Lunes, Agosto 4, 2014

Alexander Pushkin, ang makatang Ruso sa pusod ng Maynila

ALEXANDER PUSHKIN, ANG MAKATANG RUSO SA PUSOD NG MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Natsambahan ko lamang makunan ng litrato ang rebulto ni Alexander Pushkin sa Maynila. Si Pushkin ang pambansang makata ng Rusya na namatay sa isang duwelo sa baril.

Sa rebulto, makikitang si Pushkin ay nakatayo habang tangan sa kaliwang kamay ang isang tungkod. Ayon sa marker sa ibaba nito: "Alexander Pushkin (1799-1837), National Poet of Russia, Unveiled on 29 January 2010 to celebrate the friendship between the Filipino and Russian Peoples" at sa bandang itaas ng marker ay ang logo ng Lungsod ng Maynila.

Abril 27, 2014, araw ng Linggo, papunta ako noon sa Luneta para manood ng Concert at the Park. Mula Quiapo ay nilakad ko ang Sta. Cruz, McArthur Bridge, Liwasang Bonifacio, at pagkalampas ko ng Metropolitan Theater at terminal ng Park and Ride ay napansin ko ang kanyang rebulto.

Marami akong nakunang litrato nang araw na iyon - ang rebulto ni dating Manila Mayor Arsenio H. Lacson malapit sa simbahan ng Sta. Cruz, pati na ang malaking streamer na nakasulat ang paggunita sa ika-52 anibersaryo ng kamatayan ng dating Mayor; ang batong karatula (marker) hinggil sa Liwasang Bonifacio; ang rebulto ni Bonifacio na ang nasa ibaba ay marker sa wikang Filipino habang nasa likod ng rebulto ang marker sa wikang Ingles; at ang  rebulto't marker ni Leon Ma. Guerrero pagkalampas ng MET. Naka-upload sa blog na Buhay Manilenyo ang mga litratong ito.

Mga sampung metro mula sa rebulto ni Guerrero ay naroon ang rebulto ni Alexander Pushkin. Malapit na doon ang Universidad de Manila at ang Manila City Hall. Dadaanan muna ang Mehan Garden, kung saan naroon ang malaking rebulto ni Bonifacio at sa likod nito'y nakatitik ng malalaki ang Kartilya ng Katipunan. Ilang metro mula roon ay naroon naman ang rebulto ng Katipunerong si Gat Emilio Jacinto, rebolusyonaryo at makatang Pilipino.

Maaliwalas sa kinatitirikan ng rebulto ni Alexander Pushkin. Mapuno. Ang tanging ingay na karaniwang maririnig ay ang harurot ng mga dyip na papuntang Quiapo, at ang kwentuhan ng mga ilang nakatambay doon. May maliit na pwesto ang nagtitinda ng kung anu-ano, tulad ng tinapay, softdrinks, kendi at sigarilyo. Walang mauupuan kung sakaling magkaroon ng poetry reading dito. Kailangan ng payong sakali mang umulan.

Isa si Pushkin sa mga makata sa itinuturing na Gintong Panahon ng Panulaang Ruso. Isa rin siyang mandudula at nobelista. Ang kanyang mga sikat na akda ay ang Eugene Onegin, The Captain's Daughter, Boris Godunov, Ruslan, at Ludmila. Ang kanyang maybahay ay si Natalia Pushkina (1831–1837) at ang kanyang mga anak ay sina Maria, Alexander, Grigory, at Natalia. Nag-aral siya sa Tsarskoye Selo Lyceum.

Isinilang siya sa Moscow noong Hunyo 6, 1799 at namatay siya sa isang duwelo sa gulang na 37 noong Pebrero 10, 1837 sa Saint Petersburg sa Rusya. Hinggil sa kanyang pagkamatay sa duwelo, inilathala noong 1929 ng manunulat na Sobyet na si Leonid Grossman ang nobelang The d'Archiac Papers (Ang mga dokumento sa Archiac), kung saan ikinuwento nito ang pagkamatay ng makata mula sa pananaw ng isang kinatawan ng Pransyas, bilang isang kalahok at saksi sa nakamamatay na duwelong iyon. (Ang Archiac ay isang pamayanang Pranses sa rehiyon ng Poitou-Charentes sa timog-kanlurang Pransya.) Inilarawan sa aklat si Pushkin bilang isang biktima ng rehimen ng Tsar. Isinapelikula rin ang pagkamatay ni Pushkin sa palabas na Pushkin: The Last Duel (Pushkin: Ang Huling Duwelo) noong 2006. Ang direktor nito ay si Natalya Bondarchuk, at ang gumanap na Pushkin ay si Sergei Bezrukov.

Ayon sa Wikipedia, pangkaraniwan na ang duwelo sa mga prominenteng Rusong makata, manunulat, at pulitiko. Nakipagduwelo ng dalawampu't siyam (29) na beses ang makatang si Pushkin, na humamon sa maraming kilalang personalidad, bago siya napatay ni Georges d'Anthès sa isang duwelo noong 1837. Unti-unting nawala ang tradisyong duwelo sa Imperyong Rusya sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo.

Ipinaliwanag naman sa History.com ang totoong pangyayari sa likod ng duwelo. Umano'y matinding selos ang pinag-ugatan ng duwelo sa panahong namamayagpag pa si Pushkin. Nililigawan umano ng Pranses na si George d’Anthès ang magandang asawa ni Pushkin na si Natalya sa Saint Petersburg na ikinagalit ni Pushkin. Upang matapos na ang tsismis at upang mawala ang poot ni Pushkin, pinakasalan ni d’Anthès ang kapatid ni Natalya na si Ekaterina noong Enero 10, 1837 (sa kalendaryong Julian). Wala pang isang buwan, Enero 27, nagduwelo ang magbayaw. Nasugatan sa braso si d’Anthès, habang may tama naman ng bala sa tiyan si Pushkin at namatay makalipas ang dalawang araw. (Ang kamatayan ni Pushkin na Enero 29, 1837 sa kalendaryong Julian ay Pebrero 10, 1837 sa kalendaryong Gregorian na ginamit sa Rusya mula 1918. Sa kalendaryong Julian, isinilang si Pushkin noong Mayo 26, 1799.)

Maraming mga lugar ang ipinangalan kay Alexander Pushkin bilang papuri at pagdakila sa kanya. Noong 1937, sentenaryo ng kanyang kamatayan, ang kanyang tinubuang bayan ng Tsarskoye Selo ay pinangalanang Pushkin. Maraming museyo sa Rusya ang ipinangalan sa kanya, dalawa sa Moscow, isa sa Saint Petersburg, at ang Mikhailovskoye Pushkin State Museum.

Ipinangalan din sa kanya ang maliit na planetang 2208 Pushkin, na nadiskubre noong 1977 ng astronomong Sobyet na si Nikolai Stepanovich Chernykh. Pati na ang isang malaking lubak (crater) sa planetang Mercury ay ipinangalan din sa kanya. Nariyan din ang malaking barkong MS Alexandr Pushkin, ikalawang barkong Ruso ng klaseng Ivan Franko (na itinuturing ding ang klaseng "makata" o "manunulat"). Ipinangalan din sa kanya ang istasyon ng tren sa Tashkent, na siyang kapital ng bansang Uzbekistan, pati na ang Burol Pushkin at Lawa ng Pushkin sa Ben Nevis Township, Distrito ng Cochrane, sa Hilagang-silangang Ontario, Canada. Pinangunahan naman ng United Nations noong 2010 at ipinagdiriwang tuwing Hunyo 6 taun-taon, kasabay ng kaarawan ni Pushkin, ang Russian Language Day (Araw ng Wikang Ruso).

Ayon sa http://www.philippines.mid.ru/, ang rebulto ni Pushkin sa pusod ng Maynila ay ibinigay sa Pilipinas bilang patunay ng pagkakaibigan ng bansang Rusya at Pilipinas, at isang hakbang sa pagkilala sa ika-35 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa. Ang lumikha ng rebulto ay ang manlililok na Rusong si Grigory Pototsky, na kasapi sa International Union of Artists na nasa ilalim ng UNESCO at lumahok na sa mahigit isandaang eksibisyon ng sining mula pa noong 1985. Inihandog ni Pototsky ang nililok niyang rebulto ni Pushkin sa bansa.

Sa Hunyo 6, 2019 ang kanyang ika-220 kaarawan, habang sa Pebrero 10, 2017 ang ika-180 anibersaryo ng kanyang kamatayan. Magandang sa alinman sa mga araw na iyon ay mailathala siyang muli. At balak kong mailathala ang kanyang mga tula na isinalin sa wikang Filipino. At dahil nasimulan ko na ang pagsasalin sa kanyang mga tula ay itutuloy-tuloy ko na ito, upang maging isa nang ganap na proyekto. May 114 na tula si Pushkin na matatagpuan sa website na Poetry Lovers Page. Sapat na ang mga ito para sa proyektong pagsasalin, na dapat matapos dalawa't kalahating taon mula ngayon, Disyembre 2016 para sa paglulunsad sa Pebrero 10, 2017, o kaya'y limang taon mula ngayon para sa paglulunsad sa Hunyo 6, 2019.

Bilang pagpupugay sa makatang Pushkin, isinalin ko sa wikang Filipino ang dalawang piling tula ni Pushkin at naghandog na rin ako ng maikling tula para sa kanya.


O, MUSA NG MAPULA'T MAINIT NA PAG-UYAM
tula ni Alexander Pushkin
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

O, musa ng mapula't mainit na pag-uyam
Lumitaw ka sa agaran kong pambibighani
Di ko kailangan ang garalgal ng kudyapi
Latigo ni Juvenal ay ibigay sa akin!
Hindi sa mga tagasaling sukdol ang lamig,
O sa mga manggagayang payat at matapang,
Hindi sa mga tupang lumilikha ng tugma,
Kasabihang panata’y aking ipadadala!
Kapayapaan mo'y damhin, o, makata't sawi,
Ang mga aliping dungo sa pagkapahiya!
Ngunit kayong 'mabubuti', kayong palamara --
Hakbang pasulong!! Lahat ng bantay ng lapian
Ay hahatulan ko sa tulos ng kahihiyan,
At kung sakaling malimutan ko ang pangalan
Ng sinuman, mangyaring ako'y pakitulungan!
Kayraming mukha, mga mapuputla't magaspang
Kayraming noo, malalapad at tila tanso
Nakahanda silang tanggapin mula sa akin
Ang tatak, iyon nga kung mayroon ngang ganoon.

* Isinalin ni Yevgeny Bonver mula sa wikang Ruso tungo sa wikang Ingles, Disyembre, 1999


ANG MAKATA
tula ni Alexander Pushkin
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Bagamat hindi pa humihiling si Apollo
Ng makata sa isang sagradong sakripisyo
Sa mundong batuhan ng putik ang mga gulo
Ubod sama't walang awa niyang binalasa
Yaong banal niyang kudyaping laging payapa;
Nahihimbing ang kanyang diwa, at nanlalata
Sa gitna'y mga nuno sa mundo ng higante
Siya, marahil, ang pinakapandak na nuno.

Ngunit nang ang salita ng atas ng bathala
Sa kanyang tainga'y makarating, at listong lagi
Nagsimula na – ang puso ng makatang taal –
Tulad ng pagsisimula ng agilang gising.
Malungkot siya sa makamundong saya, tamad,
Iwas sa mga bulungang laging naglipana,
Nasa paanan ng iniidolo ng lahat
Di iniyuyukod ang ulo niyang palalo
Tumatakbo siya – yaong ilap, bagsik, gitla,
Puno ng kaguluhan, puno ng kaingayan –
Sa iniwanang katubigan ng mga pampang,
Sa kakahuyan, naglipana’t huni’y kaylakas.

* Isinalin ni Yevgeny Bonver mula sa wikang Ruso tungo sa wikang Ingles, Nobyembre, 2003


ALEXANDER PUSHKIN, MAKATANG RUSO SA MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang makatang si Pushkin, sa Maynila bumabâ
di ang anyong pisikal kundi kanyang gunitâ
bantayog ay naroon sapagkat ito'y tandâ
na Rusya't Pilipinas, magkaibigang bansâ

batikang manunulat si Alexander Pushkin
nobelistang maykatha nitong Eugene Onegin
Boris Godunov, Ruslan, tula't ibang sulatin
ay babasahing tiyak sa diwa nitong angkin

kinatha'y sari-sari, nagsabog ng liwanag
sa panitikan siya'y sadyang di matitinag
mga akdang may sinag tayong mababanaag
tula'y nagpapaningnging sa pagsintang kayrilag

nobelistang animo'y tandang kapag tumindig
ang mga katha'y punglong hindi matitigatig
ibang uring makatâ, di basta palulupig
ang tari'y pluma't baril na pawang magkasandig

dalawampu't siyam na duwelo'y nilabanan
di iyon balagtasan o anumang tulaan
nang baril na't di pluma ang kanyang tinanganan
punglo, di tula, yaong naghatid sa libingan

si Alexander Pushkin, pangunahing makatâ
sa Rusya'y itinuring na makatang pambansâ
sa daigdig, idolong dinarakilang sadyâ
wala ngang kamatayan ang ngalan niya't kathâ


Mga Pinaghalawan:

http://alexanderpushkin.com/content/view/16/39/
http://www.poemhunter.com/alexander-sergeyevich-pushkin/
http://en.wikipedia.org/wiki/Duelling_pistol
http://www.history.com/news/history-lists/8-legendary-duels
http://www.poetryloverspage.com/poets/pushkin/pushkin_ind.html
http://www.philippines.mid.ru/doc/Pushkin-in-Manila.htm
http://buhaymanilenyo.blogspot.com/

Walang komento: