Oktubre 9, 2003: Ika-36 na anibersaryo ng pagkamatay ni Che Guevara
ni Greg Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, isyu Blg. 10, Oktubre 16-31, 2003, pahina 6
Madalas makitang suot ng maraming kabataan ang kulay pulang t-shirt na may mukha ni Che Guevara. Maraming nagsasabing myembro siya ng isang banda. Ngunit sino ba talaga siya?
Si Ernesto "Che" Guevara (1928-1967) ay itinuturing na bayani ng isang rebolusyon sa Latin Amerika - ang rebolusyong Cubano. Ipinanganak sa Rosario, Argentina, nakatanggap si Che ng medical degree mula sa University of Buenos Aires noong 1953. Ngunit agad siyang umalis ng Argentina upang hindi makapagsilbi sa army ni Juan Peron.
Naglibot si Che sa buong kontinente sa pagpunta sa Bolivia, Ecuador, Peru, Panama, Costa Rica at Guatemala. At dahil kumbinsido si Che na ang kalutasan sa panlipunang suliranin ng Timog Amerika ay isang rebolusyon, nagtungo siya sa Mexico noong 1954 kung saan sumama siya sa mga rebolusyong Cubano sa pangunguna ni Fidel Castro. Gumampan siya ng mahalagang papel sa pakikidigmang gerilya nina Fidel Castro sa Cuba (1956-1959) laban sa diktador ng Cuba na si Fulgencio Batista. Nang magtagumpay sina Fidel Castro na makuha ang kapangyarihan noong 1959, si Che ay itinalaga bilang ministro ng industriya mula 1961--1965. Noong 1965, nawala siya sa Cuba upang tulungan ang iba pang bansa sa paglaban sa imperyalismo kung saan man umiiral ito at isulong ang isang sosyalistang rebolusyon. Noong 1966, muli siyang lumitaw at ito'y bilang lider ng mga pesante at manggagawa sa Bolivia. Ngunit noong Oktubre 9, 1967, nahuli siya ng Bolivian army at napaslang malapit sa Vallegrande. Noon lamang Hulyo 1997 nakuha ang bangkay ni Che at iba pa niyang kasamahan at dinala ito sa Cuba.
Si Che, na may titulong Comandante, ay kinilala bilang master strategist at field commander ni Fidel Castro. Siya, na tinanganan ang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo, ay awtor din ng dalawang aklat hinggil sa pakikidigmang gerilya.
Napatay si Che Guevara upang maging martir ng rebolusyon. Ang kanyang halimbawa ay nagsisilbing ningas sa mas marami pa upang magpatuloy. Patay na ngayon si Che, ngunit dito ba natatapos ang kasaysayan niya bilang kaaway ng imperyalismo? O ito ang katapusan upang magsimula ng panibagong rebolusyon ang mga naiwang humahanga sa kanyang dedikasyon at prinsipyo para labanan ang imperyalismong salot sa buong mundo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento