ni Gregorio V. Bituin Jr.
ISA SI MACARIO SAKAY sa maraming bayaning Pilipinong hindi opisyal na kinikilala ng pamahalaan. Patunay dito ang wala man lamang kalsada o anumang monumento ng kadakilaan na itinatag para sa kanya. Isa nga alng bang bandido si Macario Sakay tulad ng ipinangangalandakan ng pamahalaang Amerikano noong umpisa ng ika-20 siglo, o si Macario Sakay ay isang bayaning Pilipino? Atin munang tunghayan ang kanyang kasaysayan.
Nagsimula ang Digmaang Pilipino-Amerikano nang magpaputok ng baril ang Amerikanong sundalong si Private Philip Grayson na ikinasawi ng isang Pilipinong sundalo noong Pebrero 4, 1899. Muling napalaban ang mga kawal na Pilipino, na pawang beterano ng digmaan laban sa mga Kastila. Dahil dito, nagpahayag ng malawakang digmaan ang militar ng Amerika laban sa mga Pilipino.
Ang pagkakahuli kay Emilio Aguinaldo sa Palanan, Isabela, noong Marso 23, 1901 ay hindi katapusan ng digmaan, bagkus ang natapos lamang ay ang pakikibaka ng mga elitistang Pilipino na karamihan ay nagsisuko. Nagpatuloy pa ang digmaan nang ang mga rebolusyonaryong kasapi ng Katipunan ni Bonifacio ay muling nagtipun-tipon upang labanan ang mga bagong mananakop. Ang mga nagpasimuno nito ay ang tinatawag na “Tunay na Katipunan” na pinamunuan ni Macario Sakay.
Si Macario Sakay, isang barbero mulang Tondo na nakasama nina Bonifacio at Jacinto sa mga panimulang pakikibaka ng Katipunan, ay kabilang sa mga nadakip sa pagsisimula ng digmaang Pilipino-Amerikano.
Ipinanganak si Sakay noong Marso 1, 1870 sa isang mag-asawang hindi kasal. At sinasabi ring ang kanyang apelyidong Sakay ay sa kanyang ina. Nagtrabaho siya sa pagawaan ng kalesa, mananahi at barbero, at gumanap din siyang aktor sa mga komedya at moro-moro. Dito’y nagkasama sina Sakay at Bonifacio na gumanap din sa mga palabas na moro-moro.
Noong 1894, sumapi si Sakay sa Katipunan, ang grupong itinatag ni Andres Bonifacio upang pagkaisahin at buuin ang bansa at labanan ang pananakop ng mga Kastila tungo sa kasarinlan ng bayan. Ang panawagan ng kalayaan ng Katipunan at ang Kartilya nito ay malaking tulong sa paghubog kay Sakay bilang lider-rebolusyonaryo.
Naitalaga si Sakay bilang pangulo ng Dapitan, na isang seksyon ng Katipunan, kaya’t direkta siyang nasa ilalim ng pamumuno ni Bonifacio. Naging ayudante rin siya ni Emilio Jacinto, ang sinasabing “Utak ng Katipunan.” At direkta siyang namamahagi ng pahayagang Kalayaan. Nang paslangim si Bonifacio noong Mayo 10, 1897, at nang bumagsak ang grupong Magdiwang kay Aguinaldo, nagpatuloy siya sa pagkalap ng mga tauhan para sa Katipunan na labas sa paksyon ni Aguinaldo.
Karamihan ng mga tauhan ni Bonifacio ay ibinaba ng ranggo ng mga lider-ilustrado.
Noong 1901, sa layuning makamtan ang adhikain ng Katipunan sa pamamagitan ng legal na pamamaraan, itinatag ang Partido Nacionalista na ang layunin ay kasarinlan ng bayan, at nahalal na pangkalahatang kalihim nito si Sakay. Sa ilalim ng liderato ng dalawang pangulo nito na sina Santiago Alvarez at Pascual Poblete, nirerepresenta nito ang paksyong Magdiwang-Katagalugan. Kinausap ni Poblete si William H. Taft, pinuno ng Philippine commission, upang kilalaning legal na samahan ang Partido Nacionalista.
Noong Agosto 21, 1901, itinatag ang Partido Nacionalista sa Maynila at idinaos ito sa Calle Gunao sa Quiapo, kung saan nahalal na pangkalahatang kalihim nito si Macario Sakay.
Narito ang talaan ng pamunuan ng bagong tatag na Partido Nacionalista
Mga Pangulo: Santiago Alvarez
Pangalawang Pangulo: Andres Villanueva
Pangkalahatang Kalihim: Macario Sakay
Mga Kagawad:
Francisco Carreon
Alejandro Santiago
Domingo Moriones
Aguedo del Rosario
Cenon Nicdao
Nicolas Rivera
Salustiano Cruz
Aurelio Tolentino
Pantaleon Torres
Valentin Diaz
Briccio Pantas
Lope K. Santos
Pio H. Santos
Valentin Solis
Jose Palma
Noong Nobyembre 2, 1901, isinulat nina Sakay ang burador ng Saligang Batas ng Partido Nacionalista bilang pagpapatunay ng kanilang layunin.
Pasko ng 1901 nang kanilang ratipikahan ang Konstitusyon at itinatag ang “gobyernong Katagalugan”, na nasa ilalim ng pamamahala ng pangulo-supremo, pangalawang pangulo, at bawat ministro sa mga Kagawaran ng Digma, Pamahalaan, Estado, Katarungan, Asyenda at Fomento. Sa 90 lumagda sa Konstitusyon, sampu ang nasa mayor na selula: Francisco Carreon, Alejandro Santiago, Cenon Nicdao, Domingo Moriones, Aguedo del Rosario, Nicolas Rivera, Salustiano Cruz, Patricio Belen, Feliciano Cruz at Pedro Mendiola. Ang naunang pito ang kumakatawan sa Katagalugan sa Komite Sentral ng Partido Nacionalista, at siya ring bumubuo ng junta suprema ng rebolusyonaryong gobyernong probisyonal nito.
Sina Macario Sakay at Francisco Carreon ang umokupa sa pinakamataas na katungkulan sa Presidencia Suprema ng bagong gobyernong KKK: Kataastaasang Kapulungan ng KKK. Si Macario Sakay ang naging bagong Bonifacio at si Francisco Carreon naman ang naging bagong Jacinto. Si Domingo Moriones ang naging Ministro ng Digma, si Alejandro Santiago bilang Ministro ng Gobyerno, ang Ministro ng Estado ay si Nicolas Rivera. At ang iba pang kasama sa “gabinete ng digmaan” ni Sakay ay napunuan ng mga taong kasama niya sa Partido Nacionalista.
Ngunit dahil ayaw ni Taft ng anumang uri ng kasarinlan ng Pilipinas, isinabatas nito ang Batas Sedisyon, na ipinagbawal ang anumang organisasyong nanawagan ng kalayaan tulad ng Partido Nacionalista.
Noong Enero 1902, nahuli at ikinulong sina Sakay at Nicdao. Hulyo 7 naman nahuli sina Aguedo del Rosario at Domingo Moriones.
Nakalaya sina Sakay at Nicdao nang magbigay ng amnestiya sa lahat ng mga Pilipinong “insurekto” si Pangulong Theodore Roosevelt ng Amerika. Pero hindi isinama sa amnestiya ang mga nakagawa ng krimen simula Mayo 1, 1902.
Dahil dito, iniwan na nina Sakay at ng mga kasapi ng Katagalugan ang legal na pamamaraan ng kasarinlan, kaya’t nagpatuloy sila sa pakikibaka laban sa mga Amerikano sa lalawigan ng Morong, ngayon ay Rizal. Sinikap niyang muling buhayin ang Katipunan sa Maynila kaya siya dinakip at ikinulong sa ilalim ng Batas Sedisyon. Pinalaya siya makaraang mabigyan ng amnestiya noong Hulyo 1902. Binalikan niya ang kanyang gawain sa Katipunan at namundok siya, hanggang pamunuan kalaunan ang mga gerilya sa lugar ng Rizal-Cavite-Laguna-Batangas.
Ipinagpatuloy nina Sakay ang Katipunan na pinasimulan ni Gat Andres Bonifacio. Matatandaang may kalatas na nagtatalaga kay Emilio Jacinto at may lagda ni Gat Andres Bonifacio na nakalagda bilang pangulo ng Haring Bayang Katagalugan. Nagsama-sama ang iba’t ibang pwersang lumalaban para sa kalayaan ng bayan, lalo na yaong nasa rehiyon ng Rizal-Cavite-Laguna-Batangas. Pinamunuan ang mga pwersang ito nina Macario Sakay, Julian Montalan at Cornelio Felizardo.
Noong Enero 1902, humigit-kumulang sa anim na organisadong grupo ang kumikilos sa Cavite lamang, pinakaprominente ang mga pinamumunuan nina Julian Montalan at Cornelio Felizardo. Maganda ang rekord ni Montalan bilang rebelde. Binanggit siya ni Ricarte sa talaarawan nito dahil sa kanyang paglahok sa pagsalakay sa Caridad at sa depensa sa Bacoor, Cavite. Dahil sa ganitong pagkilos, itinaas si Montalan sa ranggong medyor.
Ang iba’t ibang pangkat na ito ay nagsagawa ng mga operasyong gerilya sa Cavite at Batangas. Kahit nadakip ang marami sa kanilang mga kasama, nanatiling malaki ang grupo na sapat sa pagtatalaga ng hanggang 1,200 tropa ng gobyerno sa lugar na ito. Noong Setyembre ng 1904, ang iba’t ibang grupong lumalaban sa Cavite ay sumama sa grupo ni Macario Sakay na dumaan sa pakikipaglaban patungong timog hanggang makasanib ang pwersa ni Montalan.
Nang panahong ito, isang malaking bilang ng mga sundalo ng Konstabularya at Scouts ang ipinadala upang pahupain ang rebelyon sa Samar. Nagpasya sina Sakay, Montalan at Felizardo na tama ang pagkakataon para sa isang malawakang paglusob. Ngunit nag-organisa muna sila sa pormal na pagtatatag ng Republikang Pilipino o ang tinutukoy ni Sakay na Republikang Tagalog. Pinili nila si Sakay na mamuno sa kanilang kilusan nang may titulong Pangulo at binuo ang kanilang pamunuan.
Ang Pangalawang Pangulo ni Sakay ay si Francisco Carreon na naging konsehal ng unang Katipunan ni Bonifacio. Si Julian Montalan ang naging pangkalahatang tagapangasiwa ng mga operasyong militar nang may ranggong Tenyente Heneral. Nasa ilalim niya, bukod sa kanyang sariling personal na grupo, ang mga pangkat nina Kor. Ramos, Kor. Masigla at Ten. Kor. De Vega. Ang tatlong ito ay may hurisdiksyon sa halos buong Cavite hanggang silangang Batangas. Isa pang pangkat ngunit nasa ilalim din ng superbisyon ni Montalan ang kay Medyor Heneral Cornelio Felizardo na may dalawang grupong kumikilos sa lugar na Pasay-Bacoor sa hilagang bahagi ng Cavite.
Si Brig. Hen. Oruga ay may mga opisyales na kumilos sa iba’t ibang sektor: Kor. Villanueva sa Batangas, Ten. Kor. Vito sa rehiyon ng Lawang Taal, at Medyor Flores sa Laguna.
Buong-ingat na tiniyak ng grupo ang bilang ng mga tauhan at ang kani-kanilang mga ranggo na bubuo sa bawat subdibisyong militar mulang pinakamaliit na pangkat hanggang isang batalyon. Pumili rin sila ng mga kulay na magiging palatandaan ng pagkakaiba-iba ng mga sangay ng serbisyo, halimbawa’y kaibhan ng impanterya sa artilyera, mga inhinyero sa kwerpong medikal.
Ang republika ni Sakay ay may sariling konstitusyong ibinatay sa konstitusyon ng Katipunan.
Ang iba pang mga pangalang lumitaw sa nagsilagda sa konstitusyong ito ay ang kina Aguedo del Rosario na naging konsehal din ng Katipunan, Alejandro Santiago, isa pang konsehal ng Kataastaasang Sanggunian ng KKK, Nicolas Rivera, dating pangulo ng seksyong Catotohanan ng popular na konseho ng Tondo, at mga orihinal na myembro ng KKK na sina Salustiano Cruz, Justo Bautista, Pedro Mendiola, Feliciano Cruz, Jose Flores, at Benito Fernandes.
Noong Mayo 1902, kasama si Francisco Carreon bilang pangalawang pangulo at kalihim, nagpalabas si Sakay ng deklarasyon hinggil sa republikang kanyang pinamumunuan. Ito’y direktang kritisismo sa mga makasariling gawain ng mga nakaraang pamunuang ilustrado.
“Sa paghihimagsik na ginawa dito sa Pilipinas ay napagmalas sa lahat ng kababayan na ang di pagkakaisang loob, gawa ng paglingap sa pilak, sa yaman at karunungan, ay wala ang pagtatanggol sa kalahatan, at itinangi ang sariling katauhan. Sa ngayon ay minarapat nitong K. Pangasiwaan itong Kautusan sa kapanahunan ng pakikidigma.”
Sa mga digmaang ito sa Pilipinas, naging maliwanag sa ating mga kababayan na nawawala ang pagkakaisa ng kalooban, pagkat mas pinapansin ng mga tao ay pilak, pagpapayaman at edukasyon. Kaya walang handang ipagtanggol ang pangkalahatan. Kaya, minarapat ng Mataas na Kapulungan na ipahayag ang kautusang ito habang may digmaan. Napakahalaga ng pagkakaisa ng kalooban, na pinatutunayan ng pahayag sa saligang batas ng Republika ng Katagalugan:
“Sino mang Tagalog na anak dito sa Kapuluang Katagalugan, ay walang itatangi sino man tungkol sa dugo, gayon din sa balat ng isa’t isa; maputi, maitim, mayaman, dukha, marunong at mangmang. Lahat ay magkakapantay na walang higit at kulang. Dapat magkaisang loob, maaaring humigit sa dunong, sa yaman, sa ganda, datapwat hindi mahihigitan sa pagkatao ng sinuman, at sa paglilingkod ng kahit alin.”
Noong mga panahong yaon, ang pinatutungkulan ng Pilipino ay yaong mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas, habang ang mga katutubong Pilipino ay tinatawag na Indio. Kaya mas pinili nina Sakay na gamitin ang salitang Tagalog imbes na Pilipino. Ito’y pagpapatunay din ng pagtanggi nila sa kaisipang ilustrado na Pilipino. Kaya sa proklamasyong presidensyal na inilabas ni Sakay noong Mayo 6, 1902, kanyang idineklara:
“Ang mga nayon at bayan nitong Filipinas ay siyang tinatawag na Kapuluang Katagalugan, samakatwid baga, ay gaya ng Jolo, Mindanao, Kabisayaan, Kailokohan, at iba’t ibang lupa ay tunay na Tagalog.”
Ito’y hindi pwersa ng mga bandido’t kriminal, bagamat maraming bandido ang tumakbo kay Sakay upang takasan ang mga tauhan ng bagong tatag na Konstabularya. Tiniyak ni Sakay na umiiral ang disiplina sa kanyang mga nasasakupan, at tiniyak niyang may karampatang parusa sa mga nagkakasala. Sa sirkulo militar blg. 1, na inisyu noong Mayo 5, 1903, isinabatas ni Sakay na kamatayan ang parusa sa sinumang kawal ng rebolusyonaryong pamahalaan na napatunayang nagtaksil, nagnakaw at nanggahasa. Alam ni Sakay na tanging ang suporta ng masang nakapaligid sa kanila ang magtitiyak ng kanilang kaligtasan at marahil ng kanilang tagumpay.
Noong Mayo 8, 1903, nagsagawa ng patakaran si Sakay na nakaakit sa mga makabayan, maging sa mga bandido, upang sumapi sa kanyang hukbo. Sa pamamagitan ng Kautusang Presidensyal Blg. 2 ng araw ding yaon, ipinaalam niya sa taumbayan na tatanggap ang rebolusyonaryong gobyerno ng mga baril mula sa sinumang mamamayan basta’t ito’y magagamit pa at maaari pang ayusin. Kapalit nito, ang magbibigay ay bibigyan ng mataas na katungkulan sa rebolusyonaryong hukbo depende sa dami ng baril na kanyang iniambag. Ang ranggong tenyente ay igagawad sa makapagbibigay ng 10-15 baril, ranggong kapitan naman para sa 16-25 baril, medyor para sa 26-35 at koronel para sa 40-50.
Noong Abril hanggang Agosto ng 1903, nagtayo ng kampo si Sakay sa bundok ng San Cristobal at ipinahayag niya ang sarili bilang pangulo ng Republika ng Katagalugan. Noong Agosto, siya’y naitaboy sa paanan ng bundok ng Morong, kung saan patuloy siyang sinuportahan ng taumbayan. Dahil dito’y nagrereklamo na ang Konstabularya dahil sa patuloy na kooperasyon at suportang ibinibigay sa grupo ni Sakay ng mga namumuno sa munisipyo. Kaya inilikas ng mga Amerikano ang malaking bahagi ng populasyon at ginawang “kampong konsentrasyon”, “upang protektahan sila laban sa mga gerilya, ngunit sa katunayan ay maitaboy ang mga gerilya at mawalan sila ng suporta at kagamitan mula sa taumbayan.” Upang magpatuloy ang pakikipaglaban nina Sakay, inorganisa ang pag-aambag ng sampung-porsyento ng kita para sa kilusang gerilya. Kahit nang maitatag na ang gobyernong sibil ng mga Amerikano, patuloy pa rin ang boluntaryong pagsuporta sa grupo ni Sakay.
Hulyo 18, 1903, pinamunuan ni Gobernador Juan Cailles ng Laguna ang hukbo ni Sakay sa San Cristobal. Matapos ang maikling sagupaan, nakatakas sina Sakay papuntang Bundok Banahaw. At noong Agosto, mas malaking pwersa ang ipinadala ni Gobernador Cailles hanggang sa lisanin nina Sakay ang lalawigan ng Laguna.
Mula sa Bundok Banahaw, pumuslit si Sakay sa bandang Lawa ng Laguna, at nagbangka patungong lalawigan ng Rizal. Nagkampo na doon sina Sakay at doon ay nagpalabas siya ng mga kasulatan sa bundok na tinawag niyang Di-Masalang, na nasa pagitan ng Boso-boso at Tanay.
Di matunton ng Konstabularya at Scouts ang kinaroroonan ng punong-himplian nina Sakay. May mga ulat na nakikita ang Presidente Supremo sa iba’t ibang lugar, bagamat naroroon lamang sa kabundukang yaon ang punong-himpilan ng pamahalaan ng Katagalugan.
Noong 1904, lumaki ang pwersa ng Katagalugan sa Rizal, na labis na nakapagpabalisa sa mismong Amerikanong gobernador. Sa pagsisimula ng taon na yaon, nagbalik mula sa Hongkong si Artemio Ricarte, ang Vibora, at agad nagpadala ng sugo si Sakay upang sumangguni sa kanya sa Tondo. “Hinihintay ang tulong mo ng pamahalaang ito,” ang bati ni Sakay kay Ricarte sa liham na may lagda ni Sakay bilang Presidente Supremo ng Republika ng Katagalugan. Ngunit may sariling plano si Ricarte at ayaw niyang ipailalim ang kanyang mga plano kay Sakay.
Noong Abril 1904, nagpalabas si Sakay ng isang manipestong ipinadala sa lahat ng konsuladong dayuhan; isinaad niya ang makabayang paninindigan ng kanyang kilusan na labanan ang Estados Unidos upang ipagtanggol ang kasarinlan ng bansa. Idineklara ni Sakay na siya at ang kanyang mga tauhan ay tunay na rebolusyonaryo at hindi mga bandido lamang gaya ng paratang ng gobyernong Amerikano sapagkat sila ay may bandila, gobyerno at konstitusyon. Sa kaalinsabay na proklamasyon, nagpalabas si Sakay ng isang babala sa lahat ng hahamak sa teritoryo ng bansa.
Nakipagpulong si Sakay sa iba pang lider-gerilya. Napagkasunduan nilang pagkaisahin ang kanilang mga pwersa sa ilalim ng liderato ni Sakay bilang Pangulo ng Republika ng Katagalugan. Si Carreon pa rin ang ikalawang pangulo, si Julian Montalan ay naging Tenyente Heneral at siyang nakatalagang mamuno sa lahat ng operasyong militar. Sa ilalim ni Montalan ay sina Kor. Ramos. Kor. Masigla, at Tenyente Kor. De Vega. Kasama rin ni Montalan sina Medyor Heneral Cornelio Felizardo at Brigada Heneral Oruga.
Mayo 1904, natagpuan ng isang ispedisyon sa ilalim ng Amerikanong si Lieutenant Pitney ang isang kampo ng gerilya na 15 kilometro ang layo bandang hilaga ng Tanay, at nakapatay sila roon ng 19 na gerilya, ngunit nabigo silang matagpuan ang punong-himpilan ni Sakay na malapit lamang doon. Nagpadala ng mga espiya ang Konstabularya upang mangalap ng impormasyon at mang-intriga sa kampo ng mga gerilya. Nalinlang ng limang espiya ang ilang kapanalig ni Sakay upang pumasok ng Boso-boso, at apat sa mga ito ang nahuli ng pulisya. Bilang paghihiganti, dinukot nina Sakay ang pangulo ng Boso-boso.
Mulang Setyembre hanggang Disyembre, ang mga pwersa nina Montalan, Felizardo, Sakay, at Oruga, na nag-uugnayan na sa isa’t isa, ay pawang nagpalakas bilang preparasyon para sa isang malakihang pag-aalsa. Dahil alam nilang nakikipaglaban ang mga Amerikano at tropa ng Konstabularya sa Samar at Mindanao, napagpasyahan nila ang agarang pagsalakay sa mga kaaway. Nagsagawa sila ng mga pagsalakay sa Cavite at Batangas upang makapang-agaw ng mga baril at bala. Noong Disyembre 8, 1904, binihag ni Felizardo at ng kanyang pitumpu’t limang tauhan, na pwang nakasuot ng uniporme ng Konstabularya, ang garison sa Parañaque, Rizal at nakatangay sila ng maraming karbin, rebolber at bala.
Sumunod ang iba pang mga paglusob. Tatlong daang armadong lalaki ang sumamang sumalakay sa Malabon, karamihan sa kanila ang nakasuot uli ng uniporme ng Konstabularya. Kinuha nila ang lahat ng sandata ng Konstabularya at ng pulisya munisipal. Kinidnap din nila ang pamilya ni Gobernador Mariano Trias bilang ganti sa pakikipagsabwatan nito sa mga kaaway at sa pag-aresto sa mga pinagsusupetsahang sumusuporta sa mga gerilya. Ngunit nakuha din ng Konstabularya ang pamilya Trias sa kalaunan. Magugunitang naging gobernador si Trias sa ilalim ni Aguinaldo.
Nang siya ang naging unang sibilyang gobernador ng Cavite sa ilalim ng mga Amerikano, ipinag-utos niya ang pag-aresto sa apat na presidente ng bayan na hinihinalang nakipagtulungan sa mga gerilya.
Noong Enero 31, 1905, habang nakasuot ng uniporme ng Konstabularya, nilusob nina Montalan ang San Francisco de Malabon. Nadurog nila ang pwersa ng Konstabularya at nasamsam ang mga kagamitang pandigma ng mga ito.
Pinasugod sa lugar ang mga panaklolong pwersa ng Konstabularya at Scouts. Ipinalagay na kritikal ang sitwasyon, at labis ang naabot ng “kawalang-batas” upang mapilitang isuspinde ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus sa Cavite at Batangas. Kinailangan ang ganitong suspensyon, idineklara ng gobernador, dahil bago ito, maaaring makapagpiyansa ang nahuling “mga bandido”. Pagkaraa’y nawawala o tumatakas sila matapos takutin ang mga saksi laban sa kanila. Bukod pa, lubhang naabala sa mga kaso sa korte ang napakaraming opisyales ng Konstabularya na dapat sanang humahanap sa “mga tulisan”.
Nabigyan ba ng suporta ng masa ang mga pwersa nina Sakay, Montalan, Felizardo at ng kanilang mga tenyente? Napakaraming ebidensya rito. Una, tungkol sa suportang nagmula sa mga opisyal ng bayan at mga lider ng komunidad: sa naunang paglaban sa mga pangkat ng gerilya ng Cavite, si Kapitan Allen na hepe ng Konstabularya, ay sumulat sa Pangulo ng Estados Unidos na humihiling ng pagkumpiska sa ari-arian at lupain ng mga Pilipinong nakipagtulungan sa mga bandido. Nagreklamo ang Konstabularya kaugnay ng di-kukulangin sa dalawang ulit na pakikipagsagupa sa dalawang bayan na ang mga lokal na awtoridad ng munisipyo ay naging aktibo sa pag-ayuda sa “mga tulisan”.
Pangalawa, tungkol sa suporta ng masa: ang iba’t ibang hakbanging ipinatupad ng mga awtoridad ay nagpapakitang alam nilang may simpatya ang publiko sa mga rebelde. Ang relokasyon ng malalaking grupo ng mga magbubukid ay muling isinagawa upang umano’y pangalagaan sila laban sa mga gerilya. Ngunit ang totoo, nilalayon dito na maihiwalay ang mga gerilya at maipagkait sa kanila ang kanlungan kasama ng sambayanan at sa mga suplay mula sa mga tagasimpatya nila. Si Montalan, halimbawa, ay nag-organisa ng isang sistematikong porma ng pagbubuwis. Ang mga negosyante, magbubukid at manggagawa ay pawang nagbibigay ng may 10 porsyento ng kanilang kinita. Ilan ang maaaring nagbayad dahil sa takot ngunit mga Amerikano mismo ang umaming kahit noong makaraang naitatag ang pamahalaang sibil, nagpatuloy ang sistema ng boluntaryong kontribusyon sa mga pwersang gerilya.
Malimit ireklamo ng Konstabularya na di epektibo ang kanilang mga kordon. Ang pinakamadaling dahilan ng pagkabigo ng gayong mga hakbangin ay ang pangyayaring nakalusot ang mga gerilya sa tulong ng mga lihim na tagasuporta. Sa ganitong konteksto, ang suspensyon ng writ of habeas corpus mismo ay isa ring hakbang laban sa sambayanang sumuporta sa mga gerilya.
Isang naiibang pamamaraan ng ilang gerilya sa pagkuha ng kanilang sandata ang naisagawa sa tulong ng “mga batang mutsatso” ng mga Amerikano. Ilang alilang Pilipino na nagtrabaho sa bahay ng mga Amerikano ang nagnakaw ng kagamitang militar ng mga ito. Ang mga baril at bala ay nagpalipat-lipat sa iba’t ibang kamay hanggang makaabot sa talagang dapat karatingan. Isa sa gayong katulong ang nahuling may dalang isang bunton ng “100 rolyo ng mga bala ng Krag-Jorgensen, 404 rolyo ng kalibre.45, libinsiyam na rolyo ng kalibre.38 at apatnapu’t isang rolyo ng bala ng ripleng Springfield” na nakalaan para sa mga gerilya ng Cavite.
Inamin ng Konstabularya na may napakabisang sistema ng seguridad at paniniktik ang mga kalabang grupo. Gumamit sila ng mga espiya sa loob ng mga pwersa ng gobyerno para sa pangangalap at para matantya ang oras ng kanilang pagsalakay sa mga kwartel ng Konstabularya at pwesto ng Scout. Maging para sa layuning pagsalakay o pagtatanggol, napakalaki ng naitulong ng sambayanan sa mga gerilya.
Isang aspekto ng pakikibaka ng grupong Sakay ang dapat pansinin: ang kanilang pakikidigma laban sa kaaway ay lubhang kakaiba sa pakikipaglabang isinagawa ni Aguinaldo, na sobrang nangalaga sa kanyang reputasyong pandaigdig, mapagbigay sa mga bilanggong kaaway, agad pumapayag sa mga negosasyon at bantulot hinggil sa kolaborasyon. Ang mga mandirigmang Sakay – at ganito rin humigit-kumulang ang ibang grupo – ay hindi nagtiwala sa mga kaaway, pumayag lamang sa negosasyon upang samantalahin ito, at gumamit ng lahat ng halimbawa ng panlalansi upang mabawasan ang bentahe ng kaaway sa sandata at sa dami.
Kaya nga ang mga gerilya ay pumapayag na sumuko makaraan ang takdang taning ng pagtitigil ng putukan ngunit ginagamit ang pamamahinga upang makapagtipon ng mga suplay, magreorganisa, mangalap at muling makapag-armas. Ginamit nila ang uniporme ng Konstabularya upang lituhin ang kanilang kaaway; maingat nilang itinakda ang kanilang pagsalakay sa pagitan ng dapithapon at oras ng pagtulog sa sandaling ang mga sundalo at ang kanilang opisyales ay karaniwang nakakalat sa kabayanan sa paghahanap ng mapaglilibangan.
Ngunit ang pinakamalaking pagkakaiba nito sa digmaang ilustrado ay nasa pakikitungo sa mga naging kasabwat ng kaaway. Si Sakay ay nagpalabas ng kautusan na arestuhin at hatulan ng sapilitang patrabaho ang lahat ng mga taong may kakayahang makapagbigay ng suporta sa mga gerilya ngunit tumangging gawin ito. Nag-atas umano siya na nararapat sunugin ang mga bayan-bayan na ang mga residente ay tumangging patuluyin ang mga pwersang rebelde na tinutugis ng mga kaaway.
Sa mga madarakip na impormante at espiya, ang parusa ay kamatayan. Maraming opisyales na hinirang ng mga Amerikano ang nilikida. Ang mga hinihinalang nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga gerilya ay pinahihirapan. Ilan ang tinanggalan ng kanilang ng kanilang mga labi at tenga saka pinakawalan upang ang kanilang sinapit ay magsilbing babala at panakot sa iba. Dalawang lihim na ahenteng dating gerilya at may kagagawan ng pagkabilanggo ng mga dati nilang kasama ang pinahirapan at binitay sa utos ni Montalan.
Walang panama ang mga gerilya sa pinagsamang lakas ng Konstabularya, Philippine Scouts at mga elemento ng hukbong Amerikano. Gayunman, gumamit pa rin ang gobyerno ng tatlong libong sundalo na aktibong nakipaglaban sa loob ng dalawang taon upang tapusin ang nakikidigmang mga pwersa ni Sakay. Sa ganitong pangyayari, muling isinagawa ng mga Amerikano ang rekonsentrasyon sa apat na lalawigan, sinuspinde ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus at nagdala pa nga ng mga Muslim mula Jolo at mga asong pangaso ng hukbo mula California upang tuntunin ang mga gerilya. Aktibo ang mga lihim na grupong tagamanman maging sa Maynila at dito nila nadakip ang isa sa mga opisyal ni Montalan, si dating Heneral Simeon Basa na nagbibigay ng impormasyon sa mga gerilya habang nagtatrabaho bilang dibuhante sa isang opisina ng gobyerno.
Isinagawa ang mga malawak at masugid na kampanya laban sa magkakahiwalay na mga pangkat upang hadlangan ang bawat partikular na target sa pag-anib sa iba pang pangkat na kalauna’y nakapagpabawas sa kanilang mga bilang. Nang sumuko si Heneral Oruga noong Abril 28, 1905, mayroon lamang siyang pitong tauhan at kaunting armas.
Sumuko siya kay Gobernador Juan Cailles ng Laguna, ang dating Heneral Cailles na pinaglingkuran ni Oruga noong Rebolusyon.
Nagpatuloy sa paglaban si Felizardo hanggang sa anim na tauhan ang natira sa kanyang pwersa. Siya mismo ay ilang ulit nasugatan ngunit nagawa niyang makaiwas sa Konstabularya hanggang sa ipadala ni Cailles ang dalawang Konstableng nagkunwang bumaligtad upang umanib sa kanyang pangkat. Nilaslas ng dalawang ito ang lalamunan ni Felizardo, dinala ang kanyang bangkay sa mga Amerikano, at tumanggap sila ng pabuyang P5,000.
Dahil sa natatanggap na malawakang suporta ng taumbayan kina Sakay, nagplano ang mga awtoridad na Amerikano. Kinailangang muling gumamit ng panlilinlang sa mas malawakang paraan at paglahok ng pinakamatataas na mga pinunong Amerikano upang matiyak ang wakas ng Republika ng Katagalugan.
Sa kalagitnaan ng 1905, binigyan ng awtorisasyon ni Gobernador Heneral Henry C. Ide si Dr. Dominador Gomez, lider ng Union Obrera Democratica de Filipinas, upang makipag-negosasyon kay Sakay para sa pagsuko nito, ng kanyang mga opisyal at mga tauhan. Sa pakikipag-usap kay Sakay sa kampo nito sa bundok, ikinatwiran ni Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang bumabalam sa pagtatatag ng isang pambansang asamblea. Ang asambleang ito ang magsisilbing sanayan sa nagsasariling gobyerno ng mga Pilipino at unang hakbang tungo sa pagkakamit ng kasarinlan.
Pumayag si Sakay na wakasan ang kanyang paglaban sa kondisyon na isang pangkalahatang amnestiya ang ipagkaloob sa kanyang mga tauhan, payagan silang makapagdala ng baril at pahintulutan siya at ang kanyang mga tauhan na makalabas ng bansa nang tiyak ang personal na kaligtasan. Tiniyak ni Gomez kay Sakay na ang kanyang kondisyones ay tatanggapin ng mga Amerikano. Ipinabatid naman ng gobernador heneral ang kanyang pagpayag sa kondisyones na ito nang makipag-usap siya sa emisaryo ni Sakay na si Heneral Leon Villafuerte.
Noong Hulyo 14, 1906, umalis si Sakay sa kanyang punong-himpilan sa kabundukan ng Tanay at nagtungo sa Maynila kasama sina Carreon, Montalan at Villafuerte. Ang tanggapan ng Provost Marshall na Amerikano ang nagbigay ng conduct pass sa kanila.
Sinalubong ng mga mamamayan ng Maynila ang popular na lider ng gerilya; inimbitahan siya sa mga pagtitipon at mga bangkete. Isang imbitasyon ang nagmula kay Kor. Bangholtz na kasama ni Gomez sa pakikipagnegosasyon. Inimbita ni Bandholtz si Sakay, ang kanyang mga pangunahing tenyente at si Dr. Gomez sa isang handaan sa Cavite sa tirahan ni Gobernador Van Schaik ng Cavite.
Habang nagaganap ang pagtitipon, isang kapitang Amerikano ang sumunggab kay Sakay at dinisarmahan siya. Inalisan ng sandata ang mga opisyal ni Sakay makaraang sabihin sa kanila ni Gomez na walang saysay ang manlaban dahil napapaligiran ng mga sundalo ang bahay.
Sina Heneral Macario Sakay at ang kanyang mga kasamahan ay pinosasan at dinala sa Maynila bilang mga bilanggo. Ilang araw lamang ay nagsimula na ang paglilitis, na nagdala sa kanila sa iba’t ibang lugar sa Rizal, Bulacan, Laguna, Batangas at Cavite kung saan naganap ang mga akusasyon laban sa kanila. Ang kanilang mayor na kaso ay panunulisan o bandolerismo, na may parusang kamatayan ayon sa Batas Panunulisan ng 1902 (Bandolerismo Act of 1902).
Inihabla si Sakay at ang kanyang mga opisyal ng panunulisan at inakusahan ng lahat ng uri ng krimen tulad ng pagnanakaw, panggagahasa, pagkidnap at pamamaslang. Ang paglilitis, na dinaluhan ng napakaraming interesadong manonood, ay pinangunahan ni Hukom Ignacio Villamor na naging Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas at kalaunang mahistrado ng Korte Suprema. Ang manananggol sa panig ni Sakay ay sina Felipe Buencamino, Sr., Ramon Diokno at Julian Gerona (na dating dineport mula sa Guam).
Noong Agosto 6, 1907, hinatulan ng bitay sina Sakay at De Vega. Sinentensyahan ang iba ng matagalang pagkabilanggo at pinatawad ng pangulo sa kalaunan sina Montalan at Villafuerte.
Noong Setyembre 13, 1907, araw ng Byernes Santo, inilabas sina Hen. Macario L. Sakay at Kor. Lucio De Vega mula sa kanilang piitang Bilibid upang bitayin. Habang nakatayo sa bibitayan sa plasa ng bilangguan, buong lakas na isinigaw ni Heneral Sakay:
“Ang kamatayan ay dumarating sa ating lahat sa laon at madali, kaya mahinahon kong haharapin ang Panginoong Maykapangyarihan. Ngunit nais kong sabihin sa inyo na hindi kami mga bandido at magnanakaw, gaya ng pag-akusa sa amin ng mga Amerikano, kundi mga myembro ng pwersang rebolusyonaryo na nagtanggol sa ating Inang Bayan! Paalam! Mabuhay ang Republika at maisilang nawa sa panahong hinaharap ang ating kasarinlan! Paalam!”
Pagkaraan nito’y humarap na si Sakay sa berdugong Amerikano. Isang maliit na grupo lamang ng mga gwardiya at kawani ng bilangguan ang sumaksi sa huling sandali ng isang matapang na bayani. Kasama sa naging saksi ay isang reporter ng Manila Times. Ayon sa ilan pang ulat, bago sila bitayin, nagrali sa harap ng Malacanang ang mga taga-Maynila upang i-protesta ang pagbitay sa dalawa.
Ngunit hindi nakinig ang Amerikanong Gobernador Heneral. Nagtangka silang muli sa Bilibid na kunin ang bangkay ng dalawa upang takpan ng watawat ng Katipunan, ngunit muli silang hinarang ng mga awtoridad ng Bilibid.
Pinaghalawan:
Bandoleros: Outlawed Guerillas of the Philippine-American War 1903-1907, by Orlino A. Ochosa
Macario Sakay: Tulisan or Patriot, by Paul Flores
Ang Bagong Lumipas, by Renato Constantino
https://www.slideshare.net/jgtlomaad/macario-sakay-9130712
Mga Kaso sa Korte Suprema, United States v. Macario Sakay, et al, tulad ng General Register (G.R.) No. 1669 January 4, 1905; GR No. L-3556 July 13, 1907; GR No. 3621 July 26, 1907; GR No. L-3476. July 25, 1907; at GR No. L-3431. July 27, 1907.