LAKBAYAN – ISANG GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa ako sa mga sumama sa tatlong-araw na Lakbayan ng manggagawa mula Calamba, Laguna hanggang Liwasang Bonifacio noong Abril 29 hanggang Mayo 1, 2008. Pinangunahan ito ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino – Timog Katagalugan (BMP-TK). Layunin ng aktibidad na ito na ipakita sa buong bansa ang mga litaw na isyu ng manggagawa na karaniwang ipinagwawalang-bahala ng pamahalaan.
Gabi pa lamang ng Abril 28 ay bumiyahe na kami mula sa pambansang tanggapan ng BMP sa Barangay Silangang Kamias, sa Lunsod ng Quezon papuntang opisina ng BMP-TK sa Calamba sakay ng isang maliit na trak na naglalaman ng mga gagamitin sa Lakbayan, tulad ng dalawang speakers, mga watawat ng BMP, at mga kapatid na organisasyon, tulad ng Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), at iba pa. Alas-onse na kami nakaalis at nakarating kami ng bandang ika-12:30 ng madaling araw sa Calamba.
Umaga ng Abril 29, nagising ako bandang ika-5:30 ng umaga. Gising na rin ang ilan pang natulog sa opisina. Bandang ika-7nu, unti-unting nagdatingan ang mga manggagawang sasama sa Lakbayan. Bago magpormasyon para sa pagmartsa, inayos muna yung trak na ginamit namin kinagabihan at binihisan ito ng mga islogan na nakalagay sa tarpoulin. Inayos din ang sound system, at maganda naman ang tunog nito, rinig sa malayo. May itinalaga para sa pamimigay ng polyeto, may naghawak ng mga watawat ng organisasyon, at may mga maliliit na makukulay na papel na may islogan na idinikit sa patpat ng barbeque.
Ika-8nu nang kami’y magpormasyon sa labas ng tanggapan upang magsimula kaming maglakad. Nilibot muna namin ang paligid ng Calamba bago dumiretso sa
Bandang 12:30 na nang makarating kami sa Balibago Sports Center sa bayan ng Santa Rosa kung saan kami nananghalian. Ang kinain namin ay isang balot ng karneng manok at kanin.
Bandang ala-una y medya ng hapon nang magsimula muli kaming magpormasyon at maglakad. Ngunit dahil sa napakainit ng araw, marami ang nagpahinga sa hulihan. Kasama ako sa unahan hawak ang bandila ng KPML, ngunit kinakailangan kong paminsan-minsan magpahuli dahil kailangan ko ring makita kung ano na ang nangyayari sa likuran. Bilang dyarista, hindi ako dapat makuntento lamang sa paghawak ng bandila sa harapan ng bultong nagmamartsa.
Sa may bandang hulihan, marami ang nahuhuli sa paglalakad dahil na rin sa pagod, at sa sobrang init. Ang iba’y naghanap ng tubig, habang ang ilan naman ay nagpahinga sa lilim. Upang makahabol, sumakay ang iba sa jeep.
Bandang 3:30 nagpahinga ang bulto ng nagmamartsa sa may bandang Biñan, katapat ng isang puno. Mga kalahating oras kaming namahinga doon.
Alas-4, nagmartsa muli kami, at bandang ika-5:30 ng hapon nang makarating kami sa covered court ng Barangay _______, sa San Pedro, Laguna.
Abril 30, ika-6 ng umaga, nagising akong gising na ang lahat, at ako na lang ang nakahiga. Marahil dahil sa pagod kaya tinanghali na rin ako ng gising. Ang almusal namin ay tulad din ng kinain namin ng nakaraang gabi, isang balot na kanin at isang tinapa. Pagkakain, ang ilan ay naligo na, habang ang ilan naman ay ginawang plakard ang mga kartong hinigaan nila kinagabihan. Sinimulan nila ito sa pentel pen, habang ang ilang kasama, nang makita ang ginagawa ng mga maralita, ay kinuha ang pulang pinturang nasa trak, at ito ang ginamit sa ilan pang mga natitirang kartong ginawang plakard. Pinako nila ito sa ilang maiiksing kahoy na tila panggatong, tila mga pinagsibak-sibak na puno ng niyog.
Bandang ika-8 na ng umaga nang magpormasyong muli ang mga kasama. Mula sa San Pedro, nakarating kami ng Muntinlupa bandang ika-10:30 ng umaga. Nagkaroon ng kaunting programa roon at nagsalita ang mga sumalubong sa Lakbayan, tulad ni Tita Portia ng Gelmart at Ate Glo ng Novelty. Mula roon ay naglakad na kami sa bandang kanan ng South Superhighway at pagdating sa Sucat ay lumiko kami sa kaliwang bahagi ng South Superhighway hanggang sa makarating sa piketlayn ng Novelty.
Ika-1:15 na nang muli kaming magmartsa sa kainitan ng araw. Mula Novelty ay dinaanan namin ang pabrika ng Gelmart. Nakaabang na roon ang ilang mga kasamang sumalubong na rin sa amin.
Nagpatuloy kami sa paglalakad. Dumaan kami sa
Bandang 6:30 ng gabi, sumama sa aming pagmartsa ang mga kasapi ng KPP patungo sa covered court ng Barangay Pio del Pilar sa Makati. Doon kami naka-iskedyul na magpalipas ng gabi.
Ngunit ayon sa kapitan ng barangay, hindi nila alam ang aming pagdating, kaya’t hindi magagamit ang covered court. Nag-usap ngayon ang mga lider ng BMP hinggil dito. Gayunpaman, may itinurong isang bakanteng bahay ang kapitan malapit doon kung saan maari kaming magpalipas ng gabi. Ngunit ang sinasabing bakanteng bahay ay isang maliit na bahay lamang na di kami kasya lahat, bagamat may bakanteng lote na walang bubong. Ang problema sa bakanteng loteng ito, bukod sa walang ilaw, ay malalaki ang mga lamok nang maglatag kami ng banig at nagpahinga. Pakiramdam namin, magkakamalarya kami roon.
May ilang umuwi dahil malapit na lamang naman doon ang uwian. At babalik na lamang sila kinabukasan.
Sa mga karton muli kami natulog, pero sa labas na ng kalsada. May inihandang isang tolda doon na ang sukat ay mga 5sq m. Ang kinain namin sa hapunan ay pansit laga. Nagdatingan doon ang media at kinapanayam nila ang ating mga lider at kinunan ng video ang paligid.
Kinaumagahan, bandang ika-5 ng umaga ay gising na kami. Pupungas-pungas pa ang ilan nang dumating ang media at kinunan kami. Pati aming paghihilamos sa isang gripo sa labas ay kinunan din. Inalmusal namin ay pansit kanton at monay.
Bandang ika-7 ng umaga nang magsimula na kaming maglakad. Mula sa Barangay Pio sa Makati ay tumagos kami sa may Buendia. Nilakad namin hanggang Taft Avenue. Ngunit sa highway ay biglang namatay ang malaking speaker at hindi magawa agad, kaya ginamit muna namin habang naglalakad ang megaphone. Pagdating sa panulukan ng
Doon ay nakasalubong na namin ang iba’t ibang grupo ng manggagawa, kung saan doon na rin kami nagprograma.
Bandang ika-12 ng tanghali nang kami’y magmartsa patungong Mendiola. Binagtas namin mula Liwasang Bonifacio tungong
Nagkaroon ng maikling programa doon sa Mendiola, at nag-uwian na kami bandang alas-tres ng hapon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento