Maikling Talambuhay ni Comandante Che Guevara
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Si Ernesto Guevara de la Serna, kilala sa tawag na Che Guevara o El Che ay isang Marxistang rebolusyonaryo, manggagamot, kilalang tao sa pulitika, ekonomista, at pinuno ng mga gerilyang Cubano at taga-iba pang bansa.
Isinilang si Guevara sa Rosario, Argentina, noong Hunyo14, 1928. Ang kanyang mga magulang ay sina Ernesto Guevara Lynch at Celia de la Serna y Llosa. May dalawa siyang kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae.
Bata pa si Guevara ay natutunan niya sa kanyang ama ang larong chess at lumahok siya sa mga patimpalak sa chess sa gulang na 12. Mahilig din siya sa tula at hinangaan niya ang mga tula ni Pablo Neruda, makatang taga-Chile. Masugid din siyang mambabasa at interesado niyang binasa ang mga klasiko nina Jack London, Emilio Salgari, at Jules Verne, mga sanaysay ni Sigmund Freud, at mga sulatin hinggil sa pilosopiya ni Bertrand Russell. Nang magbinata siya’y nakahiligan niya ang potograpiya, at naging abala sa pagkuha ng litrato ng iba’t ibang tao at lugar, pati mga pook-arkeolohikal sa kanyang mga paglalakbay.
Nag-aral si Guevara ng medisina sa Pamantasan ng Buenos Aires noong 1948, at habang estudyante pa siya’y naglakbay siya sa buong Amerika Latina. Noong 1951, kinausap siya ng nakatatandang kaibigang si Alberto Granado, isang biokemista, na magbakasyon muna ng isang taon sa pag-aaral ng medisina upang lakbayin ang pinag-usapan nilang pagtawid sa Timog Amerika. Mula sa kanilang bayan ng Alta Gracia, naglakbay sina Guevara at Granado sakay ng kanilang motorsiklong 1939 Norton 500 cc na pinangalanan nilang La Poderosa II (Ang Makapangyarihan, Ikalawa). Balak nilang magboluntaryo kahit ilang linggo lang sa kolonya ng mga ketongin sa San Pablo sa Peru sa dalampasigan ng Ilog Amazon. Itinala ni Guevara ang mga paglalakbay na ito sa kanyang sulating “Talaarawan sa Motorsiklo” (Motorcycle Diary) na nasalin sa wikang Ingles noong 1996 at ginamit noong 2004 bilang batayan sa pelikulang may ganoon ding pamagat, na dinirihe ni Walter Salles.
Bilang saksi sa laganap na kahirapan, paniniil at di pagkakapantay sa buong Amerika Latina, at dahil naimpluwensyahan na rin siya ng kanyang pagbabasa ng panitikang Marxista, napagtanto niyang malulunasan lamang ang di-pantay na kalagayang ito sa pamamagitan ng rebolusyon. Itinulak siya nito upang pag-aralan ang Marxismo.
Noong 1953, naglakbay si Guevara sa mga bansang Bolivia, Peru, Ecuador, Panama, Costa Rica, Nicaragua, Honduras at El Salvador. Sa mga huling araw ng Disyembre 1953 ay dumating siya sa Guatemala, at doo’y kanyang pinag-aralan ang mga ipinatutupad na reporma noon ni Pangulong Jacobo Arbenz Guzman. Habang nasa Guatemala, sumulat siya sa kanyang tiyahing si Tiya Beatriz, na ang sabi: “Dito sa Guatemala, aayusin ko ang aking sarili, at gagawin ang anumang dapat gawin upang maging isang tunay na rebolusyonaryo.”
Dito niya nakilala si Hilda Gadea Acosta, isang ekonomistang taga-Peru at kasapi ng American Popular Revolutionary Alliance (APRA), at sa kalaunan ay naging una niyang asawa. Marami pa siyang nakilala rito tulad ng mga kasamahan ni Fidel Castro, at tumulong din siya sa dalawang manggagamot na taga-Venezuela at ispesyalista sa malarya sa isang ospital. Dito siya sinimulang tawaging “Che” na ang kahulugan ay “pare, bay, bro, o igan”.
Umalis si Guevara sa Guatemala at nagpunta ng El Salvador upang kunin ang kanyang bagong visa, at bumalik sa Guatemala. Dito’y muntik nang bumagsak ang gobyerno ni Arbenz dahil sa paglusob ng grupo ni Carlos Castillo Armas, na suportado ng pwersang Amerikano. Sumali si Guevara sa komunistang militia na itinatag ng Communist Youth, ngunit agad din siyang bumalik sa panggagamot. Nais niyang magboluntaryong lumaban muli ngunit kumanlong na si Pangulong Arbenz sa embahada ng Mexico. Nakulong din dito si Gadea, habang nagkanlong naman si Guevara sa konsulada ng Argentina.
Sa pagbagsak ng gobyernong Arbenz sa pamamagitan ng kudeta, na nasa likod ay ang Central Intelligence Agency ng Amerika, napagtanto na ni Guevara na ang Estados Unidos bilang imperyalistang bansa ay mangwawasak ng iba pang bansang nagnanais wakasan ang anumang di-pagkakapantay na laganap sa Amerika Latina at iba pang di-pa-maunlad na bansa. Napagtanto rin niya ritong makakamit lamang ang pagbabago sa pamamagitan ng armadong pakikibaka na ipinagtatanggol ng armadong mamamayan.
Dumating si Guevara sa Mexico noong 1954, at nakipagkaibigan sa mga Cubanong itinapon doon at nakilala niya habang siya’y nasa Guatemala, tulad ni Nico Lopez. Noong 1955, ipinakilala siya ni Lopez kay Raul Castro, nakababatang kapatid ni Fidel Castro, na lider ng mga rebeldeng Cubano. Ilang linggo lamang, dumating si Fidel Castro sa Mexico matapos bigyan ng amnestiya sa Cuba, at gabi ng Hulyo 8, 1955, ipinakilala ni Raul si Guevara kay Fidel. Sa pag-uusap nila, nakumbinsi si Guevara na si Fidel Castro ang kanyang hinahanap na magaling na lider-rebolusyonaryo, at agad siyang sumapi sa grupo ni Fidel Castro, ang Kilusang Hulyo 26, na layuning patalsikin ang gobyerno ni Fulgencio Batista. Bagamat ang plano’y maging mediko siya ng grupo, lumahok din si Guevara sa pagsasanay-militar kasabay ng iba pang kasapi ng kilusan. Siya ang itinuring na pinakamagaling na istudyante ng kanilang guro na si Col. Alberto Bayo.
Dito’y dumating din sa Hilda Gadea mula sa Guatemala at muli silang nag-ugnayan ni Guevara. Nabuntis si Gadea kaya’t agad silang nagpakasal noong Agosto 18, 1955. Ang kanilang anak na babae ay isinilang noong Pebrero 15, 1956.
Nang ang barkong Granma ay umalis sa Tuxpan, Veracruz patungong Cuba noong Nobyembre 25, 1956, isa si Guevara sa apat na di Cubanong nakasakay doon. Pagdating sa Cuba, sinalakay agad sila ng tropa ni Batista at halos kalahati ng kanilang mga kasamahan ang nangamatay. Isinulat ni Guevara na sa labanang ito niya iniwan ang kanyang knapsack na naglalaman ng mga kagamitang medikal upang kunin ang naiwang armas ng tumatakas na kasama. Dito nagsimula ang transpormasyon niya bilang manggagamot at maging mandirigma. Nasa 15-20 rebelde lamang ang nakaligtas at lumikas sila patungong bundok ng Sierra Maestra upang maglunsad ng pakikidigmang gerilya laban sa rehimeng Batista.
Naging pinuno ng rebelde si Guevara na may ranggong Commandante (sa Ingles ay major), at nirespeto dahil sa kanyang katapangan at galing sa pakikipaglaban. Noong Marso 1958, itinalaga si Guevara para mamahala ng pagsasanay ng mga bagong kasapi sa kampong itinayo ng Kilusang Hulyo 26 sa Minas del Frio, na nasa itaas ng Sierra Maestra. Dito niya nakilala ang isang 18-anyos na si Zoila Rodriguez.
Sa mga huling araw ng Disyembre 1958, pinamunuan niya ang isang “suicide squad” sa pagsalakay sa Santa Clara na siyang isa sa pinakamatitinding pangyayari sa rebolusyon. Nang malaman ni Batista na ang kanyang mga heneral – lalo na si Heneral Cantillo na dumalaw kay Castro sa Central Oriente – ay nakikipag-usap ng kapayapaan sa lider-rebelde, agad umalis patungong Dominican Republic si Batista noong Enero 1, 1959.
Noong Pebrero 7, 1959, ipinahayag ng gobyerno na si Guevara ay isang “mamamayang Cubano” bilang pagkilala sa tagumpay ng rebolusyonaryong pwersa. Pagkatapos nito’y diniborsyo niya ang kanyang asawang si Gadea. Noong Hunyo 2, 1959, pinakasalan ni Guevara si Aleida March, isang Cubanong kasapi ng Kilusang Hulyo 26.
Naitalaga si Guevara bilang tagapamahala ng bilangguan ng La Cabaña Fortress sa loob ng limang buwan (mula Enero 2 hanggang Hunyo 12), at pinangasiwaan ang paglilitis, lalo na ng mga opisyal ng rehimeng Batista at mga kasapi ng “Bureau for the Repression of Communist Activities (isang lihim na yunit ng lokal na pulis na kilala sa daglat-Kastila nitong BRAC).
Kalaunan, si Guevara’y naging opisyal ng Pambansang Paaralan ng Repormang Agraryo at naging pangulo ng Pambansang Bangko ng Cuba. Siya ang lumalagda sa mga papeles ng bangko sa pamamagitan ng kanyang palayaw na ‘Che’ sa loob ng 14 na buwan. Hindi siya tumanggap ng sweldo sa kanyang posisyon bilang rebolusyonaryong halimbawa sa nakararami.
Sa panahong ito’y muling nanumbalik ang sigla niya sa larong chess at dumalo’t lumahok sa mga lokal at pandaigdigang paligsahan nito sa Cuba. Hinimok din niya ang kabataang Cubano sa larong ito.
Kahit sa unang bahagi ng 1959, tumutulong na rin si Che sa mga nagaganap na rebolusyon sa ibayong dagat. Una ay sa Panama, at ang isa’y sa Dominican Republic. Noong 1960, tumulong si Guevara sa mga biktima ng pagsabog ng barkong La Coubre na naglululan ng mga armas sa daungan ng bapor sa Havana. Naganap ang ikalawang pagsabog kung saan mahigit isandaan ang namatay. Sa pagpunta niya rito ay dito siya nakunan ng litrato ni Alberto Korda, kung saan ang litrato niyang iyon ang sumikat sa buong mundo.
Nagsilbi rin si Guevara bilang Ministro ng Industriya, kung saan dito niya binalangkas ang sosyalismong Cubano. Isinulat rin niya ang librong “Pakikidigmang Guerilla”. Malaki ang papel na ginampanan ni Guevara upang madala sa Cuba ang mga missile ng Unyong Soviet sa Cuba.
Matapos manilbihan sa ilang mahahalagang posisyon sa gobyerno at magsulat ng maraming lathalain at aklat hinggil sa teorya at praktika ng pakikidigmang gerilya, nilisan ni Guevara ang Cuba noong 1965. Layunin niyang dalhin ang rebolusyon, una, sa Congo-Kinshasa, at sumunod ay sa Bolivia.
Dumating ang grupo ni Guevara sa Congo noong Abril 25, 1965. Layunin dito ni Guevara na dalhin ang rebolusyong Cubano sa Congo, ngunit sila’y nabigo. Nakatala sa kanyang talaarawan na ang mga dahilan ng pagkabigo ay ang kawalang kakayanan at awayan ng mismong mga pwersang taga-Congo. Umalis ang grupo ni Guevara sa Congo at nagpunta sa Bolivia sa simula ng 1967.
Ang grupo ni Guevara, na tinawag na ELN (Ejercito de Liberacion Nacional de Bolivia, Pambansang Hukbong Mapagpalaya ng Bolivia), ay nagtagumpay sa ilang tunggalian laban sa hukbong Bolivian sa kabundukan ng Camiri.
Bagamat matindi ang karahasan ng digmaan, ginampanan pa rin ni Guevara ang pagiging manggagamot niya sa paggamot sa sugat ng mga sundalong Bolivian na nahuli nila, at pinalaya rin sa kalaunan. Gayunman, Setyembre ng taon ding yaon, napatay ng Hukbong Bolivian ang isa sa kanyang mga lider.
Nang malaman ng Bolivian Armed Forces, na suportado ng CIA at ng US Special Forces, noong Oktubre 8, 1967, ang kinaroroonan ng grupo ni Guevara, agad nilang pinaikutan ang mga ito. Pinamumunuan noon ni Guevara ang kanilang hanay kasama si Simeon Cuba Sarabia sa bangin ng Quebrada del Yuro nang pinaikutan sila ng Hukbong Bolivian. Nahuli si Guevara at ang kanyang pangkat. Dinala si Guevara sa isang sira-sira nang eskwelahan malapit sa nayon ng La Higuera, malapit sa Vallegrande, kung saan siya magdamag na ikinulong. Kinabukasan, Oktubre 9 ng hapon, siya’y binaril at napatay ni Mario Teran, isang sarhento ng Hukbong Bolivian. Ang paghahanap kay Guevara sa Bolivia ay pinamunuan ni Felix Rodriguez, isang operatiba ng CIA.
Nang siya’y mamatay, kinilala si Guevara ng mga kilusang rebolusyonaryo sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang litrato niyang kuha ni Alberto Korda ay pinarami at tinanggap na simbolo sa buong mundo. Ang larawan niyang ito ay itinuring ng Maryland Institute College of Art na “pinakasikat na litrato sa buong mundo at simbolo ng ika-20 dantaon.”
Tatlumpung taon makalipas, noong 1997, nahukay ang bangkay ng Che ng forensic team ng Cuba, kung saan tinukoy na ang kalansay na putol ang dalawang kamay ay kay Che, at ibinalik ito sa Cuba. Noong Oktubre 17, 1997, ang kanyang labi, pati na ng anim pa niyang mga kasamahang namatay kasama niya sa Bolivia, ay inilibing ng may ganap na karangalan sa isang ispesyal na itinayong mausoleo sa lunsod ng Santa Clara, kung saan siya maraming ipinanalo sa Rebolusyong Cubano.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento