabriel Garcia Marquez.

Ayon kay Manuel Araya, na tsuper ni Neruda noon, pinaslang si Neruda. Inindyeksyunan umano ng lason ang makata habang nakaratay sa isang klinika. Ayon sa ilang ulat, isang misteryosong Mr. Price ang nag-indyeksyon, na sa ilang imbestigasyon ay sinasabing isang ahente ng CIA (Central Intelligence Agency).

Namatay si Neruda labindalawang araw matapos magtagumpay ang kudeta ni Heneral Augusto Pinochet, at mapatalsik ang sosyalistang pangulong si Salvador Allende. Ang makatang si Neruda ay isa sa matinding tumuligsa laban sa kudeta at kay Pinochet. Wala pang dalawang linggo ay namatay na ang makata. Plano pa naman umano niyang umalis ng bansa sa susunod na araw.

Dahil sa pagbubulgar na ito ni Araya, nagkainteres ang Partido Komunista ng Chile kaya't nanawagan ito ng muling pag-awtopsiya sa bangkay upang malaman ang totoo. May ikatlong partido umano ang sangkot, ayon kay Atty. Eduardo Contreras, abogado ng Partido Komunista ng Chile. Kaya nag-atas si Hukom Mario Carroza ng pagsusuri sa bangkay noong Pebrero 2013.

Gayunpaman, ayaw ng pinuno ng Pablo Neruda Foundation, na si Juan Agustin Figueroa, na muling hukayin ang bangkay upang suriin, dahil pagyurak umano ito sa alaala ng makata. Ang Pablo Neruda Foundation ay itinatag ng biyuda ni Pablo Neruda upang itaguyod at panatilihin ang pamana ng makata sa mga susunod na henerasyon.

Apatnapung taon nang naililibing ang makata, at sa haba ng panahong iyon ay tiyak na naagnas na ang kanyang bangkay. Kaya may agam-agam si Dr. Luis Ravanal na isang imbestigador mula sa Ombudsman ng Chile. Ayon sa kanya, "Napakabigat na salik ang panahon, dahil isang salik itong maaaring bumura sa ebidensya. Naaagnas ang laman, at sakali mang may gamiting lason sa pagkamatay ay maaaring wala na ring bakas."

Noong ika-8 ng Nobyembre 2013, matapos ang pitong buwan ng imbestigasyon ng 15-kataong bumubuo ng forensic team, ay inilabas nila ang resulta. Ayon kay Patricio Bustos, pinuno ng medical legal service ng Chile, walang anumang bakas ng kemikal o lason na maiuugnay sa pagkamatay ni Neruda.

Isang magaling na makata si Neruda na kinikilala sa daigdig, maging dito sa ating bansa. Dahil dito'y isinalin ko sa wikang Filipino ang dalawa niyang tula - ang Clenched Soul, na isang tula ng pag-ibig, at ang tulang Chant to Bolivar, na alay niya kay Simón Bolívar (1783 - 1830), isa sa mga magagaling na pinuno ng rebolusyon laban sa imperyo ng España, at nagsilbing inspirasyon ni Pangulong Hugo Chavez ng Venezuela at ng iba pang bansa sa Latino Amerika para sa rebolusyong Bolivariano. Kumatha na rin ako ng soneto hinggil sa kanyang pagkamatay.

KINUYOM NA DIWA
tula ni Pablo Neruda
salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kita’y nawala sa takipsilim
Ngayong gabi’y walang nakakita sa ating magkahawak-kamay
habang dumaratal sa mundo ang bughaw na magdamag.

Natanaw ko sa aking durungawan
ang pagdatal ng dilim sa kalapit lang na kabundukan.

Minsan ilang bahagi ng araw
ay sumusunog na tila barya sa aking kamay.

Dumadalaw ka sa gunita ng kuyom kong diwa
sa kalungkutan kong naaarok mo.

Nasaan ka ng mga panahong yaon?
Sino pa ang naroroon?
Anong ipinahahayag?
Bakit biglang dumatal sa akin ang kabuuan ng paggiliw
kung kailan ako malungkot at ramdam kong napakalayo mo?

Lumagpak ang aklat na laging pinid sa takipsilim
at ang bughaw na pangginaw ay nakatiklop
tulad ng nasaktang aso sa aking paanan.

Lagi, lagi kang lumilisan sa mga gabi
patungo sa takipsilim ng napapawing bantayog.

AWIT KAY BOLIVAR
tula ni Pablo Neruda
salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ama Namin, sumasalangit ka,
sa tubig, sa hangin
sa lahat ng aming tahimik at malawak na agwat
lahat ay nagtataglay ng iyong ngalan,
Ama sa aming tahanan:
ang ngalan mo'y nagpapatamis sa tubó
ang lata ni Bolivar ay may ningning ni Bolivar
lumilipad ang ibong Bolivar sa ibabaw ng bulkang Bolivar
ang patatas, ang salitre, ang mga aninong natatangi,
ang mga batis, ang mga ugat ng batong siklaban
ang lahat ay nagmula sa iyong pinuksang buhay
pamana mo ang mga ilog, kapatagan, batingaw sa moog
pamana mo ang aming kinakain sa araw-araw, O, Ama.

SA IYONG KAMATAYAN, KA PABLO NERUDA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang araw matapos ang kudeta ni Pinochet
noong ikaw ay pumanaw sa panahon ng lupit
ikaw ba'y talagang namatay sa kanser mong sakit?
o kaaway mo'y pinaslang ka sa matinding galit?

apatnapung taon nang ikaw sa mundo'y lumisan
nang binulgar ng tsuper mo ang nangyaring pagpaslang
kaylaki ng iyong pamanang sa mundo'y iniwan
kaya pagpaslang sa iyo'y walang kapatawaran

nakabibigla, ito nga'y malaking kontrobersya
hanggang hinukay ang iyong labi, inawtopsiya
anang pamahalaan, di ka pinaslang, Neruda
labi'y walang bakas ng lason, ayon sa kanila

mabuhay ka at ang iyong pamana sa daigdig
tula mo'y patuloy na babasahin, maririnig

Mga pinaghalawan: 
1. Poet's story becomes a murder mystery: Chile exhumes Pablo Neruda's remains http://edition.cnn.com/2013/04/08/world/americas/chile-neruda-investigation/
2. Pablo Neruda May Have Been Killed By a CIA Double Agent http://fusion.net/justice/story/pablo-neruda-killed-cia-double-agent-22544
3. 40 Years On, No Foul Play Found in Chilean Poet’s Death http://www.nytimes.com/2013/11/09/world/americas/chilean-poet-pablo-neruda-death.html?_r20
4. Pablo Neruda Died From Cancer, Not Poison: Chilean Officials http://www.ibtimes.com/pablo-neruda-died-cancer-not-poison-chilean-officials-1463028
5. Pablo Neruda http://en.wikipedia.org/wiki/Pablo_Neruda
6. Pablo Neruda : The Poetry Foundation www.poetryfoundation.org/bio/pablo-neruda
7. Pablo Neruda poems 'of extraordinary quality' discovered http://www.theguardian.com/books/2014/jun/19/pablo-neruda-poems-20-unseen
8. Poems of Pablo Neruda http://www.poemhunter.com/pablo-neruda/poems/

Walang komento: